LUIZ’s POV
Sayang at hindi nasaksihan ni Kuya Marlon ang pag-akyat sa stage ni Jessica. Kung may proud para kay Jessica, ang kuya niya iyon. Hindi matatawaran ang sakripisyo niya para sa kaniyang pamilya. Matalino si Jessica, ito ang ipinagmamalaki ni Kuya Marlon pa noon.
Pumalakpak ako pagkatawag sa pangalan niya. Hindi ko maiwasan na malungkot para sa kanilang magkapatid. Ang daming tao. Ang daming pumapalakpak. Dumadagundong ang sounds.
Kasunod ang pagtawag sa kaniyang guardian para sa pagsusuot ng medalya.
Lumakad ako patungo sa may stage. Ako ang kapalit muna ni Kuya Marlon ngayon.
“Congratulations,” bati ko sa kaniya habang isinusuot ko ang medalya.
“Thank you po. Kuya, picture po tayo,” sabi niya sa akin.
“Closer,” utos ng photographer.
Pareho kaming umusog palapit sa isa’t isa.
Muling nagsalita ang photographer. Nagdikit pang lalo ang aming mga katawan.
“Sir, akbayan po ninyo siya,” ang dami na ng kaniyang utos.
Tumatagal kami kaya ginawa ko na ang sinabi niya. Nagulat ako dahil para akong nakuryente. Pero muli kong idinantay ang kamay ko sa balikat niya para matapos na itong picture taking.
Mabilis ko rin inalis ang aking kamay sa kaniyang balikat at inalalayan siya sa pagbaba.
“Balik na ako sa upuan ko. Congratulations ulit. Matutuwa ang Kuya mo,” sabi ko sa kaniya para mawala ang naramdaman kong biglang pagkailang.
Nagpatuloy ang programa ng kanilang graduation.
Sa ilang oras din, natapos na ito.
“Kuya Luiz, daan po muna tayo sa bilihan ng pagkain. Sa bahay na lang po natin pagsaluhan para kasama po si Kuya Marlon.”
Wala naman sa aking problema. Kahit saan pero mas maganda ang naisip niya. Kahit ako, gusto kong kasama si Kuya Marlon.
Dahil malapit lang din sa paaralan, pila ang mga bilihan.
“Kuya, magluluto na lang po ako ng instant pancit canton at tinapay na lamang po. Baka ilang oras pa po ang abutin kahit maka-order po ako.”
“Walang problema sa akin, Jessica. Kahit wala okay lang. Si Kuya Marlon na lang ang bilhan mo,” sagot ko sa kaniya.
“Ako na po bahala, Kuya.” Bumili na siya sa tindahan. Binibigyan ko siya ng pambili pero hindi niya kinuha. Ipinakita pa niya na may pera siya.
Inilabas ko ang perang inilagay ko sa pulang sobre.
“Ito, hindi mo na puwedeng tanggihan. Regalo ko ito sa ‘yo. Hindi lang dahil nagtapos ka, kundi may honor ka pa.”
Nahihiya man siya, kinuha niya ang ibinigay kong sobre.
Napayakap siyang bigla sa akin.
“Salamat po, Kuya Luiz,”
“Walang anuman. Tara na at umuwi na tayo. Sumakay na tayo sa pedicab.”
Pumara na ako at sumakay kami. Magkatabi kami sa upuan.
Maliit lang naman siya kaya kasya kaming dalawa.
Nakarating na kami sa labas ng gate.
Madilim ang kabahayan. Padilim na rin dito sa labas.
“Baka nakatulog si Kuya, kaya hindi pa nabuksan ang ilaw. Kuya, pasok po.”
Nakasunod lang ako kay Jessica.
Binuksan ko pa ang flashlight ng phone ko, para mas mabilis niyang makita ang switch.
“Kuya, nandito na po kami ni Kuya Luiz,” sabi ni Jessica.
Nabuksan na niya ang ilaw. Nagsasalita pa siya habang papalapit kay Kuya Marlon.
“Hindi ako nakabili ng lutong pagkain. Pero may tinapay. Ito na lang muna at titimplahan muna kita ng –” hindi na naituloy ni Jessica ang sasabihin niya. Nalaglag ang hawak niyang supot ng tinapay. Nasa akin ang softdrinks at pancit na lulutuin niya.
“Kuya Marlon, Kuya, Kuya…” ang mahina niyang pagsasalita ay nauwi sa papalakas na pagtawag kay Kuya Marlon. Nanginginig ang boses niya. Nasa likod na niya ako at kahit ako, napasalita.
“Kuya Marlon, nandito na kami,” hinawakan ko si Kuya Marlon at dinama ko ang pulso niya. Hindi na nagtataas baba ang kaniyang dibdib kaya talagang wala na si Kuya Marlon.
Hindi na namin siya inabutan. Habang nasa graduation kami at masaya sa tagumpay ni Jessica, si Kuya Marlon pala ay naghihingalo na. Mag-isa siya… hanggang sa huli.
Nakaluhod si Jessica sa harap ni Kuya Marlon habang hawak nito ang mukha ng kaniyang kuya.
“Kuya, bakit mo ako iniwan? Ito na ang medal ko. Para sa ‘yo ito. Isusuot ko pa ito sa ‘yo. Kuya…”
Hindi na ako nakakilos, hindi ko rin nakayanan na huwag lumuha. Ang bigat. Parang may dumagan sa aking dibdib. Hindi ko man siya kadugo, kapatid naman ang turing niya sa akin.
Ang tahimik ng kabahayan kanina, pero ngayon, ang panaghoy ni Jessica ang maririnig.
Tumalikod ako at lumayo. Hindi ko na pinigilan ang pag-agos ng luha ko. Bata pa si Kuya Marlon para lumisan.
Naririnig ko pa rin ang pag-iyak ni Jessica. Pero wala na kaming magagawa. Nahuli ang pagdating namin.
Una kong tinawagan si Boss Mike. Mas may alam siya kung ano ang dapat gawin at sino ang kokontakin sa ganitong pagkakataon.
Kahit si Boss Mike ay naiyak sa malungkot kong balita.
Papunta na sila. Siya na rin ang tatawag sa punerarya.
Binalikan ko si Jessica. Nasa lapag siya at nakaupo na habang patuloy na lumuluha.
“Jessica, tumawag na ako kay Boss Mike. Papunta sila rito at tumawag na rin siya sa mag-aayos kay Kuya Marlon. Ihanda mo na ang damit niya. Ang damit… niyang binilin sa ‘yo,” muling tumulo ang luha ko.
Punong-puno ng luha ang mukha ni Jessica, wala na ang kaninang saya.
“Sabi ko kay Kuya, hindi na sa kaniya kasya iyon. Kasi ayaw ko pa siyang mawala. Ayaw kong iwan niya ako. Kuya Marlon, ang daya mo. Sabi ko bibilhan kita ng bagong barong. Alam mo kung bakit ko sinabi sa ‘yo iyon. Kasi ayaw kong mawala ka sa buhay ko. Kuya, ang sakit, kahit lagi ka sa akin nagpapaalam, hindi ko pa rin matanggap. Please Kuya, joke lang ito ‘di ba?”
“Kuya Luiz, sampalin mo ako. Panaginip lang po ito ‘di ba?”
“Jessica,” niyakap ko siya. Kailangan ko siyang payapain. Dahil kung nakikita siya ni Kuya Marlon, iyon din naman ang gagawin niya. Patatahanin niya si Jessica.