PINTIG NG PUSONG MANGMANG
Humahangos na nanakbo si Maraia sa makitid na daan patungo sa mansyon ng pamilya Buenavista. Isang magandang balita ang nais niyang ihatid kay Carlos, ang nag-iisang anak ng alkalde sa kanilang lugar na si Alkalde Patricio Buenavista.
“M-Maraia? Tila ika’y nagmamadali sa pagparito. May maipaglilingkod ba ako sa ’yo?” tanong ni Carlos.
Hindi nito inaasahan ang kaniyang presensya, panay ang lingon nito sa kaliwa at kanan. Nang matiyak na walang taong naroon ay hinawakan nito ang kaniyang kamay at hinila patungo sa kubling pwesto.
“C-Carlos . . . N-Natutuwa akong makita ka!” hinihingal niyang sabi. Taas-baba ang kaniyang dibdib, hindi pa nakababawi ng paghinga sa ginawang pagtakbo.
“Alam mo naman na hindi ka nais makita ni Papa, bakit ka pa tumungo rito? Hindi ka ba nangangamba sa maaari mong sapitin?”
Sinapo nito ang noo, dismayado sa kaniyang ginawa.
“Carlos . . . Magkakaanak na tayo! Buntis ako!” Hindi niya maikubli ang galak sa kaniyang tinig ngunit naging panandalian lamang ang ngiti niya sa labi.
Sinakbit nito ang kaniyang payat na braso, at saka mahigpit na hinawakan. Halos bumaon ang mga kuko nito sa kaniyang balat.
“Hindi ka maaaring magbuntis, Maraia! Batid mo na ako ang papalit sa posisyon ni Papa! Makasisira ang bata na iyan sa aming mga plano!” Mataas ang tinig nito.
Kilala ang pamilya nito pagdating sa pulitika kaya naman umiiwas na masangkot sa kahit na anong eskandalo.
Sinuklay nito ang bahagyang mahaba na buhok gamit ang hugis kandila na mga daliri. Maganda ang mga kamay nito, halatang hindi sanay sa mabigat na gawain.
Labis siyang nasaktan sa lantad nitong paghayag ng pagkadisgusto sa anghel na nasa kaniyang sinapupunan.
“Buntis ka, Maraia?!” Mistulang kulog na bumagasak ang tinig ni Alkalde Buenavista.
Nanginginig na nagtago si Maraia sa likuran ni Carlos sa takot na saktan siya nito. Una pa lamang ay tutol na ito sa kanilang relasyon.
“Ipalaglag mo ang bata! Malapit na ang eleksyon at hindi ako makapapayag na ang hampas lupa na kagaya mo lamang ang sisira ng lahat! Ipalaglag mo ang bata at layuan mo na si Carlos!”
“Papa!” may pagtutol na sigaw ng kaniyang kasintahan.
Tahimik na humikbi siya sa likuran nito. Umaasa na ipaglalaban siya, siya at ang kanilang magiging anak.
“Mamili ka, Carlos: ang maghirap kasama ang babaeng hampas lupa na iyan, o ang pamilya mo?”
Kagyat na natigilan si Carlos, pinigil ang luha na nais kumawala mula sa kaniyang nanginginit na mga mata. Ilang segundo pa ang lumipas bago ito pumihit paharap sa kaniya. Marahas na kinalas nito ang kaniyang kamay na nakahawak sa braso nito.
“Umalis ka na, Maraia. Pinuputol ko na kung ano man ang ugnayan na mayroon tayong dalawa. Maghiwalay na tayo.”
Napahagulhol na siya ng iyak.
“’W-wag mong gawin sa akin ito! K-kailangan kita, k-kailangan ka ng magiging anak natin! P-paano kami kung tatalikuran mo kami?”
Tinangka niya na hawakan ito, ngunit itinulak nito nang malakas ang kaniyang balikat dahilan para masadlak siya sa lupa. Lumuluha na napatingala siya sa lalaki, nag-iwas lamang ito ng tingin na tila hindi pinagsisihan ang nagawa.
“Lisanin mo na ang lugar na ito, Maraia! Huwag na huwag ka nang babalik dito kung ayaw mong bala ng b***l ang bumati sa ’yo!” banta ng alkalde sa kaniya.
Durog na nilisan niya ang balwarte ng mga Buenavista. Mistulang batis na sagana sa tubig ang kaniyang mga mata. Walang tigil sa paglagaslas ang luha mula roon hanggang sa makalabas siya mula sa malaking tarangkahan na bakal.
“Maraia!” malakas na tawag sa kaniya ng isang baritonong tinig, na nagpahinto sa kaniyang marahan na paglakad.
Pumihit siya paharap. Lalo siyang naluha nang makita ang kaniyang matalik na kaibigan na si Leandro, gobernador sa kanilang probinsya.
“Ang mga Buenavista ba?” Nagtagis ang mga bagang nito, nagngalit pagkakita sa kaniyang sitwasyon.
Tumangis siya na tinugunan lamang nito ng mahigpit na yakap.
“A-anong gagawin ko, Leandro? A-ayaw akong panagutan ni Carlos. P-papatayin ako ni ama!” sumbong niya habang nakasubsob ang mukha sa malapad nitong dibdib.
Masuyong paghagod sa kaniyang likuran ang ginawa nito at saka bumulong, “Handa kong akuin ang kaniyang responsibilidad.”
Tigalgal na napatanga siya sa gobernador. Walang mababakas maski kaunting pag-aalinlangan sa guwapo nitong mukha.
“H-hindi maganda ang pinagdadaanan ko ngayon, Leandro . . . H-huwag mo akong paglaruan!”
“Ngunit seryoso ako. Iyon lang ang paraan para maisalba mo ang dangal mo! Hindi lingid sa iyong kaalaman ang nararamdaman ko, Maraia. Alam mong noon pa ay mahal na kita.”
“Ngunit mga bata pa tayo noon!” kat’wiran niya.
“Hindi nagbago ang nararamdaman ko. Balewala kung wala kang pagmamahal na nadarama para sa akin, ang mahalaga ay maisalba kita. Hindi nanaisin ng ama mo na malaman na nabuntis ka ng isang lalaki na hindi ka kayang panindigan.”
Pumayag siya sa ganoong sitwasyon. Kahit hindi siya tanggap ng pamilya ni Leandro ay ipinaglaban siya nito. Itinaya rin nito ang pagiging gobernador para lang maikubli ang marumi niyang nakaraan.
Naisilang niya ang sanggol sa tulong ng lalaki na nagsilbi niyang tanglaw noong siya ay sinakluban ng dilim, ang kaniyang bahaghari matapos ang napakalakas na ulan.
Ngunit hindi niya inaasahan na magbabalik ang lalaki na kaniyang tunay na inibig. Si Carlos na ngayo’y ganap ng alkalde, ngayong taon na ang huling termino nito.
“M-Maraia . . .” paos nitong tawag sa kaniyang pangalan.
“C-Carlos . . . A-anong ginagawa mo rito?”
Hindi ito tumugon, bagkus isang mahigpit na yakap ang inalay nito sa kaniya.
“Ako’y matagal nang nangungulila sa ’yo, aking sinta. P-patawarin mo ako sa aking mga kasalanan. H-handa na akong bawiin ka at ang ating anak.”
Kabaliwan, ngunit ang lahat ng pait at sakit ay nabura nang narinig niya mula sa labi nito ang pagsisisi. Nanumbalik ang pag-ibig na pilit niyang itinago sa kasuluk-sulukan ng kaniyang puso.
“A-ano ang ibig sabihin nito?”
Awtomatikong nagkalas sila ngunit hindi binitawan ni Carlos ang kaniyang kamay, na tila ba ayaw na siya nitong pakawalan pa.
Ang naguguluhang mukha ni Leandro ang kaniyang nasilayan nang siya ay lumingon, sa bisig nito ay naroon ang anak niya kay Carlos. Itinuring nito na tunay na anak ang bata.
“Narito ako para bawiin ang aking mag-ina,” matapang na sagot ni Carlos.
Isang mapait na ngiti ang sumilay sa labi ni Leandro nang mapadako ang tingin sa kamay nilang dalawa. Batid niyang kamangmangan ngunit hindi niya inabala ang sarili na bitawan ang kamay ng lalaki na tunay niyang sinisinta.
“Natapos ang tatlong taon at ngayon ka lamang nagpakita. Ang tigas ng mukha mo na tawagin silang mag-ina mo matapos mo silang itaboy noong mga panahon na kailangan ka nila.”
Kahit na namumula ang mukha dahil sa labis na galit ay nagawa pa rin ni Leandro na magsalita nang kalmado.
“Hindi maganda kung sa harapan pa ng bata sila magtalo,” aniya sa isip.
“Wala kang karapatan na magdesisyon nang para kay Maraia. Sino ka ba? Maliban sa isa kang dating gobernador na mayroong pangit na reputasyon ay ano pa ang maipagmamalaki mo?”
Lihim na naikuyom na lamang ni Leandro ang kamao. Ang reputasyon na iyon ay nasira nang tanggapin niya sa buhay niya si Maraia at wala siyang pinagsisihan kahit na nawala sa kaniya ang lahat. Pamilya, katungkulan, at kayamanan . . . Lahat iyon naglaho na parang bula.
Gayunpaman, hindi nito kayang tumbasan ang kasiyahan na naramdaman niya nang mga panahong kasama niya si Maraia at ang anak nito.
“Hindi sila sasama sa ’yo.”
“Iyon din ba ang gusto ni Maraia?” Gumawi ang tingin ni Leandro kay Maraia. Nagbaba naman siya ng tingin.
Hindi niya kayang salubungin ang mga mata nito na mababakasan ng sakit.
“Maraia, halika. Pumasok na tayo sa loob!”
Kinuha nito ang isa niyang kamay, at saka pinilit siyang hilahin palayo kay Carlos, ngunit nanatili siya sa kaniyang pwesto. Sa halip, pumiglas siya mula sa pagkakahawak nito.
“S-sasama ako sa kaniya, Leandro! S-siya pa rin ang mahal ko! H-hayaan mo na kami!”
Isang ngisi na nakaloloko ang sumilay sa labi ng alkalde sabay akbay kay Maraia. Sumenyas ito sa isang tagasunod na kuhain sa kaniya ang bata.
“S-salamat sa lahat, Leandro at patawad,” sabi pa ni Maraia bago tuluyan na sumakay sa magarang sasakyan ng alkalde.
Nanlulumo na napaluhod ang lalaki sa lupa habang tinatanaw ang papalayong sasakyan. Pakiramdam ni Leandro ay binasag sa maliliit na piraso ang kaniyang puso dahil sa labis na sakit. Ang tanging nagawa na lamang niya ay ang humagulhol para pagaanin ang bigat na nasa dibdib.
“B-babalik ka, Maraia . . . A-alam kong babalik ka. A-at kapag dumating ang araw na iyon . . . B-bukas palad pa rin kitang tatanggapin dahil . . . M-mahal kita.”
----WAKAS----