SALEM
Maulan ang gabi, at nandito ako ngayon sa convenience store ni Tita Leng. Kagaya ng ginaganawa ko ay tinutulungan ko si Tita Leng na isilid sa paper bags ang pinamimili ng mga customers.
Masyadong maraming customers ngayon, di tulad noong mga nagdaang araw na marami pa rin pero hindi kagaya ngayon na parang triple ang dinami nila. Dahil na din siguro sa nalalapit na Halloween.
“Hay! Nakakatuwa nga naman talaga! Kita mo ba yan, Sal?” napalingon ako kay Tita Leng nang tapikin niya ang balikat ko. “Nagdadalawang-isip talaga ako kung magtitinda ako ng costumes kasi baka hindi pumatok pero heto! YAS! ANG KU-CUTE NG MGA BATA!”
Hindi naman ako nagsalita at patuloy lang na isinilid ang mga pinamili ng mga customers. Karamihan sa mga namili ngayon ay mga bata. Nagkakaubusan na ang costumes at candies na paninda ni Tita Leng. Pero hindi mo makikitaan ng pagkabahala ang mukha ni Tita Leng dahil parang handa siya para dito.
“Mga bata! Kung wala nang candies sa rack, nandito lang sa counter ang ibang candies. Lumapit lang kayo dito!” sigaw pa ni Tita Leng kaya nagsilapitan naman ang mga bata para bumili sa kanya ng candies.
Hindi ko maiwasang tingnan si Tita Leng na namahagi ng candies sa mga bata. Makikita mo sa kanya ang saya habang nagbebenta ng mga candies.
“Oh, sige dahil Halloween naman ay libre na lang to lahat para sa inyo!” aniya pa na ikinangiti ko naman.
Inuuna niya talaga ang kasiyahan ng ibang tao. Kahit na ang kapalit pa nito ay ang kanyang negosyo.
Iba din siguro talaga ang kabaitan nitong si Tita Leng. Napakamasayahin din niya at napaka-approachable sa mga mamimili. Kaya din siguro ay biniyayaan siya ng madaming customers dahil na din sa kanyang kabaitan. Kung titingnan mo si Tita Leng ay makikita mo sa kanya ang karaniwang hitsura ng isang masiyahing tao.
Hindi matangkad si Tita Leng, hindi din naman siya kaliitan ngunit mas matangkad ako sa kanya. Maikli ang kanyang buhok na hanggang balikat.
Nakakatawa man siyang i-describe pero parang si Dora ang hairstyle niya. May bangs pa ito at may kulay pink na headband. May katabaan din si Tita Leng at ang kutis naman niya ay namana niya sa kanyang ama na sabi niya ay isang Black American.
Kaya kung siya ay titingnan, mukha siyang pure na black American na sobrang masiyahin. Sobrang bait. Hindi niya pa sinabi sa akin kung ilang taon na siya pero tantya ko ay nasa 50+ na ang edad nito. Malakas pa si Tita Leng at mabibo pa. Ang hilig niya sa bata ang isa din sa mga rason kung bakit dinadagsa siya ng mga kabataan tuwing holidays.
“These chocolate bars.”
Isang boses ng babae ang pumukaw ng aking atensyon. Nang lingunin ko naman siya ay hindi ako kaagad nakapagsalita.
Ang kanyang mukha ay napakaseryoso. Strikta ang babaeng ito kung titingnan. Makikita mo din sa kanyang damit na talagang mayaman ang babaeng ito. Para bang isang model ang nasa harapan ko dahil sa ganda ng kanyang suot. May purple fur din na nakapulupot sa kanyang leeg. Nakasuot din siya ng malaking hat sa kanyang ulo na may purple feathers.
Kung tatantyain ay nasa edad 50 din ito kagaya ni Tita Leng ngunit higit na mas matangkad pa ito kay Tita. Napaka-expensive niyang tingnan dahil sa mamahaling suot at mamahaling pabango na nanunuot talaga sa ilong ko. May suot din siyang purple gloves na nakadadagdag sa kanyang fashionista look.
Matalim ang kanyang titig sa akin, kaya nauna na akong mag iwas ng tingin.
Tinotal ko muna ang pinagsama-samang presyo ng chocolate bars. May mga chocolate candies din. Napakadaming sweets ang pinamili niya. Para siguro ito sa mga inaanak niya. Sa yaman ba naman niya pagmasdan ay sure akong marami itong inaanak na reregaluhan ng mga chocolates.
“That’s ₱989.65, Ma’am,” sagot ko pa sa kanya.
May kung ano siyang dinukot sa dibdib niya. Akala ko na kung ano, pero nang makita ko ito ay naglabas lang siya ng isang libo. Inilahad niya sa akin ang isang libo. Binigay ko naman sa kanya ang sukli at saka isinilid na sa paper bags ang mga pinamili niya.
“Here, ma’am . Thank you for coming to our store,” pagbati ko pa sa kanya.
Ngumiti naman ako sa kanya at nang makita ang mga mata niya na nakatitig pa din ng matalim sa akin ay agad akong napayuko. Hindi ako makatingin sa kanyang mga mata. Those black orbs are drowning me, hindi ko alam pero ang titig niya. Nakakapangilabot.
“I like your store,” napatingala akong muli sa kanya nang marinig siyang magsalita. Napalunok ako at nakinig lang sa kanyang pag-iingles. Kahit ganon pa man ay mapaghahalataan mong hindi siya isang tunay na ingles dahil naroon ang kanyang spanish accent.
“T-thank you.”
“Hmm,” ngisi niya pa at nagsimulang maglakad-lakad at pinagmasdan ang mga taong namili.
“This store is.....not fancy. But still not bad.” kinumpaskumpas niya pa ang kanyang kamay sa ere habang pinupuri ang designs namin sa aming store. “The cobwebs are realistic, spooky! But it could be more…….. terrifying.”
Ibinulong niya ang huli niyang salita kasabay ng muling pagtingin siya sa akin. Matalim na tingin habang dahan-dahan na napapangisi. Huminga siya ng malalim at naghanda na para bang senyales na iyon na aalis na siya ng store.
“I must return in this store,” aniya habang nakatalikod na sa counter. Muli siyang humarap sa akin at nagsalita. “To buy, of course.”
At tuluyan na siyang lumabas ng aming store. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkawirdo sa mga sinabi niya. Well, she did compliment our store pero napaka-weird naman para sa isang customer na umakto ng ganoon. Maganda ang babae, hula ko pa nga ay kaedad niya si Tita Leng.
“Bagong customer yun, ha?” si Tita Leng, biglang bumulong.
“Oo nga, po. Hindi ko pa siya nakita na bumili dito.”
“Mukhang mayaman yun, ah?”
“Opo, ang daming biniling chocolates.”
“Aba! Baka sa mga inaanak niya yun! Mayaman nga talaga siya, oh!” bulong pa ni Tita Leng.
Pinagmasdan lang namin ang babae na sumakay sa kanyang mamahaling sasakyan. Binuksan niya ang pinto nito at saka tumingin pabalik sa loob ng store—
Hindi…
Tumingin siya sakin…
At ngumisi…
Saka tuluyan na siyang sumakay sa kanyang mamahaling sasakyan at nag drive paalis.
“Sa yaman niyang yun, wala siyang driver?” si Tita Leng.
“Kailangan ba talaga ng driver, Tita Leng?” tanong ko pa sa kanya.
Napakibit balikat naman si Tita Leng at bumalik na sa mga customer niya. Bago pa man yun ay sumagot muna siya sa tanong ko.
“Hindi naman, mas maganda kasi kapag may guard kasi feeling mayaman talaga, diba?”
Iniisip ko pa din ang kawirdohan kanina ng customer na yun. Kung makatitig kasi siya sakin ay parang kinikilala niya ang buong pagkatao ko. Hindi ko alam pero habang tumatagal ang titig niya sakin kanina ay mas kinakabahan ako. Para bang nababasa niya ang isip ko at nalalaman na niya ang lahat ng sikreto ko.
Ewan ko ba, ayaw ko lang talaga siguro ng pakiramdam ng pinapanood o tinititigan.
“Salem.”
Napaangat ako ng tingin sa isang malambing na boses. Nang mapatingin ako dito ay nanlaki ang mga mata ko at hindi ko alam kung ba’t bigla na lang akong nataranta.
“R-Rachelle?”
“Dito ka pala nagtatrabaho?” tanong niya pa sakin at napangiti. Hindi ko malaman kung ano itong nararamdaman ko pero nakakatunaw kapag ngumingiti siya.
“Ah, oo. Tumutulong ako kay Tita Leng,” sagot ko pa sa kanya.
“Ah,” aniya pa at tumango-tango.
“Heto na ba ang mga bibilhin mo?” tanong ko pa sa kanya at tinulungan siyang ayusin ang mga pinamili niya sa counter.
“Naku, hija! Ang dami mo yatang pinamili ngayon, ah?” si Tita Leng na nagbibilang mga pinamili niya. Inilalagay ko naman sa paper bag ang mga natapos na niyang bilangin.
“Ah, opo,” ani Rachelle at humarap kay Tita Leng. “May balak ho kasing maghanda si Lola ng marami ngayong Sabado. Birthday din ho kasi ng Lolo ko niyan.”
“Ay, yun naman pala! Birthday naman pala ng yumaong asawa ni Nanay Georgia,” ani Tita Leng. “Magkakilala na ba kayo ni Salem?”
“A-ay, opo,” sabay pa kami ni Rachelle na sumagot kaya nagkatinginan naman kami. Bigla akong nahiya dahil nakisagot ako. Yumuko na lang ako at pinagpatuloy ang ginagawa ko.
Nakakahiya na din kasi nagpukol pa ng nanunuksong tingin si Tita Leng sa akin.
“Magkakilala na po kami ni Salem. Magkatabi lang ho yung tinitirhan naming apartment,” si Rachelle ang sumagot.
“Ay! Tingnan mo nga naman ang tadhana!” napahinga na lang ako ng malalim sa sinasabi ni Tita Leng. “Ginawa na naman niyang instrumento ang store ko!”
Natatawa na lang si Rachelle na nakikinig sa mga sinasabi ni Tita Leng. Nakikinig lang ako at napag-isipang wag nag makisawsaw sa pag-uusap nila. Nagpatuloy na lang ako sa pagsilid ng mga pinamili ni Rachelle sa paper bags. Marami-rami din talaga ang pinamili niya.
“Alam mo, Rachelle? Ang daming nagkatuluyan na mag couple dito sa store ko. Maraming mga nag-meet up dito na ikinasal na!” ani Tita Leng na ikinailing ko naman. “Kaya napapaisip ako kung baka si Salem talaga ang swerte ng store na to kasi simula nung dumating siya dito. Ang dami ko nang customers at ang dami nang mga love stories na nangyayari dito!”
Tumatawa lang naman si Rachelle sa mga sinasabi ni Tita Leng at minsan sy sumasagot din sa mga tanong. Habang nakikinig sa usapan nila ay don ko napaghalataan na napakabait din talaga nitong si Rachelle. Napaka-responsible at makikita mo sa bawat sagot niya kay Tita Leng ang kanyang pagrespeto.
“Ito na ba lahat, Rachelle?” si Tita Leng.
“Opo, Tita Leng. Salamat,” ngiting sagot naman ni Rachelle.
“Mukhang mabigat to, Rachelle. Tulungan na lang kita hanggang sa makasakay ka diyan sa labas,” singit ko pa.
“Naku, hind—”
“Ay! Mabuti pa, Salem! Tulungan mo na si Rachelle baka mabigatan yan!” singit pa ni Tita Leng na pumutol sa sasabihin ni Rachelle. Pasikreto pa itong kumindat sa akin.
Hayst, kahit kailan talaga itong si Tita Leng.
Muli ko namang nakita ang mapanuksong tingin sa akin ni Tita Leng. Napahinga na lang ako ng malalim at tinulungan si Rachelle sa kanyang mga bitbit.
Hinatid ko siya sa labas ng store at hinintay na makasakay ng taxi pauwi sa apartment nila. Nasa waiting shed kami dahil medyo maulan pa din at baka mabasa pa ang paper bags na pinagsisidlan ng mga pinamili niya.
Nang makasakay sa taxi si Rachelle ay bumalik na din ako sa loob ng store. Sakto naman na wala nang customer. Nakita ko si Tita Leng na abot tenga pa din ang ngiti sakin.
“Ikaw, ha!” tinuro niya ako at sinundot ang dibdib ko. “Hindi mo sinabi sakin na magkalapit lang kayo ng apartment ni Rachelle! Bagay kayo! Kung ako sayo ay pormahan mo na yun! Baka maunahan ka pa!”
“Hay nako, Tita Leng!” pagsuko ko sa panunukso niya. "Hindi pa po talaga ako handa."
“Anong hay nako! Chance mo na yun!” aniya pa.
Natahimik na din si Tita Leng matapos niyang sabihin yon. Inayos na lang namin ang mga kalat sa convenience store at nagligpit na lang din ng mga basura.
Nasa labas na kami ng store at isasara ko na sana ito nang pigilan ako ni Tita Leng.
"Sandali lang, Sal."
"Bakit po, Tita?"
"Nakita mo ba yun?" aniya habang nakatingin sa loob ng store.
"Ang alin po?"
"May nakita ako kanina. Parang gagamba, ang laki."
Nangunot ang noo ko sa sinabi ni Tita Leng. "Gagamba? Saan po? Dito sa glass?"
"Hindi!" pagkontra niya pa. "Doon sa loob, dun sa mga lalagyan ng drinks. Ang laking gagamba."
Napatingin naman ako doon sa kaloob-looban mismo ng store kung nasaan kita mula dito sa labas ang mga fridge. Doon nakalagay ang mga drinks, dun ang sinasabi ni Tita Leng na may malaki daw na gagamba. Pero wala naman.
"Naku! Baka pagod lang talaga ako," iiling-iling na sabi ni Tita Leng. "Haay! Itong matanda ka na, kung anu-ano na lang talaga makikita. Gagamba? Maniniwala pa yata ako kung aso yun. Ang laki, eh. Baka antok lang talaga ako."
ITUTULOY.