Kinabukasan ay nagising si Charlene dahil sa mainit na sinag ng araw na tumama sa kanyang mga mata. Hindi niya pala naisara ang bintana kagabi bago matulog. Napabuntong-hininga na lamang siya bago bumangon at pumasok sa banyo. Mabuti na lang at may toothbrush siyang nakita roon, at kumpleto rin ang mga gamit sa loob.
Matapos maghilamos at magsipilyo, bumaba na siya. Doon niya naabutan si Kerill na nakaupo sa dulo ng mahabang lamesa. May nakahain na ring masasarap na putahe na agad nagpatakam kay Charlene. Napatingin siya kay Kerill na abalang nagbabasa ng dyaryo habang humihigop ng kape.
“Good morning,” mahina niyang bati.
Ngunit hindi man lang siya pinansin ng lalaki.
Sa halip, binati na lamang niya si Manang Dores na agad namang ngumiti sa kanya. Maya-maya pa ay dumating na ang mga anak ni Kerill, si Erica, ang panganay na nasa Grade 12; ang kambal na sina Wency at Wyl na nasa Grade 10; at ang bunsong si Lily na nasa Grade 6 pa lamang.
Nang makita ni Charlene ang mga bata, agad siyang ngumiti at kumaway. Ngunit hindi siya pinansin ng mga ito at tahimik na umupo sa kani-kanilang mga upuan. Sinimangutan ni Manang Dores si Charlene at sinenyasan siyang kumain na lamang at huwag muna silang pansinin.
“Dad? Who is she?” tanong ni Erica kay Kerill, ngunit hindi man lang siya tiningnan nito at nanatiling abala sa pagkain.
Tinupi ni Kerill ang dyaryong hawak at tumingin sa mga anak.
“I would like you all to meet your Tita Charlene. From now on, siya ang bahala sa bahay kapag wala ako and you already know what that means.”
“So, she’s the new mistress,” biglang sabi ni Wency.
“Wency, that’s not nice,” saway ni Kerill, ngunit tila hindi ito pinansin ng bata.
“I hope she doesn’t mind playing with us,” dagdag pa nito habang nakangising tumingin kay Charlene.
Napilitan na lamang ngumiti si Charlene.
“Sige,” sagot niya. “Makikipaglaro ako sa inyo.”
Nagkatinginan ang magkakapatid at sabay-sabay na ngumisi nang tila may masamang binabalak. Napabuntong-hininga na lamang si Manang Dores sa gilid, alam na niya ang ibig sabihin ng salitang laro para sa mga batang iyon.
Matapos kumain ay hinatid na ng driver ang mga bata sa paaralan. Umalis din si Kerill papunta sa opisina, kaya naiwan si Charlene sa napakalaki at malawak na mansyon.
Minabuti niyang libutin ang bahay. Habang ginagawa iyon, napapansin niya ang mga matang nakapako sa kanya, ang ibang kasambahay na palihim na nagbubulungan.
“Naku, may bago na namang bibiktimahin ang mga demonyong ’yon.”
“Pustahan tayo, isang linggo lang ’yan dito. Baka nga hindi pa umabot.”
“Kawawa naman. Mukhang mabait pa naman.”
“Hay naku… hayaan na lang natin.”
Naririnig ni Charlene ang mga bulong, ngunit hindi niya ito lubos na nauunawaan. Pinili na lamang niyang huwag pansinin at nagtuloy patungo sa likuran ng bahay.
Napansin niya na halos puro puting rosas ang nakatanim sa paligid ng mansyon. Wala nang iba. Mabango ang mga iyon kaya napangiti siya.
Nakarating siya sa pinakadulo ng bakuran kung saan may isang medyo malaking estrukturang parang maliit na bahay sa gitna. Napapalibutan din ito ng mga puting rosas. Dahil sa kuryusidad, napalapit siya roon. Sarado ang pinto ngunit hindi naka-lock. Aakmang bubuksan na niya ito nang may pumigil sa kanya.
“Kung ako po sa inyo, hindi ko bubuksan ’yan.”
Napalingon si Charlene at nakita ang isang matangkad at gwapong lalaking naka-unipormeng katulad ng mga bodyguard ni Kerill.
“Saviel po,” pagpapakilala nito. “Isa ako sa mga tauhan ni Mr. Wang.”
Naglahad ito ng kamay at agad namang tinanggap iyon ni Charlene.
“Huwag niyo na pong subukang pumasok diyan,” dagdag ni Saviel. “Siguradong papagalitan kayo ni Mr. Wang.”
“Bakit naman?” tanong ni Charlene. “May itinatago ba siya rito?”
Napatawa si Saviel. “Parang gano’n na nga po,” sagot nito. “Basta huwag niyo na lang alamin. Paniguradong magiging dragon ang boss ko.”
Hindi na nagtanong pa si Charlene. Inaya na lamang siya ni Saviel pabalik sa mansyon. Habang naglalakad sila, nagkuwento ito.
“Ang masasabi ko na lang sa inyo, good luck. Mag-ingat po kayo sa mga bata. Hindi lang basta laro ang ginagawa nila. Laging may twist.”
“Hindi naman siguro masama ang mga ugali nila--” tangkang sagot ni Charlene.
“Ay, sus, Ma’am,” putol ni Saviel. “Lulunukin niyo ’yang mga salitang ’yan. Lalo na ang kambal. Literal na impiyerno ang buhay dito kapag sinimulan na nila kayo.”
Huminto sandali si Saviel bago magpatuloy.
“Hindi po kayo ang unang babaeng dinala ni boss dito. Marami na, hindi ko na mabilang. Pero wala ni isa ang tumagal. Isang linggo pa nga ang pinakamatagal.”
“Bakit?” alanganing tanong ni Charlene.
“Dahil gagawin ng mga batang ’yon ang lahat-lahat para mapaalis kayo. Kaya binalaan na kita. Mag-ingat ka rin kay boss. Matalim ang dila no’n.”
Hinawakan nito ang balikat ni Charlene.
“Good luck, Ma’am. Sana ikaw ang kauna-unahang tumagal.”
Naiwan si Charlene na tahimik.
Hindi niya alam kung tinatakot lang ba siya ni Saviel o kung totoo ang lahat ng sinabi nito. Ngunit base sa unang pakikitungo ng mga bata kanina, parang may katotohanan nga ang babala.
Hindi niya alam kung tama ba ang desisyong pumasok siya sa trabahong ito,
ngunit sigurado siya sa isang bagay.
Hindi magiging madali ang mga susunod na araw.