Hindi namin namalayan ang takbo ng oras. Nalaman na lang namin na mag-a-alas dos na pala ng madaling araw. Pinayagan niya kasi akong mag-request ng mga kanta sa kanya kaya tinugtog at kinanta niya iyon, dahilan para mas lalo lang akong humanga sa kanya.
“Salamat po, Sir Vander. Mukhang napagod po kayo sa kare-request ko. Dinaig niyo pang Dj sa radyo.” Nakangiting baling ko sa kanya habang naglalakad kami palabas.
“It’s nothing. Nag-enjoy naman ako with your company.”
“Company? Wala pa po akong company, mga ilang taon pa po mula ngayon, baka meron na.” Paniniguro ko sa kanya, kahit na imposible naman ‘yong mangyari.
Natigilan siya saka marahang natawa.
“That’s not what I meant, Ida.” Iiling-iling niyang sagot.
Agad naman akong napangiwi.
“A-Ah. Nagbibiro lang po ako, sir. Alam ko naman po ‘yung ibig sabing ng c-company.”
“You’re so adorable,” nakangiti niyang sabi saka ginulo ang buhok ko.
Nakagat ko ang pang-ibabang labi sa ginawa niya.
Parang kanina lang halos maiyak na ako tapos ngayon para akong bulate na gustong maglilikot.
‘Lord, pigilan niyo po ako . . . Kinikilig po ako, opo!’
“If you want, I can teach you how to play instruments.”
Napaawang ang labi ko sa sinabi niya.
“T-Talaga po?”
Pakiramdam ko ay kumikislap na ang mata ko sa pananabik ngayon.
“Mmm.” Tango niya, saka kami tumigil bago makarating ng kusina. “Kapag may narinig ka nang tumutugtog sa music room, puntahan mo lang. Just knock and I’ll be there.”
Heto na naman po ang puso ko sa pagkalabog.
‘Umayos ka Ida, ha? Iba na naman ang pagkaintindi mo!’
Gumuhit ang ngiti sa labi ko at kinailangan ko pa iyong kagatin para lang hindi lumapad.
“Salamat po ulit, sir.”
“Don’t mention it.”
Pagpasok namin ng kusina ay natigilan kaming pareho. Ang ngiting nasa labi ko ay agarang napawi at ang t***k ng puso ko na dahil sa kilig, ngayon ay napalitan na ng kaba.
Sino ba namang hindi kakabahan kung makikita mo ‘tong masungit mong amo at kung makatingin ay parang nadagdagan na naman ang kasalanan mo?
“Good evening po, Sir Mavi . . .”
Hindi ako makatingin sa kanya ng maayos. Lalo na’t paniguradong alam niya nang sa music room kami galing. Ang kwartong ipinagbabawal niyang pasukin ko. Tapos kasama ko pa ‘tong kaibigan niya.
“It’s midnight already, stu—“
“Mavi. Enough.” Putol ni Sir Vander sa sasabihin niya, nagbabanta.
Napaikot na lang ng mata si Sir Mavi at saka umingos.
“Tss.” Tinaasan niya pa ako ng kilay bago nakamulsang nilagpasan kami. “What a hero . . .” narinig ko pang sabi niya bago tuluyang nawala sa paningin namin.
‘Kaunti na lang talaga at mapepektusan ko na ‘to eh. Mabuti na lang at napatay ko na ang mga ilaw rito at baka siya pa ang mapatay ko. Lord pigilan niyo po ako, pigilan niyo ko . . .’
Totoo nga nang sinabi ni Sir Vander na tuturuan niya ako dahil ilang beses na kaming nagtatagpo sa music room tuwing malalim na ang gabi. Feeling ko tuloy ay may lihim kaming relasyon at si Sir Mavi ang hadlang sa pag-iibigan namin dahil kung hindi masamang makatingin ay palagi na lang siyang umeeksena.
Kung napapalitan lang talaga ng pera ‘yang masasamang tingin niya baka matagal na akong nag-resign dito sa sobrang yaman ko.
“Bakit po pala Moonrivers ang pangalan ng banda niyo?” tanong ko kay Sir Vander matapos niyang i-kwento na may binuo silang banda. Nandito kami sa music room at katatapos niya lang ituro sa akin ang isang piyesa na hindi ko pa masyadong kapa.
Nagkibit-balikat siya.
“It was actually River and Odin’s idea so expected that there’s no really deep meaning behind it.” Bahagya pa siyang natawa at umiling-iling. “Moonrivers is the combination of the first letters of our first and last names. Like the M and O is for Mavi’s name which is Marvin Kaizer Oliveros, O and N for Odin Navarro, the two R’s and I are for River and Ramses Ibarra, V and E is for my name which is Vander Edison and the reason there’s an S is because we have the twins. Not inspiring at all, right?” nakangiwing sagot niya.
“Hindi nga po. Pero at least, pinag-isipan naman,” natawa siya kaya’t hindi ko na rin naitago ang pagngiti.
Minsan lang rin daw silang tumugtog sa bar na nagiging night club minsan at pag-aari ng pamilya nila Sir River at Sir Ramses. Kaya pala minsan ay halos madaling araw na sila kung umuwi at madalas pang paos.
“Eh kayo po, ano pong negosyo ng pamilya niyo?”
Nag-iwas siya ng mata at tumingin sa kung saan.
“Well, we owned chains of restaurants. Kakaunti pa lang naman ‘yon at ako ang inaasahan ng parents ko na magpapalago no’n once I graduate. Gusto ko rin namang matutong magluto kahit papaano kaya culinary rin ang kinuha kong kurso so I could have at least knowledge in the kitchen, kahit na nga tutol ang parents ko sa kinuha kong kurso. Actually, ako ang taga-luto rito minsan, but since we are often busy, madalas na lang kaming umorder ng food.”
Wow. Mas tumaas lang ata ang respeto at paghanga ko sa kanya.
“Since wala akong kapatid, I’m the only one they expect to take over our business . . . eh ikaw, kung sakaling magko-kolehiyo ka, anong kukunin mong kurso? Ano bang gusto mong maging?” tanong niya, nakapangalumbaba na paharap sa ‘kin.
Sandali akong napaisip. Pilit na pinalalakbay ang isip sa kung ano ba talagang gusto kong tahaking daan.
“Sa totoo lang . . . hindi ko alam. Minsan nga iniisip ko na lang na siguro, isa sa mga dahilan kung bakit kapos kami sa pera ay para pigilan akong mawaldas iyon kapag wala namang kasiguraduhan ‘yong kukunin ko. Dahil masasayang lang rin naman ‘yon kung sakaling ipang-e-enroll ko lang sa kursong hindi ko alam kung gusto ko ba talaga. Bakit ba kasi kapag tinatanong ang tao ng gusto nilang maging balang-araw o paglaki nila, bakit puro propesyon ang mga sinasabi nila? Hindi ba pwede ‘yung gusto lang nilang maging masaya, gano’n? Maging malaya o kaya naman mapayapa . . . ‘Yung simple lang at walang napakaraming komplikasyon.” Napakibit-balikat ako at biglang nahiya nang mapansing ilang segundo na siyang nakatitig sa akin. “Sir Vander ah, baka mahulog kayo sa ‘kin, sige kayo.” Pagbibiro ko para maibsan ang kilig na nararamdaman.
Natawa lang siya sa akin at nailing saka namin ipinagpatuloy ang pag-tugtog hanggang sa abutin kami ng ilang oras doon.
[“Bruha ka, ang swerte moooo!”] matinis na sabi ni Eva nang makausap ko sa telepono na agaran namang nasundan ng kanyang tili. Napaikot na lang ako ng mata. [“Baka hindi lang pagtugtog ng instrumento ang ituro niyan sa ‘yo, baka turuan ka rin niya kung pa’no magmahal! Kyaaaaa!”] agad kong nailayo ang telepono sa aking tenga. Ano ba ‘tong babaeng ‘to! Kada may sasabihin kailangang may kasunod na tili?
“Umayos ka nga riyan! Baka may sumugod na mga tanod d’yan sa inyo dahil akala nila may manananggal nang nambibiktima ng buntis! Mapagkamalan ka pang aswang!”
[“Eh kasi naman! Sino bang hindi kikiligin d’yan sa mga kinikwento mo? Para lang ‘yan ‘yung mga nababasa ko sa pocketbooks saka napapanood sa pelikula. D’yan nagsisimula ang lahat!”]
“Totoong buhay ‘to bes. At dito, mas maraming kontrabida kaya mas malabong magkatotoo ‘yang mga kahibangan mo.” Pangongontra ko sa pagpapantasya niya.
[“Ah basta. Parang gusto ko na rin tuloy mamasukan diyan! Tumatanggap pa ba sila—“]
“Hindi na bes. Ako ngang ako lang eh kating-kati nang palayasin ni Sir Mavi, paano pa kaya pag pumasok ka eh mas maharot ka pa naman sa ‘kin.” Hindi ko maiwasang mapangiwi.
[“Ay? Makapagbintang ka ‘te? Isumbong kita sa nanay mo eh—“]
“O sige na, sige na at kailangan ko na ‘tong ibaba ha? Ba-bye!” hindi ko na hinintay pang sumagot si Eva at mabilis ko na iyong ibinaba. Babaeng ‘yon, isusumbong pa ako. Mabuti na lang at wala ang mga amo ko ngayon kaya nakatawag ako.
Kinabukasan ay nagpunta kami sa malapit lang na basketball court rito sa loob ng village. Ilang metro lang iyon pero imbes na lakarin, itong mga amo ko ay mas piniling sumakay ng kotse papunta roon. Mainit raw kasi.
Mayayaman talaga, psh.
Itinago ko ang pagngiwi at ninamnam na lang ang tuwa habang nakasakay sa kotse ni Sir Vander.
‘Ba’t kasi nagkotse pa eh sana nilakad na lang. Mas matagal pa sana kaming nagkukwentuhan kung ginamit na lang namin ang mga paa namin.’
Isinama nila ako kaya heto ako at may bitbit na maliit na basket na puno ng pagkain at inumin. Sa kaliwang balikat ko ay nakasabit ang mga maliliit na tuwalya.
Nakasuot pa sila ng mga itim na jersey at akala mo ay sa totoong liga maglalaro, samahan pa ng suot nilang mamahaling mga sapatos.
‘Ba’t ayaw nila sa yellow? Favorite color ko ‘yun eh.’
Kaya iyon ang isinuot ko. Isang maluwang na yellow shirt na naka-tuck in sa isang itim na pantalon na pinaresan ko ng aking puting sapatos.
Umupo ako sa mga upuang nasa gilid ng court saka itinali ang aking buhok. Parang hagdan ang mga upuan doon at sa pinaka-itaas ako naupo, mga limang baitang ang agwat mula sa sahig.
Mahirap na at baka sa sobrang inis sa ‘kin ni Sir Mavi ay mabato niya pa ako ng bola. Mukhang hindi pa naman malabong mangyari iyon.
Naghati sila sa dalawang grupo. Sina Sir Vander at River ang magkasama habang sina Sir Mavi, Odin at Ramses naman sa kabila.
Wow . . . siguro ang galing ni Sir Vander sa basketball kaya okay lang sa kanyang dalawa lang sila . . . mayroon ring lalaki na nakaupo malapit sa isang black board, siguro ay scorer.
Nagsimula ang laro nang maagaw ni Sir Mavi ang bola na ibinato sa ere kanina ni Sir Odin. Parang may dayaang nangyari ah . . . malamang maaagaw niya iyon eh kakampi niya ang naghagis eh. Anong silbi no’ng scorer, ba’t hindi siya ang gumawa noon?
Naka-dipa ang mga braso ni Sir Vander nang mahabol niya si Sir Mavi at ngayon ay pilit na inaagaw rito ang bola. Nagdi-dribble ng bola si Sir Mavi saka nag-akmang ihahagis kay Sir Odin nang bigla itong nag-iba ng direksyon at ipinasa kay Sir Ramses na siyang nasa likod niya, dahilan para malito si Sir Vander at hindi agad iyon mahabol. Nai-shoot iyon ni Sir Ramses ng walang kahirap-hirap para sa unang puntos nila.
Ang gagaling nilang lahat ha . . .
Nagpatuloy ang paglalaro at pa-ilan-ilan ay may mga nanonood na rin, karamihan ay mga babae na nakikitili na rin at may kanya-kanya pang isinisigaw na pangalan.
“Go Odin! Go Odin! Go Odin, sexy loveeee!!!!”
“Go Maviii! I-shoot mo ang ball!!!”
“Galingan mo River!!!! Shoot that ball like how you shoot in bedddd!!!”
Napangiwi ako sa sinigaw ng isang babae sa bleachers. Lalo na nang sinundan niya ‘yon ng isang matinis na tili.
“Ramses, anakan mo ‘ko!!!”
“Vander, stop playing and go home now!!! Hinahanap ka na ng mga babies naten!!!” maarteng sabi noong isa.
Talagang napalingon na ako sa mga babaeng nagkukumpulan sa aking gilid at kung anu-anong pinagtititili!
‘Akalain mo nga namang sikat pala ‘tong mga amo ko . . .’
Muntik pa akong mapasigaw nang makapuntos ang grupo ni Sir Vander. Pumalakpak na lang ako habang itinatago ang paglapad ng labi.
Syempre, Team Vander ako ‘no.
Natapos ang unang round na lamang ang grupo nina Sir Mavi ng apat na puntos. Talagang makakalamang sila eh lamang rin ang bilang ng grupo nila eh.
Nagsipuntahan sila sa direksyon ko at gano’n na lamang ang inggit na nakikita ko at panlilisik sa mata ng ilang kababaihan nang tignan ako. Ako na lang ang umiwas dahil para silang mga tigre na manglalapa na ng buhay.
Isa-isa ko silang inabutan ng tubig at mga pamunas.
“My beautiful Ida, could you please wipe my back. I can’t reach it.” Nakanguso pa si Sir Odin nang tignan ako at talagang inakto niya pang hindi naaabot ang kanyang likod.
Napabuntong-hininga na lang ako saka kinuha ang tuwalya sa kamay niya upang mapunasan siya. Napapailing na lang si Sir Vander sa inaakto nitong kaibigan niya at muntik niya pang mabato ng bote ng tubig nang magsimula itong umungol habang pinupunasan ko ang likod.
Napangiwi na lang ako sa kalokohan nitong amo kong ‘to.
‘Nakulangan siguro ‘to sa bakuna noong bata pa.’
Binilisan ko na lamang at dahil naiilang rin ako sa tinging iginagawad ng nakapalibot sa amin, lalo na ni Sir Mavi na kahit hindi ko man lingunin ay ramdam ko ang kanyang mga paninitig sa gilid ko. Mahirap na at baka sabihin na naman niyang lapit ako nang lapit sa mga kaibigan niya.
Desisyon pa naman ‘to si Sir Mavi minsan.
“Another bottle, please.”
Nagulat ako kay Sir Mavi hindi dahil nag-‘please’ siya kundi malumanay ang pagkakasabi niya noon na akala mo ay wala siyang inis na nararamdaman sa ‘kin. Nakakaduda eh. Parang may kakaiba . . .
Kumuha akong muli sa basket at saka naglakad papunta sa kanya dahil medyo malayo siya sa pwesto ng iba at nakaupo sa isang monoblock chair. Nang maihatid ang tubig ay natigilan ako nang ibinigay niya sa akin ang pamunas niya. Napatingin ako roon at mas natigilan pa nang ituro niya ang kanyang leeg.
“P-Po?” nagugulat na tanong ko.
“Wipe my neck.” Utos niya na mas lalong nagpatigil sa ‘kin. Umangat ang kilay niya sa ‘kin nang makitang hindi ako kumikilos. “What? Can’t understand me? I said, punasan—“
“P-Pero bakit— bakit po ako?” kinakabahang tanong ko, naroon na kaagad ang pagtanggi.
Ano bang trip neto?
Napalibot ako ng tingin sa paligid at agad ring napaiwas nang masulyapan ang matatalim na tingin ng ibang kababaihan, habang pailing-iling na lang ang iba niyang kaibigan.
Gusto niya ba talaga akong patayin rito? Eh halos lamunin na nga ako ng buhay ng ilang babae rito tapos magpapapunas pa siya?!
Tinaasan niya ako ng kilay at humilig sa kinauupuan saka pinagkrus pa ang mga binti sa panlalaking paraan.
“Nagtanong ka ba kay Odin nang utusan ka niya? Hindi ‘di ba? So don’t act like it’s your first time doing it.” Naiiritang rason niya.
Napahigpit ang kapit ko sa towel na hawak. Baka hindi ko mapigilan ang aking sarili at maisakal ko ‘to sa kanya. Ba’t ba siya ganito?
Para matapos agad ay dali-dali na akong lumapit upang mapunasan siya. Bahagya akong yumuko para mas mapunasan siya habang siya naman ay nakatingala sa akin. Ang mga mata niya ay matiim lang na nakatitig sa akin at para bang sinasaulo niya ang lahat ng parte ng mukha ko sa uri ng paninitig niya. Naaakit man akong tumingin pabalik ay pinilit ko na lamang ituon ang paningin sa kanyang pawisang leeg. Lalo na sa kanyang Adam’s apple.
Pakshet.
Parang nanuyo ang lalamunan ko habang nakatitig doon. Hindi pa nakakatulong ang amoy na nalalanghap ko sa kanya. Kung pabango ba ‘yon o hininga ay hindi ko na alam dahil ang alam ko lang sa oras na ‘to ay naghahalo-halo ang aking pakiramdam habang magkalapit kami.
Amoy mint siya na may halong toothpaste na may halong alak na ewan. Basta, ang bango niya. Sapat na para mawala ako saglit sa katinuan dahil sa nakalalasing niyang bango. Ano ba ‘tong pawis niya, perfume rin ang nilalabas?
“You’re enjoying this, huh?”
Napakurap ako nang marinig ang kanyang boses. Napapahiya akong nag-angat ng mata sa kanya at naabutan siyang nakangisi sa akin. Agaran akong napaayos ng tayo saka umatras, narinig ko pa ang matunog niyang pagngisi. Nanunuya ang kanyang mga tingin at gano’n na lamang ang kalabog ng dibdib ko habang lumalayo.
Buti na lang at nagpatuloy rin agad silang maglaro matapos ang maikling break na ‘yon. Ilang minuto pa silang naglaro kaya ganoon ko rin katagal tinitiis ang nakaririnding tili ng mga kababaihan roon. Sa huli ay grupo nina Sir Mavi ang nanalo at lamang sila ng limang puntos.
Malamang sila ang mananalo eh tatlo sila sa grupo eh.
Bitbit ang tray ng miryenda at inumin ay dahan-dahan akong pumasok ng music room. Maingat ko iyong inilapag sa mesang nasa gilid ng kwarto. Nasa harap iyon kung kaya’t kitang-kita ko ang pagtugtog nila ng mga instrumento. Ngumisi at kumindat pa sa akin si Sir Odin nang makita ako.
“Hi, beautiful Ida!” bati niya.
Talagang nakakahanga habang pinagmamasdan silang enjoyin ang musika. Gusto ko talaga sa lalaki ‘yung kumakanta eh, lalo na kapag marunong tumugtog ng piano.
Hindi naman halatang si Sir Vander ang tinutukoy ko ‘no? Sino bang aayaw? Sagot!
Si Sir Vander ang nakatalaga sa pagtugtog ng piano, si Sir Odin ang sa drums, sina Sir River at Ramses ang sa gitara habang si Sir Mavi naman ang bokalista at nakaupo sa gitna. Nasa sahig lamang ang tingin niya habang nakahawak sa stand ng mic ang parehong kamay.
Nagsimulang hampasin ni Sir Odin ang drums at sumunod naman ang dalawang gitara pati na ang piano. Sa ilang nota palang ay agad ko nang napamilyaran ang kantang tinutugtog nila. Napatingin ako kay Sir Mavi at naabutan siyang nakapikit, bahagya pang gumagalaw ang ulo at mahinang tinutubtob ng mga daliri ang stand, tila nalalasing sa saliw ng musika. Ibang-iba siya sa Sir Mavi na nakasalamuha ko nitong mga nagdaang linggo. Ngayon, kung hindi ko lang siya kilala, masasabi ko agad na myembro siya ng isang napakasikat na banda dahil sa nagsusumigaw na karisma at awra niya.
Kasabay ng marahang paghinto ng tugtog ay ang pagmulat niya ng mata na agarang nakasalubong ang akin, marahang nagpaawang ng bibig ko.
Kung anong ikinaganda ng boses ni Sir Vander ay may mas ikagaganda pa pala ang kanya. Ang ibig kong sabihin ay parehong maganda at malamig, pero may kakaibang pakiramdam lang ang hatid ng boses niya . . .
Ang luma at simpleng kanta ay nalagyan niya ng kakaibang twist, dahilan para mas lalo itong gumanda.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ako kinakabahan . . . kung bakit ganito kalakas ang pagtambol ng puso ko, mas malakas pa yata sa pag-drums ni Sir Odin.
Para siyang lasing . . . na kahit ang lumalabas sa bibig niya ay siguradong palalasingin rin ang sinumang makaririnig sa kanya— ako . . . Kulang na lang ay kumuha ako ng pulutan eh.
Gustuhin ko mang mag-iwas ng tingin pero hindi ko magawa. Hindi ko alam kung anong magnet ang meron sa kanya at hinuhuli palagi ang mata at atensyon ko. Pakiramdam ko tuloy ay nag-iinit ang buong pagmumukha ko dahil sa ginagawa naming titigan. Bakit ba ako kinakabahan gayong kumakanta lang naman siya riyan?
Bakit pakiramdam ko ay kami lang ang narito sa kwartong ‘to? Bakit ang sarap titigan ng malamig niyang mga mata at bakit ako pinag-iinit no’n? Pati tiyan ko naaapektuhan na . . . Wala naman pong ibig sabihin ‘to Lord, ‘di ba?
‘Oo, baka natatae ka lang Ida.’
Mahina akong napasinghap nang mahuli ang pagtaas ng sulok ng labi niya matapos ibaba ang mga mata, pero ilang segundo lamang ay muli na naman siyang nag-angat ng tingin . . . sa akin.
‘Lord, send help.’