6

868 Words
Pagkatapos maipaliwanag ni Black kay Charlene ang lahat, pati na rin ang totoong dahilan kung bakit kailangan siya ni Kerill, napagpasyahan niyang pumayag. Paulit ulit niyang sinabi sa sarili na gagawin niya ito hindi para kay Kerill, kundi para sa mga bata. Alam niya kung gaano kasakit ang lumaki sa isang pamilyang hindi buo. Iniwan rin sila ng kanyang ama noong bata pa siya, at hanggang ngayon ay dala pa rin niya ang bigat ng kawalan na iyon. Kaya nang malaman niya ang ginawa ng tunay na ina ng mga anak ni Kerill, hindi niya maiwasang makaramdam ng awa sa mga bata. May kapalit ang lahat. Tatanggapin niya ang pera kapalit ng pagpapanggap bilang asawa ni Kerill at pansamantalang ina ng mga bata. Para sa kanya, napakalaking halaga ng isang milyon, lalo na sa kalagayan niya ngayon na wala siyang matitirhan, walang trabaho, at halos wala nang pera. Maingat niyang binasa ang kontratang inabot ni Kerill. Hindi niya minadali. Inisa isa niya ang bawat detalye, tiniyak na walang kondisyon na labag sa kanya. Nang makitang malinaw at walang kahina hinala, tahimik niyang kinuha ang ballpen at pinirmahan ang papel. Inilapag niya ang kontrata sa mesa sa harap ng lalaking seryoso pa rin ang mukha. "Ibigay mo lahat ng gamit mo kay Edgar. Uuwi ka ngayon mismo sa mansion," malamig na utos ni Kerill habang inaayos ang kanyang necktie. Pagkatapos ay tumayo siya at naunang maglakad palabas. Napabuntong hininga si Charlene at bumaling sa lalaking nakatayo sa tabi niya. "Ikaw ba si Edgar?" tanong niya. "Opo, maam. Akin na po ang mga gamit ninyo," sagot ng bodyguard na parang robot kung magsalita. Ibinigay ni Charlene ang iilan niyang gamit at sumunod kay Edgar papunta sa sasakyan. Nandoon na si Kerill, may kausap sa telepono, hindi man lang siya nilingon. Pagpasok ni Charlene sa sasakyan, hindi niya maitago ang pagkamangha. Ito ang unang beses na nakasakay siya sa ganitong klaseng sasakyan. Tahimik, malamig, at sobrang komportable. "Let's go," utos ni Kerill. Umandar ang sasakyan. Hindi nagtagal ang biyahe at maya maya ay nakarating na sila sa bahay ni Kerill. Halos malaglag ang panga ni Charlene nang pumasok sila sa napakalaking gate. Ang hardin pa lamang ay sobrang lawak, may dalawang fountain sa gitna at napapalibutan ng puting rosas. Kumalat ang mabangong amoy ng mga bulaklak na agad nagbigay ng kakaibang ginhawa sa kanya. "Bahay niya ito?" bulong niya sa sarili. Sa laki at ganda nito, mas mukhang palasyo kaysa bahay. Para bang mga hari at reyna ang nakatira roon. "Welcome po sa mansion ng mga Wang, Maam Charlene," sabi ni Edgar. Ngumiti si Charlene at muling nilibot ng tingin ang paligid. "Sobrang ganda," bulong niya. Huminto ang sasakyan sa harap ng malaking pintuang kahoy. Pagbukas nito ay may mga tauhan agad na bumati kay Kerill. "Good afternoon, Mr. Wang," sabay sabay nilang sabi. "Let's go inside," utos ni Kerill habang sinulyapan si Charlene. Sumunod ang dalaga, hindi pa rin maalis ang paghanga sa bawat sulok ng mansion. Pagpasok pa lamang ay lalo siyang namangha. Mula sa sahig hanggang kisame, lahat ay mukhang mamahalin at elegante. Maya maya ay may lumapit na matandang babae. "Good afternoon, Mr. Wang. Bumalik na pala kayo," magalang nitong sabi. "Nasaan ang mga bata?" tanong ni Kerill. "Nasa school pa po, sir. Bandang alas singko pa po ang uwi nila," sagot ng matanda. Tumango si Kerill at naglakad paalis. Wala namang nagawa si Charlene kundi sumunod. Umakyat sila sa ikalawang palapag at lumiko sa isang mahabang hallway na puno ng pinto. "Manang Dores, dalhin mo na si Charlene sa kwarto niya. Ayusin mo na rin ang mga gamit niya," sabi ni Kerill bago tuluyang lumiko. "Kung may kailangan ka, nasa study room lang ako." Naiwan si Charlene kasama ang matandang babae. "Hello, Maam Charlene. Dolores po, pero Manang Dores na lang," nakangiting pakilala nito. "Ikaw po pala ang bagong babaeng dinala ni sir dito." Kumunot ang noo ni Charlene. "Po? Ano pong ibig ninyong sabihin?" "Sa ibang oras ko na lang ipapaliwanag. Halika po," sagot ni Manang Dores. Huminto sila sa isang pintuang kulay puti. Pagbukas nito ay agad namangha si Charlene. Maluwag ang kwarto, puro puti ang kulay, mula sa kurtina hanggang kama at mga unan. Inayos ni Manang Dores ang mga gamit ni Charlene bago ibigay ang susi. "Kanina po, ano pong ibig ninyong sabihin?" tanong ni Charlene habang umuupo sa kama. Lumapit si Manang Dores at ngumiti nang mapakla. "Napakaganda mong bata, hija. Sana ikaw na talaga ang hinahanap ng mga alaga ko. Pagod na rin si Kerill sa paghahanap ng babaeng tatanggapin ng mga bata. Malapit na kasing kunin ni Monica ang mga bata." Natigilan si Charlene. "Mabait ka namang tingnan. Sana huwag mong susukuan ang mga alaga ko. Sana tumagal ka," dagdag ng matanda. Naiwan si Charlene sa kwarto, paulit ulit sa isip ang mga salitang iyon. "Ganon ba talaga sila kahirap alagaan?" tanong niya sa sarili. Ngunit pinilit niyang maging positibo. Lumaki siyang sanay sa mga bata. Siya palagi ang iniiwan ng kanyang tiyahin para magbantay sa mga pinsan niya. Naniniwala siyang kakayanin niya ito. Dahil sa sobrang pagod, hindi niya namalayang nakatulog na siya, hindi na nahintay pa ang pagdating ng mga batang babago sa takbo ng buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD