LUIZ’s POV
Lagi akong narito sa burol ni Kuya Marlon. Sa labas ako natutulog. Ilan lang naman ang naiiwan kapag sumapit na ang hatinggabi.
Walang titingin kay Jessica.
Sa upuan na siya natutulog. Halos hindi niya iniiwan ang kaniyang kapatid na namayapa.
Mahirap umasa sa iba niyang kapatid. Kahit noong buhay pa ang Kuya nila, bihira rin magpakita ang iba nilang kapatid. Kaya mas lalo ngayon.
Mabuti at hindi pa rin nagbabago si Boss Mike. Pamilya pa rin ang turing sa amin kahit matagal-tagal na rin kaming mga naghiwalay. Tunay silang kaibigan kaya masuwerte kami ni Kuya Marlon na naging tauhan ni Boss Mike.
Ngayong huling araw para sa lamay kay Kuya Marlon ay maaga akong umalis sa burolan.
Umuwi ako sa apartment para matulog sandali.
May kailangan akong ayusin. Narinig ko na pinag-uusapan ng mga kapitbahay na dumalaw kagabi na may nagpunta mula sa banko para saraduhan na ang bahay nina Jessica. Sinabi lang na namantay ang may-ari ng bahay.
Iyon ang aasikasuhin ko dahil nakita kong namroblema si Jessica.
Hindi pa sapat ang ipon ko para matubos iyon. Kaya ang puwede ko lang gawin ay bigyan pa ng kahit isang Linggong palugit. Wala pa naman bibili noon dahil hindi pa nila nailalagay sa auction.
Tahimik na noon ang bahay ko, mas lalo ngayon dahil halos hindi ako nagtatagal sa pagtigil dito simula nung mamatay si Kuya Marlon.
Napasarap ang tulog ko. Mabuti at nag-alarm ako. Pagod ang aking katawan kahit ang ginagawa ko lang sa burol ay maupo at tumayo. Iba pa rin ang sapat na tulog.
Naghanda ako para sa mga aasikasuhin ko ngayong araw.
Una muna akong nagtungo sa banko. Maganda naman ang resulta ng aking lakad.
Sumunod sa university.
May dinala lang akong mga report na kailangan i-submit.
Nagkasalubong kami ni Flora.
“Luiz, ngayon lang kita nakita. Bakasyon ka ba?” bati niya sa akin.
“Nagpaalam akong ilang araw na hindi papasok. Namatay kasi si Kuya Marlon,” sagot ko sa kaniya.
“Hindi mo sa akin sinabi agad. Sana nakadalaw ako. Papunta ka ba doon ngayon?” tanong niya sa akin.
“May pupuntahan pa akong iba. Mamaya pa ako pupunta roon.” Napatingin ako sa aking relo. “Mauna na ako, Flora.” Hindi ko naman kailangan magpaliwanag sa kaniya. Wala akong obligasyon dahil wala naman kaming relasyon.
“Sige, sasabay sana ako. Pero kung sa iba ang punta mo, sige, mag-ingat ka.” Lalagpasan ko na sana siya nang bigla niya akong tawaging muli.
“Saan pala nakaburol si Kuya Marlon?” tanong niya.
Ibinigay ko naman ang lugar kung saan nakaburol. Iniwan ko na siya pagsagot ko. Mas binilisan ko pa ang lakad. Baka bigla pa siyang humabol.
Wala naman akong ibang pupuntahan kundi sa Supermarket. Kailangan kong mamili ng mga kape at biscuits. Dahil huling lamay mamaya, dadagsa ang mga tao. Pati ang mag-overnight stay ay marami. Kasama na ang mga dati naming kasamahan. Doon na sila mag-stay sa burolan hanggang sa maihatid bukas si Kuya Marlon sa kaniyang huling himpilan.
May usapan na kami ni Boss Mike. Ito ang sa akin at ang sa kaniya ay mga pagkain na mabibigat sa tiyan.
Pagbaba ko sa sasakyan, ang ingay ng bingo ang sumalubong sa akin. Nakakabawas ng kalungkutan kahit papaano ang ingay ng mga naglalaro.
Pagpasok ko sa silid na pinagbuburolan, nakita ko agad si Jessica. Nakaupo sa harap na upuan. Siya ang kumakausap sa mga bumibisita.
Dumiretso ako sa kusina para ibaba ang aking mga dala.
“Good afternoon po, Sir,” bati ng isang concern na kapitbahay nila. Tumutulong sila sa pag-aasikaso sa mga bisita. Mga kaibigan sila nina Kuya Marlon at Jessica.
“Good afternoon po. May dala po ako rito. Kumain na po ba kayo?” tanong ko sa kanila.
“Tapos na po, Sir. Saka dumating na rin po ang pagkain padala po ng kaibigan po ninyo.” Tinutukoy nila ang pagkain na sinagutan ni Boss Mike.
“Saka Sir, si Jessica po, ayaw pong kumain. Kanina pa po namin inaalok, sagot po niya sa amin, busog pa raw po siya kahit wala naman kaming nakikita na isinusubo. Baka mapaano po siya.” Nagsusumbong na ang mga kapitbahay niya.
“Ganoon po ba? Sige po, pakakainin ko po siya.”
“Salamat po, Sir. Ipagsasandok ko po siya ng lugaw. Bagay ito para mainitan ang kaniyang sikmura.”
Bitbit ko ang lugaw at tubig para makakain si Jessica.
Tama ang sabi ng mga kapitbahay niya, ayaw niyang kumain. Pero hindi ako papayag na hindi siya kumain kaya sinabihan ko na siya na susubuan ko siya. Iyon lang pala ang magic word.
Pagkatapos kong sabihin sa kaniya ang magandang balita na pinayagang mag-extend pa ng isang linggo sa bahay nila, medyo nag-iba ang awra niya. At para bigyan siya ng pagkakataon na kumain, nagpaalam muna ako sa kaniya na pupuntahan ko si Kuya Marlon.
Tumayo ako at lumapit sa kabaong.
KInausap ko si Kuya Marlon sa aking isipan. Hindi na para sambitin ko at marinig nila. Okay na iyon dahil alam kong maririnig niya ako.
Pagbalik ko sa upuan. Tapos na siyang kumain. Alam kong nanghihina pa siya kaya ako na ang magliligpit ng kaniyang kinainan.
Nagkadikit ang aming mga kamay. Mabilis niyang hinawakan ang paper cup na walang laman kaya siya ang nahawakan ko. Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko. Bumilis ang t***k ng puso ko at kahit sabihin ni Jessica na siya na at hawak na niya, hindi ko mabitawan ang kamay niya. Nakatingin lang ako sa mukha niya.
Hanggang sa may babaeng nagsalita mula sa aking likuran – si Flora.
Mabilis na hinila ni Jessica ang kamay niya.
Nagpaalam si Jessica at naiwan kaming dalawa ni Flora. Umupo siya sa tabi ko.
“Nag-message ako sa ‘yo, hindi ka sumasagot. Akala ko wala ka pa.” Sabi ni Flora.
Hindi ako lumilingon sa kaniya at hinahayaan ko lang siyang magsalita.
“Iniiwasan mo ba ako, Luiz?” mahina ang kaniyang pagkakasabi pero may diin.
“Bakit naman kita iiwasan? Magkaiba naman ang time natin.” Sagot ko sa kaniya at hindi ko pa rin siya tinitingnan.
Naramdaman ko ang kamay niya sa may hita ko.
“Flora, nandito tayo sa burol ni Kuya Marlon. Paki-alis ang kamay mo o gusto mong ako ang mag-alis?”
“Luiz,” sambit niya at inalis niya ang kamay niya.
“Flora, sa ibang araw tayo mag-usap. Hindi ngayon.” Pagkasabi ko sa kaniya ay tumayo ako.
May mga tao naman at babalik din naman agad si Jessica dahil may mga bisitang dumarating.
Sa labas na lang ako habang hinihintay ko ang mga kaibigan namin.