SALEM
Nagising ako ng madaling araw. Palagi na lang akong nagigising ng ganitong oras sa hindi malamang dahilan. Nang tingnan ko naman ang orasan sa side table ng kama ko ay napahinga ako ng malalim. 3:33 AM.
Seriously? Noong nakaraang araw ko pa talaga napapansin na lagi akong nagigising sa ganyang oras. Ano na naman kaya ang ibig sabihin nito?
Matagal ko nang tinalikuran ang witchcraft. Matagal na din akong nagbagong buhay at nanirahan na parang isang normal na tao. Pero sa ganitong mga pagkakataon ay napapaisip ako kung mayron pa ba itong ibig sabihin.
Dahil sa hirap na makatulog muli ay bumangon na lang ako mula sa aking kama at nagtungo sa aking mini fridge. Binuksan ko ito at kinuha sa loob ang malamig na tubig. Naisip kong magkape na lang muna at hintayin na lang na magpakita ang Haring araw.
Nagpakulo ako ng tubig sa heater at nang matapos ay nagtimpla na din ako ng kape. Binuksan ko naman ang bintana at pinanood ang bukang liwayway. Humigop ako sa aking kape at pinagmasdan ang paligid.
Itong apartment ko kasi ay nasa limang palapag. Sapat na ito para makita ang malawak ng syudad. Sa malayo ay natatanaw ko ang mga nagtataasang mga gusali. Medyo malayo kasi ako sa Central City.
Napakagandang pagmasdan ng syudad na tila natatakpan pa ng hamog dulot ng lamig. Ang hangin ay presko. Nanunuot pa ang lamig nito sa balat kapag humaplos ito sayo. Napakagandang tanawin. Kung ito ay masisira, paano 'to maibabalik sa dati?
Inubos ko na lang ang aking kape at nagpahinga muna saglit. Nang makita ko na malapit na ang bukang liwayway ay naghanda na ako ng aking damit at kinuha ang aking tuwalya para maligo.
Habang naliligo ay napaisip din ako sa sinabi ni Tita Leng kahapon. Paano kaya kung subukan kong mag girlfriend? Hindi naman siguro masama kung ma-in love ako, ‘di ba?
Kung mamumuhay lang din naman ako ng parang tao ay dapat ginagawa ko din ang mga ginagawa ng mga tao. Ang sa’kin lang din naman kasi ay natatakot akong malaman ng partner ko kung ano ako.
Napakahirap din maki-blend sa paligid mo. May mga taong binabantayan talaga bawat kilos mo. May mga taong pinanonood ang bawat galaw mo. May mga taong ginagawan ng kahulugan ang mga simpleng bagay na ginagawa mo. Mayroon ding mga taong nangengealam sa’yo. Kagaya na lamang ng—
Napalingon kaagad ako sa pinto ng CR nang marinig ang doorbell na nagmumula sa pinto ng apartment ko. May tao sa labas, ganito kaaga talaga ay may nagdu-doorbell?
Binilisan ko na lang ang aking kilos at nagtapis ng tuwalya. Hindi na ako nakapagpalit pa ng damit dahil sunod-sunod na ang doorbell ng taong nasa labas. Basa pa ang buhok ko pati na din ang katawan ko pero bahala na. Mukhang nagmamadali din itong nasa labas.
Binuksan ko ang aking pinto at bumungad sa akin si…
“Rachelle..”
“O-ohh..” napaiwas kaagad siya ng tingin nang makita ang kalagayan ko. Anak ng bruha nga naman, oh!
“Pasensya na,” agad kong itinago ang sarili ko sa pinto ngunit nakalabas pa din ang ulo ko para makausap siya.
Nakakahiya ang sitwasyon na 'to. Hindi ko din naman ikinakahiya ang katawan ko. Maganda kaya ang katawan ko. Macho ko nga, eh. Kaso nakakahiya kay Rachelle baka napaka uncomfortable ng sitwasyon na to para sa kanya.
“A-ah.. m-may kailangan ka ba?”
“A-ahh…”dahan-dahan naman siyang lumingon sa akin at nang makitang nakatago na ako sa pinto ay umayos siya ng tayo at tumikhim muna bago nagsalita. “Hinahanap ko si Gella. Baka kasi nandito na naman siya sa apartment mo.”
“A-ahh.. si Gella,” pusa niya. “Hindi ko naman siya nakita dito sa loob, eh. Naliligo lang ako. Baka nasa—”
“Meow~”
Anak ng teteng..
“Sino yun?” ani Rachelle. “Si Gella ba yun?”
Hindi na ako nakapagsalita pa at nang lumingon ako sa aking likuran. Nandoon si Gella sa sahig. Nakaupo at pinagmamasdan lang akong nakikipag-usap kay Rachelle. Wala naman akong ibang magawa kundi buksan na lang ng tuluyan ang pinto at hayaang makapasok si Rachelle para kunin ang pusa niya.
“GELLA!” pumasok na si Rachelle sa apartment ko ng tuluyan at binuhat ang kanyang pusa. “Bakit ka nandito, ha? Lagi ka na lang nandito. Mas gusto mo ba dito?”
Napahinga naman ako ng malalim at saka napatingin sa akin si Rachelle. Napalunok siya ng makita na nakahubad pa pala ako ng pang itaas. Ngumiti siya ng hindi makatingin sa akin ng diretso.
“Siguro kailangan mo na magbihis,” tumawa siya at saka muling itinuon ang atensyon niya kay Gella. “Pasensya na, nakadistorbo pa tuloy ako sa pagligo mo.”
“H-ha? Hindi! Hindi, katatapos ko lang din naman,” ngiti ko pa sa kanya. “Hindi ko din alam na nandito pala yan si Gella. Hindi ko naman kasi siya napansin. Hindi ko din alam kung saan dumaan yan at paano nakapasok yan dito.”
Tumawa na lamang kaming pareho. “Mahilig talaga sumuot ang mga pusa. Magugulat ka na lang nasa loob na sila kahit wala ka namang ibang alam na butas kung saan sila pwede dumaan.”
“Right,” pagsang-ayon ko na lamang sa kanya. “Good morning, by the way.”
“Good morning, Sal,” aniya at ngumiti. Ang ganda. “Mauna nako, ha? Salamat at pasensya na sa distorbo.”
“No! No problem,” ngumiti na lamang ako sa kanya at saka na siya tumalikod. Pero bago pa man yun ay napatingin siya sa imahe na nasa dingding malapit sa pinto.
“Rune?” napatingin din ako sa kanyang tinignan.
Naroon ang simbolo na dapat kami lamang ang nakakaalam pero paano niya nalaman ang tungkol diyan?
“Maalam ka din sa runes?” tanong niya sa akin.
“A-ah.. hindi,” pagsisinungaling ko sa kanya. “Maganda kasi tingnan, eh. Kaya binili ko na lang para i-display dito sa dingding. You know, para may design naman ang apartment ko.”
Tumango-tango lang siya sa’kin. “That’s the rune of Algiz. It represents protection, defense, instinct, and teamwork.”
She knows…
“A-ah.. aahh..” ngumiti na lamang ako sa sinabi niya. “Ganon pala yun, hindi kasi sinabi sakin ng pinagbilhan ko.”
“Maganda yan sa bahay. Kumbaga mag protection ka,” ngiting aniya. “But that’s a witch rune. It might cause bad luck to you.”
“H-hindi naman siguro. Matagal na kasi yan diyan,” sagot ko naman sa kanya.
“Still, you need to be careful. Baka kasi may patuluyin ka dito na hindi mo alam, eh, alam mo na,” ngumiti siya. “Baka gamitin nila yan against you.”
“A-ah.. no, hindi naman. Hindi naman ako nagpapapasok ng kung sinu-sino,” sagot ko pa sa kanya.
“Sige, thank you, Salem. Have a great day,” ngumiti siya sa akin bago lumabas ng apartment ko.
Sinara ko ang pinto at napaisip sa sinabi sa akin ni Rachelle. Hindi mawala sa isip ko mung paano niya nalaman ang mga ganoong bagay. Ang tanging nakakaalam lamang sa mga runes ay ang mga Witches at Warlocks lang.
Paano naman niya nalaman ang gano’n? Imposible naman na isa siyang witch dahil hindi mo naman makikita sa kanya na kabilang siya sa kanila.
Malalalaman mo naman kung ang isang tao ay Witch, makikita mo yun sa kanilang mga mata. Pero si Rachelle, hindi ko masabing isa siyang witch dahil ang kanyang mga mata ay normal lamang.
Her eyes are so perfect. Her face looks like an angel too. Kung titingnan mo ng maigi ang mukha niya, makikita mo ang natural niyang ganda. Her brown eyes, pink lips, white skin—teka nga.
Alam ko kung ano ang hitsura ng mga kagaya ko. Malalaman ko kaagad kung isa ba siyang witch or hindi. Posible kayang naniniwala din ang mga tao sa mg witches at warlocks kaya may alam din sila sa mga runes? Dahil pinag-aaralan nila ang mga ito? I mean, may mga tao pa palang naniniwala sa existence nila? Matagal na panahon na simula nung nangyari ang Witch Eradication at marami sa mga kalahi ko ang namatay. Marami din ang nakaligtas at nakatakas pero sure ako.
Sigurado akong konti na lang ang mga witches at warlocks dito sa mundo dahil noon pa man ay pinagpapapatay na sila.
Pinagpatuloy ko na lang ang gawain ko sa umaga at nagbihis na para umalis. Kailangan ko din mamili ng mga pagkain at supplies para sa apartment ko. Paubos na din kasi ang mga necessities ko.
Lumabas ako ng aking apartment at ni-lock ang pinto. Maglalakad na sana ako paalis nang makita ulit si Rachelle na kalalabas lang din ng apartment niya.
“Una na po ako, Lola!”
“Mag-iingat ka, apo.”
“Opo, La!”
Aalis na din sana si Rachelle nang makita niya ako. Ngumiti siya sa akin at tinawag niya ako. “Salem!”
“A-ah! Rachelle,” kumaway ako sa kanya.
“Saan ka pupunta?”
“A-ah diyan lang sa may convenience store. Bibili ako ng mga pangangailangan ko,” sagot ko naman sa kanya.
“Halika, sabay na tayo,” pag-aaya niya sa akin. “Lola, this is Salem. This is the guy I am talking about. He lives next to our apartment kung saan laging pumupunta si Gella.”
Napatingin naman sa akin ang kanyang Lola at ngumiti ako dito at kumaway. “Good morning po, Lola.”
Hindi sumagot ang kanyang Lola at tinitigan ako. Para bang sinisipat nito ang buong pagkatao ko. Hindi ko alam pero parang nagiging uncomfortable ako sa mga titig ng Lola ni Rachelle. Para makaiwas ay nag iwas na lang ako ng tingin sa kanyang Lola at tumingin kay Rachelle.
“Una na kami, Lola, ha?”
“Mag-iingat ka, Apo,” anang Lola niya. Pero ang tono nito ay para bang sinasabi niyang mag-ingat si Rachelle sa akin. Ewan ko ba, o nag-aassume lang talaga ako.
ITUTULOY.