WHAT IF . . . ?

2962 Words
I'm Stella. Fourth year high school ako sa pinapasukan kong paaralan. Since ka-ta-transfer ko lang nung 3rd year ako ay wala pa akong masiyadong kaibigan. Hindi rin naman kasi ako palabati katulad ng iba. Hindi ako 'yong tipo ng tao na mahilig mag-approach, but once na makuha mo na ang ugali ay malalaman mo kung gaano ako kabaliw. "Stella! Hindi ka pa raw naka-enroll? Bakit?" tanong ni Ma'am Violy sa akin. Paano'y may pagkatamad talaga ako pagdating sa pagpapapirma ng clearance kaya naman pasukan na ako nagsimula na mag-asikaso. Nahihiyang ngumiti lang ako at kumamot sa ulo. "Asikasuhin mo na ang clearance mo at pagkatapos ay dumiretso ka na sa room ko. Doon ka na lang sa section ko," sabi niya sa akin. "Ma'am! Kasi ayaw ko po sa section mo," nahihiya kong pagtutol. Nagsalubong ang dalawang manipis na kilay nito. Kahit nakasuot ng reading glasses ay kita ko sa mata niya ang bahagyang pagkainis. Close kasi kami ni Ma'am Violy kaya siguro nadismaya siya sa sinabi ko. "At bakit? Ayaw mo sa akin?! Ay kung sipain kita riyan?!" Ang class niya ang star section ng 4th year at tinanggihan ko 'yon. Bakit nga ba? Muli akong napakamot sa aking ulo. "H-Hindi po ikaw, Ma'am." "E, bakit nga ayaw mo sa 4-Diamond?" "Kasi po nasa second section po ang mga kaibigan ko. Wala po akong ka-close sa mga estudyante mo." Sa puntong iyon, hindi na siya sumagot. "Stella!" sabay na tawag ng mga kaibigan kong sina Clarizz, Marizz, at Sheena. "Narito na naman itong matataray na 'to!" pabirong sabi ni Ma'am Violy, nakangiti na siya. "Good morning, Ma'am Violy!" sabay-sabay muli nilang sabi. "Huy, ano?! Okay na ang clearance mo?" tanong ni Sheena sa akin. Napangiti ako nang tagilid at napatingin na rin kay Ma'am Violy. "O-Oo. K-Kaso sabi ni Ma'am ay sa Diamond daw ako," mahina kong tugon. "Paano 'yan? Hiwalay ka sa amin? Aw . . . Kawawa," pang-aasar naman ni Marizz. Tumingin ako kay Ma'am Violy na may pagmamakaawa. "Payagan mo na po ako, Ma'am . . ." muling ungot ko. "Hay naku, Stella! Bahala ka sa buhay mo! Linisin mo muna 'yong banyo sa faculty tapos saka ko pag-iisipan! Isama mo 'yang mga kaibigan mo!" "Yaaah, Ma'am!" sabay-sabay naming react. "Bwisit ka, dinamay mo pa kami!" reklamo ni Clarizz. Tumawa lang ako. Sa kabilang banda kasi ay alam ko na napapayag ko na si Ma'am Violy. After namin maglinis ng banyo, itinaboy na kami ni Ma'am Violy kay Ma'am Lina. Pumayag na ito na sa second section ako. Sobrang saya ko dahil hindi kami nagkahiwa-hiwalay na apat. Ruby ang section namin. Second section . . . Kung saan hindi nagtatagisan ng talino hindi katulad sa mga section ko ng mga nakaraang taon. Ito ang first time na napunta ako sa lower section ngunit hindi ko ito pinagsisisihan. Sa 4-Ruby, halo-halo ang ugali. May maingay, may mataray, may tahimik, at mayroon din mga bully. Sa aming magkakaibigan, si Marizz lang ang medyo mabagal pumick-up kaya tinutulungan na lang namin siya. First day ko pa lang sa section na 'yon, ramdam ko na doon ako nababagay. "Oy, pinsan! Dito ka rin pala!" bati ni Jepoy kay Clarizz. Magkakabarangay kaming tatlo. May tatlo rin na kaibigan si Jepoy. Si Lim, JR, at Jomel. Dahil palakaibigan si Jepoy ay naka-close namin ang grupo nila. Iyon din ang pinakaunang pagkakataon na nagkaroon ako ng mga lalaking kaibigan. "May nakaupo ba dito?" tanong ni Jomel sa akin. "May nakikita ka ba?" pabara ko naman na sagot. May pagkabalahura kasi akong magsalita, kaya siguro wala rin akong masiyadong kaibigan. Nasa Math class kami ng mga oras na iyon. At kadalasan, inaantok ako sa klase na 'yon. Mahina at malumanay kasi ang boses ng teacher namin sa subject na 'yon kaya wala akong gana na makinig. "Class, pakikopya ito sa mga notebook niyo. Lalabas ito sa exam kaya kailangan niyo 'to!" Bumusangot ako. "Kopya na naman," bulong ko. Binalingan ko si Jomel na nagsimula nang kopyahin ang isinusulat ng class secretary sa blackboard. "Huy!" Kinalabit ko ang braso niyo. Taka naman siyang napatingin sa akin. Paano'y kahit close namin ang grupo nila ay hindi naman ako mahilig makipag-usap sa kaniya o sa kanila. Palagi lang akong sumasama pero hindi kami nagkaroon ng mahabang pag-uusap. "Bakit?" tanong niya. "Puwede bang pahiram ng notes mo mamaya? Tinatamad akong magsulat. Sa bahay ko na lang gagawin," sabi ko. "Akin na ang notebook mo. Diyan na lang ako magsusulat at ako na rin ang manghihiram sa'yo para hindi ka na magsulat sa bahay niyo." Nangningning ang aking mga mata. "Talaga?" galak kong tanong. Napangiti at tumango lang naman siya sa akin. Simula no'n, palaging sa tabi ko na siya umuupo tuwing Math class. Ganoon palagi ang eksena. Siya ang gumagawa ng notes ko at minsan ay ako naman ang gumagawa ng sa kaniya. Si Jom ang pinakaunang lalaki na naging kaibigan ko. I helped him sa mga subjects niya especially Science. Doon kasi ako magaling. "Alam mo bang asar ako sa'yo noong 3rd year pa lang tayo?" biglang sabi niya habang nagrerecess kami ng binili naming tig tres na palamig at saka fishball sa ilalim ng punong mangga. "Huh?! Bakit naman?" Hindi kami magkasection noong 3rd year. Kasi nga ay second section siya at ako naman ay star section. Tumawa siya. "Kasi ang lakas mong tumawa. Sa tuwing dumadaan kami ng mga kaibigan ko harapan niyo ay bigla na lang kayong tumatawa. Feeling ko pinagtatawanan niyo kami." Kumibot ang labi ko. "Eh? Hindi ko nga alam na nag-e-exist ka!" sabi ko naman. "Dati 'yon, huwag ka nang mainis. Ngayon nalaman ko na hindi ka pala ganoon. Sadya palang malakas lang ang tama mo sa ulo. Siguro naging over acting lang ako noon." "Eh, ngayon? Anong tingin mo sa akin?" tanong ko habang nginunguya ang makunat na fishball na nabili namin sa canteen. "Hmmm . . . Mabait ka. Noong una akala ko masungit ka kasi ang taray ng mata mong tumingin. Hindi naman pala. Ikaw? Anong tingin mo sa akin?" Tinignan ko si Jom. "Okay naman. Mukha ka namang tao." Tumawa siya. "Baliw ka!" Sinagi niya ang balikat ko. Hindi sinasadya na nabitiwan ko ang fishball kong hawak. "Jom!" inis kong sabi. Tinignan ko siya na parang maiiyak na. Last money ko na kasi ang ibinili ko sa fishball na 'yon. "Ooops! Sorry!" Inismiran ko siya. Tumayo ako at saka mabilis na naglakad pabalik sa room namin pero hinabol niya ako. "Huwag ka nang magalit! Heto, sayo na!" Inabot niya sa akin ang fishball niya. Dahil gutom pa ako ay kinuha ko iyon at kinain lahat. Umaliwalas naman ang kaniyang mukha nang makitang kinain ko iyon. Naging super close kami. But, one day . . . "Stella. May sulat na ipinabibigay sa'yo si Orlan," inabot sa akin ni Sheena ang piraso ng papel na mukhang pinunit pa sa pahina ng notebook. Nangunot ang noo ko. "Orlan? Sino 'yon?" Napatingin si Sheena, Clarizz, at Marizz kay Jom. "Barkada niya. Ka-baranggay niya iyon, e!" Ikinibit ko ang balikat ko at saka sinimulan kong basahin ang sulat. Ngunit ang mga punyeta kong kaibigan ay nakadukdok na ang mga mukha sa papel na hawak. "Hala! Manliligaw daw siya!" sabi ni Marizz. Napatingin sa gawi namin ang grupo nina Jom, ngunit kaagad din nag-iwas ng tingin si Jom nang mapatingin ako sa kaniya. Nais kong tanungin kung sino si Orlan. Math class, muli kong nakatabi si Jom. "Ka-baranggay mo raw 'yong Orlan? Barkada mo?" Tumango lang siya. "Nanliligaw, e." "Ganoon ba?" sagot niya. Ang tipid ng mga sagot niya kaya feeling ko ayaw niya ng kausap kaya nilubayan ko siya. Nakilala ko rin si Orlan nang isang beses batiin niya ako sa gate ng school namin. Napansin ko rin ang palagi niyang pagtambay sa mga lugar na tinatambayan namin. Nasundan ang sulat ni Orlan ng isa pang sulat. Dahil curious ako kung anong feeling ng may boyfriend, sinagot ko siya. Simula noon, palagi na siyang sumasama sa tambayan namin tuwing may vacant. He also spoiled mo sa mga gifts. "Wala na naman si Jom?" tanong ko kina Clarizz. Ilang araw na siyang liban sa mga subject ngunit palagi ko naman siyang nakikita sa labas ng campus tuwing lunchtime. "Nagcutting classes na naman. Siguradong nagpupusoy na naman 'yon," sabi ni Clarizz. Nangunot ang noo ko. "Pusoy?! Hindi ba sugal 'yon? Saan siya nagpupusoy?" muling tanong ko. "Sa gubat? Doon ang tambayan ng mga estudyante na nagsusugal. Nakita ko rin siya na naninigarilyo," pabulong na sabi naman ni Sheena. Lalong lumalim ang gatla sa noo ko. "Anong nangyayari sa lalaki na 'yon?" Nilapitan ko si RJ, isa sa mga kaibigan niya sa room. "Hoy! Alam mo ba kung saan pumupunta si Jom?" Nagulat pa ito nang kausapin ko siya. Tahimik kasi ito at tamang pakikisama lang kapag magkakasama kaming walo. Wala rin akong masiyadong alam tungkol sa kaniya. "Ahmmm . . . Sorry, hindi ko alam e. Ilang araw ko na rin siyang hindi nakakasama." Nainis ako at nag-alala at the same time. Ayaw ko na bumaba ang grades ni Jom. Alam ko kung paano niya pinaghirapan iyon. Ayaw kong masayang iyon dahil lang sa sugal at maling barkada. Pinuntahan ko ang lugar na sinasabi ni Sheena. Sinamahan din ako ni Sheena dahil natatakot ako na mag-isa. Sa gitna nga ng madamong gubat na 'yon, nakita namin ang kumpol ng mga kalalakihan na may hawak na baraha, umuusok din ang mga bunganga nito dahil sa sigarilyo. At tama si Sheena, isa sa mga iyon si Jom. "Jomel!" sigaw ko. Nagulat siya pagkakita sa akin. Nabitawan niya ang hawak niyang baraha sabay abot ng sigarilyong nasa kaliwa niyang kamay sa isa pa niyang kasama. "Naku, patay ka! Sinusundo ka na ng syota mo!" kantiyaw ng isa sa mga lalaking nandoon. "Siraulo!" sagot naman ni Jom sabay batok sa lalaki. Lumapit siya sa amin. "Ano bang ginagawa niyo rito?!" bakas ang pagkairita sa boses niya. "Sinusundo ka! Pumasok ka mamaya! Palagi ka na lang absent! Nandito ka lang pala!" pagbubunganga ko. Marahas siyang napakamot sa ulo sabay hatak sa kamay ko palabas sa madamong lugar na 'yon. "Huwag ka nang babalik dito, ha?! Alam mong puro lalaki ang tumatambay rito tapos pupunta ka pa!" inis pa rin na sabi nito hatak pa rin ang braso ko. "Eh, bakit nga hindi ka pumapasok?!" "Wala nga! Tinatamad na akong mag-aral!" sagot niya. Nang marating namin ang gate ng school ay binitawan na niya ako. "Pumasok na kayo," utos niya. "Pumasok ka muna!" utos ko rin sabay turo sa entrada. "Hindi nga ako papasok!" giit niya. "E, 'di hindi rin ako papasok!" sagot ko. Nagmartsa ako patungo sa cottage na tinatambayan namin tuwing lunchtime. Nandoon sina Clarizz at Marizz maging ang tatlong lalaki na kaibigan din namin. "Ano? Tara na sa loob?" yaya ni Clarizz sa amin. "Hindi raw papasok si Stella. Hindi na rin ako papasok," sabi ni Sheena. "Hindi kayo papasok? Hindi na rin ako papasok," sabi ni Marizz. "Hindi kayo papasok? Huwag na rin tayong pumasok," yaya naman ni Jepoy kay Lim at RJ. Napahilamos na lang sa mukha si Jom dahil sa biglaang pagcutting class naming pito na siya ang dahilan. Masaya lang kaming nagkuwentohan, nagkantahan sa cottage na 'yon. But nabura ang saya na 'yon after I saw Orlan. Kasama niya si Jane na kaklase namin sa isang kainan sa labas ng campus. Magkahawak sila ng kamay. "Wow! Amazing!" sigaw ko habang pumapalakpak. Napatingin sa akin si Orlan at halatang nagulat nang makita ako. Ngunit saglit lang iyon. Bumalik sa dati ang expression ng mukha nito na parang hindi ako nakita at nagpatuloy sa paglalakad kasama si Jane. Magkahawak ng kamay. Nasaktan ang pride ko that time. "Okay ka lang?" tanong ni Sheena. "Naku, iiyak na 'yan!" kantiyaw ni Lim. "Iiyak na 'yan! Iiyak na 'yan!" sabay-sabay na kantiyaw nila sa akin maliban kay Jom na tahimik lan na nakatayo sa tabi ko. "Sinong iiyak, ha? Mga gago!" sabi ko naman kahit deep inside, gusto kong umiyak dahil sa galit. After that day, hindi ko na pinansin si Orlan. He tried to approach me again but I didn't give him a chance. Bumalik na rin sa dati si Jom. Naging masipag na siya sa pagpasok sa school at hindi na ulit bumalik sa sugalan. After break up kay Orlan, niligawan naman ako ni RJ. At dahil inis pa rin ako sa lalaking iyon na hindi pa rin tumitigil sa pangungulit, sinagot ko si RJ. But nothing serious, ganti ko lang talaga sa bwisit na lalaking 'yon. Math Class, hindi umupo sa tabi ko si Jom. Sa halip, si RJ ang tumabi sa akin. Sa likuran namin pumwesto si Jom, katabi si Clarizz. "Pwede bang kopyahan mo ako ng notes natin?" malambing na tanong sa akin ni RJ. Sinimangutan ko siya. "Ano ka sinuswerte? Ang pagod kayang magsulat!" sabi ko. "Gusto mo ba ako na lang ang sumulat sa notebook mo?" muling tanong nito sa mababang tono. Dahil tamad, ipinasa ko sa kaniya ang notebook ko. Pagkatapos ng subject na 'yon inilagay niya sa bag niya ang notes ko. "Pahiram muna nito. Kokopyahin ko sa bahay." "Okay." Nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap si Jom nang ako na mismo ang tumabi sa kaniya sa subject na Filipino. Gusto ko kasi iwasan si RJ na palaging nakadikit sa akin. "Anong ginagawa mo rito? Baka mag-away kayo ni RJ," sabi nito. Nahuli ko pang tumingin nga sa amin si RJ. "Bakit naman magagalit? Kaibigan ka niya, kaibigan kita," tugon ko naman. "Bahala ka," sagot naman niya. "May tanong ako." "Oh?" "Bakit napabarkada ka sa mga lalaking iyon sa labas? Bakit ayaw mo nang mag-aral, ha? Matataas na ang grades mo, bakit bigla kang tinamad?" tanong ko. "Nabroken hearted kasi ako," tipid niyang sagot. "Broken hearted? Gagi, wala ka naman jowa!" sabi ko. Tumawa siya. "May jowa lang ba ang may karapatan na masaktan?" "Kawawa ka naman." Hinaplos-haplos ko pa ang likod niya at umaktong nakikisimpatya kahit ang totoo ay inaasar ko lang siya. Naiiling na napangiti na lang naman siya sa ginawa ko. Kinabukasan, nainis ako nang ibalik ni RJ sa'kin ang math notebook ko. Paano'y kung ano-anong ginuhit at isinulat sa back side nito. Nakalagay doon RJ love Stella na may heart-heart pang parang sa eng-eng. Sa halip na kiligin, pinunit ko 'yon at itinapon sa basura. Nakita ni Jom ang ginawa ko kaya tinanong niya ako. "Anong problema?" "Kung anu-ano kasi nilagay niya sa note book ko," nakasimangot kong sumbong. Tipid siyang ngumiti. "Iyong gawa ko, pinunit mo rin ba?" "Gawa mo?" Wala naman akong nakita roon na gawa niya. Kinuha niya ang notebook ko at saka may hinanap siya sa gitnang bahagi. Nang mahanap niya iyon ay ipinakita niya sa akin. Simpleng lettering ng pangalan naming dalawa. Lettering lang, walang kahit na ano. I find it cool kaya napangiti ako. Hindi ko iyon pinunit o itinapon. Hinayaan kong manatili iyon sa math notebook ko. Time goes on, hindi ko namalayan na graduating na kami. Si RJ naman ay siya ang kusang lumayo sa akin nang mahalata niya na hindi talaga ako seryoso sa kaniya. Nagsorry din ako sa kaniya at sinabi ang totoo kung bakit ko siya sinagot. Mabait si RJ at naintindihan niya ako. Sinabi rin niya na sinamantala lang din niya ang pagkakataon na 'yon dahil alam niyang broken hearted ako kay Orlan. Iyon na nga . . . The graduation day came. Lahat kaming magkakaibigan is nag-iyakan dahil super solid ng samahan namin. After that day nagkahiwa-hiwalay na kami. Nawalan kami ng communication sa isa't isa until nauso ang social media. Nagkaroon ulit kami ng contacts after how many years. Hanggang sa nagkapalitan ulit kami ng mensahe ni Jom. Tandang-tanda ko pa ang sinabi niya. "Stella, salamat sa lahat. Siguro kung hindi dahil sa'yo ay hindi ko natapos ang pag-aaral ko sa highschool. Wala siguro ako sa lugar kung nasaan ako ngayon. Alam ko may boyfriend ka na ngayon at matagal na kayo. Alam ko na mahal na mahal mo siya. Gayunpaman, I would like to confess about my true feelings for you noong highschool tayo. I like you . . . I really like you. Pero hindi mo ako makita bilang isang lalaki kundi bilang isang kaibigan lang. But alam mo ba? Inaabangan ko palagi noon ang math subject para matabihan man lang kita, makakuwentuhan. Hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na umamin dahil sino ba ako? Anong panama ko kay Orlan na palagi kang binibigyan ng regalo? Wala akong pera. Panganay sa magkakapatid at inaasahan din ng pamilya. Ngunit muli, salamat dahil binigyang buhay mo ang highschool life ko. Ikaw ang unang babaeng minahal ko at sayo rin ako unang nasaktan. Hangad ko na sana ay palagi kang masaya. Mananatili akong kaibigan mo." Maraming what ifs ang pumasok sa isip ko. What if si Jomel ang nanligaw sa akin at di si Orlan, kami pa kaya hanggang ngayon? What if hindi ako nagmanhid-manhidan that time, magiging masaya ba kami? What if inamin ko rin . . . What if inamin ko rin na sinagot ko lang si Orlan para pagselosin siya? What if sinabi ko na hinihintay ko lang na siya ang magfirst move? What if sinabi ko na gusto ko lang ay mapansin niya ako bilang babae at hindi isang kaibigan? Ngunit ang lahat ng iyon ay hanggang what if na lang. Hindi lahat ng istorya ay nabibigyan ng magandang wakas. Siguro nga . . . Siguro nga kami ay isang halimbawa ng pinagtagpo ngunit hindi itinadhana. Tamang tao na sana ngunit natagpuan namin ang isa't isa sa maling panahon. Siguro ay mas may better na nakalaan para sa amin ang Maykapal kaya hindi niya hinayaan na maging kaming dalawa. Kalauna'y natanggap ko na, na si Jom ay isa na lamang parte ng magagandang alaala na hindi ko makalilimutan. WAKAS.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD