GUMARAHE ang jeep sa harap ng gate ng Flora Ysay. Walang imik na bumaba si Ysay ng sasakyan at naglakad hanggang sa gitna ng mga tanim na bulaklak. Nakasunod dito si Miguel na tumatango sa iilang mga tauhan na nakakasalubong niya at bumabati sa kanila. Hindi na napansin ng dalaga ang pagtataka sa mukha ng mga ito at dire-diretso lang sa gitna ng farm. Nang nasa gitna na sila ng mga halaman at bulaklak at masigurong wala ng tao malapit sa paligid ay huminto siya at hinarap ang binata. Pagharap niya ay hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa ni Miguel. Sinalubong ng labi nito ang labi niya kasabay ng pagkabig nito sa kanya palapit sa kaatwan nito. Nanlaki ang kanyang mga mata. Sa pagkabigla ay hindi niya nagawang kumilos at nahayaan ang sariling yakapin nito at hapitin pa siya palapit.

