Pusong Wagas (Black Valentine)

2752 Words
DE CASTRO HEART CENTER, PH FEBRUARY 14, 2024 YNNA’S POV Ngayon sana ay isang masayang araw. Tuwing ganitong petsa ako nakatatanggap ng isang bugkos na rosas at hugis pusong tsokolate mula sa nobyo kong si Alexander. Madalas may sorpresa siyang isang dinner date kung saan ang paligid ko ay naliligiran ng mga ilaw at pulang-pula na mga bulaklak. Kung minsan naman ay ipinapasyal niya ako sa magagandang lugar, Coron ang isa sa pinakamagagandang lugar na napuntahan namin. Ibang-iba sa ganap ngayong taon. Narito kami sa ospital, binabantayan ko siya. Nagkaroon si Alexander ng malalang komplikasyon sa puso. “N-nagsisisi ka na ba na ako ang boyfriend mo? H-hindi kita mabigyan kahit na isang simpleng bulaklak. H-hindi mo ako pasanin ngunit ikaw itong palaging narito sa tabi ko,” nahihirapan na wika ni Alexander. Matipid akong ngumiti at saka hinawakan ang kaniyang buto't balat na kamay. “Ano ka ba? Kahit kailan ay hindi ko pinagsisihan na minahal kita. Ang bawat araw na nakakasama kita ay mas higit kaysa sa mga bulaklak na sinasabi mo. Gagaling ka. Magagawa natin ulit iyong mga ginagawa natin dati!” Humigpit ang hawak ko sa kaniyang kamay. “P-pero. . . ang sabi ng doktor---” “Sshh! H-huwag! P-please, huwag mong ituloy, Xander. M-may pag-asa pa! G-gagaling ka! Gagawin ko ang lahat para gumaling ka!” Namuo ang luha sa gilid ng aking mga mata. “Y-Ynna. . . hindi mo kai---” “Xander, huwag kang mawalan ng pag-asa. May-awa ang Diyos.” Mahihinang katok sa pintuan ang pumukaw sa amin. Mabilis na pinahi ko ang aking luha gamit ang aking daliri. Kasunod nito ay ang pagpasok ng kaibigan kong si Lovely. Nagpaskil ako ng isang pilit na ngiti upang itago ang lungkot na nadarama ko sa mga oras na ito. “Oh? Bakit namumula ang mga mata mo? Umiyak ka ba?” Sinipat ni Lovely ang namumugto kong mga mata. “H-hindi! Napasukan lang ng dumi ang mata ko,” palusot ko. Ngumuso si Lovely. “Iyan na lang ang palagi mong sinasabi. Wala ka na bang ibang maisip na dahilan?” Ipinatong nito ang dalang isang basket na prutas sa table na nasa gilid ng kama ni Alexander. Nakapamaywang na binalingan niya ang aking nobyo. “Pinaiyak mo na naman ba ang kaibigan ko, Alexander?” mataray na tanong ni Lovely. “S-sorry,” maiksing sagot naman ni Alexander. “Araw ng mga puso ngayon ngunit nag-iiyakan kayo? Here!” Inabutan kami ni Lovely ng tig-isang pulang rosas. May inilabas din itong dalawang malaking piraso ng tsokolate. “Para sa inyo! Happy Valentine's Day, mga bestie!” Nahihiyang tinanggap ko iyon mula sa kaniya, ganoon din si Alexander. Ngunit kahit papaano’y naibsan ang lungkot namin dahil kay Lovely. “Pasensiya ka na kung wala kaming maibigay sa ’yo,” saad ko. Marahan niyang tinapik ang balikat ko. “Ano ka ba? I can buy myself flowers, ’no? Kaya huwag mo akong alalahanin! Anyway, may trabaho ka pa, ’di ba? Go na! Ako na ang bahala kay jowa mo!” taboy niya sa akin. Sobrang nagpapasalamat ako dahil may kaibigan akong katulad niya. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung wala ka, Lovely.” “Ay, grabe siya! Nagdrama nang bongga! Para saan pa ang friendship natin kung hindi kita dadamayan?” Wala akong masabi kaya isang mahigpit na yakap na lang ang itinugon ko sa kaniya. “Babalik ako agad,” sabi ko. Humalik ako sa pisngi ni Alexander bago umalis. “M-mag-iingat ka!” pahabol ng aking nobyo. Tumuloy ako sa opisina ni Ethan De Castro, ang may-ari ng ospital kung saan naka-confine si Alexander. “Dumating ka!” galak nitong sambit. Tinanggal ang suot na reading glasses at saka ngumisi sa akin. “May nais ka bang inumin? Kape, juice, or baka gusto mo ng alak. . .” mapanudyong alok niya. Nagtagis ang aking mga bagang. “Wala akong oras para makipaglaro sa ’yo, Ethan. Sabihin mo kung ano ang kailangan kong gawin para payagan mong operahan si Alexander! Kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon!” Isang nakalolokong tawa ang pinakawalan niya na parang hindi seneryoso ang sinabi ko. “Ang sarap pala sa pakiramdam na makita kang nahihirapan at halos magmakaawa sa harapan ko, Ynna. Bago kita tulungan, isang katanungan lamang ang nais kong itanong noon pa. . . Bakit siya? Bakit siya pa? Ano ang mayroon siya na wala ako?” Magkasabay na nanligaw si Alexander at Ethan sa akin noong nasa kolehiyo pa ako. Matapang kong sinalubong ang kaniyang tingin. “Ano ang mayroon siya? Mahal niya ako at hindi katawan ko lang ang habol niya! Naaalala mo ba nang pagtangkaan mo akong---” Ayaw ko nang maalala. Ayaw ko nang maalala kung paano niya ako hinarass para makuha ang gusto niya. “Mahal? Iyon lang ang dahilan mo? Handa mong gawin ang lahat para sa lintik na pagmamahal mo?” “Oo! Ngayong nasagot ko na ang tanong mo, maaari ko na bang malaman kung paano ko maisasalba ang buhay niya? Pakiusap, Ethan. . . T-tulungan mo akong mailigtas siya!” Lumuhod ako sa kaniyang harapan. Wala na akong pakialam kung maging basura ako sa tingin niya. “Fine! Ipagbuntis mo ang magiging anak ko. Wala kang babayaran maski singko sa operasyon niya, basta dalahin mo sa sinapupunan mo ang anak ko." Tigalgal akong napatingala sa kaniya. “H-hibang ka ba?" tanong ko. “Seryoso ako. Take it or leave it,” malamig nitong sabi. Kung hindi ko tatanggapin, mahigit-kumulang sampung milyon ang babayaran ko sa ospital. Wala akong ganoong halaga. Isang ordinaryong office girl lamang ako. “S-sige. P-pumapayag ako!” Kumuha ng kapirasong papel si Ethan at saka mayroong isinulat doon. Pagkatapos, itinapon niya iyon sa sahig. “Hihintayin kita riyan bukas na gabi,” aniya. Mariin kong kinagat ang aking pang-ibaba na labi bago iyon pinulot. Laglag ang balikat na dumeretso ako sa trabaho. Matapos ang isang buong araw, bumalik na ako sa ospital. Naabutan ko si Lovely na binabasahan ng aklat si Alexander. Nakangiting nakikinig naman sa kaibigan ko ang aking nobyo. “Lovely. . .” tawag ko. Mabilis siyang lumingon suot ang malawak na ngiti. Ang totoo ay naiinggit ako sa kaniya. Parang napakadali lamang sa kaniya ng buhay. “Nariyan ka na pala, Ynna! Oh, paano? Aalis na ako para magkaroon naman kayo ng time na makapag-usap na dalawa.” “Maraming salamat sa pagbabantay mo sa kaniya.” “Wala iyon. Tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ako. Darating ako. Handa kitang tulungan kahit na ano pa ’yan,” sabi niya bago umalis. Sinulyapan ko si Alexander nang makaalis si Lovely. Wala na ang ngiti niya sa mga labi. “Anong mukha iyan? Kung hindi ko lang kaibigan si Lovely ay baka pinagselosan ko na siya. Parang mas masaya ka pa kapag siya ang kasama mo,” sabi ko na may himig ng pagtatampo. Nanlaki naman ang malamlam na mga mata ni Xander na parang nagulat sa sinabi ko. “M-mahal! S-saan naman galing ang ideya mong iyan? A-alam mo na hindi ko iyon magagawa sa ’yo!” giit niya. Tumawa ako nang mahina. “Alam ko. Nagtatampo lang ako kasi mas madalas kang ngumiti kapag siya ang kasama mo kaysa kapag ako ang narito. Hindi ka na ba masaya kapag kasama mo ako, hmm?” “H-hindi sa ganoon. A-ang totoo. . . nahihiya na ako sa 'yo, Mahal. K-kung si Ethan lang sana ang pinili mo, h-hindi ka sana---” “Mahal!” Umupo ako sa gilid ng kaniyang kama at saka hinawakan ang dalawa niyang kamay. “Huwag na huwag mong ikukumpara ang sarili mo sa iba, hmm? Proud ako na ikaw ang naging nobyo ko! Proud ako na ikaw ang pinili ko at hindi siya. Tandaan mo sana iyan.” Mapait siyang ngumiti kasunod ang paglandas ng saganang luha sa kaniyang pisngi. “S-salamat, Ynna. M-mahal na mahal kita. K-kung alam mo lang. . . gustung-gusto kong mabuhay para mapasaya ka.” “S-sobrang magiging masaya talaga ako kapag nagawa mo iyon, Xander. L-lumaban ka, please. G-ginagawa ko ang lahat para maisalba ka, kaya sana gawin mo rin ang lahat para gumaling ka.” Marahan siyang tumango. ”S-sige.” Gabi, kinabukasan. Tinungo ko ang address na ibinigay sa akin ni Ethan. Isang malaking bahay iyon, hindi kalayuan sa ospital. Katulad ng nais ng lalaki, naligo ako at nagbihis ng maganda. “Dumating ka talaga,” nang-uuyam na sabi ni Ethan nang makapasok ako sa isang silid kung nasaan ito. “Sinabi ko na sa ’yong handa kong gawin ang lahat para sa kaniya.” Ngumisi siya. Lumapit siya sa akin, at nang magkalapit ay pinalandas niya ang kaniyang hintuturo sa aking balikat. “Ngunit bago iyon, alam mo naman siguro na kailangan mo pang maghintay ng heart donor bago siya maoperahan. Sigurado ka na ba sa gagawin natin, Ynna?” Napalunok ako at mariin na napapikit. “Alam ko. Ako na ang bahala roon. A-alam kong may mag-do-donate ng puso sa kaniya! Maraming tao ang araw-araw na naaaksidente at namamatay! Siguradong mayroon!” “Ikaw ang bahala. Napakasuwerte mo kung tutuusin. Ipagbubuntis mo ang batang magmamana ng lahat ng ari-arian ko,” bulong niya sa punong tainga ko. Tumama ang kaniyang mainit na hininga sa aking balat na nagsanhi ng pagtayo ng aking mga balahibo. Mariin akong napakagat ng pang-ibabang labi nang simulan niya akong haplusin at halikan, hanggang sa magawa niya ang kaniyang nais. Luhaang nilisan ko ang impyernong lugar na iyon. “P-patawad, Xander!” paulit-ulit kong sambit habang binabaybay ang daan patungo sa kawalan. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa harapan ng malawak na dagat. Nakaupo ako sa buhanginan habang malayo ang tanaw. Walang tigil sa pag-agos ang aking mga luha. Sobrang sakit. Pinagtaksilan ko ang taong mahal na mahal ko. “B-bakit, Diyos ko? B-bakit sa amin Mo pa ibinigay ang mga pagsubok na ito? G-gusto kitang sisihin sa lahat ng mga nangyayari! P-pero alam ko na alam Mong kaya ko ’to kaya Mo ibinigay sa akin! N-nagtitiwala ako sa Iyo na malalagpasan namin ito!” sigaw ko sa gitna ng kadiliman ng lugar na iyon. Nasa ganoon akong sitwasyon nang tumawag ang nurse ni Alexander. Kaagad ko iyong sinagot. “H-hello? A-ano? P-pupunta na ako!” Nagmamadali kong tinungo ang ospital. Inatake raw ng sakit niya si Xander. Halos bingihin ako ng malakas na kabog ng aking puso. “H-hintayin mo ako!” umiiyak kong sambit. Mabilis kong tinungo ang room ni Xander ngunit wala na siya roon. “Miss!” Hinila ko ang braso ng isang nurse. “Yes, Ma’am?” “N-nasaan na ang pasyente sa kuwartong ito?” tanong ko. “Ah, si Mister Alexander Delos Santos po ba? Nasa Intensive Care Unit po siya ngayon.” “S-salamat!” Mabilis akong nanakbo patungo sa ICU. Natuptop ko ang aking bibig nang matanaw siya mula sa salaming bintana ng kuwarto. May life support machine nang nakakabit sa kaniya. Lumabas ang doctor mula sa silid na iyon. “Kritikal na ang lagay ng pasyente. Kailangan na niyang maoperahan,” sabi nito nang makausap ako. “P-paano? W-wala pa siyang donor!” Bumuntonghininga ang dalubhasa. “Kung walang makukuhang donor ngayon din ay baka hindi na siya magtagal. Paumanhin, Ma’am.” Nanlulumo na napaupo ako sa sahig at napaiyak na lang. Mabilis akong nag-isip ng paraan, ngunit kahit anong isip ang gawin ko ay hindi gumagana nang maayos ang aking utak. Hanggang maisipan kong tawagan si Lovely. “Hello, Lovely. . . M-magkita tayo.” Sakay ng aking kotse, natanaw ko sa tabi ng isang eskinita ang kaibigan po. Malayo pa ay nakangiti na siya habang kumakaway sa akin. Impit akong napaiyak habang nakatingin sa kaniya. “P-patawad, L-Lovely. . .” sambit ko bago pinabilis ang takbo ng aking sasakyan. Unti-unting nabura ang ngiti sa labi ni Lovely, napalitan ng panlalaki ng mga mata. Kasunod nito ay ang pagtilapon ng katawan niya sa gitna ng kalsada. Tuluyan akong napahagulhol. Bumaba ako para kuhain ang kaniyang cell phone, upang maitago ang krimen na nagawa ko. “Y-Ynna. . .” tawag niya habang pilit akong inaabot. Lalo akong napaiyak. “B-bakit?” tanong pa niya bago tuluyang bumagsak ang mga mata. Mabilis kong nilisan ang lugar. Tumawag ako sa 911 para i-report ang insidente. Tinawagan ko rin si Ethan para ipaalam ang aking ginawa. “Are you nuts? Bakit mo ginawa iyon?” galit nitong tanong. “Help me!” iyon na lang ang tanging nasabi ko. Dead on arrival na idineklara si Lovely. Walang tigil sa pag-iyak ang ama at ina ng kaibigan ko. Lakas-loob ko silang nilapitan. “T-Tito. . . T-Tita. . . A-alam kong hindi ito ang tamang oras para sabihin ito, p-pero wala na po akong oras. M-maaari ko po bang mahingi ang puso ng kaibigan ko para madugtungan ang buhay ng nobyo ko?” umiiyak na pagsusumamo ko. Nagkatinginan saglit ang mag-asawa, pagkaraan ng ilang saglit ay tumango. “S-sige, Ynna. A-alam ko na ito rin ang gusto niya,” mga salita ng ina ni Lovely na nagpagulo sa aking isipan. “S-salamat po.” Kaagad na sinimulan ang operasyon. Mahigit-kumulang anim na oras ang naging proseso. Nang lumabas ang doktor sa operating room ay kaagad ko siyang nilapitan. “K-kumusta po ang boyfriend ko?” “Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya. Wala tayong ibang maaaring gawin ngayon kung ’di maghintay ng resulta sa naging operasyon,” sabi nito. Naghintay ako katulad ng sinabi nila. Habang tulalang naghihintay sa paggising ni Alexander, lumapit sa akin ang ina ni Lovely. May bitbit siyang isang maliit na kahon. “Ynna. . . nais kong ibigay ang mga bagay na ito sa ’yo.” Pagkabigay sa akin ng kahon ay umalis na rin ito. Dahan-dahan ko iyong binuksan. Napapikit ako nang ang unang bumungad sa akin ay ang masayang larawan naming dalawa ni Lovely. “P-patawad. . .” muling sambit ko. Humugot ako ng lakas ng loob upang matingnan ang nilalaman ng kahon. Puro memories naming dalawa ang naroon. Isang sulat ang nakuha sa loob nito. Binuksan ko iyon at binasa. Ynna, Hindi ko alam kung may pagkakataon pa akong sabihin sa ’yo ang mga bagay na matagal ko nang gustong sabihin, kaya naman idinaan ko na lang sa sulat na ito ang lahat. Sana ay huwag kang magalit, sana huwag mo akong kadirihan. Isa akong lesbian at matagal na kitang gusto. Matagal na kitang mahal. Hindi ko kaya na mawala ka sa akin kaya nagawa kong ilihim ang lahat at nanatili na lang na kaibigan mo. Alam kong masaya ka sa piling ni Alexander, at alam mong kung saan ka masaya ay doon din ako. Palagi mong ingatan ang sarili mo. Mahal na mahal kita. Lovely Para akong sinasakal habang binabasa ang sulat na iyon. “B-bakit? B-bakit?” paulit-ulit kong tanong. Mabilis lumipas ang araw, nagising si Alexander. Naging tagumpay ang kaniyang operasyon ngunit hindi ako masaya. Habang nakikita ko siyang buhay, naaalala ko kung paano ko pinatay ang isang tao na walang ibang inisip kung ’di ang kasiyahan ko. “M-mahal. . .” tawag ni Alexander. Hindi ako sumagot, nakatitig lang ako sa kaniya. “M-matutupad ko na ang mga pangako ko sa ’yo. M-maibibigay ko na ang mga bagay na deserve mo.” Tumulo ang butil ng aking luha ngunit mabilis ko iyong pinahi. “Magpalakas ka, Alexander. Ayusin mo ang buhay mo. H-huwag mo sanang sayangin ang mga sakripisyong ginawa ko,” sabi ko. Naguguluhan siyang tumingin sa akin. Makalipas ang ilang sandali, pumasok ang mga pulis. “Ynna Fuentes, inaaresto ka namin sa salang pagpatay kay Lovely Villareal!” Kinabitan nila ako ng posas. “A-anong--- M-mahal---” Nais akong lapitan ni Alexander ngunit wala pa siyang lakas. Kusang loob akong sumama sa mga pulis. Papalabas na kami ng ospital nang harangin kami ni Ethan. Mahigpit niyang hinawakan ang braso ko. “Tutulungan kita na malusutan ang ginawa mo! Basta itigil mo lang iyang kahibangan mo!” mahina ngunit mariin niyang bulong. Pumiksi ako. “Hindi na kailangan.” “Paano ang magiging anak ko? Isisilang mo siya sa kulungan?” “Walang batang mabubuo! Uminom ako ng contraceptive pills bago may mangyari sa atin, kaya pabayaan mo na ako!” pagsisinungaling ko. Natigilan siya, ngunit nang matauhan ay gumilid siya para bigyan kami ng daan. “Tara na po,” sabi ko sa mga pulis. Nakulong ako at sinentensyahan ng habang buhay na pagkakabilanggo. WAKAS.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD