Chapter 2

2016 Words
“WAITRESS sa isang resto?” ulit na tanong ni Summer kay Chelsy. Nag-aalangan kasi siya kung tatanggapin ba niya ang trabahong inialok nito sa kaniya. Hindi naman kasi niya alam kung anong klaseng resto iyon. “Yes, girl. H’wag kang mag-aalala, kasama mo naman ako roon. Tuwing Sabado lang din busy ang resto na iyon. Alam mo na, weekend at walang pasok.” Gusto sana niyang tumanggi kaya lang, wala na talaga siyang pera sa mga susunod na araw at hindi niya alam kung magpapadala pa ba ang benefactor niya ngayong buwan. “Ahm, puwedeng part-time lang?” Napakamot naman ito sa leeg nito, pagkuwan ay umiling. “Hindi puwede eh. Hanap ni boss ay iyong magtatrabaho talaga gabi-gabi sa resto niya.” “Pero maaga kasi ang pasok ko sa University, ayaw ko namang mapuyat at ma-late sa klase kinabukasan.” Sabi niya. Hangga’t maaari kasi ay ma-maintain niya ang grades niya. Kailangan niya iyon para madaling makapasok sa med school na gusto niya. “Then, alas singko ng hapon hanggang alas diyes ng gabi ang kunin mong shift.” Biglang lumiwanag ang hitsura niya. “Puwede ba iyon?” “Oo, naman. Ano? Papayag ka na o pag-iisipan mo muna?” Matagal muna siyang nag-isip bago nagsalita. “Sige, ipasok mo ako roon.” aniya na ikinangisi naman nito. “Good. Nagsusuot ka ba ng maiikli? Mukha kang manang eh.” Napasimangot siya. “Sobra ka. Nagsusuot naman ako ng mga damit na hindi pang manang.” “Hmm…” anito at tumango-tango. Inilagay pa nito ang isang kamay sa ilalim ng baba nito, ang siko ay nakatukod sa ibabaw ng lamesa, pagkuwan ay naningkit ang mga matang pinasadahan siya nito ng tingin. “Maganda ka, maputi at makinis ang balat. Puwede na iyan.” Sabi nito na ngumisi na naman. “Halika na.” anito at tumayo na. “Ha? Saan tayo pupunta?” nakakunot ang noong tanong niya. Naguguluhan. “Saan pa? Eh di sa resto. Ipakilala kita kay boss. Sigurado naman ako na hire ka na agad.” Anito at kumindat pa sa kaniya, pagkuwan ay nauna nang naglakad palabas ng café. “Wait. Nakasuot pa ako ng uniform---“ “Walang problema. May extra clothes ako rito at pahihiramin kita.” Sabi nitong hindi na siya pinatapos sa pagsasalita. Napasimangot siya at kipit ang bag na sinundan na lang niya ito. Magkasing-katawan naman sila ni Chelsy. Mas matangkad nga lang siya rito ng kunti. Pinahiram nga siya nito ng dress. It’s a black one shoulder asymmetric midi dress. Dahil mataas siya nang kaunti kaysa kay Chelsy kaya hanggang sa kalahati lang ng hita niya ang dress. Pinahiram din siya nito ng strap sandals na may tatlong pulgadang takong. Dumaan lang sila saglit sa isang pampublikong restroom para makapagbihis siya. Paglabas niya ng restroom at makapagbayad ay naasiwa pa siya nang pinagtitinginan kaagad siya ng mga lalaking tambay na nasa gilid ng eskinita na dadaanan niya. May ibang sumisipol pa habang hinahagod siya ng malisyosong tingin. Binilisan na lang niya ang paglalakad papunta sa kung saan naghihintay sa kaniya si Chelsy at ang taxi na sinakyan nila. Nakahinga lang siya ng maluwang nang makapasok na siya sa loob ng taxi. “Okay ka lang, girl?” tanong kaagad ni Chelsy, nang makitang nakabusangot ang mukha at nakakunot pa ang noo niya. “Hindi. Ang mga babastos ng mga lalaki rito. Nakakaimberna! Kung mga anak kaya nilang mga babae ang babastusin ng gano’n?” nag-iinit ang ulong litanya niya. “Kuya, tayo na.” sabi ni Chelsy sa driver ng taxi, pagkuwan ay humarap ulit sa kaniya. “Bakit? Ano ba ang ginawa nila, sa iyo?” “Sinisipulan ba naman ako? Tapos kung makatingin halos hubaran na ako. Sabihin mo nga sa akin, Chelsy. Kabastos-bastos ba itong suot ko?” “Chill, girl…” natatawang sabi ni Chelsy, kaya mas lalong nag-iinit ang ulo niya. “Chill? How can I be chill? Binabastos na nila ako, magpapakahinahon pa rin ako? Wow, ha!” sarkastikong sabi niya sa babae. “Sorry. Ang ibig ko lang namang sabihin ay wala namang magandang idudulot sa ’yo kung magaglit ka. Ma-stress ka lang niyan.” Mahinahong paliwanag nito sa kaniya. Sunud-sunod na malalim na bumuntonghininga na lang siya. “At isa pa, kailangan mong masanay na may mga lalaking ganiyan talaga kung tum-trato sa ating mga babae---” “Ano? Anong ibig mong sabihin?” “Sa resto na pagtatrabahuan natin ay mga ganoong lalaki. Hindi lang sipol ang matatanggap mo roon mula sa kanila, hihipuan ka pa kapag may pagkakataon sila. Iyong iba ay aalukin ka pa ng pera para lang sumama sa kanila sa labas.” Para siyang nabingi sa mga pinagsasabi ni Chelsy. Bumuka ang bibig niya pero wala namang salitang lumabas sa bibig niya sa sobrang pagkabigla. “Anong klaseng resto ba ang pagtatrabahuan ko kung gano’n?” tanong niya nang matauhan na siya. “Resto bar.” Malakas na napamura na lang siya. “Pero girl, safe tayo roon, I promise you that. May mga bouncer doon. At isa pa, waitress lang naman ang trabaho mo---” “Na sabi mo hihipuan ng mga bastos na costumer kapag may pagkakataon sila.” Nagtatagis ang bagang na sabi niya. “Kapag papahintulutan mo.” She glared the woman. “Pero naiintindihan ko kung magba-back out ka na.” “Ihatid mo ako, kuya, sa Ferrero Square.” Sabi niya sa driver ng taxi, pagkuwan ay nakahalukipkip na hindi na siya umimik. Ibinaling din niya ang mga mata sa labas ng bintana ng taxi. Nang huminto ang taxi sa harap ng mataas na building ng Ferrero Square ay mabilis niyang binuksan ang pinto sa gilid niya. Pero nang maalala niyang suot pala niya ang damit ni Chelsy ay bumaling siya rito. “Bukas ko na isusuli itong damit mo.” Malamig na sabi niya sa babae bago bumaba ng taxi. “Kung magbago ang isip mo, sabihin mo lang sa akin.” Sabi ni Chelsy. Tinignan niya ito, pagkuwan ay umiling at tumalikod na. Pagkapasok niya sa loob ng kaniyang condo ay agad niyang tinungo ang couch at nahahapong pabagsak siyang naupo roon. Isinandal niya ang likod sa sandalan at ipinikit ang mga mata. Kasabay nang pagpikit niya ay ang pagkalaglag ng mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Ganito siya sa loob ng dalawang taon. Tahimik na umiiyak kapag frustrated siya, stress o di kaya ay nagagalit siya. At ang tatlong iyan ang sabay-sabay na nararamdaman niya ngayon. She’s frustrated, stress, and angry. Sanay na siya na iiyak na lang niya ang mga hinaing niya sa buhay dahil simula nang iwan siya---kumuyom ang kamao niya at mariing ipinikit ang mga mata. Tapos na siya sa kahibangan niyang iyon at hindi na iyon mauulit pa. Nang makaramdam siya ng gutom ay tumayo na siya at tinungo ang kitchen. Pero nang maalala niyang wala na pala siyang stock ng pagkain kahit de lata man lang ay napahinga na lang siya nang malalim. Tinungo niya ang refrigerator at uminom na lang ng malamig na tubig bago siya tumungo sa kaniyang kuwarto at natulog. Nagising naman siya bandang alas diyes ng gabi at kahit anong pikit niya ay hindi na talaga siya makakatulog dahil sa gutom. Bumangon siya at uminom ulit ng tubig. Pagkuwan ay nag-open siya ng kaniyang social media at sinubukan niyang maghanap ng trabaho. Nag-e-scroll siya nang biglang nag-chat sa kaniya si Rizel. Agad naman niyang in-open ang kaniyang messenger para tingnan ang message nito. Rizel@23: Kumusta ang pag-apply mo ng trabaho doon sa pinagtatrabahuan ni Chelsy? Natanggap ka ba? Solstice@20: Tinanggihan ko ang trabaho. Maghahanap na lang ako ng iba. Pagka-replay niya ay agad naman niyang nakita ang tatlong dot na palatandaan na nagtitipa ito ng reply sa kaniya. Rizel@23: Ha? Bakit? Sayang naman. Reply nito at may sad emoticon pa sa dulo ng message nito. Napabuntonghininga siya. Nagtipa siya ng reply rito pero hindi na niya sinabi kung ano ang dahilan niya kung bakit niya tinanggihan ang trabahong inialok sa kaniya ni Chelsy. Matapos niyang ma-sent iyon ay nag-disconnect na siya sa wifi. Nag-set lang siya ng alarm at natulog na ulit. Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Naligo siya at nagbihis. Wala siyang pasok sa unang dalawang subjects niya kaya gagamitin niya ang oras na iyon para makahanap ng trabaho. Pero bago niya ginawa iyon ay dumaan na naman siya ulit sa may ATM machine na malapit lang sa building ng Ferrero Square at gaya ng mga naunang araw ay wala pa rin. “Pasensya na miss, pero hindi kami naghahanap ng tindera ngayon.” Sabi ng isang sales lady nang tindahang pinasukan niya para bumili ng tubig at tinanong din niya ito na baka nangangailangan ang mga ito ng sales lady. “Okay lang, ate. Salamat.” aniya. Laglag ang balikat na umalis siya sa tindahang iyon at nagpatuloy siya sa paghahanap ng trabaho. Nang mapatingin siya sa kaniyang pambisig na relo at makitang malapit na ang oras para sa ikatlong subject niya ay agad siyang pumara ng tricycle at nagpahatid sa University na pinapasukan niya. Pero nasa kalagitnaan na ng klase nang makaramdam siya ng pagkahilo kaya dinala siya ni Rizel sa clinic. “Nagpapakamatay ka ba?!” galit na sermon sa kaniya ni Rizel. Nasa clinic pa siya at pinagpahinga nang nurse. Muntik na siyang mahimatay dahil sa gutom. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na hindi ka pa kumakain mula kagabi?” Napanguso siya habang ngumunguya. Binilhan siya ni Rizel ng pagkain nang sabihin niya ritong nahihilo siya dahil mula pa kagabi ay tubig lang ang iniinom niya at hindi na kaya ng sikmura niya at nanghihina ang katawan niya. Nilunok muna niya ang pagkaing nasa bibig bago niya ito sinagot. “Alam ko kasing gipit ka rin.” Ito naman ang napasimangot. “Itinuring mo ba talaga akong kaibigan?” may pagtatampo na sa boses nitong tanong sa kaniya. Nanlaki naman ang mga mata niya. “Oo naman, Rizel---” “Kung gano’n, bakit ka ganiyan? Noong ako ang nangangailangan, hindi mo naman ako pinagdamutan.” "Nahihiya kasi ako." "No'ng ako ang tinulungan mo, nahiya ba ako sa iyo? Hindi naman, 'di ba?" “Sorry.” Mahinang sabi niya at nagyuko ng ulo. Narinig niya itong marahas na bumuntonghininga. “Fine, you’re forgiven. Pero sa susunod na gagawin mo ito ulit. Friendship over na tayo.” Sabi nito. Nangingiting nag-angat siya ng ulo. Pagkuwan ay niyakap niya ang babae. “Thank you.” “Tsk. Ano ba kasing nangyari sa sugar daddy mo at hindi pa nagpapadala ng pera?” tanong nito sa kaniya. Umiling siya. Hindi naman kasi niya alam kung ano ang nangyari rito at hindi na ito nagpapadala. “Kaya kailangan kong maghanap ng trabaho, Rizel.” Sabi na lang niya. Kung didibdibin na naman niya ang nangyari ay baka maiyak na naman siya. Nakita niyang may kinuha itong papel sa bag nito, pagkuwan ay inabot nito iyon sa kaniya. “Ano ito?” nagtatakang tanong niya. “Address iyan ng restaurant ng Ante Becky ko. Kailangan niya ng isang waitress doon.” sabi nito. Halos dambahin niya ito nang yakap sa sobrang galak. “Thank you, Rizel. Thank you talaga.” Maluha-luhang sabi niya. “Nah, saka mo na ako pasalamatan kapag natanggap ka na.” Sinamahan siya ni Rizel na pumunta sa restaurant ng ante Becky nito at sobrang saya niya na natanggap siya. Pumayag din ang ginang na ala-una ng hapon hanggang alas otso ng gabi ang pasok niya, para hindi mag-conflict sa oras ng pag-aaral niya. Gabi na ng lumabas siya ng restaurant dahil in-orient muna siya ni Ma’am Becky. Si Rizel ay nauna na itong umuwi sa kaniya. Nasa gilid siya ng daan habang nag-aabang ng masasakyan niya pauwi nang may puting van na biglang huminto sa harap niya. Bumukas ang pintuan sa gilid niyon at may dalawang taong nakaitim at nakabonet ang lumabas at bigla na lang siyang hinablot. Nagpumiglas siya at sisigaw na sana para humingi ng tulong nang tinakpan ng lalaki ng panyo ang ilong niya. Nanghina siya at agad nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD