“Buntis ka?”
“T-tatlong buwan na.”
Humigop ng hangin si Sandro, hinilot ang kaniyang sintido.
“Bakit ngayon pa, Carlota? Nakatakda na akong ikasal kay Soledad!”
“S-Sandro… S-sinabi mo sa akin na magkaibigan lang kayo ni Soledad! A-ano ang ibig mong sabihin na ikakasal na kayo?”
Matalim ang mga mata nang tapunan si Carlota ni Sandro ng tingin.
“Matagal na kaming magkasintahan. Nakipaglapit at nanligaw lang ako dahil batid ko na isa kang dakilang hangal. Ipalaglag mo ang bata!”
Napaatras siya sa tahasang utos nito.
“Hibang ka ba? Ayaw ko!”
Malakas na sampal ang tumama sa kaniyang pisngi. Bingi ang kanang tainga na nasadlak siya sa lupa. Hindi niya napigil ang mga luhang nag-unahan sa pag-agos mula sa kaniyang namumula na mga mata.
“Sa ayaw at sa gusto mo ay aalisin ko ang malas na iyan sa sinapupunan mo!”
Impit na daing ang umalpas sa kaniyang bibig nang hablutin nito ang kaniyang buhok. Puwersahan siyang pinatayo at hinatak patungo sa sasakyan nito.
“N-nasasaktan ako! M-maawa ka sa anak natin!”
“Hindi ko anak ang batang iyan!”
Pabalya na itinulak siya nito papasok sa sasakyan.
“S-saan mo ba ako dadalahin?” nanginginig ang buong katawan niyang tanong.
“Itikom mo ang bibig mo kung gusto mo pa na mabuhay.”
Nakarating sila sa isang liblib na baryo. Madalang ang mga tahanan kaya naman mas lalo siyang nilamon ng takot.
“Baba!” brusko nitong utos.
Bumaba siya. Isang lumang kubo ang kaniyang natanaw sa hindi kalayuan.
“A-anong ginagawa natin dito?”
Sa halip na sagutin, hinatak siya patungo sa lumang kubo na naroon.
Sinalubong sila ng masangsang na amoy. Naduwal si Sandro, si Carlota naman ay napatakip ng ilong.
Napatigil siya sa paglakad nang kahulan sila ng isang malaking aso. Nanlaki ang mga mata nang mapansin ang nasa kainan nito… Kamay ng sanggol!
Hindi napigil ni Sandro ang pagbaliktad ng sikmura nang makita rin ang bagay na iyon.
“S-Sandro… U-umalis na tayo rito! A-ayaw ko sa lugar na ito!” naghuhuramentadong wika niya.
“Hindi tayo aalis!” mariin na sagot ng lalaki, pinunasan ang bibig gamit ang braso.
“Anong maipaglilingkod ko sa aking mga bisita?” mabining tanong ng isang babaeng nakasuot ng isang mahaba at kulay itim na bestida. Mayroon itong malaking gunting na hawak na lalong nagpataas sa kaniyang mga balahibo.
“Kailangan ko ng tulong mo,” saad ni Sandro.
Bumaling ito kay Carlota. “Buntis ka?”
Isang marahan na pagtango ang kaniyang itinugon.
“Huwag kang matakot… Ako ang bahala sa ‘yo.”
Nauna na itong pumasok.
“S-Sandro…”
“Tumahimik ka, Carlota! Nais mo bang ipahamak ang pamilya mo?!”
Anak ng gobernador si Sandro kaya naman makapangyarihan ang pamilya nito. Dala ng takot ay nagpatianod na siya sa loob.
Isang malaki na kawayang papag ang bumungad sa kanila. Sa tabi nito ay may isang maliit na kahoy na lamesa. Nakapatong roon ang iba't ibang uri ng dahon, ugat, may mantika na hindi niya batid kung para saan, at kung anu-ano pa.
“Magpapakulo lamang ako ng mga dahon. Maupo muna kayo.” Itinuro nito ang mahabang upuan sa gilid na yari sa kawayan.
Mahigpit siyang napahawak sa braso ng lalaki nang ilibot niya ang mata sa paligid. Napakaraming maliliit na babasaging garapon, sa loob nito ay ang mga namumuong sanggol na tinanggal sa sinapupunan.
“Huwag mo akong hawakan!” asik ni Sandro, pinagpag ang kaniyang kamay.
Bumalik ang babae na sa tantiya niya ay nasa edad kuwarenta na pataas. May bitbit na itong isang basong kulay berdeng likido.
“Inumin mo. Kailangan iyan para masimulan na natin ang paghilot.”
Pinandilatan siya ng mata ni Sandro sabay senyas na kuhain ang baso. Sa takot sa nobyo ay kinuha niya iyon.
Dumampi sa kaniyang labi ang mapait na lasa nito kasunod ang pagguhit ng hindi maipintang reaksyon sa kaniyang mukha.
“P-paumanhin, Sandro… N-ngunit hindi ko kayang inumin iyan.”
Ipinatong niya ang baso sa lamesa at saka mabilis na tumayo. Lalakad na siya palabas ngunit hinablot muli ni Sandro ang kaniyang buhok. Napadaing siya sa sakit.
“S-Sandro, pakiusap!”
“Ginang! Itali natin siya!”
Kaagad naman kumilos ang ginang. Nagsisigaw at nagpapalag si Carlota ngunit walang nagawa ang lakas niya sa dalawa.
Pinilit na ipinainom sa kaniya ang mapait na likidong iyon. Ilang minuto pa ang lumipas ay sumakit na ang kaniyang puson.
Napangisi ang ginang nang makita ang bakas ng dugo sa kaniyang suot. Mabilis na tinanggal nito ang kaniyang pang-ibaba na saplot.
“M-maawa kayo sa anak ko… H-huwag niyo siyang patayin…”
Nanghihina na siya ngunit mistulang bingi ang mga ito. Nilamon ng pagkamuhi ang kaniyang puso nang mahuling nakangisi si Sandro habang kinikitil ng babae ang kanilang anak.
“K-kinasusuklaman kita! P-pinagsisisihan ko na ikaw ang minahal ko! P-pagbabayaran mo ang ginawa mo sa anak ko!”
Ngumisi si Sandro. “Wala akong pinagsisisihan, Carlota. Hindi ko hahayaan na sirain ninyo ang maganda kong plano.”
Mula nang araw na iyon, hindi na sila muling nagkita ni Sandro. Nabalitaan niyang nagpakasal na ito.
Lumipas ang ilang taon ngunit hindi nakaroon ng supling ang mag-asawang Sandro at Soledad.
“Matagal na nating sinusubukan ngunit wala pa rin,” mahaba ang mukhang bulong ni Soledad, sapo ang impis na tiyan.
Galing sila sa klinika. Ilang dalubhasa na ang kanilang binisita ngunit iisa lang ang sinasabi ng mga ito, “Walang deperensya sa inyo. Pareho kayong malusog. Subukan niyo ulit.”
Inakbayan ni Sandro ang asawa, marahan na hinaplos ang balikat nito para damayan sa kalungkutan na nadarama.
“Siguro ay hindi pa plano ng Maykapal sa atin kaya hindi pa niya ibinibigay.”
Isang gabing maulan, naalimpungatan sa pagkakahimbing si Soledad. Impit na iyak ng sanggol ang kaniyang naririnig mula sa labas ng kanilang malaking bahay.
Marahan na tumayo siya mula sa kama. Sinulyapan niya ang asawang si Sandro, humihilik na ito. Magaan ang mga yapak na tumungo ang babae sa bintana para tanawin kung ano iyong ingay na gumising sa kaniya.
Napalunok siya nang makita ang isang babaeng nakatayo sa harapan ng kanilang bakal na tarangkahan. Nakatingala ito sa kaniya, sa mga bisig ay may bagay na nakabalot sa tela… Isang sanggol.
Ilang segundo silang nagtitigan, matapos ang ilang saglit ay inilapag nito ang bata sa lupa. Napatuwid siya sa pagkakatayo.
“A-anong ginagawa niya?! Magkakasakit ang bata!”
Walang salita na iniwan nito ang paslit sa tapat ng kanilang bahay.
“S-sandali!” malakas na hiyaw ni Soledad.
Napabalikwas sa kinahihigaan si Sandro dahil sa pagkagulat. Pupungas-pungas na bumangon ang lalaki mula sa kama.
“S-Soledad… Bakit ka ba sumisigaw sa kalaliman ng gabi?”
Tumakbo si Soledad palabas ng bahay, hindi nito pinansin ang asawa. Takang napasunod ng tingin ang lalaki.
“Sandali, Soledad!”
Sinuong ni Soledad ang malakas na ulan, madaling nilapitan ang iniwan ng estrangherang babae. Ganoon na lamang ang awa niya nang matagpuan ang batang basang-basa. Mabilis niya itong pinulot mula sa basang lupa at saka niyakap.
“Soledad!” mariin na tawag ni Sandro, bitbit ang malaking payong. Kaagad na sinukuban ang nauulanan na asawa.
Natigilan ito nang makita ang sanggol sa bisig ni Soledad.
“M-may anak na tayo…” naluluhang usal ng babae.
Tutol at naguguluhan si Sandro ngunit hindi niya kayang pawiin ang kasiyahan sa mukha ng kaniyang asawa.
“Doon tayo sa loob. Baka magkasakit ka.”
Inakbayan niya ito para alalayan hanggang sa makapasok sila sa bahay. Pinaupo niya si Soledad sa sopa bago mabilis na tumungo sa kanilang kuwarto para kuhaan ito ng tuyo na tuwalya.
Karga pa rin ng babae ang sanggol nang bumalik siya. Matamis na nakangiti habang kinakantahan nang mahina ang sanggol.
“Tuyuin mo muna ang sarili mo.” Inabot ni Sandro ang tuwalya sa asawa. “Akin na muna ang bata, tutuyuin ko rin siya. Siguradong magkakasakit siya dahil nabasa siya ng tubig-ulan.”
Ibinigay naman ni Soledad ang bata sa kaniya. Matapos makapagbihis ay tumabi ito sa sanggol na mahimbing nang natutulog sa kanilang malawak na kama.
“Napakabait niya. Hindi siya umiyak nang matagal.” Hinawakan at hinaplos ni Soledad ang makinis na pisngi nito.
“Bibigyan natin siya ng magandang buhay. Buhay na hindi kayang ibigay ng kaniyang tunay na ina.”
“P-pero, Soledad… H-hindi natin batid kung saan siya nagmula. Baka ikapahamak natin ang desisyon mong iyan.”
Sumeryoso ang mukha ni Soledad, malalim siyang tinitigan.
“Hindi ka ba masaya na ang itaas na ang gumawa ng paraan para magkaroon tayo ng anak?”
Hindi nakasagot si Sandro. Ibinaling muli ng babae ang tingin sa bata.
“Masdan mo ang maamo niyang mukha. Napakaganda…”
Natigilan si Sandro nang mapagmasdan na mabuti ang mukha nito. Pamilyar na mukha mula sa kaniyang nakaraan…
Wala siyang nagawa nang gawing legal ni Soledad ang pag-ampon nila sa bata. Ngunit ilang araw pa lamang nila itong nakakasama ay mayroon na siyang napansin na kakaiba dito.
“Sandro, aalis ako. Nagyaya ang aking amiga na tumungo sa isang kasalan. Ikaw na ang bahala sa anak natin.”
Humalik ito sa kaniyang pisngi bilang paalam.
“Mag-iingat ka roon.”
Mayroon silang kasambahay kaya naman hindi problema ang pag-alis ni Soledad. Mayroon pa rin magbabantay kay Barbara… Ang batang inampon nila.
“Julia… Ikaw na muna ang bahala kay Barbara. May importante akong gagawin ngayong araw. Tawagan mo lamang ako sa aking opisina sa itaas kapag mayroong mangyari.”
“Opo, Ginoong Mateo. Ako na po ang bahala.”
Tinungo ng katulong ang silid ni Barbara. Mag-isa itong tumatawa na tila may kausap na hindi nakikita.
Dumukwang ang dalagang katulong sa kuna nito. Napangiti nang masilayan ang inosenteng ngiti ng sanggol.
“Nakakawili ka talagang pagmasdan, Barbara. Napakaganda mo… Para kang isang anghel…”
Inilapit nito ang hintuturo sa mukha ng bata para dampian ang malambot na pisngi nito ngunit bago pa magdikit ang kanilang mga balat ay dagli siyang napaatras.
Ang kanina'y maamong mukha ng bata ay unti-unting nagbago. Naging pula ang nanlilisik nitong mga mata, tinubuan din ng matatalim na ngipin. Ang mga daliri nito sa kamay ay naging matutulis na parang maliliit na kutsilyo.
Sa labis na pagkatakot ay napaupo ang dalaga sa sahig.
“T-tiyanak! G-Ginoong Mateo! T-tulu—”
Bago pa man makahingi ng tulong ay nilundagan na ng halimaw ang mukha ng katulong. Nakabibingi na hiyaw ang pinakawalan nito.
Sa kaniyang opisina, napahinto sa ginagawa si Sandro. Nasisiguro niya na may narinig siyang hiyaw.
Kinuha niya ang kaniyang b***l sa sulong at saka nagmamadali na tinungo ang silid ng kanilang anak. Tinakasan ng dugo ang kaniyang mukha nang buksan ang pintuan ng silid.
“A-ano ito?”
Naliligo sa sariling dugo ang katulong. Dilat ang mga matang nakatingin sa kaniya, wakwak ang tiyan kaya naman kitang-kita niya ang lamang loob nito.
Nanginginig ang mga binting napaihi siya sa saluwal. Hindi iyon gawain ng isang tao kung ‘di isang hayop.
Binalingan niya ng tingin si Barbara. May mga bahid ng dugo sa mukha nito.
Mabilis niyang nilapitan ang bata para suriin ang buong katawan. Wala maski kaunting gasgas. Humagikhik pa ito na tila nasisiyahan habang nakatitig sa kaniyang namumutla na mukha.
Balisa pa rin si Sandro nang dumating ang mga pulis kasama na ang kaniyang asawa na si Soledad.
“N-nasaan si Barbara? Maayos ba siya? Ano ang nangyari kay Julia? Sino ang may gawa nito?”
Nakatingin sa kawalan na iniling ni Sandro ang kaniyang ulo. “H-hindi ko alam…”
“Ang anak natin? Napahamak ba siya? Magsalita ka!” naghuhuramentadong sigaw ni Soledad.
Sa ‘di kalayuan, nakarinig si Soledad ng iyak ng sanggol. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang nasa maayos ang anak. Tangka niyang lapitan ang bata ngunit mabilis na hinablot ni Sandro ang kaniyang kamay.
“H-halimaw ang batang iyan,” nangangatal ang labing bulong nito.
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Soledad. Galit na tinanggal niya ang pagkakahawak nito. “Ano ba ‘yang lumalabas sa bibig mo, Sandro? Naririnig mo ba ang sinasabi mo sa anak natin?”
Iritableng tinungo niya ang bata na hawak ng mga awtoridad. Kaagad itong tumahan sa pag-iyak pagkakuha niya sa bisig ng lalaking pulis.
“Maraming salamat po sa pag-asikaso sa anak ko,” aniya.
“Wala pong ano man, Ginang Mateo. Mabuti po dahil nakauwi na kayo… Kanina pa niya ayaw tumigil sa pag-iyak, ayaw din siyang kuhain ng iyong asawa. Tinatawag nitong halimaw ang bata. Marahil ay hindi pa siya nakababawi sa nangyari kaya naman ganoon ang kaniyang mga sinasabi.”
Nag-aalala na napasulyap siya sa asawa. “Kumusta ang imbestigasyon? May suspetsa na ba kayo kung sino ang gumawa nito kay Julia?”
“Sa ngayon ay wala pa, Ginang Mateo. Ngunit sa aming palagay ay malaki ang galit ng taong ito kay Julia. Maaari rin na kakilala niyo lamang. Hindi ito magagawa ng isang taong nasa matinong pag-iisip.”
Pagsapit ng gabi ay hindi makatulog si Sandro. Panay ang lingon niya sa kaliwa at kanan… Nangangamba na baka bigla siyang atakihin ng isang halimaw.
“Sandro… May mga guwardiya na sa labas. Ikalma mo na ang sarili mo…” inaantok na usal ni Soledad.
Ilang saglit pa ay bumalik ito sa paghilik. Ipinikit niya muli ang mga mata para pilitin ang sarili na makatulog, ngunit ilang segundo pa lamang ang lumipas ay nakaramdam siya ng kakaiba sa kanilang silid.
Kaluskos mula sa bintana ang nagpamulagat sa kaniya. Nang tingnan niya iyon ay anino ng isang bata ang mabilis na tumakbo. Nagtindigan ang balahibo niya sa katawan.
Tumayo siya at dinampot ang b***l sa sulong. “Lumabas ka… Papatayin kita, halimaw!”
Ikinasa niya ang b***l, inihanda sa anong mangyayari. Binuksan niya ang malaking bintana sa balkonahe, lumabas para suriin ang paligid.
Natulos siya sa kinatatayuan nang makita ang hinahanap. Isang sanggol na may nag-aapoy na mga mata. Matutulis ang mga ngipin at kuko.
“H-halimaw!” hiyaw niya kasunod ang pagpaputok ng kaniyang b***l, ngunit mabilis na lumundag ang tiyanak. Nagpalipat-lipat ng puwesto, habang siya ay nagpatuloy sa pagbaril.
Nagising si Soledad dahil sa ingay sa balkonahe. Tumayo siya para tingnan ang nangyayari ngunit tumigil sa pagtibok ang kaniyang puso nang masaksihan ang kahila-hilakbot na kaganapan.
Isang sanggol ang nakabitin sa leeg ng kaniyang asawa habang sinisipsip ang pumupulandit na dugo nito. Tuptop ang bibig na napaupo siya sahig.
Nang makahuma, mabilis siyang lumabas sa kanilang kuwarto. Saka lamang siya nakaiyak nang matanaw niya ang mga guwardiya na tumatakbo patungo sa kaniya.
“Ginang Mateo, ayos ka lang ba?”
“H-halimaw! P-pinatay ng halimaw ang asawa ko!”
Nakangiti na hinaplos ni Carlota ang mukha ng sanggol na si Barbara, ang anak nila ni Sandro na pinatay nito noong nasa sinapupunan pa lamang niya.
“Magaling, Barbara. Naipaghiganti mo na ang iyong sarili Sa taong gumawa nito sa ‘yo.”
Hindi niya rin batid kung paano itong nabuhay. Nagising na lamang siya isang araw na nasa tabi na niya ito. Dinala niya ito sa bahay ng mag-asawa upang maghiganti.
Nagpa-imbestiga si Soledad tungkol sa nangyari. At sa pagsasaliksik, nalaman niya na nagkaroon ng kasintahan ang kaniyang asawa. Nalaman niya ang ginawa nito kay Carlota at sa anak nito.
Nakadama siya ng awa sa mag-ina ngunit hindi siya maaari na manahimik. Pinuntahan niya ang kubo ng matandang babae na sinasabing hilot na nagsagawa ng pagpapalaglag.
Ngunit sa halip na matanda, isang guwapong binata ang naabutan niya roon.
“Sino sila?”
“Maaari ko ba na makausap ang babaeng aborsyonista?”
Umigkas ang panga ng lalaki. “Wala. Matagal ng patay ang aking ina… Makakaalis ka na. Walang taong makatutulong sa ‘yo na patayin ang inosenteng sanggol sa sinapupunan mo.”
Tatalikod na sana ito.
“S-sandali! H-hindi ako buntis! N-narito ako para humingi ng tulong… Nais kong tulungan na matahimik ang kaluluwa ng sanggol na pinatay ng ina mo…”
Nilingon siya ng lalaki. “Ano ang ibig mong sabihin?”
“I-isang tiyanak… P-pinatay ng isang tiyanak ang isa sa mga kasambahay ko pati na ang asawa ko… Tulungan mo ako.”
Ikinuwento niya rin ang katotohanan sa binata sa ginawang kasalanan ng kaniyang asawa.
“Sige, tutulungan kita. Dalahin mo ako kung nasaan siya.”
Walang ibang dinala si Karding kung ‘di ang kaniyang benditadong tubig galing sa pinakamatandang simbahan at ang kaniyang buntot ng pagi. Siya ang pinakamatinik na antingero sa baryong iyon.
“Tao po!” tawag ni Soledad sa labas ng isang maliit na bahay.
Lumabas si Carlota mula roon. Nanlaki ang mata nito nang makilala siya.
“Anong kailangan mo?”
Lumapit siya kay Carlota, nasa likod niya lamang naman si Karding. Hinawakan niya ang kamay ng babae.
“A-alam kong nariyan siya. N-naipaghiganti na niya ang kaniyang sarili sa gumawa nito sa kaniya. T-tulungan mo akong patahimikin ang kaniyang kaluluwa, Carlota. Katulad mo ay minahal ko rin si Barbara ngunit hindi ito ang mundo niya.”
Sa sinabi niya, kusang binuksan nang malawak ni Carlota ang kaniyang pintuan.
“Pumasok kayo.”
Dinala siya nito sa higaan kung nasaan si Barbara.
“Mahirap ito para sa akin ngunit tama ka… Hindi ito ang kaniyang mundo. Kung mananatili siya rito ay maraming buhay ang mapapahamak,” saad ni Carlota.
“Hindi ko kayang makita ang kaniyang pagkawala kaya hahayaan ko kayo na gawin ang nararapat,” dagdag pa nito bago lumabas ng silid. Kinabig nito ang pintuan pasara nang lumabas.
Inilabas ni Karding ang benditadong tubig. Akmang wiwisikan na nito ang sanggol nang magpalit ito ng anyo. Napaatras na nanlalaki ang mga mata ni Soledad nang nagpalipat-lipat ito ng puwesto habang tumatalon.
Akmang lulundagan siya nito ngunit mabilis na hinagupit ito ni Karding ng buntot ng pagi dahilan para bumagsak ito sa sahig.
Napuruhan ang tiyanak kaya naman hindi ito nakagalaw. Muli sana itong hahatawin ni Karding ngunit bigla itong nagpalit ng anyo. Naging wangis ito ni Barbara… Impit na umiiyak dahil sa sakit.
Pinigilan ni Soledad ang kamay ni Karding. Parang kinukurot ang kaniyang puso habang minamasdan si Barbara, may malaking sugat ito sa katawan bunga ng latay na iginawad ni Karding dito.
“B-Barbara, anak ko…”
Lalapitan niya sana ito ngunit hiniklas siya pabalik ni Karding.
“Gumising ka, Soledad! Nililinlang ka lang niya!”
“H-hindi… A-anak ko siya…” umiiyak niyang usal.
Kukuhain niya sana ito mula sa sahig ngunit muli itong nagpalit ng anyo kasunod ang pagkagat sa kaniyang braso. Napahiyaw sa sakit si Soledad.
Hindi naman nagsayang ng oras si Karding. Isinaboy niya ang benditadong tubig sa tiyanak habang inuusal ang mga salitang…
“Inuutusan kita na lisanin ang mundong ito at tumawid na sa kabilang buhay!”
Isang nakapangingilabot na tunog ang namutawi sa kabuuan ng silid. Umusok ang katawan ng tiyanak kasunog ang unti-unting pagkalusaw ng katawan nito hanggang sa naging abo.
Nanginginig na napatakip sa kaniyang bibig si Soledad.
Sa kabilang banda ay napangiti si Carlota.
“Sa wakas ay tapos na. Hintayin mo ako, Anak…”
Isang punyal ang hawak nito na lakas loob nitong itinarak sa sariling dibdib. Nakangiting binawian ng buhay si Carlota.
WAKAS.