Chapter 3
Victoria
Eksaktong tatlumpung minuto ang lumipas nang itigil ko ang SUV sa isang abandonadong planta sa labas ng siyudad. Walang sinuman ang makakahula na ang bulok na gusaling ito ang nagsisilbing gateway patungo sa sopistikadong pasilidad ng BON. Pumasok ako gamit ang biometrics at mabilis na tinahak ang malamig at bakal na koridor patungo sa opisina ng aking handler.
Nararamdaman ko pa rin ang bawat pintig ng hapdi sa aking kanang bukung-bukong, pero pinilit kong huwag iika-ika ang aking lakad. Sa lugar na ito, ang kaunting kahinaan ay pwedeng maging mitsa ng iyong katapusan. Ikinabit ko muli ang pulang maskara sa aking mukha bago huminto sa harap ng isang mabigat na pintong bakal.
Knock. Knock.
"Pasok," maikli, baritono, at malamig na boses ni Boss Henry ang sumagot mula sa loob.
Binuksan ko ang pinto at pumasok. Ang opisina niya ay nananatiling madilim at nababalutan ng seryosong atmospera. Ang tanging nagbibigay ng liwanag sa silid ay ang naglalakihang LED monitor na nakakabit sa pader sa likod ng kaniyang malawak na lamesang gawa sa mahogany. Nakatayo si Boss Henry doon, nakatalikod sa akin, magkasalikop ang mga kamay sa kaniyang likuran habang seryosong pinag-aaralan ang mga nagpapalipat-lipat na datos sa screen.
Inalis ko ang aking pulang maskara at hinubod ang dulo ng aking hoodie para mas makahinga nang maluwag. Inilapag ko ito sa ibabaw ng lamesa at humakbang palapit, pilit na itinatago ang tensyong dala ng mga natuklasan ko kanina lang sa sarili kong bodega.
"Nandito na ako, Boss," bungad ko, patag at walang emosyon ang boses. "Sabi mo may emergency mission na nanggaling pa mismo sa itaas. Ano 'yon?"
Hindi muna sumagot si Boss Henry. Dahan-dahan siyang humarap sa akin. Ang kaniyang mga mata ay matatalim, tila sinusuri ang bawat galaw ko, naghahanap ng kahit anong senyales na baka may itinatago ako.
"Bago natin pag-usapan ang bagong kontrata, Victoria-" panimula niya, lumakad siya nang ilang hakbang pwesto sa gilid ng kaniyang lamesa. "Gusto ko munang linawin ang sinabi mo sa telepono kanina. Nasaan si Nightshade? Tiniyak mo ba talaga na walang nakasunod sa'yo patungo sa hideout mo? Alam mo kung gaano kadelikado ang ginawa mo."
Huminga ako nang malalim at sinalubong ang kaniyang tingin. "Naka-secure siya sa isang lugar na ako lang ang nakakaalam, Boss. At walang nakasunod sa akin. Alam mo kung paano ako magtrabaho. Bago ko dinala ang matanda sa safehouse, tatlong beses akong nagpalit ng ruta at dumaan ako sa mga blind spot ng mga satellite trackers. Malinis ang pagkakadala ko sa kaniya."
"Mabuti kung ganoon," sagot niya, bagaman bakas pa rin ang kaunting pag-aalangan sa kaniyang mukha. "Dahil ang Black Moon Order ay hindi basta-bastang kalaban. Kapag nalaman nilang hawak mo ang kanilang pinuno, buong pwersa ng underworld ang hahabol sa'yo. At hindi kita mapoprotektahan kapag nangyari 'yon."
"Kaya ko ang sarili ko, Boss," sabi ko habang nakahalukipkip. "Mas gusto kong pag-usapan natin kung bakit mo ako ipinatawag nang ganito kabilis. Sino ang target?"
Tumango si Boss Henry at pinindot ang isang maliit na remote control na hawak niya. Agad na nagbago ang imahe sa naglalakihang LED monitor sa kaniyang likod. Nawala ang mga codes at mapang digital, at napalitan ito ng isang opisyal na profile ng isang lalaki.
Naka-uniporme siya ng militar—isang unipormeng puno ng mga parangal at tsapa. Matikas ang kaniyang tindig, may katangkaran, at ang kaniyang mukha ay may katigasan na makikita mo lang sa mga taong nabuhay at nakipagdigma sa gitna ng mga bala at pagsabog. May isang maliit na pilat malapit sa kaniyang kanang kilay na lalong nagpatapang sa kaniyang hitsura. Parang pamilyar ang mukha niya.
"Siya ang bago mong misyon," panimula ni Boss Henry, itinuro niya ang screen gamit ang remote. "Isang VIP protection mission. Babantayan mo ang isang Major mula sa elite Black Team ng sandatahang lakas... si Major Zyross Rosso."
Nanigas ang buong katawan ko. Pakiramdam ko ay biglang nawalan ng hangin sa loob ng silid. Paulit-ulit na umalingawngaw sa isip ko ang huling salitang binitawan ni Boss Henry.
Rosso.
"Rosso?" ulit ko, pilit na pinipigilan ang panginginig ng aking boses. Tinitigan kong mabuti ang larawan ng lalaki sa screen. Ang hugis ng kaniyang panga, ang bagsak ng kaniyang mga mata—may pamilyar na katangian doon na nakita ko lang kanina habang inoopera ko ang matanda sa aking bodega. "Anong koneksyon niya kay Don Ronaldo Rosso, Boss?"
Tumingin sa akin si Boss Henry, mas naging seryoso ang kaniyang mukha. Kumuha siya ng isang basong tubig bago muling nagsalita. "Siya ang kaisa-isang anak ni Don Ronaldo. Ang nag-iisang tagapagmana ng pamilya Rosso at ng imperyo ng Black Moon Order."
"Anak?" napakunot ang noo ko. Lumapit pa ako nang ilang hakbang sa screen para basahin ang mga nakasulat na impormasyon. "Isang tinitingalang Major ng militar ang anak ng pinakamalaking Mafia Lord sa bansa? Paanong nangyari 'yon? Hindi ba dapat ay magkaaway ang gobyerno at ang mga katulad ni Nightshade?"
"Sa mundong ito, Victoria, walang permanenteng magkaaway, mayroon lang magkakaibang interes," sagot ni Boss Henry habang umuupo sa kaniyang swivel chair. "Matagal nang pinuputol ni Major Zyross ang kaniyang koneksyon sa kaniyang ama. Ayaw niya sa madilim na mundo ng Black Moon Order kaya pinili niyang pumasok sa militar para gumawa ng sarili niyang pangalan. Ngunit kahit anong tago niya, dumadaloy pa rin sa mga ugat niya ang dugong Rosso."
"Kung ganoon, bakit kailangan niya ng proteksyon mula sa BON?" tanong ko habang nakataas ang isang kilay. "Kung gusto siyang protektahan ng ama niya, kaya siyang palibutan ng buong sandatahan ng Black Moon Order. Bakit kailangan pa tayong upahan ng isang kliyente para gawin ang trabahong 'yan?"
"Dahil hindi alam ng Major na may nagmamanman at pumoprotekta sa kaniya," sagot ni Boss Henry, sabay pinindot muli ang remote. Nagbago ang larawan sa screen. Lumitaw ang larawan ng isang eleganteng babae, at sa tabi nito ay isang larawan ng isa pang lalaki na may suot na white gown ng isang doktor. "Makinig kang mabuti, Victoria. Mahalaga ang taong ito dahil malapit itong kaibigan ng pamilya ni Madam Vida. At higit sa lahat, napakalapit niya kay Doctor Llander Diez."
"Doctor Llander Diez?" naitanong ko. Biglang may nag-trigger na alaala sa utak ko.
Noong nag-aaral pa ako ng medisina bago ako tuluyang pumasok sa madilim na buhay ng isang assassin, ang pangalang Llander Diez ay parang isang diyos na sinasamba sa loob ng unibersidad. Siya ang pinakabatang neurosurgeon na nakakuha ng mga pandaigdigang parangal dahil sa mga pambihirang operasyon at medikal na pananaliksik nito. Isang henyo na bihira lang makita ng mga ordinaryong tao.
"Sino si Doctor Llander Diez pagdating sa buhay ng isang sundalo, Boss? Bakit siya makikialam sa kaligtasan ng isang Major?" tanong ko muli, sinusubukan kong pasukin ang mas malalim na anggulo ng kuwento. Ipinatong ko ang aking mga kamay sa lamesa ni Boss Henry at direktang tumitig sa kaniyang mga mata.
"Matalik silang magkaibigan ni Major Zyross," paliwanag ni Boss Henry habang pinapasadahan ng tingin ang mga dokumento sa kaniyang lamesa. "At si Doctor Llander mismo ang nag-hire sa BON para maging anino at proteksyon ng Major. Maraming nagtatangka sa buhay ni Zyross ngayon dahil sa kaniyang huling deployment sa ibang bansa. Isa siya sa mga namuno at nakipaglaban sa mga teroristang Abu Sayyaf sa Iraq."
"Sa Iraq?" tanong ko, bahagyang nagulat sa lawak ng impluwensya at operasyon ng Black Team.
"Oo, sa Iraq," tumango si Boss Henry. "Sa misyong 'yon, binihag ng mga terorista ang grupo ng mga Pilipinong sundalo na pinadala doon at mga doctor at humanitarian workers na kinabibilangan ni Dr. Llander Diez. Isang sundalo din si Dr. Llander Diez. Sila ang unang sunadalo na ipainadala noong sa America siya. Halos mawalan na ng pag-asa ang pamahalaan na mababawi silang buhay. Ngunit si Major Zyross Rosso at ang kaniyang Black Team ang pumasok sa kuta ng mga terorista."
Yumuko si Boss Henry nang bahagya, tila inaalala ang ulat ng operasyon. "Madugong labanan ang nangyari. Ayon sa intelligence report, muntikan nang mamatay si Major Zyross dahil sinalo niya ang isang bala na dapat ay tatama kay Doctor Llander. Dahil sa kabayanihan at tapang ng Major, ligtas at buong-buhay na nakauwi ng Pilipinas si Doctor Llander Diez kasama ang kaniyang mga kasamahan."
"Kaya ngayon, gustong magbayad ng utang na loob ng doktor," dugtong ko, unti-unting nabubuo ang buong larawan sa aking isipan.
"Eksakto," sabi ni Boss Henry. "Ang problema, kilala si Major Zyross bilang isang taong may mataas na prinsipyo at pride. Masyado siyang independent. Kung malalaman niyang may kumuha ng bodyguard o protection para sa kaniya, agad niya itong itataboy o baka siya pa ang bumaril sa taong iyon. Hindi niya tatanggapin na kailangan niya ng tulong ng iba, lalo na mula sa mga pribadong ahensya. Kaya ang utos ni Doctor Llander sa atin ay malinaw: undercover protection. Kailangan mo siyang bantayan nang hindi niya nalalaman na may isang assassin mula sa BON ang nagsisilbing kalasag niya sa dilim."
Nakinig lamang ako habang patuloy na pinag-aaralan ang bawat mukha na lumalabas sa screen. Habang nagsasalita si Boss Henry, hindi lang ang impormasyon tungkol sa misyon ang pinoproseso ng utak ko. Iniisip ko kung paano ko gagamitin ang sitwasyong ito para sa sarili kong kapakanan.
Doctor Llander Diez... Narinig ko na ang pangalang ito noong nag-aaral pa ako ng medisina. Bilang isang siruhano, alam ko kung paano gumalaw ang mga tao sa medikal na larangan. Kung si Doctor Llander ang nag-hire sa BON, ibig sabihin siya ang susi ko para makapasok sa buong pamilya Rosso nang hindi pinaghihinalaan ni Boss Henry o ng kahit sino sa organisasyon. Kung mapapalapit ako sa doktor, mas madali kong malalaman kung ano ang totoong koneksyon ni Don Ronaldo Rosso, o ni Nightshade, sa pagkamatay ng aking mga magulang. At kung nagsasabi ito ng totoo.
"Mukhang mahirap na misyon ito, Boss," sabi ko habang naglalakad-lakad sa loob ng opisina, kunwari ay nagpapakita ng kaunting pag-aalinlangan. "Ang isang sundalong sinanay sa digmaan ay may matalas na instinct. Madali niyang mapapansin kung may sumusunod sa kaniya, kahit gaano pa kalinis ang pagkakago ng isang anino."
"Kaya nga ikaw ang pinili ko para sa misyong ito, Victoria," seryosong sagot ni Boss Henry, sumandal siya sa kaniyang upuan at pinagtagpo ang kaniyang mga daliri. "Ikaw ang pinakamagaling sa undercover at surveillance sa lahat ng mga active agents natin ngayon. At may isa ka pang bentahe—ang background mo sa medisina. Pwede mo itong gamitin bilang disguise para makalapit sa mundo ni Doctor Llander, na siya namang maglalapit sa'yo kay Major Zyross."
"Gusto mo akong pumasok sa ospital o sa unibersidad kung nasaan sila?" tanong ko, pilit na itinatago ang pananabik sa aking boses. Ito na ang pagkakataon ko.
Pero may naisip na akong paraan para mapalapit sa dalawa na hindi malalaman ni Don Ronaldo.
"Depende sa kung anong diskarte ang gagamitin mo," sagot ni Boss Henry sabay abot sa akin ng isang high-tech na tablet. "Nariyan ang lahat ng detalye. Ang kaniyang mga madalas na pinupuntahang lugar, ang kaniyang daily routine, ang mga taong nakakasalamuha niya, at ang mga kilalang banta sa buhay niya mula sa mga natitirang galamay ng mga teroristang kinalaban niya sa Iraq. May mga nakapasok na rin ditong foreign hitmen na balisang makuha ang ulo ng Major."
Kinuha ko ang tablet at mabilis na pinindot ang screen. Lumabas ang iskedyul ni Major Zyross. Isang napakadisiplinadong tao. Bahay, kampo militar, at paminsan-minsang pagbisita sa pribadong klinika o tahanan ni Doctor Llander Diez.
"Paano kung mag-krus ang landas namin ni Major Zyross at makilala niya ako?" tanong ko habang nakatitig sa kaniyang larawan. "Sabi mo, matalas ang kaniyang pakiramdam."
"Hindi ka niya makikilala kung gagawin mo nang tama ang disguise mo, Victoria," sabi ni Boss Henry. "Sa harap niya, hindi ka si Victoria ang assassin ng BON. Ikaw ay isang ordinaryong sibilyan, o isang kasamahan sa propesyon ng kaniyang matalik na kaibigan. Ngunit tandaan mo, huwag kang gagawa ng kahit anong ingay. Ang tanging layunin mo ay siguraduhing walang balang tatama sa kaniya."
"Naiintindihan ko, Boss," sabi ko habang unti-unting ibinabalik ang tablet sa kaniyang lamesa. Kinuha ko ang aking pulang maskara at hoodie. "Kailan ko sisimulan ang operasyon?"
"Ngayong gabi rin," malamig na utos ni Boss Henry. "Kasalukuyang nasa isang pribadong pagtitipon si Major Zyross kasama si Doctor Llander sa isang hotel sa Maynila. Nariyan sa tablet ang eksaktong lokasyon. Gusto kong pumunta ka roon at simulan ang pagmamanman. Tiyakin mo na walang makakalapit na kahina-hinalang tao sa kanila."
Isinuot ko muli ang aking hoodie at hinawakan ang pulang maskara, pero bago ko ito ilagay sa aking mukha, huminto muna ako. "Boss... isang huling tanong."
"Ano 'yon?"
"Kung sakaling matuklasan ng matandang si Don Ronaldo na ang anak niya ang binabantayan ko... anong gagawin ko?" tanong ko, sinusubukan kong hulihin kung may alam si Boss Henry sa tunay na motibo ng matanda.
Tumingin sa akin si Boss Henry nang matagal, tila may malalim na iniisip bago dahan-dahang umiling. "Huwag mong hahayaang mangyari 'yon, Victoria. Hangga't maaari, panatilihin mong walang malay o walang alam si Nightshade sa mga galaw mo. Gaya ng sinabi ko sa'yo kanina sa telepono, ang pamilya Rosso ay parang apoy. Kapag nalaman ng ama na pinoprotektahan mo ang anak, o kapag nalaman ng anak na hawak mo ang ama... gitna ka ng isang digmaan na hindi mo kakayaning panalunan. Huwag mong hahayaang madamay ang personal mong emosyon o nakaraan dito. Intindido?"
Isang tipid at malamig na ngiti ang sumilay sa aking mga labi, isang ngiti na hindi niya nakikita dahil mabilis kong isinalpak ang pulang maskara sa aking mukha. Gamit ang voice modifier, naging mekanikal at walang buhay ang boses ko.
"Intindido, Boss Henry. Huwag kang mag-alala... matagal na akong sunog. Wala nang natira sa akin kundi abo. Ang apoy ninyo ay hindi na kayang sunugin ang isang taong matagal nang naging bahagi ng kadiliman."
Tumango si Boss Henry, tila nasiyahan sa aking sagot. "Mabuti. Mag-ulat ka sa akin kapag may bago kang pag-unlad sa misyon. Maaari ka nang umalis."
Inikot ko ang aking katawan at mabilis na lumakad patungo sa pinto ng opisina. Habang hinahawakan ko ang bakal na hawakan ng pinto, naramdaman ko muli ang bigat ng bawat hakbang ko. Hindi lang dahil sa pisikal na sakit ng aking bukung-bukong, kundi dahil sa bigat ng larong pinapasukan ko ngayon.
Binuksan ko ang pinto at lumabas sa madilim at malamig na koridor ng BON hideout. Habang naglalakad ako pabalik sa aking sasakyan sa gitna ng bumubuhos na ulan sa labas ng abandonadong planta, ang utak ko ay abala na sa pagbuo ng plano.
Doctor Llander Diez... Major Zyross Rosso... at Don Ronaldo Rosso.
Tatlong magkakaibang tao, ngunit konektado sa iisang mitsa ng nakaraan ko. Kung narinig ko na ang pangalan ni Doctor Llander noong nag-aaral pa ako ng medisina, nangangahulugan na may mga lumang koneksyon ako na pwede kong buhayin para makapasok sa kanilang buhay nang hindi nagiging kahina-hinala. Kailangan kong gamitin ang aking pagiging mapaglarong mundo, para makuha ang tiwala ng henyong siruhano na 'yon. At kapag nakuha ko na ang tiwala niya, mas madali kong mababantayan at mapag-aaralan—ang kaniyang matalik na kaibigan na si Major Zyross.
Sumakay ako sa SUV at mabilis na binuhay ang makina. Pinatunog ko ang wipers para hawiin ang makapal na tubig-ulan na humahadlang sa aking paningin. Tumingin ako sa screen ng aking cellphone na nakakabit sa dashboard. Ang live feed mula sa aking lihim na bodega ay nagpapakita pa rin kay Don Ronaldo na mahimbing na natutulog at nakatali sa operating table.
"Bantayan mo ang anak mo sa panaginip mo, Don Ronaldo," bulong ko sa sarili ko habang idiniin ang silinyador ng sasakyan. "Dahil sa totoong buhay, ako ang magiging anino niya ngayon."
Pinasubasob ko ang sasakyan sa gitna ng madilim na kalsada patungo sa Maynila. Isang panibagong kabanata ng panganib ang magsisimula, at sisiguraduhin kong sa pagkakataong ito, mabibigyan ko na ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang ko.