❀⊱Hannah's POV⊰❀
Dalawang buwan na ang lumipas mula ng manirahan kami dito sa Mindoro. Titig na titig ako sa hawak kong pregnancy test habang panay ang pagdaloy ng luha ko. Dalawang guhit na pula, at hindi ko alam kung paano ko ito haharapin. Alam nila nanay at tatay ang nangyari sa akin. Alam nila kung ano ang nagawa ko kay Owen, pero hindi nila alam ang buong katotohanan, naniwala lang sila sa sinabi ni Owen dahil nakita ni Owen ang ginawa kong paglalagay ng gamot sa kanyang inumin. Hindi ko alam na may CCTV sa loob ng kanyang unit, pero hindi ko inamin sa kanya na ang lahat ng 'yon ay plano ni Sidney. Tinanggap ko na lang ang lahat ng bintang niya sa akin, ang masasakit na salita na binitawan niya sa akin. 'Yung halos muntikan niya akong mapatay sa bahay namin sa Marikina matapos niyang mapanuod ang CCTV footage. Pagkatapos ay pinagbantaan niya ako nakapag hindi ako umalis ng Manila, baka makagawa siya ng pagsisisihan ko. Kaya walang sabi-sabi na umalis agad kami ng mga magulang ko.
"Anak, ano ang resulta ng pregnancy test?" Tanong ng aking ina. Nuong una ay galit na galit sila sa akin, pero ngayon ay unti-unti na nilang natatanggap ang kahihiyan na nagawa ko. Umalis kami ng Manila at dito na kami nanirahan sa Mindoro upang mapalayo kami kay Owen dahil sa mga banta niya sa amin, lalo na sa akin. Mahirap man ang buhay namin dito, pero malayo naman kami sa mga mata ni Sidney at ni Owen.
"Mahal, maghanda kayo at bukas ay aalis na tayo. Lilipat tayo ng Bukidnon kasama ang tatlo nating anak, sa Northern Mindanao tayo maninirahan dahil natanggap na ako bilang caretaker ng isang farm at kasama natin duon ang kaibigan kong si Alfred." Sabi ng ama ko sa aking ina. Napatingin kami sa kanya at nagulat ako. Hawak ko ang pregnancy test at napatingin siya dito. Nilapitan niya ako at saka niya ako niyakap. Wala tuloy akong tigil sa pag-iyak. Ramdam ko ang pagmamahal nila kahit nakagawa ako ng isang matinding kasalanan. Kung pwede ko lang sabihin sa kanila ang totoo, pero ayokong mapahamak si Sidney at ang batang dinadala nito.
"Sa Bukidnon anak ay mababago ang buhay mo at ng mga kapatid mo kaysa manatili tayo dito at hindi man lang mapakapag aral ang mga kapatid mo. Hindi ka mahahanap duon ni Sidney at ni Owen. Gagamitin natin ang apelyido ng matalik kong kaibigan na si Alfred pansamantala upang walang makahanap sa atin, lalo na sa'yo. Iyon ang apelyidong ginamit ko sa pag-apply. Tinulungan ako ng matalik kong kaibigan na si Alfred na makakuha ng ilang pekeng dokumento upang magamit ko sa pag-apply, sinabi ko sa kanya ang problema mo at kung ano ang taong pinagtataguan natin. Ipinagawa ko na rin kayo ng ina mo ng pekeng birth certificate na magagamit natin sa Bukidnon kung sakali man na kailangan mong magtrabaho at para rin sa pag-aaral ng mga kapatid mo." Sabi ng ama ko. Tumango naman kami mio nanay.
"Si Alfred ang namamahala sa hacienda ng magiging amo natin, habang ako naman ang magiging caretaker ng farm na pag-aari din ng amo niya. Iisang lugar lang 'yon Hannah, at hindi naman tayo pababayaan ni Alfred duon. Sige na mahal ko, mag-empake na kayo ng mga anak natin at ng maihanda na natin ang mga dadalhin natin bukas. Maaga tayong aalis, kaya sige na at mag-empake na kayo. At isa pa, sanayin ninyo ang sarili ninyo na Tito Alfred ang itatawag ninyo sa kanya dahil ang pagkakaalam ng lahat duon ay magkapatid kami ni Alfred sa ama. Iyon lang ang naiisip naming paraan upang mailayo ka namin kay Owen at kay Sidney." Ngumiti ako, pinunasan ko ang luha na tumulo sa mga mata ko, pagkatapos ay nagpaalam muna ako sa kanila na gusto ko lang munang magpahangin. Pumayag naman sila, alam nila na ang bigat ng dinadala ko sa aking dibdib. Alam nila na ang laki ng problema ko dahil dinadala ko ang anak ni Owen.
Nagtungo ako sa kakahuyan, medyo may kalayuan ito sa amin, pero gusto ko lang ng isang lugar na tahimik. 'Yung walang makikialam sa akin habang ibinubuhos ko ang lahat ng sama ng loob ko, habang ibinubuhos ko ang lahat ng pagsisisi na nararamdaman ko.
Naupo ako sa likuran ng isang malaking puno at saka ako umiyak ng umiyak. Ngayon ko naiisip ang lahat ng epekto nito sa akin. Lahat sila, lahat sila ang tingin sa akin ay isang mababang babae dahil sa ginawa ko. Buti na lang at naiintindihan ako ng mga kapatid ko. Mabuti na lang at napatawad ako ng mga magulang ko. Sobrang sakit sa puso kung maging sila ay magagalit ng tuluyan sa akin.
Pilit kong pinipigilan ang aking pagluha, pero kahit na anong pigil ko ay patuloy lamang akong umiiyak. Hanggang ngayon ay nasasaktan ako dahil hindi ko matanggap na kaya akong ipahamak ng matalik kong kaibigan. Akala ng mga magulang ko ay nag-traydor ako kay Sidney, pero hindi nila alam na ginamit lang ako ni Sidney upang pagtakpan ang kasalanan niya kay Owen.
Nakarinig ako ng kaluskos. Kinabahan ako, akala ko ay ako lang ang tao dito. Narinig ko ang boses ng isang babae, hindi ako kumikilos at tinakpan ko ang bibig ko.
Narinig ko ang yabag nito papaalis kaya isinubsob ko ang mukha ko sa mga tuhod ko at muli akong napahagulgol. Sobra akong nasasaktan ngayon sa nangyayari sa buhay ko. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang bukas ko ngayong buntis ako. Hindi ko alam kung paano ko palalakihin ang bata at kung paano ko tatanggapin ang lahat. Pero bigla akong napaangat ng mukha ng maramdaman ko ang isang bulto na nakatayo at nakatitig sa akin.
"Huwag kang matakot sa akin." Nakatitig lang ako sa kanya habang umiiyak ako, pero agad akong yumuko. Hindi ko maunawaan kung bakit ganito ang nararamdaman ko nang makita ko ang mukha niya. Parang may kung anong damdamin na tila ba naghuhumiyaw sa buo kong pagkatao. Parang may koneksyon kaming dalawa na hindi ko maunawaan kung ano. Tumutulo lamang ang mga luha ko habang nakatingin ako sa lupa.
"Miss, okay ka lang ba? May maitutulong ba ako sa'yo?" Muli niyang sabi. Ang boses niya, parang may hatid na kung ano sa aking puso. Bigla ko siyang nilingon, humahakbang siya papalapit sa akin. Natatakot ako, ayoko ng magtiwala pa kahit na kanino.
"Hey, it’s okay, huwag kang masyadong umiyak. Kung may maitutulong ako sa pinagdadaanan mo ay magsabi ka lang, maybe I can help you. Please, hindi naman ako masamang tao, gusto ko lang makatulong." Muli niyang sabi. Ang bilis ng pagtibok ng puso ko. Sino siya? Bakit ganito ang nararamdaman ko para sa kanya? Bakit pakiramdam ko ay may biglang nagkonekta sa aming dalawa na hindi ko maunawaan. Bakit ganito? Sino ba ang babaeng ito?
"Wala kang dapat ikatakot sa akin. Diyan lang ako nakatira sa malaking bahay na yari sa kahoy, hindi naman kalayuan dito. Marami kaming kapitbahay, may mga kasama ako na mga kaibigan ko. Bago lang kami dito, kaya huwag kang matakot." Pinunasan ko ang mga luha ko at napatingin ako sa itinuro niya. Hindi ko makita ang sinasabi niya dahil sa dami ng malalaking puno.
Tinitigan ako ng babae. Parang gusto kong sabihin sa kanya ang lahat ng problema ko, pero ayoko ng magtiwala. Pero bakit ganuon? Bakit parang ibinubulong ng isipan ko na magtiwala ako sa kanya, na lapitan ko ang babaeng kaharap ko dahil ito ang makakatulong sa akin. Hindi ko alam, nalilito ako. Bakit ganito ang nararamdaman ko para sa babaeng ito? Sino ba siya sa buhay ko? Hindi ko naman siya kilala at ngayon ko lang naman siya nakita.
"Miss, ano ang pangalan mo?" Tanong niya. Hindi agad ako nakasagot. Napatitig siya sa akin, parang may kung ano ang kumonekta sa aming dalawa habang nakatitig kami sa isa't isa. Ngayon ko lang ito naramdaman, bakit ganuon? Bakit pakiramdam ko ay magkadugo kaming dalawa? Hindi ko alam ang nangyayari sa akin. Siguro dahil naghahanap ako ngayon ng taong uunawa sa akin at mapagsasabihan ko ng aking sikreto. Iyon siguro ang nararamdaman ko.
"Miss, ako nga pala si Janine Fernandez. Ikaw, ano ang pangalan mo?" Pagpapakilala niya. Lumikot ang mga mata ko. Hindi ko siya kilala, hindi ko siya dapat pagkatiwalaan. Gusto ko ng umalis, gusto ko ng tumakbo palayo sa kanya. Ang dami niyang sinasabi, gusto ko lang mapag-isa at makapag-isip-isip.
"Miss, huwag kang matakot sa akin. Hindi naman ako nangangagat. Tignan mo, wala naman akong pangil." Sabi niya kaya bahagyang kumibot ang labi ko, pagkatapos ay isang ngiti ang sumilay sa labi ko. Pagkatapos ay hinimas ko ang tiyan ko at dinama ang sanggol na nasa sinapupunan ko. Tumulo ang mga luha ko habang hinahagod ng palad ko ang tiyan ko.
"May masakit ba sa’yo? Sabihin mo sa akin. Masakit ba ang tiyan mo kaya ka umiiyak dito? Pwede naman akong tumulong kaya sana huwag kang matakot sa akin." Muli niyang sabi kaya napatingin ako sa kanya. Mukha naman siyang mabait. Maganda siya, magandang-maganda. Sa halip na sagutin ko ang mga tanong niya. Sinabi ko na lang sa kanya ang pangalan ko.
"Hannah po... Hannah ang pangalan ko." Nakita ko ang pagkagulat niya. Kilala ba niya ako? Nakaramdam ako ng takot. Baka kilala ito ni Owen o ni Sidney.
"Hannah?" Tanong niya na tila ba hindi makapaniwala. Tumango-tango ako pero ang mga mata ko ay hindi ko inaalis sa pagkakatitig sa kanya. Kilala ba niya ako? Kailangan ko na bang umalis dito? Baka kaibigan siya ni owen. Sa tikas pa lang niya, hindi siya ordinaryong babae. Baka isa din itong CIA. Sa sobrang takot ko ay mabilis ang naging kilos ko. Tumakbo agad ako palayo, at kailangan ko ng makaalis sa lugar na ito.
"Hannah! Wait lang!" Sigaw niya pero desidido akong makalayo sa lugar na ito. Hindi niya ako dapat na abutan. Nang makita ko ang gulat niya ng marinig niya ang pangalan ko, alam ko na kilala niya si Owen. Baka malaman ni Owen kung saan ako nakatira, baka malaman niya na buntis ako at siya ang ama. Baka kuhanin niya sa akin ang bata. Kailangan ko ng makalayo, malayong-malayo sa lugar na ito. Tama si tatay, kailangan na naming umalis sa lugar na ito.
Pagkarating ko ng bahay ay pawis na pawis ako. Napatingin sa akin ang aking mga magulang. Nandito na rin ang dalawa kong kapatid na si Marian at Blake. Tumulo ang luha ko, pagkatapos ay niyakap ko sila ng mahigpit.
"Alis na po tayo dito. M-may nakita po ako, kaibigan 'yon ni Owen, sigurado po ako. Baka kuhanin ang baby ko." Umiiyak ako, takot na takot habang yakap ko sila ng mahigpit.
"Ano? Jusko Orlando, pwede mo bang tawagan si Alfred na mapapa-aga ang dating natin ng Mindanao?" Sabi ng aking ina. Si Marian naman ay mabilis na isinara ang pintuan at ang mga bintana. Bata pa si Marian, seventeen lang siya at si Blake naman ay thirteen lang. Ako ang pinaka-matanda at twenty three years old na ako.
"Sige, tatawagan ko lang si Alfred. Mag-empake na kayong lahat at aalis na tayo." Sabi ng aking ama. Nagmamadali kaming umakyat sa itaas at dahil kaunti lang naman ang mga damit namin ay mabilis kaming nakapag-empake.
Lumipas ang kinsi minutos at umakyat si tatay sa ikalawang palapag at sinabi niya na magpapadala siya ng ticket ng eroplano para sa aming lahat.
"Bilisan na ninyo. Hihintayin ko lang ang tawag ng kaibigan ko para malaman natin kung ano ang eroplanong sasakyan natin. Susunduin daw niya tayo sa airport. Sabi ni Alfred ay kailangan nating sumakay ng eroplano pabalik ng Manila, from San Jose to Manila airport, at pagkatapos ay saka tayo sasakay ulit ng eroplano patungo naman sa Northern Mindanao sa Labo, Ozamiz airport. Diyan tayo susunduin ng kaibigan kong 'yon." Tumango kami at saka namin ibinaba ang lahat ng gamit namin.
Ilang katok ang narinig namin sa pintuan. Nakaramdam ako ng takot, pero ang aking ama ay nagmamadaling lumapit sa pinto, tila may hinihintay itong tao.
"Magandang hapon Tito Orlando. Nasa labas na ang sasakyan ko. Buti na lang at papunta talaga ako dito sa inyo ng tumawag ang ama ko. Halikayo, patungo na rin ako sa airport para sabay-sabay na tayo. Duon na lang natin hihintayin ang mga tickets ninyo. Heto nga pala ang ID at mga birth certificates na pinagawa ko para sa inyong lahat. Magagamit na ninyo 'yan simula ngayong araw." Sabi ng gwapong lalaki, pagkatapos ay napatingin siya sa akin. Ngumiti siya, pero napayuko lang ako ng aking ulo.
"Siya ho ba si Hannah?" Tanong niya sa aking ama.
"Oo Jansen. Siya ang tinutukoy ko. Salamat at tinutulungan ninyo kami. Buntis ang anak ko at dinadala niya ang anak ng lalaking 'yon." Nagulat ako kay tatay, alam pala ng mga ito ang tungkol sa nangyari sa akin, pero okay lang kung matutulungan naman kami ng lalaking ito.
"Yes tito, sinabi ng aking ama. Tara na ho, medyo malayo-layo din ang airport mula dito." Sabi niya. Napangiti ako, mukha naman siyang mabait at mapagkakatiwalaan.
"Ito nga pala si Jansen Lennon Yossef, ang anak ni Alfred." Sabi ng aking ama. Napangiti naman kami sa kanya.
"Bilisan ninyo. Sumakay na kayo at kakausapin ko lang ang may-ari ng bahay. Hindi ko na kukuhanin sa kanila ang deposit natin. Ibibilin ko na lang sa kanila ang ilang gamit natin."
Mabilis na kaming sumakay ng sasakyan at panay ang lingon ko sa likuran, baka kasi dumating 'yung babae kanina. Pero ang ipinagtataka ko talaga ay kung bakit ganuon na lang ang nararamdaman ko para sa kanya. Kung tutuusin, mas iba 'yung nararamdaman ko para sa kanya kaysa sa mga kapatid ko. Ipinilig ko ang ulo ko. Hindi ako dapat nag-iisip ng kung ano-ano. Hindi ko naman siya kakilala, baka naisip ko lang na kailangan ko ng isang kaibigan na mapagsasabihan ko ng lahat ng niloloob ko kaya ganuon na lang ang naramdaman ko para sa babaeng 'yon na nagngangalang Janine Fernandez.