Charlene’s POV
Hambog. Mapagmataas at akala niya sobrang perpekto niya sa lahat ng bagay. Pwe! Kung lumaki ‘yang mga anak niya sa probinsya, hindi ‘yan gaganyan, dahil ang mga tao roon ay marunong rumespeto sa mga nakatatanda sa kanila.
Ayaw niyang disiplinahin ko ang mga anak niya? Edi sana siya ang nagturo ng magandang asal, hindi ‘yong puro trabaho lang ang inaatupag niya. Typical rich problem.
Iyan ang nasa isip ko habang naghihiwa ng talong dito sa kusina. Ang sabi ni Manang Dores ay sinigang na hipon daw ang lulutuin namin, iyong paborito ng mga bata. Okay na siguro ‘to para naman maipakita ko sa kanila na marunong akong magluto at baka, sa isang himala, magustuhan rin nila ako.
“Baka mahiwa mo na ‘yang daliri mo, Ma’am,” biglang sabi ni Sarah kaya bumalik ako sa realidad. Kanina pa pala ako nakatulala at halos hiwain ko na ang lahat ng nahahawakan ko. “Lumilipad yata ang isip n’yo,” sabi pa nito sabay mahinang tawa. Ngumiti lang ako nang pilit at inayos ang atensyon ko.
Natapos ko na ang paghihiwa ko kaya napagpasyahan kong lumabas muna ng kusina. Sobrang aga pa at siguro ay naliligo pa lang ang mga bata. Habang naglalakad ako, napansin kong may sumusunod sa akin. Paglingon ko ay nagulat ako dahil si Lily iyon. Nakatago siya sa flower vase kahit na kitang-kita naman siya.
“Lily, bakit? May kailangan ka ba?” tanong ko. Nag-alangan pa ito bago lumapit sa akin. Nakayuko siya at nakalagay pa ang dalawang kamay sa likuran niya. “Bakit?” tanong ko ulit. “Can you help me?” tanong nito. Nagulat ako dahil humingi siya ng tulong sa akin. Nagiging mabait na ba siya? Wala na akong inaksayang oras at nginitian ko ito. Magandang panimula ito para makuha ko ang loob niya.
“My favorite backpack… it’s stuck in the storage room. Can you take it for me? Please?” sabi niya. Napangiti ako nang mas malapad dahil sobrang cute ng bilugang mga mata niya. Hinaplos ko at bahagyang pinisil ang pisngi niya bago ngumiti. “Sige. Saan ba ‘yon?” sabi ko.
Inakay niya ako sa likuran ng bahay kung saan may storage room doon—parang underground at medyo madilim sa loob. “Sigurado ka bang dito ‘yon?” medyo nag-aalangan kong tanong. “Yes,” simple at mabilis niyang sagot. “Now go take it. Faster!” medyo naiinis na siya. “Okay, okay. Ito na nga. Ano bang hitsura no’n?” tanong ko habang sinisilip ang loob ng storage room. “Purple,” mabilis niyang sagot. “Sige. Hintayin mo ako rito ha. Hahanapin ko lang,” sabi ko at dahan-dahang naglakad pababa ng hagdan. Habang bumababa ako ay lalo pang dumidilim ang loob.
“Wala bang switch dito?” lumingon ako sa pintuan pero nagulat ako dahil bigla niya iyong isinara. Natataranta akong bumalik habang kinakatok ang pinto. “Lily? Buksan mo ang pinto! Hindi na ako natutuwa!” sigaw ko pero walang sumasagot sa labas. Umalis na ba siya?
“Lily! Open the door!” nag-English na ako para mas maintindihan niya, pero wala pa rin. Itinulak ko ang pinto pero parang naka-lock ito mula sa labas. Napalingon ako bigla dahil may narinig akong kaluskos sa likuran ko. Wala akong makita dahil sobrang dilim talaga, lalo pa at wala pang araw sa mga oras na ito.
Napaupo na lamang ako at niyakap ang sarili ko dahil sa takot. Nagsimulang manginig ang buong katawan ko. Ayoko rito. Natatakot ako. Gusto kong makalabas.
Papa!
Agad kong tinakpan ang mga tenga ko dahil naririnig ko na naman ang boses. Sumisigaw siya at nagmamakaawa. “T-tama na…”
“P-palabasin n’yo a-ako…”
Pilit kong pinapakalma ang sarili ko pero hindi ko magawa. Ganito ako kapag nai-stuck sa madidilim at masisikip na sulok. Pakiramdam ko may bumubulong sa akin. Bumabalik ang mga alaala noong maliit pa lamang ako—ang dahilan kung bakit takot na takot ako ngayon.
Nanginginig ako at humahagulhol na rin. Gusto kong tumayo pero nanlalambot ang mga tuhod ko. Hindi ko kaya. Pakiramdam ko hindi ako nakakahinga nang maayos. Kailangan kong makalabas. Please. Palabasin n’yo ako.
Malamig sa loob at madilim kaya pakiramdam ko may mga nakatingin sa akin. Gusto nila akong saktan.
“Papa…”
“T-t-tulong…”
Ayoko rito. Ayoko ko! Sumisikip ang dibdib ko at nanlalamig na ang buong katawan ko sa takot hanggang sa maramdaman ko na lang na bumagsak ako sa malamig na semento.
Pero bago ‘yon, naramdaman kong bumukas ang pinto at may taong nagbuhat sa akin bago tuluyang mandilim ang paligid.
Ayoko rito. Please…