One week later NAKANGITING pinagmamasdan ni Vivienne ang mga bata na pumipila upang makakuha ng aginaldo na handog ni Mrs. Antigua, isa sa pinakamayamang benefactor ng Young People's Center o YPC. "Puwede ba kitang makausap, iha?" Nilingon ni Vivienne ang nagsalita. Masyado siyang engrossed sa panonood sa mga bata kaya hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya si Mrs. Antigua. "Ah, sige po, Ma'am," nakangiting tugon niya rito. "Puwede bang tayong dalawa lang ang mag-usap?" Tumingin ang matandang babae sa kanya pagkatapos ay nilingon nito ang katabi niyang si Beth, na isa sa mga house parent ng YPC. Apologetic na napatingin siya sa kasama. Ngumiti lang ito sa kanya saka siya tinanguan. "Thanks," matipid niyang sabi sabay tapik sa kamay ni Beth. Binalingan niya si Mrs. Antigua.

