Chapter 2

1488 Words
Tilaok ng manok ang gumising kay Gwen isang umaga habang humihikab pa siya at tinatamad na bumangon. Wala siyang pasok bagamat kailangan niyang gumising upang tulungan ang kaniyang ina sa mga gawain kahit nasa bakasyon sila. Inot-inot siyang kumilos, iniligpit ang kumot at inayos ang kaniyang higaan. Walang pasok dahil summer vacation day pero parang pumapasok pa rin ako. Hay! Matapos niyang iligpit ang higaan, tuluyan na siyang pumasok sa banyo at naghilamos muna. Ilang minuto pa, lumabas na siya ng kaniyang kwarto at dumiretso na sa kusina. “Good morning,” bati niya sa kaniyang ina. “Good morning, Tita Malou,” bati rin niya sa tiyahin niyang abalang maghanda ng kanilang almusal. “Good morning, Gwenay. Mabuti naman at gising ka na. Nakatulog ka ba nang maigi at hindi ka naman inabala ng manok ng Tito Salvador mo?” tanong ng kaniyang tiyahin. Gwenay rin ang tawag nito sa kaniya mula pa noong bata siya. “Sakto lang, Tita Malou. Mukhang alarm clock ko na yata ang manok ni Tito Salvador tuwing umaga,” tugon niya. Ini-urong niya ang bakanteng upuan saka umupo at magtimpla ng kape. “Heto at nagluto ako ng paborito mong almusal, anak. Pritong bangus na may kamatis at toyo ang sawsawan plus sinangag pa.” Inilapag ng kaniyang ina ang mga platong may lamang niluto nito sa mesa.” Bumaling ito kay Malou. “Malou, tawagin mo na kaya ang asawa mo at para sumabay na sa ating kumain.” “Hayaan mo siya at sanay naman iyon na nagkakape lang sa umaga. Mas inuuna pa niya ang alaga niyang panabong kaysa ang mag-almusal. Katagalan niyan, itatabi na niya ang mga manok niya sa pagtulog kaysa ako ang katabi. Kunting-kunti na lang at gagawin ko ng tinola ang mga manok niya!” “Oy! Narinig ko ang mga pinag-uusapan niyo, Malou. Aba! Hindi mo pwedeng gawing tinola ang mga alagang manok ko at magkakagulo tayo rito. Alam mo namang tanging libangan ko lang sila at pampatanggal stress,” sabat ni Salvador na naroon na. Lumapit ito sa tiyahin niya. “Pero sympre, ikaw pa rin ang mahal ko.” Muntik na niyang maibuga ang iniinom na kape dahil nagbibiruan at nakipaglambingan na naman ang tiyuhin niyang si Salvador sa tiyahin niya. Ganito ang senaryo ng mag-asawa tuwing umaga kaya naman ay nasanay na siya. “Hay, naku! Kayong dalawa, kumain na lang kayo kaysa isipin niyo pa ang lagi niyong pinag-aawayan. Salvador, kumain ka na rito at maaga kaming tutungo sa bukirin para mag-harvest ng mangga,” awat ng ina niya. Pumuwesto na ito katapat niya at naglalagay ng kanin sa plato. Nakikinig lang si Gwen sa usapan ng mga ito dahil hindi naman siya literal na nakikipagdiskusyunan lalo na at patungkol sa mahahalagang bagay. Magsasalita lamang siya kung kinakailangan ang opinyon niya at kung nais ng kaniyang ina na ibahagi ang nais niyang iparating sa mga ito. Nasa Nueva Ecija sila sa ngayon at kasama ang kaniyang ina na nagbakasyon sa lupang naipamana ng kaniyang lola sa mga ito. Ang tiyahin niyang si Malou ang naiwan upang asikasuhin ang lupa kasama ng asawa nitong si Salvador. Wala silang naging supling kaya nag-focus na lang ang mga ito sa mga alaga nilang hayop. Ang kaniyang ina na si Sylvia, may-ari ng isang Pastry Shop sa Maynila at siya naman itong katuwang kapag wala siyang pasok. Sa ngayon, may naiwan naman silang mga tauhan ngunit hindi muna tumanggap ng mga orders ang kaniyang ina habang nagbabakasyon. Wala na siyang kinagisnang ama at tanging larawan na lamang ang nakikita niya sa loob ng kanilang tahanan sa Maynila. Hindi rin gaanong nagkukuwento ang kaniyang ina tungkol sa kaniyang ama pero isa itong sundalo. Sundalo rin ang angkan na pinagmulan ng kaniyang ama kaya literal na nasa dugo na nila ang magsilbi sa bayan. Ito rin ang dahilan kung bakit pursigido siyang mag-training pagdating sa pasukan nila. Nais niyang tularan ang pagiging mabuting sundalo ng kaniyang ama ayon naman sa kaniyang ina. “Nay, gusto kong sumamang mag-harvest ng mangga,” wika niya sa kaniyang ina. “Gusto kong matuto ng mga gawaing bukid.” “Sigurado ka, Gwen? Baka makakita ka ng palaka sa damuhan, magsisigaw ka na. Naalala ko pa naman noong maliit ka pa, nakakita ka lang ng palakang tumalon, tumalon ka rin. Hayun at kaming kasunod mo, nagsitalunan din!” birong wika ng Tito Salvador niya. “Tito Salve naman. Bata pa ho ako noon. Hindi na ako natatakot sa palaka ngayon kahit pa nakakadiri silang tingnan,” sagot niya. Tito Salve ang tawag niya rito na siyang palayaw din nito. “Anong silbi ng pagiging biology student ko kung hanggang ngayon, takot pa rin ako.” “Oo nga pala, Gwen. Third year student ka na pala sa pasukan. Eh, kumusta naman doon sa pinapasukan mong university? Maganda naman ba ang pagtuturo ng mga guro mo?” tanong ng kaniyang tiyahin. “Ayos naman, ho. Maganda ang reputasyon ng university kasama na ang mga professor ko. Ang mga students naman, may mga nasa elites talaga at mga katulad ko naman na nasa bronze tier lang,” tugon niya habang isinawsaw ang kamatis sa toyo na may kapirasong laman ng bangus. Nagkakamay lang din siyang kumain na nakasanayan din naman niya. “Bronze tier? Hanggang ngayon ba ay nasa bronze tier ka pa rin?” pagtataka ng tiyahin niya. “Malaki ang naipamana ng ama mo sa iyo, hindi ka man lang nagpa-Gold Tier?” Sumulyap ito sa kaniyang ina na tila naghahanap ng kasagutan. “Sayang ho ang pera, Tita Malou,” sagot niya. “Kaya ko namang tiisin ang bronze tier status ko sa university at okay na ako sa ganoong set up. Maayos naman ang mga grades ko at nakakasabay naman ako.” Alam ng mga ito ang tungkol sa prestihiyosong unibersidad kung saan siya nag-aaral. May kaunti rin silang kaalaman sa mga bagay na may kinalaman sa estado ng mga mag-aaral sa naturang paaralan. Kung may kakayahan ang mga magulang na paaralin ang kanilang anak, malaki ang halagang naibibigay nila sa unibersidad. Pero siya, mahalaga ang pera. Bawat sentimo na pinaghirapan, malaki ang puwang nito para sa kaniya. Kaya nga ito ang dahilan kung bakit kumuha siya ng scholarship at member ng isang cheering squad. “Member si Gwen ng cheering squad kaya skolar siya sa paaralan nila,” pagmamalaki ng kaniyang ina. “Cheering squad?” kunot noong tanong ng kaniyang tiyuhin. “Hindi ba iyon ang gawain ng mga itinapon-tapon sa taas at ang bagsak ay sa baba? Hindi ba delikado iyon, Gwenay? Aba, mag-ingat ka at isang pagkakamali lang at sa lupa ang bagsak mo,” paalala pa nito. “Iyon nga,” ang tiyahin niya ang sumagot. “Hindi kaya delikado iyon?” “Maingat ho ako. Nariyan naman ang mga ka-grupo ko na maingat din naman sa bawat kilos nila at dumaan naman kami sa training. Hindi rin naman pabaya ang captain namin sa cheering squad at maayos ang pamamalakad niya.” Mabait naman si Patty pero maraming napupuna. Nakaka-miss din ang isang iyon kahit napakahigpit sa practice. Saan kaya siya nagbakasyon? Well, malamang nasa ibang bansa siya. “Pero, Gwenay. Huwag ka munang magnobyo, ha. Magtapos ka muna ng pag-aaral mo at saka na iyang boypren-boypren. Baka naman nagpaligaw ka na roon sa eskwelahan niyo.” Tamang hinala ang tiyuhin niya na madalas naman nitong pinapaalala. Kahit makulit ang tiyuhin niya sa kaniya, overprotective ito sa kaniya. “Tito Salve naman. Wala ho akong boyfriend at alam niyo ho ako. Gusto ko ho ng afam!” “Afam!” sabay-sabay nilang bulalas ng tatlo. Nagulat siya sa mga ito kaya napatigil siya sa pagsubo ng pagkain. Nadulas lang naman siya sa kaniyang sinabi at kahit siya ay hindi rin makapaniwalang nasambit ang salitang gusto niya ng may lahing afam. Isa pa, hindi naman siya palabiro sa harap ng kaniyang pamilya kaya magugulat talaga ang mga ito. “B-Biro lang, ho. H-Hindi ko naman gusto ang magkanobyo ng afam at katulad nga ng sinabi ko kanina na magtatapos ako sa pag-aaral,” paliwanag niya. Gwenay, ano ba kasi ang nasa isip mo at nasabi mo iyon? “Ah… Akala namin ay may balak ka ng magnobyo pero kung ibang lahi naman pala ang gusto mo, okay na sa amin iyon.” “Tama ang tiyahin mo, Gwenay. Aprub ako riyan,” sang-ayon ng tiyuhin niya. “Tama na iyan at kumain na lang tayo. Oh, may ulam pa at magsasandok pa ako ng kanin.” Kinuha ng ina niya ang lalagyan ng kanin at tumayo upang magsandok. Hindi na nila naging laman ng usapan ang kaniyang pag-aaral at nag-focus na lang sa kanilang pagkain. Kaya lang, napapangiti siya sa puntong approve sa mga ito ang magkanobyo siya ng ibang lahi. Subalit isinantabi rin niya ang isiping iyon dahil ayaw niyang hadlang sa pag-aaral niya ang magkaroon ng relasyon sa opposite s*x.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD