JUST A MOMENT

3158 Words
“Justin! Saan ka ba nagsusuot na bata ka?! Sinabi ko na sa ‘yo na huwag kang hihiwalay sa ‘kin, ‘di ba?” dismayadong wika ni Delilah sa kaniyang pitong taong gulang na anak. Natagpuan niya ito na nakaupo sa malaking bato, sa ilalim ng punong akasya. Humahagikhik at pumapalakpak na para bang mayroon itong kalaro. “Mama, halika! Makipaglaro tayo sa kanila!” biglang saad nito. Naghatid iyon ng malamig na pakiramdam sa kaniyang buong katawan. “A-ayan ka na naman, e! T-tinatakot mo na naman ang Mama!” Madalas makakita ng kung anu-anong bagay si Justin na hindi naman nila mawari kung ano. Nabahala siya ngunit ang sabi ng matatanda sa kanilang lugar ay normal lamang daw sa bata ang magkaroon ng imaginary friends. Ang hinala ng mga ito ay bukas ang ikatlong mata ng kanilang anak. Ngunit hindi raw dapat iyon katakutan. Hindi maglalaon ay mawawala rin ang kakayahan na iyon. Lumapit siya sa bata at saka ito binuhat. “Pinag-alala mo ako. Huwag ka na ulit aalis kapag hindi mo ako kasama, okay?” Ngumiti nang abot tainga ang batang si Justin at saka marahan na itinango ang ulo. “Sorry po, Mama.” Pumasok ito sa gubat, malapit sa ilog na kanilang kinaroroonan. Napalingap si Delilah. Madilim ang paligid dahil sinasangga ng malalaking puno ang sikat ng araw. May kung ano sa lugar na iyon na kakaiba. Tila ba may nakamasid nang palihim sa kanila. “H-halika na! B-bumalik na tayo sa kanila!” Doble ang bilis ng kaniyang mga hakbang nang lisanin ang lugar. Solong anak si Justin kaya naman ganoon na lang siya kung ingatan ng mag-asawang Jhun at Delilah, ni ayaw nila itong padapuan sa langaw. Isang kayaman kung ituring nila ang bata sapagkat isang himala na nabiyayaan pa sila ng anak. Sa loob ng dalawampu na pagsasama ay ito lamang ang kanilang nabuo. Nang araw na iyon, nagkayayaan silang magkakamag-anak na magpiknik sa ilog. Tuloy reunion na rin kaya naman hindi maiwasan ang kasiyahan. Mayroong kumakanta sabay sa kumpas ng gitara, may mga umiindak, at mayroon din tumatagay ng mapait na alak. Maganda at tahimik ang lugar. Nakaliliyo ang taas ng mga puno sa paligid, nagkalat din ang mga ligaw na halaman na sagana sa iba't ibang kulay na bulaklak. “Mama? Puwede po ba akong makipaglaro sa kanila?” malambing na tanong ni Justin sa ina, sabay turo sa isang direksyon. Pumihit ang ulo ni Delilah patungo sa lugar kung saan nakatutok ang hintuturong daliri ni Justin. Muli, nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. “A-anak . . . W-wala namang tao riyan.” Sa kulay berde at banayad na tubig nakatutok ang munting daliri ni Justin. Ikiniling ng bata ang ulo na parang naguguluhan. “Hindi mo ba sila nakikita, Mama? Naroon sila sa tubig! Tinatawag nila ako! Gusto nilang makipaglaro!” Kumaway si Justin sa tubig na para bang mayroon talaga itong kausap. Hinawakan ni Delilah ang kamay ng bata para pahintuin ito sa ginagawa. “Hindi ito magandang biro, Justin! Kapag hindi ka tumigil ay iuuwi na kita!” May pagbabanta sa himig ni Delilah. Bahagyang tumaas ang kaniyang boses kaya naman napukaw ang atenson ng kaniyang asawang si Jhun. Kasalukuyan na nag-iihaw ito ng karneng baboy, ngunit huminto ito sa ginagawa. Ipinasa nito ang gawain sa kanilang pamangkin na si Junior bago lumapit sa kanila. “Nag-aaway na naman ba kayong mag-ina?” tanong ni Jhun sa mababang tono. “Ito kasing anak mo, e! Kinikilabutan ako sa mga sinasabi! Kung anu-ano na naman ang nakikita niya!” nakanguso na sumbong ni Delilah. Tumawa nang mahina si Jhun. Dinakot nito ang ulo ng anak at saka bahagyang ginulo ang buhok nito. “Hindi ka pa rin sanay sa ugali nitong si Justin. Alam mo naman na malikot ang imahinasyon ng ating anak. Pagpasensyahan mo na lang.” Impit na humagikhik si Justin, nag-peace sign sa ina. “Ang tanda mo na Mommy pero matatakutin ka pa rin? Paano kung sabihin ko na may nakatayo na lalaki riyan sa likuran mo? Nakatitig sa ‘yo ang nagdurugo niyang mga mata . . . Humihingi siya ng tulong . . .” Pinalagong pa ni Justin ang kaniyang ipit na tinig para takutin ang ina. Inis na hinampas nang mahina ni Delilah ang hita ng anak. “Puro ka kalokohan! Manang-mana ka sa ama mo!” Nagtawanan lamang naman ang mag-ama. Lumipas ang mga taon, nagbinata si Justin. Ang akala ng kaniyang mga magulang ay lumaki siyang normal, ngunit ang totoo ay hindi nawala ang kakayahan niya na makita ang hindi kayang makita ng isang normal na tao. Kaya niyang makipag-usap sa duwende, kapre, at sa kahit na anong mga engkanto. Inilihim niya iyon para hindi na matakot ang kaniyang ina at para hindi na rin ito mag-alala. Lumipad nang mabilis ang panahon, kinailangan niyang lumipat sa Maynila upang doon ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. “M-mag-ingat ka roon. H-huwag kang magpalipas ng gutom at k-kumain ng masustansyang pagkain. H-huwag kang magkasakit . . . W-wala ako roon para alagaan ka.” Panay ang punas ng luha ni Delilah habang nagbibigay ng bilin sa anak. Tutol ang ginang sa pag-alis ni Justin ngunit kailangan iyon ng kanilang anak upang magkaroon ito ng magandang kinabukasan. “Mama naman! Malaki na ako! Kaya ko na ang sarili ko! Hindi mo na kailangan na mag-alala! At saka hindi naman ako mag-isa roon!" giit niya. “Hindi mag-isa? At sino naman kasama mo, aber?! Wala ka nga maski isang kaibigan dito sa atin!” giit ni Delilah. Pasimple na tumingin si Justin sa kaniyang kaliwa at kanan. Nakatayo sa magkabilang gilid niya ang mga kaibigan na sina Aklas, isang Faun, at Kalpa, isang babaeng nymph. Tabinging ngiti ang sumilay sa mapulang labi ng binata. Kakamot-kamot siya sa batok bago tumugon. “Tiyak po na magkakaroon ako roon ng kaibigan! Isasama ko sila rito para makilala rin ninyo siya o sila.” “Mas ikatutuwa ko kung nobya ang iuuwi mo rito, Anak!” pabirong sabi naman ni Jhun. Siniko ni Delilah sa tagiliran ang lalaki dahilan para mapadaing ito sa sakit. “Ano na naman ba ang problema, Asawa?” Umasim ang mukha ni Delilah. “Napakabata pa niya para sa nobya-nobya na iyan! Pag-aaral ang atupagin doon, ha, Justin?” Pinandilatan ni Delilah ng mata si Justin. Mas nakatatakot pa ang itsura nito kaysa mga engkanto niyang nakikita. “Opo, Mama.” Hindi siya nahirapan mamuhay sa Maynila. Sino ba naman ang mahihirapan kung ang sidekick niya ay isang faun at isang nymph? Kapag nagkakaroon siya ng hindi inaasahang problema ay nalulutas ng mga ito. “Kulang ba kamo ang pera na dala mo? Mee! Gusto mo ba ng mga ginto? Mee! Tiyak na malaki ang halaga nito rito sa Maynila! Mee-mee!” saad ni Aklas. “E, kung mga diyamante na lang kaya? Maraming ganoon sa kaharian namin! Puwede kitang ikuha maski ilang piraso!” saad naman ni Kalpa. Ngumiti si Justin sa dalawang lamang lupa. “Maraming salamat sa inyo. Dahil sa inyo ay napadadali ang pamumuhay ko! Hindi ko nga alam kung paano ko kayo mababayaran.” “Naku, wala iyon! Mee! What our friendship means kung pababayaan ka namin? Mee! Sige na! Mee! Isukbit mo na ang backpack mo at ikaw ay mag-aral! Mee-mee!” utos ni Aklas. Sabik na kinuha niya mula sa kama ang backpack at saka isinabit iyon sa dalawang balikat. May ngiti sa labi na binaybay niya ang daan patungo sa unibersidad na kaniyang papasukan. Walking distance lamang iyon kaya naman nilalakad na lamang niya kaysa naman gumastos pa siya sa pamasahe. Nakangiti na tinangala niya ang matayog na building sa kaniyang harapan. “Pangako! Mag-aaral ako para kay Mama at Papa!” aniya. “Aba, dapat lang! Malaki ang utang na loob mo sa kanila!” tinig ni Kalpa na nasa anyong tutubi. “Anong utang na loob ang sinasabi mo? Mee! Sila ang nga magulang niya kaya dapat lang na ibigay nila ang mga pangangailangan ni Justin! Mee!” supla naman ni Aklas sa babaeng lamang lupa. “Puwede ba na huwag na kayong mag-away? Baka may makarinig sa akin na nagsasalita akong mag-isa. Baka mapagkamalan pa akong nababaliw,” awat ni Justin sa dalawa. “Ito kasing kambing na 'to, e!” “Excuse me?” Napahinto ang mga ito sa pagtatalo dahil sa isang tinig. Sabay-sabay pumihit ang kanilang ulo sa isang direksyon. Ang mundo ni Justin ay tumigil sa pag-inog. Mistulang may mga nag-awitang anghel sa paligid, ang kaniyang bibig ay bahagyang bumuka pagkakita sa isang dalaga na nag-aari ng isang perpektong mukha. “Pasensya na kung naabala kita. Ngayon lang kasi ako nakapunta rito. Nais ko lang sanang itanong kung saan ang registrar's office?” “A-ang registrar's office ba? S-sa third floor mo siya makikita,” nauutal niyang tugon, tila nakabuhol ang kaniyang dila. Alanganin na ngumiti ang magandang dalaga. “Nakakahiya na sabihin pero . . . Puwede mo ba akong samahan? Galing kasi akong probinsya at walang alam dito sa Maynila. Gusto ko sanang magpa-enroll.” “S-sige.” “Talaga? Maraming salamat!” Lihim na napairap ang tutubi na si Kalpa. Noon pa kasi ay may lihim na siyang pagtingin sa binata, at hindi siya natutuwa na makita itong nababato-balani sa isang babae na may mukha ng isang Diyosa. “Parang ang saya mo ngayon, ah! Mee! Dahil ba ito sa magandang binibini kanina? Mee-mee!” Mapanudyo ang ngisi sa mahabang nguso ni Aklas. Naroon sila sa rooftop ng tinutuluyan niyang apartment, nakatanaw sa nagniningning na mga bituin sa malawak na kalangitan. “Hindi siya mawala sa isip ko, Aklas. Para bang . . . Napaibig niya ako sa pamamagitan ng kaniyang mga tingin.” “Kalokohan! Sa palabas lamang mayroong ganiyan!” kontra naman ni Kalpa. “Hindi hamak na mas kaibig-ibig ako sa kaniya! Bakit hindi mo ibaling iyang malabo mong mga mata sa akin?!” yamot na dugtong pa nito. “Alam mo naman na kaibigan lang ang turing ko sa 'yo, Kalpa . . .” Napanguso si Kalpa, bumaon ang mga kuko nito sa palad dahil sa higpit ng pagkakuyom. Pilit din pinigil ang mga luhang nais na mag-alpasan sa kaniyang mga mata. “Ouch! Friendzone ka tuloy! Mee! Bakit hindi na lang ako ang ibigin mo, ha? Binibining Kalpa? Mee!” Pinandilatan ni Kalpa ng mga mata si Aklas. “Wala pang nakatala sa kasaysayan na maaring mag-ibigan ang katulad mong kambing at isang katulad ko na tutubi! Huwag mo nang pangarapin!” Umugong si Kalpa na parang nag-aamok ka kambing. “Napakayabang mong babae ka! Meeee—” anas nito. Hindi na namalayan ng mga ito na tumayo na siya at umalis. Kinabukasan ay maaga siyang pumasok. Excited na makitang muli ang binibini na nakasama niya kahapon. Sayang nga lang dahil hindi niya natanong ang pangalan nito. Ngunit lumipas na ang isang oras ay hindi pa rin niya ito makita. “Baka hindi niya nagustuhan itong unibersidad. Baka bumalik na siya sa kanilang probinsya!” nangingiti na wika ni Kalpa. Pumalakpak pa ang babaeng nymph na parang tuwang-tuwa, kasunod nito ay ang pamumukadkad ng mga kulay pulang rosas sa mga flower box na nasa paligid. Laglag ang balikat na tinungo na lamang ni Justin ang kanilang silid-aralan. “Paano mo nagagawang magsaya habang ang puso ng kaibigan natin ay nadudurog? Mee-mee!” pangongonsensiya ni Aklas. “Huwag kang madrama! Kahapon lamang sila nagkita!” Naiwan ang dalawa sa labas, si Justin naman ay walang gana na naupo sa kaniyang upuan, sa likod na bahagi. Nakasalumbaba, naglalaro pa rin ang magandang ngiti ng dalaga sa kaniyang isip. “May katabi ka na ba sa upuan?” tanong ng isang pamilyar na tinig. Parang tinambol ang kaniyang dibdib nang maulinigan ang malamyos na tinig na iyon. Marahan, inangat niya ang kaniyang mukha. Ganoon na lamang ang saya na kaniyang nadama nang masilayan ang babaeng hinahanap-hanap. “W-wala. M-maupo ka!” “Salamat.” Umupo ito sa kaniyang tabi, nakangiti na inilahad ang kamay. “Ako si Jane. Ikaw, anong pangalan mo?” Tinanggap niya iyon. Para siyang idinuyan sa alapaap nang mahawakan ang mala-bulak nitong palad. “Justin.” “Nice to meet you, Justin. Salamat pala kahapon.” “W-walang problema. M-maaari mo akong lapitan kung kailangan mo ng tulong.” Naging isang magandang simula iyon sa pagkakaibigan nila ng dalaga. “Hindi mo na ako kailangan na ihatid. Malayo ang tinutuluyan mo rito sa apartment ko.” “Ang arte!” iritableng wika ni Kalpa, nakahalukipkip habang pinagmamasdan ang dalawang mortal. “Bitter ka lang. Mee! Salamat na lang dahil hindi naririnig ni Jane ang mga sinasabi mo! Mee-mee!” Namulsa si Justin at tuwid na tumindig. “Maraming loko sa daan. Mas mabuti kung may kasama ka!” “Walang mangyayari na masama sa akin.” “Sinong nagsabi? Sa ganda mong iyan ay hindi malabo na marami ang magkainteres sa 'yo. Hayaan mo na protektahan kita.” Nagmistulang kamatis ang magkabila na pisngi ng dalaga. “Bakit mo ba ito ginagawa, Justin? Bakit mo ako binibigyan ng mixed signals? Na-c-confuse tuloy ako sa kung ano ang dapat kong maramdaman,” nakatungong wika nito. “Magkita tayo bukas. Marami akong nais na sabihin sa 'yo." Nag-angat ng tingin si Jane nang hawakan ng lalaki ang kaniyang pisngi. Unti-unti, inilapit nito ang mukha sa kaniya . . . dahilan para kusang pumikit ang kaniyang mga mata. Kasunod nito ay ang pagdampi ng malambot nitong labi sa kaniyang pisngi, sabay bulong, “Hihintayin kita. May nais akong ipagtapat sa 'yo.” “Ako rin . . . May isang lihim din akong nais ipagtapat.” Parehong hindi nakatulog ang dalawang panig nang gabing iyon. Kapwa may mga ngiti sa labi habang sinasariwa ang nangyari kanina. Iisa ang nararamdaman kaya naman kapwa sabik silang masilayan ang muling pagsilip ng araw sa silangan upang sa gayon ay maisiwalat ang pag-ibig na wagas. Bitbit ang isang bugkos ng kulay pink na mga rosas, tinahak ni Justin ang tagpuan nila ni Jane. Sa puno ng mangga, ilang kilometro ang layo sa unibersidad. Ngunit ang pananabik ay nabahiran ng kilabot nang ang maratnan niya roon ay isang lalaki . . . Hindi lamang isang lalaki . . . Kundi isang lalaki na kamukhang-kamukha niya. Naka-uniporme ito ng katulad ng suot niya, direktang nakatingin ang nanlilisik na mga mata sa kaniya. “S-sino ka?!” Nangangatal ang kaniyang mga labi, humakbang paatras dahil sa takot. Nabitawan niya rin ang hawak na bulaklak para sa kaniyang itinatangi. Lumitaw si Kalpa at Aklas sa kaniyang tabi, ang mukha ng mga ito ay hindi na kapares nang dati. Si Aklas ay naging kulay pula ang mga mata, humaba ang mga kuko, maging ang mga pangil at sungay. Itinutok nito ang matutulis na kuko sa kaniya. Bagama't nag-iba ang anyo ni Kalpa, taglay pa rin nito ang tingin na inaalay nito sa tuwing sinusulyapan siya. “A-ano ang ginagawa mo, Aklas?! B-bakit mo ito ginagawa?!” “Hindi mo ba talaga alam?” nanunuyang tanong ng kaniyang kamukha. “Narito ako upang bawiin ang buhay na dapat ay sa akin! Ninakaw mo ang mundo na dapat ay sa akin!” mariin nitong wika. “Tama na ang iyong paglalaro. Hinahanap ka na ng Inang Reyna,” malamig na saad ni Aklas kay Justin. “A-ano bang sinasabi mo?!” kumirot ang kaniyang sintido. Nasapo niya ang kaniyang ulo. Unti-unti, nanumbalik ang isang alaala noong siya ay bata pa. Isang naligaw na bata ang kaniyang natagpuan sa kagubatan kung saan sila naninirahan. Sa hindi maipaliwanang na rason, may kakayahan itong makita siya. Isang ideya ang naglaro sa kaniyang isip. Ginaya niya ang wangis ng bata upang malaya siyang makapamuhay sa labas katulad ng mga tao. Kinuha niya ang memorya ng paslit, at pagkatapos ay ikinulong ito sa kanilang kaharian sa tulong ng mga kaibigan na sina Aklas at Kalpa. Hindi niya mawari kung paano itong nakalabas. Ang katotohanan ay isa siyang Soro na nagbalat-kayo upang manlinlang ng mga tao. Lenon ang tunay niyang ngalan. “H-hindi! A-ayaw kong bumalik! M-mayroon pa akong nais na sabihin kay Jane!” “Tama na, Lenon! Umuwi na tayo sa ating daigdig! H-hindi ito ang ating mundo . . .” malungkot na wika ni Kalpa. “Hindi! Hindi ako papayag! Papatayin ko ang mortal na iyan!” Tumayo si Lenon at akmang susunggaban ang totoong Justin ngunit hindi niya inaasahan ang paghugot nito ng isang pilak na punyal, kasunod noon ay ang pagtarak nito sa kaniyang dibdib. Pabagsak siyang bumulagta sa lupa nang hugutin nito ang punyal mula sa kaniyang puso. “Lenon!” pagtangis ni Kalpa. “Anong ginawa mo?!” angil naman ni Aklas, nilapitan nito ang soro na unti-unting nagiging abo. “Inutos ng inyong Inang Reyna na kapag tinangka niya ako saktan ay itarak ko ang punyal sa kaniya. At kung binabalak niyo na makialam ay tiyak na kayo ay maparurusahan!” Walang nagawa ang dalawang lamang lupa nang unti-unting tangayin ng hangin ang katawan ni Lenon na naging abo. “M-maraming salamat sa inyo . . . A-Aklas . . . K-Kalpa. B-babalik ako kaagad . . . B-babalikan ko kayo at lalong higit si Jane . . . P-pakisabi na . . . M-mahal na mahal . . . k-ko siya . . .” huling sambit nito nito bago ipinikit ang mga mata. Walang nagawa ang naiwan na dalawang lamang lupa kung 'di ang umiyak. “Justin!” Isang tinig na pumukaw sa kanilang atensyon. Si Jane. Tuluyan nang naglaho ang katawan ni Lenon kaya naman minabuti nina Aklas at Kalpa na umuwi na rin sa kanilang mundo. “Kanina ka pa ba?” kimi na wika nito, isinipit ang buhok sa tainga sabay kagat ng pang-ibaba na labi. Hindi rin ito makatingin nang direkta kay Justin. “A-ang gusto kong sabihin sa 'yo . . .” Huminga muna nang malalim ang dalaga, malamig na nakatingin lamang naman si Justin dito. “M-mahal kita, Justin!” Nag-angat ito ng tingin, ikinulong ang mukha niya sa dalawa nitong palad na maliit. “Alam ko na gusto mo rin ako . . . N-nais kong maging nobya mo!” Akmang hahalikan siya nito ngunit marahas na hinawi niya ang kamay nito kasunod ang pagtulak kay Jane palayo, dahilan para mapaupo ang dalaga sa lupa. “Babae . . . Layuan mo ako. Hindi kita gusto at kailan man ay hindi kita magugustuhan.” Walang kahit na anong mababakas na awa sa ekspresyon ni Justin. Lumakad siya at nilagpasan ang nakasalampak na babae. “J-Justin! H-hindi ka seryoso sa sinabi mo, 'di ba?! B-bumalik ka! S-sabihin mo . . . n-na . . . n-nagbibiro ka l-lang . . .” Tuluyan nang napahagulhol si Jane nang hindi siya lingunin man lang ng binata. Naging karamay niya sa kabiguan ay ang kulay pink na mga rosas sa kaniyang tabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD