Kabanata 4 - Walang Malay

3169 Words
“Sigurado ka bang maayos na ang pakiramdam mo? Ayos lang naman sa amin kung hindi ka pa kikilos, hija. Magpahinga ka muna.” Hindi pa tuluyang sumisikat ang araw at malamig pa ang hangin, marami nang nasa dalampasigan at naglalakad, kakalabas lang sa kaniya-kaniyang mga bahay. Ang iba, may mga dala na ring labahan at patungo sa ilog. Napalingon ako kay Aling Carmen. Hanggang ngayon na magdadalawang-linggo na ako rito sa kanilang lugar sa Isla Verde, hindi pa rin ako gaanong nagsasalita. Kaya ang akala nilang lahat, matindi ang sakit ko. Dalawang linggo na ang nakakalipas simula nang nakarating ako rito sa Batangas. At ang proseso para makarating dito ay sadyang hindi madali. Magtatatlong buwan na rin ang nakalipas simula nang nangyari ang lahat sa bahay, ang ginawang panlilinlang nina Tita Hilde at Tito Samuel sa mga ipinangako kay Daddy, pati na rin sa akin. Tatlong buwan akong palipat-lipat ng lugar sa takot sa mga taong posibleng naghahanap sa akin. At sa tatlong buwang iyon, kung ano-ano na rin ang aking pinasok para lamang makaipon ng pera at makapaghanap ng lugar kung saan kahit papaano ay matitiyak ko ang kaligtasan ko at doon mamalagi. May tumulong sa akin nang napadpad sa kalapit na probinsiya ng Batangas. Pumasok ako sa kung ano-anong stores na naghahanap ng part-timers. I also tried to tutor and babysit kids. Lahat ay napasok ko na yata sa loob lang ng mga buwan na iyon, at kahit papaano nakalikom ako ng pera para makapunta rito sa Batangas noong may katrabahong nagsuhestiyon sa probinsiyang ito. “Ayos lang po, Aling Carmen. Kaya ko naman po,” sabi ko at ngumiti nang matipid. Tumango na lang ito. “Oh, siya. Halika na, habang hindi pa mainit na mainit! At kapag tirik na ang araw, pagsasampay naman ang pagkakaabalahan natin!” Pinagmasdan ko rin ang mga kapitbahay nila. May ilang nakatingin sa akin, pinagtataka kung sino ako at kung bakit nandito. Lalo pa dahil pansamantala akong tumutuloy kina Aling Carmen. Ang hirap palang maghanap ng matitirhan dito sa Batangas. Kung saan-saan pa ako napadpad bago nakarating dito sa Isla Verde, at dahil na rin siguro sa pagkasubsob sa trabaho at tatlong buwan kong pinilit ang aking sarili, tuluyan akong nagkasakit. Hindi naman malubha. But I was hospitalized. Nahimatay ako sa kalagitnaan ng paghahanap-hanap ng bahay! At dito na nga ako napadpad sa Isla Verde at tinulungan ng mga taga-rito. Maraming kabahayan sa tabing-dagat at ang ilan sa kanila, doon sa ilog naglalaba kung saan lalakarin pa papasok dito sa gubat. Nang nakakuha ng pagkakataon, nagkasabay kami ni Aling Carmen at kinausap ko siya. “Aling Carmen… salamat nga po pala ulit sa pagpapatuloy n’yo sa ‘kin,” saad ko at ngumiti. “Walang anuman, Mara. Ano ka ba? Masaya kaming makatulong!” Napangiti ako. Sa lahat ng sinapit ko, hindi ko alam na may mga ganito pa rin palang mga tao. May mabuting kalooban. I felt like I have been surrounded by evil for so long, that now this feels like a total breath of fresh air. Something so new to me. “Oo nga po pala, sa susunod pong Linggo, pwede na po akong lumipat doon sa kabilang bahay… napakarami n’yo na pong naitulong sa ‘kin at ayaw ko naman pong mas pahabain pa ang pananatili ko roon sa bahay ninyo.” Yakap ko ang may kalakihang planggana. Tutulong ako ngayon sa kanila, lalo na dahil nananakit na ang mga kamay ni Aling Carmen. Ang sabi niya nga, babayaran niya pa raw ako. Nagpresinta akong magkusot ng mga labahin. Tumanggi ako sa bayad dahil tinulungan na nila ako at pinatuloy sa bahay nila habang naghihintay ako ng matitirhang bahay rito sa isla. Mabuti na lang at mayroon na. Hindi na ako makikisiksik sa kanilang bahay. “Ganoon ba? Sigurado ka na ba riyan? Balita ko, masungit maningil iyong si Judith.” “Ayos lang po. Pagsisikapan ko na lang pong bayaran buwan-buwan,” sagot ko. “Bilib din ako sa iyo, hija. Aba’y kabata-bata mo pa pero napakapositibo mo sa buhay. Nakakatuwa ang ganiyan,” may paghanga nitong sinabi. Napatingin ako rito at ngumiti na lamang saka napayuko. Sa totoo lang, hindi ko pa rin alam kung paanong nandito pa rin ako. Pero alam kong mas kailangan kong magsumikap para makaangat. I have to do something… in order to survive from what failed me. I have to rise again from where I fell… lalong-lalo na ngayon na nag-iisa na lang ako. Wala na akong mga magulang. Wala na si Daddy. Tinapon na rin ako nina Tita Hilde at Tito Samuel. Hindi na rin ako umaasa sa pera ni Daddy dahil lahat ng iyon ay siguradong nakamkam na nila. Hindi nila hahayaang may makuha pa ako. At ayaw ko na rin silang makatagpo pa. “Sino iyang kasama mo, Carmen?” tanong ng ilang ale. Nandito na kami sa ilog. Parang musika sa pandinig ang bawat lagaslas ng tubig sa nakausling batuhan habang marami rin ang naglalaba. “Ah, si Mara? Bago ‘yan dito sa Isla Verde! Naghahanap ng malilipatang bahay, at habang naghihintay, pinatuloy ko muna roon sa amin,” balita ni Aling Carmen. Tumango-tango sila at pinagmasdan ako. Hindi pa sila gaanong nakikipag-usap, pero ngumingiti naman at bumabati rin. Siguro nga dahil bago pa lang naman ako. “Magandang dalaga, ah! Ilang taon ka na ba, neng?” Nagsisimula na sila sa paglalaba. Ako naman ay napatingin pa muna sa plangganang puno ng damit. Hindi ko pa nasubukang maglaba nang ganito karami at para sa ibang tao, pero mabilis naman akong matuto! “Ah, twenty… one na po.” I lied. Hindi pa ako twenty-one. I’m still eighteen. Baka kasi makaapekto iyon, kung sakaling maghahanap-hanap ako ng trabaho at ang tingin nila ay masiyado akong bata. “Bente uno! Wala ka pang asawa?” tanong ng isa pa habang nagkukusot na rin. Naupo na rin ako at unti-unti nang binabasa ang mga damit. Mukhang sanay na sanay na sila sa gawaing ito, ako naman ay nangangapa pa. Pero siguradong matututo rin ako agad. Napakurap ako sa narinig. Asawa! Hindi ko namalayan ang pagpula ng aking mukha na umani ng kaunting tawanan mula sa kanila. Nangingiti na rin si Aling Carmen. Naiiba ang pag-upo ko sa kanila, masiyadong sarado ang mga hita ko at laging hinahawi ang suot para matakpan ang mga binti. Matalas ang mga bato kaya hindi ko alam kung paano nila nagagawang makaupo roon. At nababasa ako dahil sa agos ng tubig dito sa ilog! “A’ sus, mahiyain si Mara! Baka may boyfriend. Imposibleng wala, sa ganda niyang iyan!” panunukso pa nila. Ngumiti na lang ako at nagpatuloy na kami sa paglalaba. I refused to answer them. Kung ano ang aking buong pangalan, edad, at kung ano-ano pa. It is to protect my privacy. At siguro naman, lahat ng tao ay iyon ang prayoridad. Hindi ko alam kung sino-sinong naghahanap sa akin at hindi ako maaaring makampante lalo pa’t tatlong buwan lamang ang lumipas simula nang takasan ko ang lalaking iyon. Alam kong galit siya, kaya sana huwag nang magkrus pa ang landas namin. Baka mapatay niya ako! Nakakatakot pa naman ang lalaking ‘yon… Mabilis ang paglipas ng mga araw. Nakaharap ko rin iyong may-ari ng bahay na siyang uupahan ko. Doon din iyon sa isla pero mas malayo lamang ang distansya mula sa bahay nina Aling Carmen at mga kapitbahay niya. Dala-dala ko na ang mga gamit ko. Kahit papaano, nakapundar ako nang kaunti sa mga buwang nagtrabaho ako at nag-rent kung saan-saan bago mapadpad dito. “Ayaw ko ng pahuli-huling nagbabayad ng renta, ah? Nang sa gano’n ay wala tayong maging problema,” may pagkaistriktang sabi ng may-ari. Mukhang maayos naman ang bahay. Iyon nga lang ay ito na yata ang nasa dulo ng kahabaan nitong dalampasigan. Wala na ring mga kabahayan sa kabilang tabi. Kaya naman pala ito na lang ang tanging bakante. Mukhang nakakatakot pa yata sa gawing ito. Mas tahimik na. Malayo naman ang tubig sa mismong bahay. Pumasok kami sa loob at ilang beses akong napakurap dahil ang parte sa labas na silungan ay yari pa sa mga kahoy. Nagmistulang bahay-kubo kahit na may pagkakonkreto na rin naman sa loob. Konkreto na ang kina Aling Carmen. Hindi naman sa nangungumpara, pero hindi ko lang gaanong inasahan. Kaya nga siguro ito na lamang ang bakante rito sa isla. “Iyan ang lababo. Siyempre isa lang ang banyo,” turo ni Ate Judith habang nagpapaypay sa sarili. Buhat ko pa ang isang bag habang nililibot ang tingin sa buong bahay. Hindi ganoon kalaki at simpleng-simple lang. Maliit lang ang kusina, ngunit ang mahalaga ay mayroon. At laking-tuwa ko rin dahil nga may sariling banyo. Malaki-laki ‘yon dahil pwede na ring maging labahan. Nakataas ang kilay ni Ate Judith habang tiningnan ako nang may katarayan. “At siyempre iisa lang din ang kwarto at lalong isa lang ang kasyang kama! Kaya kapag nagdala ka ng boyfriend, sabihan mong huwag masiyadong bumayo nang malakas at baka naman masira?” Halos napaubo ako. Gulat akong napatingin dito. “P-Po?” “Sigurado kang mag-isa ka lang, ah? Kapag may dumagdag dito, aba’y siyempre dagdag sa singilan iyon. Biglaan ang mga pagbisita ko rito kaya hindi mo ako maiisahan,” sabay turo niya pa sa akin sa pamaypay. Ngumiti na lamang ako nang pagak at tumango. “Sige po. Pero mag-isa lang po talaga ako…” “Oh, siya! Ikaw na ang bahala rito. Malinaw na ang mga usapan natin. Sa susunod na buwan pa tayo magkikita ulit,” sabi nito at unti-unti na ring lumabas ng pinto. Tumango naman ako ulit at nagpasalamat. Umalis na rin si Ate Judith at iniwan na nga ako. Tuluyan kong nilapag ang mga gamit sa loob ng kwarto. It’s really not anything grand, pero disente naman. Kailangan lang linisan at siguradong gaganda rin! Napangiti ako at hindi mapigilan ang aking tuwa. Pati sa banyo ay namamangha ako nang binuksan. Nasubukan kong tumira sa ibang apartment noong mga nakaraang buwan kung saan common ang bathroom at napakaraming bastos at muntik pa akong mabosohan. “Wow!” mangha kong sinabi nang nakita nang mas maayos ang kusina. Tiningnan ko ang bawat pader at sulok ng bahay upang siguraduhin ang seguridad. Pati bintana ay tinantiya ko rin kung anong natatanaw ng mga nasa labas lalo pa dahil malapit na ito sa gubat. Nakahinga ako nang maluwag at hindi maitanggi ang saya. Kahit simple lang, ramdam kong ligtas ako rito at lalagay sa payapa. Pero siyempre ay hindi pa rin ako pwedeng magpakakampante! Nagsimula na akong maglinis at magplano sa bahay. Bukod sa para libangin ang sarili, gusto kong maging panatag dito sa bahay. Nag-rearrange ako ng ilang kagamitan. Mayroon nang upuan dito sa sala. Wala nga lang akong TV at mukhang may problema lang sa kuryente rito sa isla. Madalas daw brownout. Pero ayos lang hangga’t may gasera at kandila. Pagod na pagod ako nang matapos sa paglilinis sa buong bahay. Naglagay na rin ako ng bedsheet at mga pillowcase. Marami pa akong kailangang ilista nang sa gano’n ay mabili ko para dito sa bahay, pero siyempre uunti-untiin ko muna dahil hindi naman ganoon kalaki ang pera ko. Ngayon pa lang ay masayang-masaya na ako. I can’t wait to live peacefully from now on. I can’t wait to begin this new life… at sa wakas, nagbunga rin ang tatlong buwan kong pag-iipon-ipon kaya na-afford ko ang unang renta. Pero kailangan ko pa ring magtrabaho para sa mga susunod pa. Naging mabilis ang paglipas ng mga araw, na naging linggo, naging buwan, hanggang sa umabot ng isang taon. Dumaan ang birthday ko. I turned 19. At sa isang taong paninirahan sa Isla Verde, Batangas, may mga naging kaibigan na rin ako. Iyon nga lang, nanatili akong maingat. Nanatili ang mga sekreto. At wala pa ring nakakaalam sa buong pagkakakilanlan ko. They only know me as Mara, now using the age 22. Even when I am three years younger. Isang ulila at napadpad dito sa Isla Verde, Batangas para dito na tumira. They’re always teasing me, kuryoso sa love life ko. Ang sabi nga nila, baka na-brokenhearted daw ako kaya hindi na umibig ulit. Hinayaan ko na lang kung ano ang mga gusto nilang isipin. I really hate explaining myself. Iyong kaunting galaw, kailangan kong magsabi. Pakiramdam ko kasi, may mga bagay na naiintindihan na dapat nila. At ayaw ko talagang nagpapaliwanag, pakiramdam ko ay nagrarason lamang kahit hindi. So, in exchange, I’m always misunderstood… “Ano na, Mara? Twenty-two ka na! Aba’y mag-asawa ka na at sayang naman kung hindi mapapasa ang kagandahan mo,” saad nila. Naglalakad kami sa dalampasigan ngayong umaga. I bit my lip. Una, dahil akala nila ay twenty-two na ako kahit ang totoo ay nineteen pa lang. Pangalawa, iyan na naman sa usapang pag-aasawa! “Tama na kakatukso n’yo riyan kay Mara! Baka may boyfriend talaga ‘yan at nililihim lang! Alam mo kung may competition lang ang pagiging misteryosa, nanalo ka na.” “Masiyado naman kayong curious sa love life ko…” saad ko at nangisi nang kaunti. Wala pa ngang naging lalaki sa buhay ko. Men scare me. I just like to daydream a bit, lalo na sa mga iniidolo ko. Pero hindi pa naman sumagi sa isipan ko ang mga ganiyan. “Mara, ‘yong totoo nga! Nagka-boyfriend ka na ba talaga? Kasi kung wala naman talaga, magrereto kami. Aba, nakapila na ang mga lalaki rito sa isla para mapansin mo.” May mga dala kaming labada ngayon at maglalaba na naman sa ilog. Ngumiti lang ako kaya napareklamo na naman sila. “Ate Mara!” Napalingon kami sa tumawag, ang batang si Antonito na nasa dalampasigan. Anak ito ng isang mangingisda na kamamatay lang, at ngayon ay tumutuloy kina Aling Carmen kaya naging malapit sa akin. He’s nine years old and treats me like an older sister. Magiliw na bata at kinatutuwaan ng mga taga-rito sa isla, lalo pa’t kamamatay lang ng ama. Lahat ay mabait sa kaniya. “Naku, ‘yan na naman si bulinggit. Sunod ka na lang, Mara, ah?” Tumango ako sa kanila. Mabuti na rin, dahil silang tatlo ay may mga boyfriend. Minsan nagpapalusot na maglalaba sa ilog pero ang totoo ay kikitain. Hindi naman ako maka-relate. “Sige, mauna na kayo,” saad ko. Tumango naman sila at dumiretso na nga roon dala ang mga labada. Iyong akin naman, dahil kaunti lang at hindi naman mabigat, dala ko lamang nang lumapit kay Antonito. “Halika po!” saad nito at biglang hinila ang kamay ko patungo sa dalampasigan malapit sa mga batuhan. “Ano iyon, Tonyo?” taka kong tanong sa batang nakabihis pa nang maayos at nakasapatos. Ang maliit na mga kamay ay hinila ako lalo at parang nagmamadali. “Ate Mara, dali po, doon sa tabing-dagat sa kabila ng batuhan!” saad niya. Dahil sa labis na pagtataka, nagmadali na rin ako patungo roon. “Ano bang mayroon?” “Parang may… p-parang may bangkay po, Ate! Natatakot po akong sabihin sa iba, eh. Tingnan po natin, Ate Mara! Hindi po ako sigurado kung bangkay talaga.” My mouth gaped. Anong sinasabi ng batang ‘to na may bangkay?! Tumakbo na nga kami patungo sa walang taong bahagi ng dalampasigan. Maaga pa at halos sumisikat pa lang ang araw. Tumahimik kami ni Antonito bago pa makagulantang ng iba. At nang narating nga namin ang tabing-dagat, tuluyan akong napasinghap. My eyes widened. It was… a man! Wala itong malay sa buhanginan at tila dinala ng alon patungo rito sa dalampasigan. Napalingon ako sa paligid ngunit malalayo ang mga bangka. The man is still unconscious. Nakadapa ito at nagmistulang natutulog lamang! “Ate, patay na po siya?” tanong ni Tonyo na namumutla. Naibaba ko ang dala at agad lumapit. Tinapik ko ito at maingat na inuga ang braso. Hindi ko sigurado kung humihinga pa siya ngunit nang nadampian ang kaniyang balat ay mainit pa iyon! “Tonyo, tulungan mo ako! Dalhin natin siya roon,” nag-aalala kong sinabi. Pinagtulungan namin ni Tonyo na ihiga ang lalaki sa buhanginan at ilayo sa alon. Nabasa na ang aking damit. Paluhod na rin akong naupo sa buhanginan at niyuko ito para tingnan kung buhay pa nga! Naihiga namin siya. His face immediately faced the sunrays. His damp hair was disheveled. He was wearing a black wetsuit. Kaya napagtanto kong hindi siya isa sa mga mangingisda. I checked his pulse. He was unresponsive so I had no choice. Hindi ako mabilis makapag-isip sa ganito at siguro nga, dapat ngayon pa lang ay tumatawag na kami ng tulong. Agad kong hinagilap ang kaniyang dibdib. Hindi na ako nag-isip. I pressed hard on his chest and started pushing. I pinched his nose and gave him breaths through the mouth, kahit ako mismo ay hirap nang huminga! Niyuko ko ang kaniyang mga labi upang bigyan ito ng hangin. Ang tanging naiisip ko na lamang ay iligtas ang kaniyang buhay! Paulit-ulit ko iyong ginagawa pero hindi siya agad nagkamalay. I was already losing hope. Tatawag na sana kami ng tulong ni Tonyo pero bago ko pa tuluyang magawa, gumalaw ang lalaki. Hanggang sa tuluyan siyang napaubo. Basa na rin ako dahil naaabutan ng mga alon. He coughed and groaned. Napapikit siya lalo at binawi ang paghinga. Nang nagawi ang aking tingin sa kaniyang mukha, bigla akong natigilan at natulala. Tumama ang sinag ng araw sa kaniyang mukha na ikinapikit ng mga mata niyang binagayan ng magagandang mga kilay na sakto lamang ang kapal. His luscious eyelashes served as a shield for his eyes. Ang tangos ng ilong at mapupula ang mga labi. May kaunting sugat at hiwa sa bandang pisngi niya ngunit hindi iyon nakasagabal sa kaniyang itsura. “Ate Mara, buhay pa po siya!” Hindi ako nakasagot. Natulala ako nang tuluyang nagkaroon ng malay ang lalaki. “Naku po, artista yata!” sabi ni Tonyo at sinipat ang mukha nito. I was completely speechless. Napalunok ako at kahit ganoon, sinikap kong tapikin ang kaniyang pisngi. “A-Ayos ka lang?” He grunted. Tinapik ko ulit ang kaniyang pisngi at nag-aalala na. Napalakas ang sampal ko sa kaniya dahilan para tuluyan siyang napamura nang magaspang at nagising. Nanlamig ako. Dumilat siya at napapikit pa ulit dahil sa sinag ng araw dahilan para magsalubong ang kaniyang mga kilay. Nang nangahas muling magdilat, tuluyang nagtama ang paningin namin… “A-Are you okay?” puno ng pag-aalala kong tanong. But he just watched me. Hindi siya sumagot at nanatili ang tingin sa aking mukha, kahit nang sumigaw si Tonyo dahil buhay ang lalaki at hindi isang bangkay tulad ng inakala. Nagtama ang paningin namin habang pareho pang naghahabol ng paghinga. Napatingin siya sandali sa paligid ngunit binalik din sa akin ang mga matang naguguluhan at may panghihina pa. Sa unang beses na sumubok siyang magsalita, hindi siya nagtagumpay. Nagsasalubong ang kaniyang mga kilay at naguguluhan. Sa huli, tinitigan niya ulit ako. The man breathed heavily, and in a husky voice, he whispered. “W-Where am I?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD