Nakakapagod ang araw na 'yon. Hindi pa rin ako makapaniwala na gusto rin ako ni Pat. Umuwi na agad ako noong gabing 'yon dahil mag-aalas otso y media na. Pagkapasok ko sa pinto ay sumalubong agad ang aso ko at nakita ko rin si Mama Gina na naghahanda ng pagkain. Amoy ko agad ang niluluto niya. Tinola, ang paborito ko.
"Mano po, Ma!" Bati ko kay Mama Gina at sabay mano dito.
"Ginabi ka ata, Dos? Nag-aadik ka na ba ha?" Tanong nito sa akin na pabiro. "Bless you anak," dagdag pa ni Mama.
"Hindi ma, traffic kasi atsaka punuan ang mga jeep," pagdadahilan ko dito sabay baba ng aking mga gamit.
Pumanik na ako paitaas upang magpalit ng pangbahay na damit. Dali-dali akong bumaba dahil mapapagalitan ako ng aking itay kung hindi kami sabay-sabay kumain.
"Dos, anong oras na. Antagal mo magbihis, ako ay nagugutom na bata ka!" Sigaw sa akin ni Papa Mak mula sa ibaba.
"Andyan na po, Pa!" Dali-dali kong sagot at baba upang makakain na kaming pamilya.
Kami ay apat na miyembro ng aming pamilya. Ako, Si Mama Gina, Si Papa Mak at ang nakababatang kapatid kong babae na si Yna. Kaunti man kami na miyembro pero laging masaya ang bahay namin. Housewife lang ang nanay ko kaya siya talaga ang naging super close ko sa kanila ni Papa. Si Papa naman ang naghahanap buhay. Isa siyang manager sa isang laundry company. Hindi gano'n kalaki ang kita ng tatay ko sa trabaho n'ya pero nakakain naman kami nang tatlong beses sa isang araw. Kaya talagang sinisikap kong makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong na rin sa gastusin sa aming bahay.
Nang nakapagbihis ako, bumaba na ako at agad akong umupo sa harap ng hapag kainan na hinanda ni Mama Gina.
Kami ay nagdasal bago kumain.
"Amen!" Sabay-sabay naming sabi pagtapos magdasal.
"Oh kain na," ani ni Mama Gina.
Parang nananaginip ako nang gising. Nakatulala lang ako sa aking plato at nakangiti. Iniisip ko pa rin kung gaano kaganda ang nangyari ng araw na 'yon.
"Aba! Lumalamig ang sabaw, Dos. Kanina ka pa diyan nakangiti," pagsita sa akin ni Mama Gina.
Nagulat ako nang bahagya kay Mama. At tinuloy ko na ang pagkain ko. Bawat subo ng kanin at sabaw ay bakas mo sa aking mukha ang tuwa, hindi dahil sa masarap ang tinola na luto ni Mama pero dahil sa makakapanligaw na ako kay Pat.
"Nak, iba ang ngiti mo nitong nagdaang araw ah," pang-aasar sa akin ni Mama Gina.
"Ha? Imbento to si Mama," ani ko dito sabay tawa na medyo nahihiya.
"Hoy, Mark Cruz Junior! Ayusin mo lang, distraction 'yang pag jojowa sa pag-aaral," paalala sa akin ni Mama.
"Meron ba, Dos?" Tanong sa akin ni Papa Mak. "Maganda ba, Nak? Dos Types ba?" dagdag pa nito.
"Oo naman, Pa! Baka mana sa'yo 'to," sagot ko dito na medyo natutuwa pa.
"Ayan! Diyan ka magaling konsintehin 'yang anak mo!" Pagpapagalit ni Mama Gina kay Papa Mak.
Tumatawa nalang kami ng kapatid ko sa kanilang dalawa. Ganito kasi ang lambingan nila. Tipong aasarin ng tatay ko si mama at pag naasar na ay lalambingin.
Pagtapos kumain ay agad umakyat sa aking kwarto at nahiga. Katabi ko ang aking cellphone dahil umaasa akong magchat si Pat sa akin. Kahihintay ay nakatulog ako dahil din siguro sa busog.
Matapos nung araw na 'yon ay nag-umpisa na akong manligaw kay Pat. Lagi ko siyang kasabay kumain at hinahatid pauwi. Kahit nakakapagod ang maraming gawain sa school at sinasabayan pa ng stress dahil sa mga project ay nawawala ang lahat nang 'yon kapag kasama ko na si Pat.
December 16, 2016
Uwian na no'n that time. Hinahanap ko si Patricia para sabay kami umuwi. Pinuntahan ko siya sa room nila. Sakto naglalabasan na sila.
"Jaaaaaz! Nakita mo si Pat?" Tanong ko kay Jaz na hinihingal pa.
"Oy, Dos! Ah andoon si Pat, naglilinis pa," tugon nito sa akin sabay pasok sa room nila.
"Pate, hanap ka ni Dos. Andoon sa labas," turo sa akin ni Jaz.
"Dos, ang aga mo ah," bati ni Pat sa akin.
"Iwan ko na kayo d'yan love birds," pang-aasar pa ni Jaz sa amin sabay kaway papaalis.
"Sige. Salamat uli, Jaz!" pagpapaalam ko at kaway pabalik.
"Ingat ka d'yan, bes!" Ani rin ni Pat kay Jaz.
"Oh tara na miss," pag-aya ko kay Pat.
"Tara na," tugon nito sabay hila sa braso ko.
Naglakad kami sa ilalim ng ilaw na nanggagaling sa buwan. Nagpalitan ng mga kwento at kuro-kuro. Damang-dama na ang pasko no'ng oras na 'yon dahil sa mga christmas lights at parol na nakasabit at makikita kung saan-saan. Marami na rin ang nagtitinda ng puto bungbong at bibingka dahil ang araw na 'yon ay ang umpisa ng simbang gabi.
Hinawakan ko ang malalambot niyang kamay at hinila ko siya.
"Dos, saan ba tayo pupunta?" Tanong nito na nagtataka.
"Basta, sumunod ka nalang dali," tugon ko dito.
Hinila ko siya papunta sa lagi naming nadadaanang simbahan. Sa Sacred Heart Parish Church, kahit lagi namin nadadaanan 'yon ay hindi pa kami nakakapasok at nakakapagdasal doon. Wala pang gaanong tao noong oras na 'yon dahil maaga pa kaya naman nakapasok kami at nakaupo.
Umupo kami at bahagyang nagpahinga. Nag-uumpisa na ang misa nang dumating kami pero salamat pa rin at nakahabol kami.
Ilang minuto rin ang tinagal ng misa, at ito'y natapos din. Kumakalam na ang tiyan ko nung oras na 'yon dahil alas otso na rin.
"Nagugutom na ako, Dos," bulong ni Pat sa akin na medyo nahihiya.
"Ah gano'n ba, wait lang," tugon ko sa kanya.
Naghanap-hanap kami ng makakainan. Buti nalang at bukas 'yung paboritong kong lugawan. Hinila ko si Pat papunta doon.
"Tara, dito tayo kain, Pat! Masarap ang lugaw nila dito," ani ko dito pero hindi ako pinapansin, siguro sa gutom.
Dahil sa lagi ako kumakain doon ay naging kakilala ko na ang mga tindero at may ari ng lugawan na 'yon, si Kuya Pogs.
"Oy, Dos! Anong order n'yo ng jowa mo?" Agad na bati nito sa akin nung pagpasok namin sa kanilang kainan.
"Magandang gabi, Kuya Pogs! Gano'n lang ulit, 'yung special lugaw n'yo," Agad na bati ko. "Dalawang order ya!" Dagdag ko pa rito at order na rin dahil mukhang gutom na gutom na si Pat.
Mabilis ang pagserve nila doon. Malasa ang lugaw nila at mainit pa. Agad na kumain si Pat at syempre, sinabayan ko na rin dahil nagugutom na rin ako.
"Dos, diba may sabi-sabi na kapag nakompleto mo 'yung simbang gabi, pwede kang humiling?" Tanong nito sa akin at mukhang okay na.
"Oo, bakit may balak ka ba kompletuhin?" Tugon ko dito.
"Wala ah. Hindi ako naniniwala sa sabi-sabi ng mga matatanda. Pero kung makumpleto mo ba 'yung simbang gabi, anong hihilingin mo?" Curious na tanong ni Pat sa akin.
"A-ah eh... Siguro 'yung makapanligaw na ako sayo at maging tayo," sagot dito sabay subo sa mainit nalugaw dahil sa hiya.
"Darating din tayo d'yan, Dos. Basta maghintay ka lang at maging consistent."
Hindi na ako naka-imik sa binitawan niyang mga salita. Kumain kami hanggang maubos ang inorder naming lugaw.
"Kuya Pogs, dito na kami!" Habang palabas nang pintuan.
"Salamat, Dos! Balik uli kayo, ingat kayo diyan," tugon nito.
Last day na pala 'yon ng klase bago mag-christmas break. Kaya halo ang nararamdaman kong emosyon. Masaya dahil makakapagpahinga nang walang inaalala at malungkot dahil ilang linggo ko rin hindi makikita si Patricia.
"Oh paano, Dos? Kita-kits nalang pagtapos nitong christmas break," habang naglalakad kami palapit sa gate ng bahay nila.
"Oo, kita-kits nalang, Pat. By the way, in-add kita sa social media. Pa follow back nalang. Doon na lang kita i-chat."
"Noted. O sya dito na ako. Bye, Dos!" Kumakaway na tugon nito sa akin.
Matagal-tagal din ang dalawang linggo. Kahit na ilang kanto lang ang lapit ng bahay nila Pat sa amin ay hindi ko magawang pumunta. Nahihiya ako sa mga magulang niya.
Ang pamilya kasi ni Pat ay into business. Ang tatay at nanay n'ya, kuya n'ya at mga pinsan niya. Kaya hindi nakakapagtaka na may kaya si Pat, mayaman kung baga. Hindi tulad ng pamilya ko na sakto lang talaga ang income para sa pang araw-araw. Kaya rin siguro alangan ako umakyat ng ligaw doon sa bahay nila.
Messenger lang talaga ang tanging bagay na magagamit namin para makapag-usap. Kaya lagi kaming nagchachat sa dalawang linggong bakasyon. Walang kasawaang tanong ng "kumain kana ba?" at "anong ginagawa mo?" ang ginagawa lang namin.
Nakuha ko ang number ni Pat kay Jaz. At tuwing gabi ay lagi ko ito sinesend-an ng mga tula.
December 20, 2016
Gabi nanaman
Isip ikaw ang laman
Pa'no ba 'to?
Nababaliw na ako.
Nababaliw na - sa'yo.
Sa kadahilanang hindi alam ni Pat kung sino ang nagtetext ay hindi n'ya ito nirereply-an. Hindi niya naisip na ako ito dahil marami ang nagtetext sa kan'ya nang kung ano-ano. Alam n'ya rin kasi na makalumang tao ako. Mas prefer ko ang paper at pen kaysa sa chatting, text messaging and emails.
11:40pm December 24, 2016
Ilang minuto na lang at pasko na. Hawak ko ang cellphone ko, nagpe-f*******: nang naka-received ako ng chat kay Pat.
"Dos, please sagutin mo," ani nito sa akin at bigla kang tumawag sa messenger.
Binati ko siya nung oras na 'yon, akala ko okay s'ya.
"Advance Merry Christmas, Pat!" Agad kong bungad sa kanya.
"Dos, may ginagawa ka ba? I need you. Kailangan ko nang kausap," humihikbi nitong sabi.
"Anyare sa'yo? Ayos ka lang ba?" Taranta kong sagot.
"Dos, problema kasi dito sa bahay. Magpapasko na pero nag-away pa rin si Mommy at Daddy. Umalis si Daddy," kwento nito sa akin.
"Nagsabi ba kung saan pupunta?" Nag-aalala kong tanong kay Pat.
"Nagkasigawan sila ni Mommy, Dos. Walang sinabi kung saan pumunta," kwento pa nito habang umiiyak.
"Baka pumunta lang sa mga kaibigan n'ya, try n'yo kontak-in," tugon ko dito. "Nagpapalamig lang ng ulo 'yon, hayaan n'yo muna."
"Tinawagan nga ni kuya, andoon nga sa kaibigan n'ya," humihikbi nitong sagot.
"Tahan kana, magiging okay ka rin. Andito lang ako lagi kung kailangan mo ng kausap."
"Salamat talaga, Dos!"
"Wala 'yon, basta tumawag ka lang, alam mo namang one call away ako."
"Salamat, Dos! Andito na si Papa, ibaba ko na. Merry Christmas din sa'yo!" Hindi na ako nakapagsalita dahil binaba n'ya agad.
Kaya naisipan ko nalang na i-chat s'ya.
Sa Messenger.
Marami akong gustong sabihin. Marami akong gustong iparamdam. Mga bagay na sa tingin mong hindi ka karapat-dapat pero sa totoo lang — marapat ka sa higit pa.
Gusto kitang alagaan. Pagaanin ang bigat mong nararamdaman. Alam kong may mga araw na hindi madali. Na parang pasan mo ang mundo at walang umaayon sa’yo. Sasamahan kita at sa mga oras na gusto mong mapag-isa — makakaasa kang ibibigay ko ang distansyang iyong kailangan.
- 2
Itutuloy...