Chapter 3

1151 Words
SALEM Napahawak ako saking ulo nang maramdamang kumirot ito. Nang buksan ko ang aking mga mata ay nagulantang ako sa aking nasilayan. Hindi ko alam kung nasaan ako, hindi ko alam ang lugar na ito. Hindi ko din alam kung paano ako nakarating dito. Lumingon-lingon ako sa paligid. Wala naman akong ibang nakikita kundi kadiliman lang. Ngunit isa lamang ang sigurado ako. Nakatayo ako sa gitna ng isang daan, may liwanag dahil may mga sulo sa bawat gilid ng daan. Sinundan ko ng tingin ang mga sulo at napansin kong padiretso ito sa direksyon na hindi ko malaman kung saan papunta. Tumingin pa ako sa langit at nasilayan ko doon ang kabilugan ng buwan. Napakalamig ng hangin, tanging naririnig ko lang ay ang huni ng mga uwak at paghampas ng hangin sa mga nagtataasang mga kahoy. Nasa gitna ako ng kagubatan. Kagubatan na may daanang hindi ko alam kung saan papunta. Sinundan ko ang daanan. Dahan-dahan ang aking paglalakad para makasiguro na walang ibang taong naririto. Kung meron man ay sana mabait, hindi ko alam baka may nanonood sa akin habang naglalakad ako. Pero hindi ko naman nararamdaman na may nakatingin sa akin. Dumeretso lang ako sa daan at sa may distansya ay may paliko. Sinundan ko yun at lumiko sa kanan. Habang patuloy kong binabaybay ang daan ay unti-unti kong nakikita na mayroong liwanag. Ang liwanag na parang galing sa isang malaking apoy. Wala pa din akong ideya kung saan ako pero baka may makita akong mga tao na maaaring makatulong sa akin. "Deum tenebrarum vocamus. Preces nostras concede. Quod perditum vivifica est, redde quod nostrum est." May naririnig akong mga boses. Sabay-sabay nilang binibigkas ang mga salitang yun. Hindi ko pa masyadong marinig pero sigurado ako na inuulit lang din nila ang mga sinasabi nila. Malapit na ako sa kung saan nanggagaling ang tunog. Konti na lang... Malapit na... Humakbang pa ako papalapit at mas narinig ko na ang mga sinasabi nila. "Deum tenebrarum vocamus. Preces nostras concede. Quod perditum vivifica est, redde quod nostrum est." Habang ako ay papalapit sa mga nagsasalita ay mas naririnig ko na ang kanilang sinasambit. Kinakabahan ako dahil alam ko ang mga salitang iyon. Alam ko ang ibig sabihin no'n. Sana lang ay mali ang iniisip ko. Sana lang ay hindi 'to totoo! Nang ako ay makalapit ay nanlaki ang aking mga mata sa nakita. Parang naputulan ako ng hininga sa aking nakita, dahil sa gulat at hindi makapaniwalang reaksyon. Patuloy pa din nilang sinasambit ang mga salita. Paulit-ulit. Nakakabingi. Habang tumatagal ay mas lumalakas lang ang kanilang boses. Habang tumatagal ay mas lumalala ang takot ko. Habang mas lumalakas ang kanilang boses ay lalong lumalamig sa paligid. Nanindig ang mga balahibo ko sa narinig. Nakapaligid sila sa isang mataas na kawayan. Sa ibabaw noon ay ang sunog na katawan ng isang tao. Kung hindi ako nagkakamali ay tila isang hayop na nakatuhog ang tao sa kawayan. Sa ilalim ng kawayang ito ay may mga buto ng tao. Nagkalat ang mga ito. Hindi lang 'yon. May mga ahas na gumagapang sa paanan ng kawayan na iyon. Gumagapang sa bawat buto ng taona nagkalat. Muntikan na akong masuka nang nakita roon ang isang buong paa ng tao. Presko pa ito at parang bago lang itong pinutol mula sa nagmamay-ari nito. Saka ko lang din napansin... Na mag mga laman na nakapulupot sa paanan ng kawayan kung saan nakatuhog ang sunog na katawan ng tao. "Deum tenebrarum vocamus. Preces nostras concede. Quod perditum vivifica est, redde quod nostrum est-" Nakakapanghilakbot ang aking mga nasilayan ngunit nanindig pa ang aking mga balahibo nang bigla na lang silang tumigil sa pagsalita. Maya-maya pa ay nakarinig ako ng tunog ng nababaling mga buto. Mas lalo lang din akong kinilabutan nang malaman kong sa kanila nanggaling ang tunog ng mga nababaling buto. At... At matapos... Nakatingin na silang lahat sa akin. Isa sa kanila ay umikot ang ulo papaharap sa akin. Nakakatakot pagmasdan ang kanyang katawan na nakatalikod sa akin ngunit ang ulo ay nakaharap sa akin. Tila pinugutan ako ng hininga ng makita kung gaano katulis ang kanilang pagtitig sa'kin. Hindi na ako nagdalawang isip pa... Tumakbo ako papaalis sa lugar na 'yon! Tumakbo ako ng mabilis para makalayo sa kanila. Hindi ko alam kung hinahabol nila ako pero tumakbo lang ako ng mabilis. Napakabilis ng pagkabog ng dibdib ko. Habang tumatakbo ako ay lumalakas din ang hangin sa paligid. Sa gitna ng pagtakbo ay napalingon ako sa paligid at nakita ang paggalaw ng mga sanga ng kahoy dahil sa malamig na hangin. Naging bayolente ang pag-ihip ng hangin na mas lalong nagpatindig ng aking balahibo. Anak na teteng naman, oh! Nasaan ba kasi ako! "Effugere iam non potes. Numquam recedet." Napatigil ako sa aking pagtakbo. Napansin kong nawawala na ako at wala na ako sa daanan na may mga sulo. Napakadilim na ng paligid at wala na akong makita. Natagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng kakahuyan at nawawala. Napalingon ako sa paligid, pati sa ibabaw ng mga puno. Wala na akong mapupuntahan dahil wala akong alam kung nasaan ako! Nawawala ako! Hindi to totoo! Hindi to totoo! "Effugere iam non potes. Numquam recedet." Parang may bumubulong sa'kin! Naririnig ko ang mga boses na bumubulong sa akin. Paulit-ulit nilang sinasambit ang mga salitang nagsasabi na hindi na ako makakatakas. Hindi na ako makakatakas sa kanila. IMPOSIBLE! Hindi to totoo! "Hindi 'to totoo! Hindi!" Hindi ko mapigilan ang sarili kong mapasigaw dahil sa pinaghalong nararamdaman. Naguguluhan ako na natatakot na kinakabahan. Hindi ko alam kung saan ba talaga doon ang toto kong nararamdaman ngayon. Bakit? Bakit nangyayari 'to sa'kin? Ano ba ang ibig sabihin nito? "HINDI ITO TOTOO!" "Effugere iam non potes. Numquam recedet." Paulit-ulit pa din ang bulong. Nabibingi ako kahit na bulong lang naman ang mga ito. Hindi ko mapigilang mapahawak sa aking ulo at baka nababaliw lang ako. "HINDI ITO TOTOO!" Sumigaw ako ng pagkalakas-lakas na para bang ginagantihan ang mga nakabibinging bulong. Hindi ko maiwasang maiyak dahil sa pinaghalong nararamdaman. Pakiramdam ko ay nawawala ako. Hindi lamang sa gubat kundi pati sa sarili ko. Nawawala ako sa sarili ko. Nawawala ang katinuan ko. "HINDI TO TOTOO-" Sa huling sigaw ay natigilan ako. Sa pagsigaw ko ay lumingon ako sa aking likuran. At sa hindi inaasahan ay naputol ang aking mga salita dahil sa tuluyang pagtakas ng aking kaluluwa sa katawan. Dahil... Dahil... Sa pagharap ko sa aking likuran... Naroon ang mukha... Mukha ng sunog na babae kanina sa kawayan! Nagising ako dahil sa nakakapangilabot na panaginip. Bumangon ako na pawis na pawis at malalim ang paghinga. Para bang totoo talagang nangyari ang panaginip na iyon dahil maski sa aking pag gising ay pinagpapawisan ako. Napakasakit ng aking katawan na para bang kanina sa aking pagtulog ay hindi ako gumagalaw. Parang naninigas ang aking mga binti dahil sa panaginip na 'yon. Anong ibig sabihin ng panaginip na 'yon? Ano ang gustong iparating nito? ITUTULOY.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD