ELLA'S FALL

1427 Words
“Ooops! Sorry! Akala ko trashcan!” nakangising wika ni Carla matapos tapunan ng fishball sauce ang uniform ni Ella. Sa likod nito ay naghagikhikan ang dalawang alipores na sina Rizza at Paloma. Karaniwan na ang pangyayari na iyon kaya walang imik na nilagpasan na lamang ni Ella ang mga ito. Aksaya lamang sa oras kung papatulan pa sila. Matapos magpalit ng damit ay dumiretso na siya sa kanilang classroom. Umupo siya sa pinakadulong bahagi, sa tabi ng bintana kung saan tanaw niya ang labas. Sumikip ang kaniyang dibdib nang matanaw ang mga dahong nahuhulog mula sa mga punong nakahilera sa paligid ng kanilang paaralan. “Taglagas na naman pala.” Tanda ng isang mapait na kahapon. Ang parehong araw kung kailan iniwan siya ng kaniyang ina. “Attention, class! You have a new classmate. He came from St. John’s University.” “St. John's University? Hindi ba private school 'yon? Bakit lumipat siya sa public?” tanong ng kaniyang kaklase. Napatingin siya sa kinatatayuan ng kanilang class adviser. Nakatingin ito sa pintuan, sumenyas na parang mayroong tao na nais papasukin. Napasinghap ang marami nang pumasok ang bagong estudyante. Nakapaskil sa mukha nito ang isang malawak na ngiti, mas maaliwalas pa iyon sa sinag ng araw. “Ang cute niya!” impit na tili ni Carla. “Hello! My name is Patrick Kenn Samonte, but you can just call me PK! Hoping na makasundo ko kayo lahat!” Lihim siyang nagpasalamat kay PK. Dahil sa lalaki ay bihira na siyang i-bully nina Carla. Naging busy ang mga ito sa pagpapacute sa transferee. “Hi!” Napahinto siya sa paglakad nang humarang sa kaniyang daan si PK. Napalingon siya sa kaliwa at kanan upang tiyakin na siya ang kausap nito. “B-bakit?” Ngumiti ito nang matamis. “Gusto ko lang tiyakin kung nagsasalita ka. Hindi ka palaimik at hindi ka rin nakikipag-usap. Natutuwa akong malaman na marunong ka palang magsalita.” Kakaiba ang hatid ng mga ngiti na iyon, maging ang kislap sa mga mata nito ay kakaiba. Ngunit ang ganoong pakiramdam ay walang lugar sa buhay niya. “K-kailangan ko nang umalis.” Nilagpasan niya ito at saka mabilis na lumakad. “Sandali, Ella!” Napakagat siya ng pang-ibaba na labi. Nagalak ang kaniyang puso nang malaman na alam nito ang kaniyang pangalan. “Bakit ngayon ka lang?” tanong ng kaniyang ama pagkarating sa bahay. Nanlilisik ang mga mata nito, inihanda na niya ang sarili sa kung ano ang mangyayari. “K-kasi po ay kinausap pa ako ng aming teacher.” Sa isang simpleng sagot, isang suntok sa noo ang kaniyang natamo. Bumalandra siya sa dingding na tabla ng kanilang bahay. “Wala ka talagang kwenta! Magluto ka na!” Isa pang tadyak ang iginawad nito sa kaniya bago umalis. Namulatan na niya ang malimit na p*******t ng ama kaya naman natutunan niyang maging manhid na lang. Siya ang sinisisi nito kung bakit iniwan sila ng kaniyang ina. Ang pasa, bukol, at sugat na kaniyang natatamo ay balewala na dahil namulat na siya sa ganoong sistema. Kahit na may malaking bukol sa noo, pumasok pa rin siya kinabukasan. Ngunit sa gate pa lamang ay sinalubong na siya ng kamalasan. Ilang pirasong itlog ang tumama sa kaniya dahilan para muling mabahiran ng dumi ang kaniyang puting uniporme. Tamad na pinagpag na lamang niya ang sarili at dumiretso sa paglakad. Ngunit hindi pa nakontento ang mga salbaheng estudyante. “Sandali! Kulang ka pa ng ingredients!” sabi ng isang lalaki, kasunod nito ay ang pagbuhos sa kaniya ng harina. “Ayan, puwede ka nang iprito!” Tiim-bagang siyang nagpatuloy sa paglakad. Dumiretso sa banyo upang magpalit ng damit. Isinabit niya ang blouse na hinubad at pamalit sa pintuan ngunit may taong humablot ng mga ito. Mga yabag na tila nagtatakbuhan na ang sumunod niyang narinig. “Sandali! Ibalik niyo ang damit ko! Ano ba?!” Napahilot na lamang siya sa kaniyang sintido. Nais niyang umiyak ngunit wala ng luha ang nais na kumawala mula sa kaniyang mga mata. “M-may tao ba riyan?” Kilala niya ang may ari ng tinig na iyon. “P-PK?” “Ella? Ikaw ba 'yan? Nakita ko na tumakbo galing dito sina Carla. May ginawa ba sila sa 'yo?” “K-kinuha nila ang damit ko.” Ilang segundong namutawi ang katahimikan, ang akala niya ay umalis na ang lalaki. Bahagya siyang natigilan nang may iabot itong isang t-shirt mula sa itaas ng pintuan. “Isuot mo muna. P-pagpasensyahan mo na lang ang amoy. Napawisan ko na kasi iyan gawa sa basketball.” Kauna-unahang pagkakataon, napangiti siya ng isang tao. Walang pag-aatubili na isinuot niya ang damit at saka nahihiyang lumabas. “Salamat. I-ibabalik ko na lang ito sa 'yo bukas.” Ang pangyayari na iyon ang naging daan para magkalapit sila ni PK. Inimbitahan siya nitong kumain ng snack sa ilalim ng malaking puno na naglalagas ang mga dahon. Kung noon ay kalungkutan ang hatid ng mga naglalaglagan na dahon nito, ngayon ay tila bagong pakiramdam ang kaniyang nadarama. “Bakit hinahayaan mong saktan ka nila ng ganiyan?” Napayuko siya nang hawiin nito ang buhok sa kaniyang noo. “Napakalaki ng bukol mo! Nais mo ba na i-report ko sila sa principal's office?” “H-huwag na! H-hindi naman sila ang may gawa nito. A-ang tatay ko . . .” Muli niyang tinabingan ng buhok ang bukol. “A-ang tatay mo?” Marahan siyang tumango. Ikinuwento niya sa lalaki ang masalimuot niyang pinagdaanan, kung bakit siya ganoon. “Simula ngayon ay ako na ang magiging tagapagtanggol mo!” Hinawakan nito ang kaniyang kamay, taglay pa rin ang ngiti na nagpapabilis ng t***k ng kaniyang puso. “Nais mo ba na hanapin natin ang nanay mo? Hindi sa pagyayabang pero mayroon akong more than one million followers sa f*******:. Pwede tayong manawagan doon kalakip ang larawan, numero at address mo.” “M-maaari ba 'yon?” Nabuhayan siya ng pag-asa. Isang marahan na tango ang itinugon nito. Ginawa nila ang ideyang iyon nang araw rin na 'yon. Suot niya ang abot tainga na ngiti habang binabaybay ang daan pauwi. Hindi niya akalain na makatatagpo siya ng isang kaibigan na katulad ni PK. “Oy, Ella. Mukhang masaya ka, ah!” Mahigpit siyang napahawak sa kaniyang backpack nang akbayan siya ni Alfred, isang Grade 12 student, section 2. Kilala itong bastos at mapagsamantala. “Gusto mo bang sumama muna sa akin bago ka umuwi?” Pikit ang mga matang ipininid niya ang mukha paiwas sa lalaki nang amoy-amoyin nito ang kaniyang buhok. Nanginig siya sa takot nang haplusin nito ang kaniyang balakang pataas sa kaniyang gawing dibdib, ngunit bago pa maabot ang maselan niyang bahagi ay isang suntok na ang nagpabulagta sa lalaki. “Huwag mo siyang hawakan!” “P-PK?” Napatakbo siya at napayakap sa lalaki. Nanlilisik ang mga mata na tumayo si Alfred mula sa lupa. “May araw ka rin!” sabi nito bago umalis. “Okay ka lang ba?” Lumuluha siyang tumango. “Salamat!” Naging mas malapit sila sa isa't isa ni PK at nagkapalagayan na ng loob. Naging iba ang takbo ng taglagas na iyon kaysa noong mga nakalipas dahil kay PK. Taglagas na naghatid sa kaniya ng kilig at kasiyahan. Hanggang isang araw . . . “Hello, PK . . . T-tumawag na si Nanay . . . H-hindi niya ako iniwan . . . P-pinaalis siya ni Tatay. P-pinaghiwalay niya kaming dalawa dahil anak ako ni Nanay sa ibang lalaki. Sa isang mayaman na negosyante na ngayon ay kinakasama na ni Nanay. G-gusto niya na akong kunin. M-maraming salamat sa 'yo!” “Mas maganda siguro kung sa personal mo sa akin i-kwento . . . Magkita tayo,” tugon nito. May pagmamadali, tinungo niya ang kanilang tagpuan. Sabik siyang mayakap at mapasalamatan ang lalaki. Saglit siyang tumahan sa paglalakad nang makita ang grupo ni Alfred. Hinintay niyang makalagpas ang mga ito bago tumuloy sa tagpuan nila ni PK. Unti-unting nabura ang ngiti sa kaniyang labi nang makita ang lalaking pakay. Kasabay nang pag-ihip ng hangin at paglaglagan ng mga dahon ay ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Ang duguan at tadtad ng saksak na katawan na lamang nito ang kaniyang naabutan. Patakbo niyang dinaluhan ang lalaki, sinalat ang leeg at pulso upang dinggin ang t***k ng puso ngunit wala na . . . Huminto na ang pagpitik nito. "P-PK . . . P-PK . . . H-Hindi! H-huwag mo akong iwan! P-pakiusap gumising ka! H-hindi ko pa nasasabing . . . M-mahal kita! G-gumising ka, pakiusap!” WAKAS.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD