BABALA: ANG KUWENTONG ITO AY MAAARING MAYROONG SENSITIBONG EKSENA NA HINDI ANGKOP SA IBANG MAMBABASA
Ginising si Marie ng magagaang halik sa pisngi at leeg. Kahit pikit ay batid niyang maaga pa, malamig pa ang simoy ng hangin.
“Hmmm. . . I-inaantok pa ako,” paos niyang usal.
Naramdaman niya ang tila likido na tumama sa kaniyang pisngi. Dahil doon, ibinukas na pilit ang namimigat na talukap ng mga mata.
Malabong imahe ang kaniyang nasilayan; pasimple niyang kinusot ang paningin at saka muli itong tiningnan.
Kilabot ang bumalot sa kaniyang buong katawan nang maging malinaw ang mukha nito. Bumulas sa kaniyang bibig ang nakabibinging hiyaw.
“H-hindi! L-lumayo ka!”
Naliligo sa dugong lalaki ang katabi niya sa kama, naaagnas na ang mukha. L4sl4s ang leeg at pumupulandit mula doon ang sariwang dugong tumatalsik sa kaniyang mukha.
“Marie. . . T-tulungan mo ako. . .” naghihirap nitong usal.
“M-maawa ka! T-tigilan mo na ako!” umiiyak niyang palahaw habang nakapikit. Nakatakip ang kaniyang mga kamay sa magkabila na tainga.
Marahang sampal sa pisngi ang gumising sa kaniyang diwa.
“Marie! Nananaginip ka!”
Habol-hininga at butil-butil ang malamig na pawis sa kaniyang noo. Taas-baba rin ang kaniyang dibdib dahil sa paghingal.
“R-Reynan. . .”
“Ayos ka lang?” Hinaplos nito ang kaniyang likod.
“H-hindi ba tayo puwedeng mangupahan na lang? Hindi ako komportable sa bahay na ito!”
“Wala pa akong magandang trabaho sa ngayon. Pagtiyagaan mo na lang muna ang pagtira rito habang wala pa akong magandang kita, hmm?”
Hindi na siya tumugon.
“Stress ka lang siguro. Gusto mo bang mag-date tayo sa Linggo?”
Niyakap siya at hinalikan sa pisngi ni Reynan. Isang marahang tango na lamang ang kaniyang isinagot.
Umalis din ang kaniyang asawa nang araw na iyon para pumasok sa trabaho. Natatakot man ay pinalakas na lamang ni Marie ang loob. Hindi sila mabubuhay kung pipigilan niya ang asawa sa pagpasok sa trabaho.
Habang naglilinis, nakaramdam siya ng panlalamig sa katawan. Napatingin siya sa bawat sulok ng kanilang tahananan.
Walang tao ngunit tila may mga matang nanonood sa kaniya. Napatuon ang kaniyang mata sa malaking aparador na nakapuwesto sa loob ng kanilang kuwarto.
Sa 'di malamang dahilan, biglang bumilis ang pagtahip ng kaniyang dibdib nang madako ang kaniyang mata sa maliliit na siwang nito. Napalunok ng ilang beses nang umingit ang pinto nito kasunod ang marahan na pagbukas.
Nagsanhi iyon ng panginginig sa kaniyang katawan. Ilang beses siyang napahakbang paatras nang gumulong mula roon ang isang bilog na bagay. Gumulong iyon hanggang sa kaniyang paanan.
Huminto ang kaniyang paghinga nang ibaba ang tingin dito. Isang p*tol na ulo. . .
Ang mga mata ng put*l na ulong iyon ay dilat na dilat, nakatitig sa kaniya. Nananalayday ang sariwang dugo mula sa tarak nitong mga mata.
“T-tulong. . .”
Sa labis na pagkabigla, unti-unting nagdilim ang kaniyang paningin hanggang sa tuluyan siyang bumagsak sa sahig.
Nang magising siya ay nakahiga na siya sa sopa. Napaigtad siya nang makarinig ng mga kalansing ng kubyertos sa kusina.
Kahit nanginginig ang mga tuhod ay pinilit niyang tumayo, marahan na lumakad patungo roon. Wala pa si Reynan kaya imposible na ito ang lumilikha ng ingay.
Isang malapad na likuran ng lalaki ang kaniyang naratnang nakatayo sa harapan ng stove, nagluluto.
“Anong ginagawa mo rito?”
Awtomatikong pumihit ito paharap sa kaniya. Napangiti siya nang mapansin na bagay rito ang suot na kulay pink na apron.
“And now you're smiling? Matapos mo akong pag-alalahanin ay pangiti-ngiti ka riyan? What happened?” tanong ni Marco, ang kaniyang guwapong matalik na kaibigan.
Lumapit ito at pasimpleng sinalat ang kaniyang noo.
“Wala ka naman lagnat. Gusto mo ba na samahan kitang pumunta sa pinakamalapit na health center?”
Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan.
“Nababaliw na yata ako, Marco. Kung anu-ano ang nakikita ko sa bahay na ito. Madalas akong makakita ng duguang lalaki at pug*t na ulo.”
Natigilan si Marco.
“M-maaari mo ba akong samahan? M-may nais akong tingnan,” pakiusap ni Marie.
Tumango ang lalaki. Pinatay muna nito ang stove saka siya sinamahan sa lugar kung saan galing ang nakakikilabot na bagay kanina.
Itinuro niya ang lumang aparador na naroon.
“D-diyan siya nanggaling kanina. Gumulong mula sa bagay na 'yan ang pug*t na ulo. Iyon ang dahilan kaya nawalan ako ng malay.”
Walang takot na nilapitan iyon ni Marco. Binuksan nito ang aparador ngunit ang mga naka-hanger na damit ng mag-asawa lang ang naroon.
Muli, nilingon siya ni Marco; nagtatanong ang mga mata.
“Totoo! Hindi ako nagsisinungaling!” naiiyak niyang sabi.
Hinawi ni Marco ang mga nakasabit na damit. Malinis ang loob ng aparador kaya naman isinarado na lang nito ulit ang bagay na iyon.
Inakbayan siya nito saka marahan na pinisil ang kaniyang balikat.
“Kung hindi mo mamasamain at ng asawa mo, nais mo ba na samahan kita rito? Since online naman ang trabaho ko ay walang magiging problema. Kaysa naman palagi kang mag-isa rito.”
Sa sinabing iyon ni Marco ay nabawasan ang kaniyang takot.
“Kakausapin ko si Reynan.”
Hinintay nila si Reynan na makabalik. Bahagya itong nagulat nang makita si Marco.
“Napadalaw ka? Halika sa sala, magkuwentohan muna tayo.”
Matalik na kaibigan niya si Marco, kaya naman nang makasal kay Reynan ay naging magkaibigan na rin ang mga ito.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Reynan. Nais kong samahan si Marie rito sa bahay niyo habang ika'y nasa trabaho. Naratnan ko siyang walang malay sa sahig kanina. Kung hindi mo mamasamain—”
“Nawalan ka ng malay?! Okay ka na ba? Walang masakit sa 'yo?!” nag-aalalang tanong ni Reynan kay Marie. Hinawakan nito ang kamay niya at marahan na pinisil.
Isang marahan na iling ang itinugon niya. “Huwag ka nang mag-alala, maayos ako.”
“Pumapayag ka ba—”
“Okay lang sa 'kin!” Naputol ang nais sabihin ni Marco.
“Ang totoo ay nag-aalala rin ako sa kaniya kapag umaalis ako. May tiwala naman ako sa 'yo, Marco. Maraming salamat sa pagmamalasakit mo sa asawa ko.”
“Walang ano man iyon. Para saan pa at naging kaibigan niya ako.”
“Dito ka na kumain ng hapunan, Marco. Pagsaluhan na natin ang niluto mo kanina,” saad ni Marie.
Pumayag naman ang lalaki. Matapos kumain ay nagpaalam siya sa dalawa na maghuhugas ng pinggan.
Habang nagsasabon ng mga plato, naramdaman niya ang pagpulupot ng makisig na braso sa kaniyang balakang.
“Umalis na ba si Marco?” tanong niya.
Hindi sumagot ang kaniyang asawa. Napahinto siya sa pagkuskos sa pinggan nang pumasada ang kamay nito sa kaniyang balakang, haplos na pamilyar sa kaniya.
Bumaba ang kaniyang tingin sa mga kamay na nakagapos sa kaniyang katawan. Tinakasan ng dugo ang kaniyang mukha nang mapagtanto na put*l iyon; dumadaloy ang sariwang dugo sa kaniyang paanan.
“T-tama na! T-tigilan mo na ako!” Hinawi niya ang dug*ang mga kamay. Tumilapon ang mga ito sa sahig.
“A-anong nangyari?” hinihingal na tanong ni Reynan, nasa likod nito si Marco. Tumakbo ang mga ito patungo sa kusina.
“M-may. . . M-may putol na mga—” napahinto siya sa pagpapaliwanag nang muling lingunin ang kanina'y bagay na nakapulupot sa kaniya. Wala na ito.
Pati ang dugo sa kaniyang mga paa ay parang bula na naglaho. Umiyak siya nang malakas; mahigpit na yumakap sa asawa.
“A-ayaw ko na! M-mababaliw ako sa bahay na 'to, Reynan! U-umalis na tayo rito.”
“Huminahon ka. . . Pagod ka lang, Marie. Ipahinga mo ang sarili mo.”
“Gusto mo bang samahan kita na magpakonsulta sa doktor?” singit ni Marco sa usapan.
“Iniisip mo ba na baliw ang asawa ko?” walang emosyon na tanong ni Reynan.
“Hindi sa ganoon. Gusto ko lang matiyak na maayos siya, para mabigyan na rin siya ng tamang gamot kung kinakailangan.”
Tumango si Reynan. “Ako na ang bahala sa kaniya.”
Nang makaalis si Marco ay pinahiga at tinabihan siya ni Reynan sa kama.
“Matulog ka nang mahimbing, babantayan kita.”
Payapa niyang ipinikit ang mga mata.
Naalimpungatan siya nang makarinig ng mga bulong. Marahan na binuksan niya ang mga mata; nakita niya si Reynan na nakatayo sa harapan ng aparador.
“Matagal ka nang wala! Tigilan mo na ang asawa ko!”
Wala itong kausap, tanging ang aparador lang ang nasa harapan nito. Nanlilisik ang mga mata nito sa bagay na iyon.
Muli, ipinikit niya ang mga mata nang pumihit ito ng tingin sa kaniya. Naramdaman niya ang pagyugyog ng kama; kasunod ang paghaplos nito sa kaniyang pisngi.
“Sa akin ka, Marie. Sa akin ka lang. . .”
Hindi siya nakatulog nang maayos nang gabing iyon.
“Namumutla ka. Okay ka lang ba?” tanong ni Marco.
Umalis na ang kaniyang asawa para tumungo sa trabaho kaya silang dalawa na lamang ang naroon.
“May kakaiba kay Reynan kagabi.”
Nangunot ang noo ni Marco.
“Anong kakaiba? Huwag mong sabihin pati siya ay pinagdududahan mo na.”
“Matagal ka nang wala! Tigilan mo na ang asawa ko!” ulit niya sa mga katagang sinambit ni Reynan.
“Anong ibig sabihin noon?” tanong ni Reynan.
“Binigkas niya iyon habang nakatitig sa aparador. Hindi kaya—” Ayaw niyang pagdudahan ang asawa; ngunit paano kung tama ang kaniyang hinala?
“Maaari kong tingnan muli kung gusto mo,” boluntaryo ni Marco.
Sinuri muli nila ang aparador. Pinag-aralan na mabuti ang bawat sulok nito. Napansin ni Marco ang tila lihim na pintuan sa likuran nito.
May maliit na pagitan sa gilid nito. Hinawakan iyon ng lalaki at saka pahilis na hinila.
“Oh, my God!” Nanlaki ang mga mata ni Marie; ang dalawang kamay ay nakatakip sa bibig nang mabuksan ang lihim na pinto.
Si Marco naman ay namumutlang napaupo sa sahig.
Kasunod ng pagbukas nito ay ang paglaglagan ng mga buto ng tao na naroon. Kasama ng mga butong iyon ay isang leather na pitaka.
Kahit nanginginig ang mga kamay ni Marco ay kinuha niya ang leather wallet at saka binuksan.
Hindi makaimik ang lalaki habang nakatitig sa pitaka.
“B-bakit?”
Lumapit siya kay Marco para silipin ang hawak.
Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa nang makilala ang lalaki sa pitaka. Si Ruel. . . Ang dati niyang kasintahan na bigla na lamang naglaho.
“H-hindi! R-Ruel!” Pagtangis niya sa pangalan ng dating nobyo.
Sobrang mahal niya ang lalaki kaya naman labis niyang dinamdam nang iwanan siya nito ng walang dahilan.
Ang buong akala niya ay nagtanan ito katulad ng tsismis sa kanilang barangay. Kaya naman nang ligawan siya ni Reynan ay kaagad niya itong sinagot at pinakasalan.
Ang lalaki pala na kaniyang sinamahan na manumpa sa altar ay siyang kumuha at k*mitil sa kaniyang tunay na minamahal.
“Reynan Ruales, inaaresto ka namin sa salang pagpatay kay Ruel Vasquez. . .” sabi ng pulis nang arestohin habang nasa trabaho ang kaniyang asawa.
Matalim ang mga mata na tiningnan siya nito at si Marco.
“Babalikan ko kayo! Babalikan kita at papatayin katulad ng ginawa ko kay Ruel! Sa akin lang si Marie! Sa akin lang ang asawa ko!”
Hinarap nila ito sa husgado. Nanalo sila dahil na rin sa mga ebidensya na nakita sa bahay nito na minana nito mula sa mga magulang. May mga testigo rin na lumutang.
Halos madurog ang kaniyang puso nang malaman ang br*tal na sinapit ng kaniyang kasintahan sa kamay nito. Kin@t@y at pinira-piraso nito si Ruel na parang isang hayop para pagkasyahin sa maliit na espasyo ng aparador na iyon.
Inilipat niya sa maayos na libingan si Ruel.
“Patawad. . . Kinamuhian kita ng ilang taon sa pag-aakalang pinagtaksilan mo ako. M-mahal na mahal kita. S-sana ngayon ay matahimik na ang kaluluwa mo.” Isang butil ng kaniyang luha ang pumatak sa marmol nitong lapida.
Isang malamig na hangin ang tila yumakap sa kaniya. Napapikit na lamang siya at dinama ang lamig na iyon hanggang sa unti-unti itong naglaho.
THE END.