Chapter 2
Victoria
Mabilis kong pinaliko ang SUV papasok sa isang masukal na daan kung saan halos lamunin na ng mga nagtataasang talahib ang semento. Ssumasabay pa ang malakas na ulan sa makapal na hamog ng Tagaytay na lalong nagpahirap sa paningin ko, pero kabisado ko ang daang ito kahit nakapikit ako.
"Bakit naman kasi umulan ng ganito kalakas? Hindi mo pa naman siguro katapusan Don Ronaldo," sabi ko sa walang malay na Don.
Sa dulo ng madilim at pasikot-sikot na kalsada, bumulaga ang isang lumang bodega. Kung titignan mo sa labas, aakalain mong abandonado na ito nang ilang dekada—wasak ang ilang bahagi ng bubong, kinakalawang ang naglalakihang bakal na pinto, at puno ng mga baging. Walang mag-aakala na sa ilalim ng sirang istrukturang ito ay naroon ang isa sa mga pinakaligtas na hideout ko.
Lumingon ako sa passenger seat. Bagsak pa rin ang ulo ni Don Ronaldo Rosso, walang malay at maputlang-maputla dahil sa dami ng dugong nawala sa kaniya. Magaan sa loob ko na hindi niya nakita ang rutang tinahak namin; sa mundong kinabibilangan ko, ang pagtatago ng lokasyon ng sariling kuta ay katumbas ng pagpapahaba ng sariling buhay.
"Siguro sa tagal ng buhay mo dito sa mundo, ngayon ka lang siguro nakaranas na nag-aagaw buhay," sabi ko kay Don Ronaldo kahit alam kong hindi niya ako naririnig.
Bumaba ako ng sasakyan kahit dumiin na naman ang matalim na hapdi sa kanang bukung-bukong ko.
"Ouch, Victoria! Masyado ka kasing pakialamera sa problema ng iba. Dapat kasi hinayaan mo na ang matandang ito. Nakisali ka pa kasi sa gulo, gaya ayan ang napala mo," sermon ko sa aking sarili.
Napangiwi ako, pinilit na maglakad nang tuwid, at binuksan ang pinto sa pwesto ng matanda. Binuhat ko ang kalahati ng kaniyang bigat. Kahit matangkad at balingkinitan ang katawan ko, ang mga muscles ko ay hinubog sa BON para bumuhat ng doble sa sarili kong timbang.
"Ang bigat mong matanda ka. Kung totoong utang ko sayo ang buhay ko at ikaw ang nagdala sa akin sa BON, siguro naman sa pamamagitan nito makabayad na ako ng utang ko sa'yo. Pero hindi ako natutuwa sa pangingidnap mo sa akin, ha? Kung hindi mo iyon ginawa magkasama pa siguro kami ngayon ni Nana Puring," sermon ko kay Don Ronaldo, kahit alam ko na hindi niya ako naririnig.
Ipinasok ko siya sa isang sekretong pinto sa likod ng mga sirang kahon ng krudo. Pagbaba sa isang maikling hagdanan, biglang bumukas ang mga automatic LED lights, bumubunyag sa isang modernong silid na puno ng mga naglalakihang computer monitors, mga kagamitang medikal, at mga high-tech na armas.
Inihiga ko si Don Ronaldo sa isang stainless na operating table. Hinihingal akong napakapit sa gilid ng lamesa habang hinahabol ang hininga ko.
"Kailangan kitang buhayin, matanda," bulong ko habang nakatitig sa walang malay niyang mukha. "Marami ka pang dapat ipaliwanag sa akin. Hindi ka pwedeng mamatay nang hindi ko naririnig ang buong katotohanan."
Agad kong hinubad ang aking itim na hoodie at naiwan ang suot kong sando. Kumuha ako ng surgical gloves, itinaas ang buhok ko, at mabilis na inihanda ang mga gagamitin ko. Sa BON, hindi sapat na marunong ka lang pumatay o humawak ng baril. Lahat kami roon ay may kaniya-kaniyang propesyon na kailangang pag-aralan sa labas para magsimulang perpektong disguise. Ako? Nag-aral ako ng Medisina. Isa akong lisensyadong doktor, isang siruhano na sanay magtahi ng mga sugat na gawa ng digmaan.
"Tignan natin kung gaano kalalim ang nakuha mo," sabi ko sa sarili ko habang hinahawakan ang gunting.
Ginamitan ko ng gunting ang polo ni Don Ronaldo para tuluyang mailantad ang kaniyang balikat. Ang butas na gawa ng bala ay patuloy pang natutunaw sa sariwang dugo. Kumuha ako ng anesthesia at itinurok iyon sa paligid ng sugat para masigurong hindi siya magigising sa tindi ng sakit kapag sinimulan ko na ang pag-opera.
Kinuha ko ang scalpel at forceps. Nagsimula akong maghiwa nang malalim, maingat na iniiwasan ang mga pangunahing ugat. Narinig ko ang mahinang tunog ng bakal nang maabot ng forceps ko ang bumaong bala sa loob ng kaniyang laman.
Clink.
Nailabas ko ang duguong bala at kaagad itong itinapon sa isang maliit na tray. Pero bago ko pa man simulang linisin at tahiin ang sugat, natigilan ako.
"Ano 'to?" naitanong ko sa hangin.
Napako ang tingin ko sa itaas na bahagi ng kaniyang balikat, malapit sa kaniyang leeg. May isang kupas na pero malinaw na tattoo roon—isang anino ng bungo na may nakapulupot na halamang may mga tinik.
Parang may malamig na kuryenteng gumapang sa buong katawan ko. Biglang bumalik sa isip ko ang isang alaala noong sampong taong gulang pa lang ako, noong patay na ang mga magulang ko.
Umuulan noon. May isang matangkad na lalaking pumasok sa lumang opisina ng tatay ko. Seryoso ang mukha nito pero nang tumingin sa akin ay biglang lumambot ang mga mata niya. Lumapit siya sa akin, tinapik ang ulo ko, at may iniabot na makapal na sobre. 'Para sa pag-aaral mo, Victoria,' malumanay na sabi ng lalaki. Pag-alis niya, narinig kong tinawag siya ng kaniyang kasamahan na naghihintay sa pinto. 'Nightshade, kailangan na nating umalis. Mainit ang lugar.' At bago siya sumakay sa kotse, nakita ko ang eksaktong tattoo na iyon sa kaniyang balikat.*
"Ikaw... ikaw si Nightshade?" bulong ko habang nakatitig sa mukha ng natutulog na matanda. Ang kamay ko ay bahagyang nanginginig.
Hindi lang basta kilalang pangalan si Nightshade sa underworld. Siya ang itinuturing na pinakamatiniik na sakit ng ulo ng mga tiwaling negosyante at opisyal ng gobyerno. At higit sa lahat, siya ang kilalang Lord ng The Black Moon Order—isang makapangyarihan at sekretong organisasyon na gumagalaw sa anino ng lipunan sa Italy at Pilipinas.
"Ginamit mo ang pera mo para subaybayan ako... para ipasok ako sa BON," sabi ko sa kaniya kahit hindi niya ako naririnig. "Sino ka ba talaga, Don Ronaldo? Kaibigan o kaaway ng mga magulang ko?"
Pinatigas ko ang loob ko. Tinapos ko ang pagtahi sa sugat niya nang mabilis at propesyonal. Nilagyan ko siya ng benda bago ko pinunasan ang natitirang dugo sa kaniyang katawan.
Pagkatapos kong ayusin ang sugat niya, ang sugat ko naman ang ginamot ko. Katatapos ko lang lagyan ng antiseptic ang sugat ko sa paa nang biglang umalingawngaw ang isang pamilyar na ringtone sa loob ng bodega. Nagmula iyon sa isa sa mga satellite phone ko na nakapatong sa lamesa.
Nang tignan ko ang screen, rumehistro ang pangalang: BOSS HENRY.
Si Boss Henry ang direktang handler ko sa BON. Siya ang nagbibigay ng mga kontrata at nagmamanman sa mga galaw namin sa bawat misyon. Huminga ako nang malalim bago ko pinindot ang sagot at idiniin ang telepono sa aking tainga.
"Victoria," bungad ng baritono at seryosong boses ni Boss Henry sa kabilang linya. "Nasaan ka? Kanina pa kita tinatawagan sa main line mo. May emergency mission na kailangan mong harapin ngayon din."
Tumingin ako kay Don Ronaldo na mahimbing pa ring natutulog dahil sa anesthesia. "May inayos lang akong gulo rito sa Tagaytay, Boss. Kasalukuyan kong kasama ngayon ang Mafia Lord ng The Black Moon Order."
Natahimik ang kabilang linya nang ilang segundo. Ramdam ko ang biglang pagbigat ng hininga ni Boss Henry sa kabilang linya. Nang muli siyang magsalita, gumaralgal ang boses nito.
"Ano'ng sabi mo? Ulitin mo nga, Victoria!" medyo tumaas ang boses niya, bakas ang matinding gulat at kaba. "Bakit kasama mo si Nightshade? Victoria, alam mo ba kung gaano kadelikado ang taong 'yan? Bakit napunta sa kamay mo ang pinuno ng Black Moon Order?!"
"Tinulungan ko siya, Boss. Tambang ng Sniper Snake ang inabot niya rito sa daan," diretsahan kong sagot, walang bakas ng kaba sa aking boses. "Kasalukuyan ko siyang ginagamot sa isa sa mga safehouse ko. Ligtas na siya sa ngayon."
"Ligtas?!" narinig ko ang malalim at tila problemadong buntong-hininga ni Boss Henry. "Mukhang mas nagiging kumplikado ang mga bagay-bagay kaysa sa iniisip natin. Makinig ka sa akin, Victoria. Iwanan mo muna kung sino man ang inaasikaso mo riyan. I-secure mo ang lokasyon mo."
"Bakit, Boss? Ano ba ang nangyayari?" tanong ko habang binababa ang surgical gloves.
"Huwag ka nang maraming tanong sa telepono," seryosong utos ni Boss Henry. "Pumunta ka ngayon din dito sa hideout ng BON. Kailangan mong makita ang susunod mong misyon. Direct order ito mula sa itaas. At siguraduhin mong walang makakaalam niyan."
"Sino ang target o babantayan ko ngayon, Boss? Bigyan mo naman ako ng ideya," tanong ko muli habang isinusuot ko na ang aking itim na hoodie at kinuha ang pulang maskara.
"Dito mo na malalaman ang lahat ng detalye, Victoria. Huwag kang mag-aksaya ng oras. Magkita tayo sa loob ng tatlumpung minuto. Intindido?"
"Intindido, Boss. Papunta na ako," maikli kong sagot bago tuluyang pinatay ng kabilang linya ang tawag.
Ibinaba ko ang telepono at napatingin sa paligid ng aking hideout. Sa mga naglalakihang monitor na nakapaligid sa akin, makikita ang mga live surveillance feeds mula sa iba't ibang sulok ng siyudad.
Bukod sa pagiging doktor at assassin, may isa pa akong lihim na kahit ang BON ay walang alam. Magaling ako sa computer—masyadong magaling. Kaya kong pasukin at i-hack ang system ng Malacañang, ng Senado, o kahit ng mga malalaking bangko sa ibang bansa nang hindi nag-iiwan ng kahit anong bakas o digital footprint. Ako lang ang nakakaalam nito. Kahit ang pinaka-secured na mainframe ng BON ay kaya kong pasukin at kunin ang lahat ng files kung gugustuhin ko. Pero hindi ko ginagawa. Nanatili akong tapat sa organisasyon dahil iniisip ko na rito ko lang makakamit ang hustisya.
"Pero kung darating ang araw na hindi ako tratuhin nang patas ng BON... gagamitin ko ang alas na ito para pabagsakin kayong lahat," bulong ko sa sarili ko habang mabilis na tinatype ang ilang codes sa keyboard para i-lock ang system ko.
Lumapit ako muli sa operating table kung nasaan si Don Ronaldo. Alam kong malakas ang kaniyang katawan at baka mas maagang mawala ang talab ng anesthesia dahil sanay siya sa mga matitinding gamot bilang isang mafia lord.
Kumuha ako ng makakapal at matitibay na tactical ropes. Lumapit ako sa kaniya at sinimulang itali nang mahigpit ang kaniyang mga kamay at paa sa gilid ng bakal na operating table.
"Pasensya ka na muna, Don Ronaldo," wika ko habang hinihigpitan ang huling buhol sa kaniyang kanang kamay. "Mahirap na ang maseguro. Kilala ka bilang Nightshade, at hindi ako pwedeng magtiwala nang basta-basta kahit sinabi mong pinrotektahan mo ako."
Tinignan ko ang cellphone ko at mabilis kong kinonektar ang CCTV system ng bodega sa isang private application na ako mismo ang nag-code. Agad na lumabas sa screen ng phone ko ang malinaw na anggulo ng operating table kung saan nakatali ang matanda. Sa pamamagitan nito, kahit nasaan ako, makikita ko ang bawat galaw at paghinga ng tinaguriang Nightshade ng The Black Moon Order.
"Ayan, kahit nasaan ako, bantay ka sa akin," sabi ko habang isinusubo ang cellphone sa bulsa ng aking cargo pants.
Kinuha ko ang aking pulang maskara at isinalpak ito sa mukha ko. Gamit ang voice modifier, sinubukan ko muna ang tunog ng boses ko.
"Handa na," mekanikal na boses ang lumabas.
Kahit masakit pa rin ang paa ko sa bawat hakbang, pinilit kong lakasan ang aking loob at huwag magpakita ng kahinaan. Lumakad ako patungo sa pinto ng lihim na bodega. Hinarap ko ang malamig na hangin sa labas, handang harapin ang bagong misyon na ibibigay ni Boss Henry.
"Sino na naman kaya ang babantayan ko ngayon?" tanong ko sa sarili ko habang binubuhay ang makina ng SUV. "Sana lang... hindi ito maging hadlang sa paghahanap ko sa pumatay sa mga magulang ko."
Mabilis kong pinasubasob ang sasakyan sa gitna ng madilim na kalsada ng Tagaytay, patungo sa isang panibagong panganib na hindi ko inaasahan ang kahihinatnan.