JESSICA’s POV
Mabuting tao si Kuya Marlon kaya kahit walang-wala kami sa paglisan niya, marami ang tumulong. Hindi niya napaghandaan ito kaya wala siyang memorial service. Si Boss Mike ang sumagot at si Kuya Luiz.
Hindi rin nila ako iniwan. May ipinapadala silang pagkain para sa mga bisita. Araw man o gabi. Wala akong oras para asikasuhin pa ang mga bagay na iyon dahil ako lang ang humaharap sa mga bisita. Kanina dumating si Kuya Luiz, may bitbit siyang mga kape at biscuits.
Ang mga Kuya kong iba ay dumalaw. Kasama naman ang pamilya nila kaya iyon din ang inaasikaso nila. Hinihintay kong dumalaw ang asawa ni Kuya Marlon, pero hindi sila dumadating. Bukas na ang libing, hanggang ngayon kahit anino ay wala.
Si Kuya Luiz, laging nandito. Siya rin ang kasama ko noong maabutan namin si Kuya Marlon na walang buhay.
Ang mga kapitabahay namin ay nandito. Ang iba ay nasa labas. Naglalaro sila ng Bingo at trembe. Rinig pa ang ingay kapag kinakalog nila ang mga lagayan ng numero.
May humihiyaw kapag nananalo. Kahit papaano, nababawasan ang pakiramdam kong nag-iisa. May ibinibigay rin silang pera sa akin sa hatinggabi. Minsan umaabot pa sila ng madaling araw. Iyon ang ginagamit kapag may kailangang bilihin.
Mahapdi na ang mga mata ko at ramdam ko na rin ang pamamaga. Halos hindi ko na maimulat nang maayos ang mga mata ko.
“Kumain ka muna. Hindi ka pa raw nilang nakikitang kumakain. Magagalit si Kuya Marlon. Ayaw niya sa taong nagpapalipas ng gutom.”
Napatingala ako. May dala siyang pagkain at tubig. Ibinaba niya sa tabi ko at naupo rin siya malapit sa akin.
“Salamat. Hindi pa po ako gutom,” sagot ko at ibinalik ko sa harapan ang aking paningin.
“Kahit hindi ka gutom, kumain ka. Mainit pa ang lugaw. Padala ni Boss Mike. Mamaya pa sila darating. Pinauna lang ang mga pagkain. O may iba kang gusto?” Pati siya ay tila nag-aalala sa akin.
Ang dami na niyang naitulong, pati ako ay pinoproblema pa niya.
“Iniisip mo ba ang tungkol sa bahay ninyo?” tanong niya sa akin.
Hindi ako sumagot pero tumango ako. Paano niya nalaman?
“Pumunta ako sa banko kanina at nakiusap ako na bigyan pa kayo kahit isang linggong palugit. Sinabi ko naman ang sitwasyon. Pumayag naman ang manager. Huwag mo nang isipin iyon.”
“Salamat po,” umiyak na ako.
Ilang beses na kaming binigyan ng palugit ng banko. Alam kong isa pa ito sa iniisip ni Kuya Marlon. Pero mas kailangan namin ang pera para sa kaniyang gastusin. Pinagpaguran niya para mabili ang bahay at lupa. Halos ginawa niyang araw ang gabi para makaipon.
“Pagtapos ng libing bukas, magpahinga ka muna. Kailangan mong makabawi ng lakas. At saka mo ayusin ang mga gamit ninyo. Ayusin mo rin ang mga gamit mo at ililipat natin sa bahay. Susunduin kita. May isang kwarto sa bahay, sakto naman para sa iyo iyon.”
Mas lalo akong naiyak. Totoo nga ang sinabi ni Kuya Marlon na inihabilin na niya ako kay Kuya Luiz. Alam na rin ni Kuya Luiz ang gagawin.
“Kainin mo na ito. Gusto mo ba subuan kita?” bigla naman akong nahiya sa tinuran ni Kuya Marlon.
Napatigil ang pagluha ko. Mabilis kong pinunasan ang mukha ko.
“Salamat po, Kuya Luiz. Kaya ko na po. Salamat po talaga. Gagawin ko pa ang lahat para hindi po ako maging pabigat sa iyo.” Kinabig ko na ang lugaw palapit sa akin. Baka kasi totohanin niyang subuan pa ako. Sobrang nakakahiya na. Ano pati ang sasabihin ng mga tao rito.
“Huwag mong isipin na magiging pabigat ka. Kumain ka na lang at saka natin muling pag-usapan. Titingnan ko lang muna si Kuya Marlon.” Paalam niya sa akin at tumayo.
Naiwan akong muli. Nasa may harapan ko lang naman ang kabaong kaya nasa may harapan ko na rin si Kuya Luiz na nakatalikod sa aking puwesto.
Hindi pa talaga ako nakakaramdam ng gutom pero tama si Kuya Luiz, magagalit si Kuya Marlon kapag pinabayaan ko ang aking sarili.
Umuusok pa ang lugaw. Bagong luto. Unti-unti kong kinain ang lugaw. Hanggang sa lumapat ito sa aking sikmura, saka ko napagtanto na gutom na nga ako. Mabuti at hindi naririnig ang pagtunog nito.
Naubos ko ang lugaw na binigay sa akin. Sinimot ko pa. Pero okay na ako sa ibinigay sa akin. Hindi ko na rin kakayanin pang dagdagan ang kakainin ko. Ininom ko na lang ang tubig at naubos ko rin.
“Tapos ka ng kumain?” tanong niya sabay hawak sa aking pinagkainan. Nahiya ako kaya mabilis kong hinawakan.
Ang kamay ko ang nahawakan ni Kuya Luiz.
“Ako na po, Kuya. May gagawin pa po ako sa kusina. Puwede pong kayo po muna rito?” wika ko sa kaniya pero ang kamay ko ay hindi pa rin niya binibitawan.
Bumilis ang t***k ng puso ko. Hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko.
Nakatingin lang siya sa akin.
“Kuya, nandiyan po si Ma’am Flora,” sabi ko sa kaniya pero hindi pa rin siya bumibitaw.
“Jessica, nakikiramay ako. Kanina ko lang nalaman. Hindi sa akin nabanggit ni Luiz.” Saka lang parang natauhan si Kuya Luiz.
“Hi Luiz!” binati niya rin si Kuya Luiz.
“Flora,” tipid niyang tugon.
“Ma’am, iwan ko po muna kayong dalawa ni Kuya Luiz. May gagawin lang po ako sa kusina. Ano pong gusto ninyo?” tanong ko na rin.
“No thanks. I’m okay.” Tumango ako at tumayo. Si Ma’am Flora naman ay naupo sa tabi ni Kuya Luiz.
Ngayon ko lang siya ulit nakita. Hindi ko naman matanong si Kuya Luiz para hanapin siya dahil masyadong personal na iyon.
Nawala rin sa isip ko si Ma’am Flora. Sana hindi niya bigyan ng malisya ang nakita niya kanina. Nakatalikod si Kuya Luiz kaya hindi niya nakita ang pagdating ng girlfriend niya.
Mukhang mabait naman si Ma’am Flora at maiintindihan niya kung bakit abala si Kuya Luiz.