Chapter 1

1598 Words
Year 2020 “Yan na po lahat, Tita Leng,” ngumiti ako kay Tita Leng matapos buhatin ang tatlong karton ng condesed milk na inihatid ng panel truck dito sa convenience store. “Hala! Ba’t naman tatlo lang nai-deliver nila? Nag order ako sa kanila ng anim,” nakakunot noo’ng nagrereklamo si Tita Leng habang tsine-check kung may damage ba ang boxes. “Hay! Alam mo, Sal? Yung driver ng delivery truck na ‘yon! Napaka chicboy! Dami-daming isinasakay diyan sa truck niya na bugaw! Hay ewan ko na lang talaga pag nabuking yan ng asawa!” Hindi naman ako umimik kay Tita Leng at nagpunta na lang sa section ng mga bottled beers na naka-display. Pinunasan ko ng basahan ang mga alikabok na kumapit sa mga bottled beers habang nakikinig na lang din sa mga pinagsasabi ng amo ko. Hindi niya magawang itigil ang tsismis niya patungkol sa driver ng panel truck na nag deliver sa amin nitong mga condensed milk. Binibilang naman ni Tita ang mga gatas sa loob ng box na kabubukas niya lang. “Minsan na nga akong pinag-tripan niyan, eh!” aniya pa. “Mabuti na lang talaga at hindi ako pumatol! Nako! Napakatanda na niya at may asawa pa. Naglalandi pa! Tsaka, kaya siguro mali-mali ang deliver niya dito kasi iniisip niya mga ikinama niya! Pag yan talaga nagkamali, ewan ko na lang talaga anong magagawa ng asawa niyan!” Napapailing na lang ako sa mga tsismis na sinasabi ni Tita Leng. Nasanay na din ako sa bunganga niyang iyan. Matagal na akong helper dito sa tindahan niya. Malago naman at maayos ang negosyo. Mabait si Tita Leng at masyadong ma-tsismis. Dami-dami niya ngang alam tungkol sa mga buhay ng mga customer niya. Lalo na iyong mga customer na palagi at nagiging suki na. Lahat ng mga kwento ng mga customers niya, pag nakalabas na ng convenience store ay may masasabi talaga sa’kin si Tita Leng. Minsan ay mga negative comments yan o di kaya ay positive. Nakikinig din ako kasi minsan di ko din maiwasang maintriga sa mga itsini-tsismis ni Tita Leng. Sa sobrang tagal ko dito ay naging pamilya na din ang tingin ko kay Tita Leng. Siya ang kumupkop sa akin at nagpapakain pa ng hindi binabawas sa sweldo ko. Sabi niya sa’kin ay ako daw ang swerte niya sa tindahan. Simula daw kasi nung pumasok ako dito bilang kanyang helper ay dumami daw ang customers namin. “Napakagandang lalake mo pa naman, Salem,” aniya pa na ikinalingon ko naman. “May girlfriend ka na ba?” Napatawa naman ako sa tanong ni Tita Leng. Girlfriend? No time for that. “Wala ho akong panahon para diyan.” “Ay nako! Hindi, Salem!” ma-dramang aniya pa at napatayo mula sa pagkakaupo niya sa kanyang maliit na upuan. “Sa tinagal-tagal mong nagtrabaho sa akin, hindi kita nakitang nakipag-usap at nakipagtitigan ng malagkit sa mga dalagang suki natin! Bakla ka ba?” Nagulat ako sa tanong ni Tita Leng. Napatingin naman ako sa kanya at agad na umiling. “Hindi po, Tita Leng! Grabe naman ‘to. Wala lang ho talaga akong balak magka-jowa!” “Aba, e, kung magkakajowa ka na. Ipakilala mo sa’kin, ha?” tumawa naman si Tita Leng nang sabihin ‘yon at nagpatuloy na sa kanyang ginagawa. Natawa na lang din ako at naiiling na ibinalik ang aking atensyon sa ginagawa. Matagal na akong nagtatrabaho bilang helper ni Tita Leng. Napakamaalaga at maaalahanin niya. Napakamasiyahin niya at kahit na iniwan na siya ng kanyang asawa at tatlong anak. Hindi niya nagawang ipakita sa’kin na nami-miss niya ang pamilya niya. Nanatiling matatag si Tita Leng at ibinuwis na lamang ang lahat ng atensyon sa pagnenegosyo. Gabi na, lagpas alas nuwebe na ng gabi at nandito ako ngayon sa gilid ng daan, naglalakad. Nilalakad ko lang ang daan ko pauwi para na din makatipid ng pamasahe. Malapit lang naman ang tinutuluyan kong apartment sa tindahan ni Tita Leng. Bukas na bukas ay magpapahinga lang ako, wala naman daw kasi akong duty bukas sa tindahan niya. Sabi niya sa’kin ay umalis daw ako at maghanap ng magiging jowa. Ewan ko ba kay Tita Leng, dati pa man ay palagi na niya akong tinatanong kung may girlfriend na ba ako. Lagi naman akong umiiling. Hindi ako pwedeng mag girlfriend. Hindi ako pwede sa ganyan… Napahinga na lang ako ng malalim sa aking naisip. Napakalamig ng gabi. Ang sementong daanan ng syudad ay basa pa dahil sa kauulan lamang kanina. Nang ako ay nag-angat ng tingin ay nakita ko ang kagandahan ng mga buildings. Naghahalo-halo ang mga ilaw na iba’t-iba ang kulay. Napakaganda ng syudad. Napakaganda ng modernong pamumuhay. Napakagandang mundo. Ang mga tao ay nagbabago. Unti-unting umuunlad ang kanilang talino at galing. Habang tumatagal ay mas lumalawak pa ang kanilang mga matututunan at natutuklasan. Sana ay magpatuloy ito. Napapaisip tuloy ako… Paano kung hanggang ngayon ay naririto pa sila? Impossible, it’s been forever since they’re gone. Wala na akong balita sa kanila. Wala na akong naririnig na kwento patungkol sa kanila. Siguro ay wala na ring naniniwala sa kanila dahil nga any nasa modernong panahon na tayo. Hindi na uso pa ang mga ganoon. “Kuya, palimos po…” napatingin ako sa isang musmos na humila sa laylayan ng aking damit. “Wala pa po kasi akong kain. Hindi pa po nakakain mama ko.” Tinuro niya ang kanyang Ina na nakahiga sa gilid ng daan. Nakabalot ito sa kumot at pumipikit-pikit. Mukhang may dinadamdam ang kanyang Ina. Habang nakatingin ako sa kanyang Ina ay naalala ko ang aking Ina. “Anak, kumain ka ng marami. Hinanda ko ang lahat ng ‘yan para sa inyo.” “Ang sarap magluto ng mama niyo, no? Kaya hindi ako nagsisisi na naging asawa ko ‘yan, eh!” “Aba’t inasawa mo lang ba ako para ipagluto ka?” Hindi namin maiwasan ni Kuya na mapatawa dahil sa kunyaring nagtatampo. Hindi naman nagpaligoy-ligoy pa si Papa at agad na hinagkan ang aming Ina. They look so happy. I want to see my Mom and Dad like this always. Hindi ako magsasawang pagmasdan silang naglalambingan. Sino ba namang anak ang ayaw na makita ang kanilang Ama at Ina na ganito ka-sweet. Makikita mo sa kanila kung gaano nila kamahal ang isa’t-isa. “Malayo-layo din ang pagtatrabahuhan ko, mahal.” “Iiwan mo ba kami dito, mahal? Paano na kami ng mga bata?” “Uuwi naman ako kapag nakaipon na ako. Mas malaki ang kita doon, mas maraming tao ang bibili ng mga paninda natin. Kulang pa ang kita natin sa pamilihan dito. Doon ay mas malaki ang pamilihan nila, mas marami tayong kita,” hinalikan ni Papa ang noo ni Mama. “Wag kang mag-alala. Magpapadala ako palagi ng sulat. Susulat ako sa inyo ng mga anak natin.” Nakasilip lamang ako sa pintuan. Hindi kasi ako makatulog at gusto ko lang sana pumunta ng kusina para maghanap ng pwede kong kainin. Nagugutom din kasi ako, kaso nakita ko sila Mama at Papa na nag-uusap. Hindi ko naman maiwasang makinig na lang. “Mahal, pwede ko namang gamitin yung—” “Shhh!” putol ni Papa sa sasabihin ni Mama, “Nangako ka sa’kin na hindi ka na babalik sa ganon. Napakadelikado no’n lalo na sa ngayon. Hindi kita pinipigilan, pero ang gusto ko ay mag ingat ka.” Napahinga ng malalim si Mama at napayakap na lamang kay Papa. “Natatakot ako maiwan. Baka sulungin nila tayo. Baka mahanap nila tayo.” “Shh. Hindi mangyayari yan. Ligtas tayo dito. Ligtas kayo dito.” Napangiti si Papa nang sabihin iyon kay mama. Nakita kong hinalikan ni Papa si Mama at muling niyakap. Noong panahon na ‘yon. Hindi na namin nakita pa si Papa. Maaga siyang umalis ng bahay at si Mama na lamang ang naiwan na nag-aalaga sa amin. Ang sabi ni Mama ay babalik si Papa. Naniwala kami no’n dahil sa nagpapadala ng sulat si Papa palagi. Sinasabi niya sa amin kung gaano na siya kasabik na makita kami muli. Pero ilang araw at linggo ang dumaan, hindi pa siya umuwi. At hindi na nagpapadala pa ng sulat. Ngayon, nakita ko ang Ina ng musmos sa aking harapan. Naalala ko ang Ina ko na nagtaguyod at patuloy na inaalagaan ang kanyang dalawang anak. Kahit na pagod, hindi siya sumuko. Kahit na naghihirap ay nandiyan pa din siya. Hindi niya kailan man isinuko ang kanyang mga anak. Ang bata ngayon ay nanghihingi ng kahit na anumang halaga para lang may makain. Dumukot ako ng pera sa aking bulsa at inabot sa kanya ang bente pesos na dala ko. Yun lang ang maibibigay ko. Hindi ko pa sahod at wala pa akong pera. Yan na lamang ang natitira sa bulsa ko. “Salamat po, Kuya!” hindi maitago ang saya sa mga mata ng bata. Siguro ay gutom na gutom na talaga siya at wala pa siyang natatanggap na pera mula sa mga taong dumadaan. “Mama, mama! May pangkain na tayo!” Yumakap ang bata sa kanyang Ina. Ganon din ang Ina sa kanyang anak. Hindi ko maiwasang maawa, and at the same time, matuwa dahil sa nakita ko. Kahit gaano kahirap ang buhay ay lumalaban pa din sila. Nagagawa pa nilang maging masaya. Sa tinagal-tagal kong nanirahan kasama ang mga tao ay masasabi kong kahit na anong ganda o yaman na meron ang isang lugar, sa likod nito’y may nakatagong kahirapan. Napakaganda ng syudad. Napakamakulay at punong-puno ng buhay. Ngunit sa bawat sulok ng syudad ay mayroong naghihirap, kumakayod, at patuloy na lumalaban. ITUTULOY.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD