“Ano ba talaga ang meron?” muling tanong ni Roselle, bahagyang nakapamewang habang salitan ang tingin kina Meriam at Lawrence.
Nagkatinginan ang dalawa. Saglit lamang iyon, ngunit sa loob ng ilang segundo ay tila huminto ang mundo ni Meriam. Naroon ang kaba, ang saya, at ang takot—takot na baka sa isang iglap ay magbago ang lahat.
Mahigpit niyang kinagat ang kanyang ibabang labi bago huminga nang malalim. Ramdam niyang bahagyang humigpit ang hawak ni Lawrence sa kanyang kamay—isang tahimik na paalala na hindi siya nag-iisa.
Sabay silang nagsalita.
“Kami na…
Hindi agad nagsalita si Roselle. Nanatili lamang siyang nakatitig sa kanilang dalawa—sa magkahawak na kamay, sa mga matang puno ng kilig, at sa ngiting pilit ikinukubli ang kaba.
Sa loob ng ilang segundo, hindi malaman ni Meriam kung ano ang iisipin.
Magagalit ba siya? Tututol ba siya?
Maya-maya, ngumiti si Roselle.
“Kailan pa?” tanong nito, may halong biro sa boses. “Ang daya niyo ha. Hindi niyo man lang sinabi sa akin na nagkaka-inlove-ban na pala kayong dalawa.”
Halos sabay na napabuntong-hininga sina Meriam at Lawrence. Lalo na si Meriam—parang nabunutan siya ng tinik sa dibdib.
Bahagyang itinaas ni Lawrence Ang magkahawak kamay nila ni Meriam, parang ipinagmamalaki.
“Ang totoo, Bes,” masiglang sabi ni Lawrence, “kanina ko lang natanggap ang matamis niyang ‘oo’.”
Huminto siya sandali bago ngumiti nang mas malapad.
“Ng aking mahal.”
Binibigyang-diin niya ang salitang mahal, dahilan para uminit ang pisngi ni Meriam. Napayuko siya, ngunit hindi maitago ang ngiti.
“Well,” wika ni Roselle, tumango-tango, “sa totoo lang, bagay naman talaga kayong dalawa.”
Ngumiti siya, ngunit lihim na napatingin sa kamay ni Meriam na hawak ni Lawrence.
“At masaya ako dahil kayo na. Ako ang pinakamasayang bes niyo, dahil sa wakas nagkatotoo na rin ang palagi kong panunukso sa inyo.”
Napatawa sina Meriam at Lawrence. Ngunit sa loob-loob ni Meriam, may halong pasasalamat ang bawat tawa—salamat dahil hindi siya tinutulan ng pinsan at best friend niyang si Roselle.
Akala niya magiging mahirap.
Akala niya may kokontra.
Pero hindi niya alam… na iyon ay simula pa lamang.
—
“Hmmm… ikaw talaga,” pabirong sabi ni Roselle nang sila na lang dalawa ang natira sa buhanginan sa tabi ng dagat. Umupo sila nang magkatabi, habang si Lawrence ay nagpaalam na may kukunin lang sandali.
“Pakipot style ka pa,” dugtong ni Roselle, bahagyang tinagilid ang ulo. “Eh may gusto ka naman pala kay Lawrence.”
Napangiti si Meriam habang pinagmamasdan ang mga alon na dahan-dahang humahalik sa pampang.
“Hindi naman sa gano’n,” mahinahon niyang sagot. “Ayoko lang sana talagang mag-boyfriend nang maaga. Nag-aaral pa tayo, at isa pa…”
Huminto siya, halatang nag-aalangan.
“Nahihiya rin ako sa Mommy at Daddy mo—kina Auntie Giselle at Uncle Joven. Sila ang gumagastos sa pag-aaral ko, sila ang nag-aalaga sa akin.”
Napabuntong-hininga siya.
“Eh kaso…” mahina niyang dugtong, “mahal ko si Lawrence.”
Tahimik na nakinig si Roselle. Nakatuon ang tingin nito sa malayo, sa papalubog na araw.
“Yun nga ang iniisip ko,” patuloy ni Meriam, may bakas ng pag-aalala sa boses.
“Baka mapagalitan ako ng Mommy at Daddy mo kapag nalaman nila ang tungkol sa amin ni Lawrence.”
“Wag mong sabihin na…” biglang sambit ni Roselle, bahagyang tinaas ang kilay. “Ibig mong sabihin, itatago mo ‘to kina Mommy at Daddy, Bes?”
Napatawa siya nang mahina, ngunit saglit lamang iyon—isang ngiting mabilis na nawala. Hindi iyon napansin ni Meriam.
“Hindi naman sa itatago,” sagot ni Meriam, umiling. “Hindi ko lang alam kung paano ko sasabihin.”
Hindi na niya natapos ang sasabihin. Huminga na lamang siya nang malalim. Sa loob-loob niya, masaya siya—pero may kaba.
Sa tabi niya, bahagyang kumunot ang noo ni Roselle, ngunit mabilis din niya itong inayos.
—
Nang gabing iyon, sabay-sabay silang naghahapunan—si Meriam, si Roselle, at ang mga magulang nito.
Si Meriam ay halos walang ganang kumain. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang usapan nila sa tabing-dagat.
Paano ko sasabihin? Kailan ko sasabihin?
Biglang nagsalita si Roselle.
“Mom… Dad…” wika nito, parang may mahalagang sasabihin. “May ipagtatapat po sa inyo si Meriam.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan ni Meriam.
Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na napatingin kay Roselle.
Ngayon?
Ibinaling ni Auntie Giselle ang tingin kay Meriam at marahang pinunasan ang bibig gamit ang table napkin.
“Ano ba ‘yon, Meriam, hija?” malumanay na tanong nito.
Parang bumibilis ang pintig ng puso ni Meriam. Hindi niya alam kung paano uumpisahan. Pakiramdam niya, lahat ng salita ay nagtataguan sa kanyang lalamunan.
“Ako po kasi…” nanginginig niyang panimula.
Napatingin siya kay Roselle—umaasang may tutulong, may sasalo.
Ngunit ang nakita niya ay isang maamong ngiti.
“Pasensya na po,” mahina niyang sabi, pilit hinahanap ang lakas ng loob. “Hindi ko po sinasadyang magtago ng kahit ano.”
Nagkatinginan sina Auntie Giselle at Uncle Joven. Hindi sila nagsalita agad, ngunit ang kanilang mga mata ay puno ng pagtataka—at pag-aalala.
“Ano bang nangyayari, anak?” tanong ni Uncle Joven, seryoso ngunit hindi galit.
Huminga nang malalim si Meriam. Pinikit niya sandali ang mga mata bago muling magsalita.
“May… may relasyon po kami ni Lawrence.”
Parang may sumabog sa loob ng kanyang dibdib nang masabi niya iyon. Kahit hindi pa nagsasalita ang mga magulang ni Roselle, ramdam niya na ang bigat ng sitwasyon.
Saglit na tumahimik si Auntie Giselle bago marahang tumango.
“Ganun ba,” sabi nito. “Kaya pala napapansin naming mas madalas kayong magkasama.”
Napalunok si Meriam. Ang inaasahan niya…
ang sermon
ang galit
sng pagkadismaya.
Ngunit ang sumunod na sinabi ay,
“Hindi naman kami tutol,” dugtong ni Auntie Giselle. “Alam kong bata pa kayo. At marami pa kayong dapat unahin, pero malaki ang tiwala namin sa iyo, hija. Ang ganyang bagay sana ay Gawin mo lang inspirasyon pero huwag mong pabayaan ang pag-aaral mo. Tandaan mo, Ikaw ang gagawa ng Sarili mong kinabukasan” Mahabang pahayag ni Auntie Giselle niya na may halong paalala at advise.
“Opo,” agad na sagot ni Meriam. “Naiintindihan ko po.”
Pakiramdam ni Meriam ay parang nabunutan ng malaking tinik ang kanyang puso.
Sa gilid ng mesa, tahimik na nakaupo si Roselle. Hindi siya nagsasalita, ngunit nakatuon ang kanyang tingin kay Meriam—hindi mabasa kung ano ang laman ng kanyang isip.
“Basta malinaw sa inyo ang responsibilidad,” dagdag ni Uncle Joven. “At sana hindi ito makaapekto sa pag-aaral ninyo.”
“Opo,” muling sagot ni Meriam, halos pabulong.
Nang matapos ang hapunan, nagpaalam si Meriam at nagtungo sa kwartong hinihigaan niya. Isinara niya ang pinto at saka naupo sa gilid ng kama. Doon niya lamang naramdaman ang pagod—pisikal at emosyonal. Pero ang pagod na iyon ay tila hindi niya naramdaman.
Masaya Siya na tila hindi mawari kung anong ligaya ang sumasakop sa kanyang damdamin at puso.
Sa kabilang kwarto, nakatayo si Roselle sa harap ng salamin. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kwintas sa kanyang leeg, ang mga mata’y puno ng kung anong hindi niya maipaliwanag.
“Akala ko…” bulong niya sa sarili, saka napangiti. Ngiti na mapakla at mapait.