Maaga akong nakauwi ng bahay dahil maaga rin natapos ang trabaho ko sa damuhong bastos na iyon. Hindi ko nga alam kung bakit kailangan kong pagtiisan ang boss na ganoon? May oras pa akong umatras lalo at bago pa lang akong hire. Pero sayang din kasi ang sasahurin doon. Nakakahiya na umasa sa step-father ko. Kahit mabait iyon hindi pa rin puwedeng umasa no.
“Hi Mench!”
Napairap ako nang makita na naman si Burdugoy. Ang anak ni Aling Delilah na head ng GC nina mama.
“Laki ng tiyan mo ngayon ah. Dami mo siguro nakain,” aniya pa. Inis na hinarap ko naman ang bwesit.
“Ang laki nga rin ng bunganga mo sinabi ko bang nakalunok ka ng elepante ha? Huwag mong masira-sira ang araw ko at sira na ‘to kanina pa,” untag ko. Ang sarap ding sampalin ng hunghang eh.
“Ito naman hindi na mabiro, load na lang kita. Ano number mo?” tanong niya.
“FYI kaya kong i-load ang sarili ko, hindi ko kailangan ang pera mo. Umalis ka nga sa daanan ko at gutom ako baka kainin kita nang buhay.”
“Kaya ka hindi nagkaka-jowa eh, ang maldita mo,” asik niya. Aray! Napurohan ang panga ko sa bweist na ‘to. Namemersonal ang bwesit. Itinaas ko ang suot kong damit hanggang balikat mabilis pa sa alas-kuwatrong kumaripas naman siya ng takbo. Takot pa lang maupakan ang walang hiya.
Pagdating ko nga sa bahay ay nakita na naman si Mama at may ka-marites na naman. Kailan pa nga ba ako masasanay?
“Kumusta naman ang trabaho ng aking mahal na anak? Alam niyo ba mga mare na isa siyang sekretarya sa isang sikat na kompanya?” ani Mama.
“Eh minimum lang din naman ang kitaan diyan,” sabat ni Aling Susan.
“Naku! Hindi, dahil sa Racini Corp siya nagtatrabaho,” sagot ni mama. Kita ko naman ang paghanga sa mukha ng mga kaibigan niya. Kita kong proud na proud pa si mama. Kung alam lang niya talaga.
“Panahon na iyan para makahanap ka ng lalaking mapapangasawa mo Menchie. Kapag nagkajowa ka na sabihan mo kaagad ako ha at sasabihan ko rin ang dalaga ko para naman makapag-asawa rin ng lalaking sa Racini Corp nagtatrabaho. Mukhang bigatin ang mga empleyado riyan,” saad ni Aling Rosie.
“Asa ka naman, siyempre hindi puwede mag-settle ang anak ko sa mpleyado lang. Baka may panahon ka anak at kapitan ka ng suwerte na magustuhan ka ng amo mo ano?” ani mama.
Kaagad na kinilabutan naman ako sa sinabi niya.
“Mama ano ba?”
“Oo nga mare, pini-pressure mo naman masiyado ang anak mo. Isa pa huwag kang masiyadong umasa. Sino ba ang magkakagusto sa ganiyang katawan? Ang hanap ng mga mayayaman siyempre ala modelo ang ganda at katawan. Itong anak mo mukhang suki ng kusina,” ani Aling Susan at nagtawanan pa. Kaagad na napairap naman si mama.
“Exercise lang at diet ang kulang diyan se-sexy rin siya. At least iyang anak ko kahit mataba eh in born na maganda, eh ang anak mo nga mahaba na ang nguso ang itim pa ng kili-kili,” aniya. Kaagad na natahimik naman si Aling Susan. Mukhang alam ko na kung saan patungo ‘to.
“Grabe ka naman makapagsalita. Ang anak ko eh exotic ang beauty kaya ganoon. Mabenta sa mga foreigner.”
“Esus! Tanggapin mo na lang kasi na wala ng igaganda iyong anak mo. Makapanglait ka naman sa katawan ng anak ko. Ito maganda pero natural na malaki ang puwet at dibdib. Kaunting jogging lang iyan sinasabi ko sa ’yo puwede ng ipanlaban para sa pageant ng barangay natin,” proud na sambit ni Mama.
Napangiwi naman ako. Kung alam niya lang ang trabaho ng anak niya. Unang araw pinapulot ng condom at pinaglinis ng bed sheet na amoy zonrox. Inisip pa talagang makapag-asawa ako ng mayaman. Sino ba ang pupulot sa ‘kin? Pumasok na lang ako sa loob at mukhang mafi-friendship over na sila dahil sa ‘kin. Tiningnan ko ang kaldero namin at saktong may kanin at tirang adobong manok.
Pagabi na rin at himalang pumasok na si mama. Magluluto na yata.
“Ano ba ‘yan Menchie? Kain ka kasi nang kain eh. Ayan tuloy wala ka pa ring jowa. Ang tanda mo na, Mabuti pa ang kapatid mo may jowa na. Naunahan ka pa, galaw-galaw rin ‘nak,” ani mama. Napasubo naman ako ng kanin at nginiwian siya.
“Ano ka ba naman Ma? Hindi ka dapat nakipagtalo kanina sa mga ka-marites mo. Paniguradong ikaw na naman ang sumsuman ng mga iyon bukas,” reklamo ko.
“Kahit mangapit-barangay pa sila kachi-chismis sa akin wala akong pakialam. Huwag nila akong umpisahan at talagang hindi ako magpapatalo. T’saka totoo naman kasi ang sinasabi ko. Kaya ikaw magpapayat ka para hello ang mga iyon.”
Napakamot na lang ako sa ulo ko. Ito kasing mama ko marites pero mahal na mahal naman niya kami. Ayaw na ayaw niyang naririnig na nilalait kami ng iba. Dapat siya lang ang puwedeng manlait sa amin.
“Ikaw rin naman kasi ang laging nagsasabi na mataba ako kaya ako naba-body shame eh.”
“Aba! Alangan namang sabihin kong ang sexy mo. Menchie ha hindi na ako natutuwa sa katawan mo. Kung hahayaan kitang mamalagi rito sa kusina baka tuloyan na talagang mawala iyang leeg mo. Huwag mo sanang tanggapin ito bilang insulto. Concerned lang ako sa ’yo at isa pa hindi ka na pabata. Mahirap na at baka magkasakit ka dahil sa habit mong kumain ng kung anu-ano riyan,” litanya niya.
“Hindi naman ako katabaan Ma. Masiyado ka lang kasing exaggerated. Hindi issue ang katawan ini-issue niyo lang,” sabat ko sa kaniya. Kita ko naman ang panlalaki ng mata niya.
“Menchie,” banta niya. Kapag nag-iiba na ang tono niya alam ko na kung ano ang kasunod nu’n. Kaagad na inubos ko na lang ang pagkain sa lamesa.
“Kunti lang isasaing ko, huwag kang kumain mamaya at nakakain ka na ngayon,” aniya.
“Mama,” ungot ko.
“May reklamo?”
Padabog na lumabas naman ako ng kusina at dumeritso sa sala. Napatingin ako sa vanity mirror sa gilid at tumayo sa harap nu’n. Itinaas ko ang aking damit at tiningnan ang aking katawan.
“Okay naman ah, ang sexy ko pa nga. Sira yata mga mata nila eh.”