Hindi ko alam kung bakit ngunit hindi ko rin nagawang sumigaw ng paghingi ng tulong. Nahawa rin yata ako sa takot ni Antonito na baka isang bangkay ang nasa dalampasigan na natagpuan niya!
May dalawang mangingisda na lamang na hindi ko nakikilala at hindi pamilyar ang lumapit sa amin. Pagtapos ay tinatanong nila kung anong nangyari.
Hindi ko rin alam. Hindi rin alam ni Tonyo, at pati ang lalaking ito dahilan ng pagkakakunot ng aking noo.
Tahimik siya at nakatingin sa dagat habang salubong ang kaniyang mga kilay at tila gulong-gulo.
“Ano bang nangyari sa ‘yo, hijo? Nahimatay ka ba sa pangingisda?” tanong ng isa sa mga mangingisda ngunit hindi pa rin siya makasagot.
Napatingin kami ni Tonyo sa kaniya. Ang kaniyang mga kamay ay nakatukod na sa buhanginan at kunot-noong tumingala sandali sa kalangitan at kinilala ang paligid, still in his puzzled look.
May pagtataka sa kaniya ngunit sa kabila niyon ay seryoso ang mga mata lalo nang sinubukang ilibot ang tingin sa dalampasigan.
“Mabuti pang tingnan mo agad kung nasugatan ka. Tsk, tsk, hindi talaga natin ‘yan maiiwasan dito sa laot lalo na sa pangingisda! Mas maiging magpadala ka na sa hospital dito sa misis mo,” saad din ng isa sa mga mangingisda na nandoon sa bangka.
Nagbababa sila ng mga huli mula sa bangkang dumaong. Sila lang ang nandito sa gawi at ang iba ay sobra nang abala para mapansin pa kami.
Basa na rin ako sa tabing-dagat at paluhod na nakaupo. Napatingin ako sa lalaki na nag-iisip at mukhang sumasakit ang ulo niya. Napahawak siya sa kaniyang sentido at bakas pa rin ang panghihina sa kaniya.
“Mukhang hindi maganda ang tama niyang mister mo, ga,” simpatya nila at napapailing.
Natigilan ako at napaangat ang tingin sa kanila. Pare-pareho silang naiiling at abala pa rin sa mga huli, ngunit pinapansin pa rin kami.
“Mabuti pa dalhin mo na ‘yan sa doktor nang matingnan!” payo nila.
Hindi ko malaman ang gagawin ko. Ngayon lang ako nakatagpo ng ganito at hindi ko naman maiwasan na mag-alala rin.
Napatingin ulit ako sa lalaki. Gumalaw ang kaniyang panga habang nakayuko at iniinda ang sakit ng kaniyang ulo. Nanghihina pa ang kaniyang tingin at mukhang hindi nga maganda ang kalagayan.
Nilapitan ko siyang muli. Hinayaan niya naman ako. I checked all over his face, pero wala naman siyang malalang sugat doon. Mayroon sa bandang sentido niya ngunit hindi naman nagdurugo nang malala. Dahil sa mahabang manggas ng kaniyang wetsuit, hindi naman namin makita kung nasugatan din siya sa ibang parte ng kaniyang katawan.
“Nakakaawa naman. Ganiyan talaga kapag nagsisikap sa pamilya. Nakakalungkot lang talaga at hindi natin maiiwasan ang mga aksidente,” komento ng isang naroon sa bangka.
Nag-uusap-usap sila at nagpapayo sa dapat naming gawin. Nagkatinginan kami ng estranghero at hindi niya naiwasan ang pagmasdan ako nang matagal.
Bahagyang salubong ang kaniyang mga kilay at nagtataka man, hindi naman agresibo ang kaniyang reaksyon. Mukhang kinikilala niya ako dahil sa paraan ng kaniyang paninitig.
“Ate Mara, kawawa naman po si Kuya…”
Napatingin ang lalaki sa batang si Tonyo. His eyes grew more confused. Napalagok naman ako at hindi ininda ang pagkabasa at ginaw sa tabing-dagat.
“Patingnan mo iyan sa doktor, ga, at baka’y napa’no!” payo ulit nila nang tuluyan kaming tinulungan.
Hindi ko alam kung saan dadalhin ang lalaking natagpuan. Wala akong mapagkatiwalaan, at nasa pagkatao ko na iyon pagtapos ng lahat ng nangyari.
“Ate Mara, tulungan natin siya,” bulong sa ‘kin ni Tonyo na mukhang nahahabag na rin sa estranghero.
Napalunok ako at napatingin muli sa paligid. Wala talagang kahit ano roon na makakapagsabi kung saan siya galing at bukod doon, wala siyang naaalala! Wala siyang masagot sa mga tanong.
Ni hindi ko rin alam kung naaksidente nga siya sa pangingisda o ano!
Tinulungan nila kami na madala ang lalaking iyon sa bahay. Pinatuloy ko na lang dahil mukhang wala rin naman siyang mapupuntahan dito sa isla.
“Dito na lang po. S-Salamat,” saad ko sa mangingisdang tumulong.
Panay pa ang iwas ko ng tingin at masiyadong kabado. Iniisip talaga nilang mag-asawa kami at pinapayo nilang pumunta kami ng ospital dahil baka raw hindi maganda ang pagkakatama ng ulo niya sa bangka.
Pinaupo namin siya sa upuan. Si Tonyo naman ay patakbong kumuha ng tubig sa kusina.
Umalis na rin ang mga mangingisda kaya naiwan kaming dalawa. Napahawak siya sa kaniyang noo at sentido.
“A-Ano bang nangyari sa ‘yo? Ayos ka lang ba?” nag-alala kong tanong nang inabutan siya ng tubig.
Napasandal siya sa dingding at hawak ang bandang tagiliran niya. Napangiwi siya at kumalat ang nasasaktang eskpresyon. Binaba ko naman ang tubig at agad siyang tinulungan upang daluhan ang kaniyang sugat.
Mabibigat ang kaniyang paghinga at mukhang hindi maganda ang pagkakatama niya sa kung saan.
It was impossible to see his wounds because of the wetsuit. Doon ko rin napansin na may maliliit na sugat sa kaniyang mukha.
Thin cuts trailed just across his cheekbone. May sugat din sa bandang labi niya na mukhang masakit din. Hindi ko na naiwasan ang lalo ring makaramdam ng habag. The man groaned again. He looked in pain!
Sa pag-aalala, nahanap ko agad ang simula ng zipper ng kaniyang makapal na wetsuit.
Hindi pa ako makagalaw nang una dahil hindi ko alam kung paano ko magagawang tanggalin ang kaniyang suot. Pero gumalaw naman siya at umalis sa pagkakasandal. Napatingin ulit ako sa kaniya. Yumuko siya at mukhang iniinda ang lahat ng masakit sa kaniyang katawan.
Halos pikit-mata ko na lang na ginawa!
Binaba ko ang zipper ng kaniyang wetsuit at nang tuluyang bumagsak, hinubad niya ang long sleeves at sumandal muli.
Lumantad ang kaniyang hubad na pang-itaas. Napatingala siya at ininda ang sakit sa tagiliran habang taas-baba ang kaniyang dibdib at tiyan sa paghinga.
Natigilan ako at natulala. My eyes widened with the sight of a male body which is so new to me. Para akong naestatwa lalo na nang binasa niya ang kaniyang mga labi habang iniinda ang kaniyang mga natamo.
He looked really pained and wounded.
Nang napatingin sa kaniyang mukha at nakitang nasasaktan talaga siya, nawawaglit ko rin sa isipan ang kung ano-anong pagkabahala dahil hindi ko mapigilang mapaisip kung sino siya! At kung dapat ba akong magtiwala sa kaniya.
Napatingin siya sa ‘kin kaya mabilis kong tiningnan ang kaniyang sugat. Sa tagiliran iyon at mukhang nasugatan siya roon. There are also fresh cuts over his arms.
“Tonyo, pakuha ng… p-puting t-shirt. Nandoon sa gilid ng higaan ko…” sabi ko kay Tonyo na agad naman nitong sinunod.
Naghanap ako ng malinis na pamunas. Kumuha na rin ako ng maliit na planggana at nilagyan iyon ng maligamgam na tubig mula sa thermos.
Pinatong ko iyon sa tabi niya sa upuan at tiningnan ang kaniyang mga sugat. Lalo akong naawa sa kaniya at lalo rin akong nabahala.
Nanginginig pa ang aking kamay nang pinunasan ang kaniyang sugat. Napadaing siya sa sakit dahilan para napaangat ang tingin ko sa kaniya.
Pinagpapawisan na siya at mukhang ngayon nararamdaman ang epekto ng kung anumang nangyari sa kaniya sa dagat.
Napalunok ako at maingat na pinasadahan ng pamunas ang kaniyang sugat.
“Ano bang… nangyari sa ‘yo?” kunot-noo kong tanong at labis ding nagtataka kung bakit siya napunta sa tabing-dagat, dito mismo sa Isla Verde.
Hindi siya makasagot at iniinda ang mga natamong sugat. Nagkatinginan kami nang binalik niya ang tingin sa akin, at sa napapaos na boses ay nagsalita.
“Hindi ko alam…” nanghihina niyang sinabi. “N-Nasaan ba ako?” tanong niya at bakas ang matinding kaguluhan.
“I-Isla Verde,” sagot ko sa nanginginig pang boses.
Hindi ako sanay makipag-usap sa mga lalaki. Ang totoo, takot ako sa kanila. I don’t know how to deal with them. Kaya ngayon, kung tingnan ko siya ay masiyadong mapag-obserba. Para na siyang alien sa aking paningin.
“Ate Mara, ito na po.” Si Tonyo at dala na ang pinakuha kong damit.
Napatingin ulit ang lalaki kay Tonyo at sumeryoso ang nagugulumihanan niyang mga mata. Binalik niya ang tingin sa akin, at ulit, kay Tonyo.
“Gagamutin ko muna ang mga sugat,” saad ko.
Hindi ko matagalan ang kaharap lalo na dahil sa nagtatanong niyang tingin, kung sino ako at kung sino rin ang bata. At lalong hindi ko matagalan ang kaniyang mga mata.