Simula noong inihatid ako ni Olivia pauwi, parang may nagbago. Parang ang bilis ng mga araw, lalo na kapag kasama ko siya. Hindi ko na namamalayang dumarating ang uwian kasi palagi kaming magkasama. Sabay kaming papasok ng school, sabay magla-lunch, sabay din umuuwi.
May mga araw na kahit wala akong masyadong energy, pag dumating si Olivia sa room namin, parang napupuno bigla ‘yung kalmado ko. Minsan pag binabati niya ako ng “Good morning, Louise,” napapangiti na lang ako nang hindi ko namamalayan. Kung dati, hinahanap ko kung paano ko iiwasan si Terence, ngayon, mas nahuhuli ko na lang ang sarili kong hinahanap-hanap kung saan si Olivia.
---
Isang lunes ng umaga, sabay kaming naglalakad papasok ng building. Nasa kaliwa ko si Olivia, naka-jacket siya, hawak ang dalawang kape.
“For you,” sabay abot niya sa’kin ng isa.
Napangiti ako. “Nagkape ka pa talaga?”
“Obvious ba? Para sa’yo yan,” sagot niya.
Nagulat ako. “Bakit?”
Nagkibit-balikat lang siya. “Para sa energy mo. Para hindi ka mainis kay Terence mamaya,” sabay irap.
Natawa ako. “Alam mo na talaga kung paano ko simulan ang araw.”
“Syempre. Louise whisperer ako,” sabi niya na may konting tawa.
Tinanggap ko ‘yung kape at tinikman. Mainit, matamis, parang ‘yung presensya niya—nakakapawi ng pagod.
Pero habang naglalakad kami papuntang classroom, hindi ko maiwasang mapaisip. Lagi na lang siyang ganito. Maalaga. Mapagkalinga. Napapansin ko na… pero bakit parang may iba akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag?
---
Pagdating sa room, as usual, andun na si Terence. Hindi na bago sa akin ang pang-aasar niya, pero ngayong hindi na ako mag-isa, parang mas tahimik na siya minsan. Pero syempre, may pagkakataong hindi niya matiis.
“Uy, Louise! Wow ah, may suki sa Starbucks,” bungad niya habang dumaan kami.
Hindi ako sumagot. Umupo lang ako sa usual naming spot ni Olivia sa dulo ng row.
“Grabe no, pati kape niya sponsored na!” dinig kong sabi niya sa katabi niya.
Naramdaman kong hinawakan ni Olivia ang kamay ko sa ilalim ng desk. “Ignore,” sabi niya nang mahinahon.
Napatingin ako sa kanya at nang magtama ang mga mata namin, para bang natunaw ‘yung inis ko. Napalitan ng kakaibang kabog ng dibdib, ‘yung hindi dahil sa takot, kundi parang… saya? O kilig?
---
Habang lumipas ang araw, mas napapansin ko ‘yung maliliit na bagay na dati hindi ko pinapansin. Tuwing tatawa si Olivia, medyo tumitirik ‘yung mata niya pero sobrang cute niyang tingnan. Kapag nagtatype siya sa phone niya, laging may pagkagat sa labi niya na parang nagfo-focus siya nang sobra. Kapag may mga jokes sa klase, ‘di siya agad natatawa pero kapag natawa na siya, buong classroom talaga ang naririnig.
Mas lumalalim na yata ang pagkakaibigan namin… o baka hindi lang pagkakaibigan ‘to?
---
Lunch break, sabay kami sa canteen. Hindi ko na kailangan magtanong kung saan kami uupo. Parang automatic na, alam na agad ni Olivia kung saan ako pupunta. Habang nakapila kami sa pagkain, narinig ko ulit ang pamilyar na boses ni Terence.
“Uy, Louise, hindi ka pa rin nagsasawa sa kakasabit sa mayaman?” sigaw niya habang papalapit kami sa cashier.
Nag-init ‘yung tenga ko pero pilit kong pinakalma sarili ko. Hindi na ako magpapatinag.
“Pikon talaga,” bulong niya pa.
Pero bago pa ako makaharap sa kanya, naramdaman ko na ‘yung braso ni Olivia sa balikat ko. “Let’s go,” sabi niya, parang walang narinig.
Nang makaupo kami, napatingin ako sa kanya. “Hindi ka talaga nagpapadala, noh?”
Ngumiti siya habang nilalapag ‘yung tray niya. “Hindi siya worth it, Louise. Hindi ka dapat maapektuhan ng taong walang sense.”
Tumawa ako. “Ikaw talaga, simpleng salita pero parang nababago ‘yung mood ko.”
“Alam mo bakit?” tanong niya.
“Bakit?”
“‘Cause I care,” sagot niya, diretso lang pero punong-puno ng bigat.
Natahimik ako. Bumilis ang t***k ng puso ko nang wala sa oras.
---
Pag-uwi namin, sakay ulit kami ng sasakyan ni Olivia. Habang nakatanaw ako sa bintana, nagsasalita siya tungkol sa isang mini project sa org nila. Pero wala ako sa kwento niya. Andun ako sa mga sulyap niya, sa mga ngiti niya, sa kung paano niya ako tinitignan kapag akala niyang hindi ako nakatingin.
“Louise, nakikinig ka ba?” tawag niya.
Napalingon ako. “Huh? Sorry, napatingin lang ako sa labas.”
Ngumiti siya, yung tipid na ngiti na parang nakakahuli ng sikreto. “Sige na nga, kunwari maniniwala ako.”
---
Kinabukasan, habang nag-aayos kami ng gamit pagkatapos ng PE class, hindi na naman napigilan ni Terence ang pang-aasar niya.
“Ang fragile mo, Louise. Parang hindi marunong maglaro kung wala si Olivia sa paligid,” sigaw niya habang nilalagay ko ‘yung gamit ko sa bag.
Bago pa ako makasagot, sumabat na si Olivia. “At least ako, hindi ko sinasayang oras sa pambu-bully ng tao para lang mapansin.”
Tumahimik si Terence. Nakatingin lang siya, parang nagpipigil ng inis.
“Pabayaan mo na ‘yan,” sabi ni Olivia habang hinahawakang muli ang braso ko.
Pagkasabay naming lumabas ng gym, nakaramdam ako ng kakaiba. Hindi lang ‘to basta pagkakaibigan. Ramdam ko na… iba na ‘to.
---
Nang sumunod na mga araw, napansin ko na hindi lang pala ako ‘yung tumitingin sa kanya. May mga pagkakataon na mahuhuli ko siyang nakatingin din sa akin, tapos bigla siyang iiling at magpapanggap na wala lang.
Isang araw sa library, habang nagre-review kami, nahuli ko siyang nakatitig.
“Uy, bakit mo ako tinitignan?” tanong ko.
“Hindi naman ako tumitingin,” mabilis niyang sagot pero ngumiti na parang nahuli sa akto.
“Tinitignan mo ako, umamin ka,” biro ko.
Tumawa siya. “Okay fine, tinitignan kita. Kasi… minsan ang cute mo kapag concentrated ka.”
Napanganga ako sa sinabi niya. “Ikaw na talaga, ang bilis mong magpa-kilig.”
Ngumiti siya, ‘yung ngiti na parang sinasabi, “Wala lang ‘yan.” Pero sa akin, ‘yon na ang highlight ng buong araw.
---
Hanggang sa isang gabi, bago matulog, napahawak ako sa phone ko, tumititig lang sa chat box namin.
Ang dami naming pinag-usapan sa buong araw pero nami-miss ko pa rin siya. Hindi ba sobrang weird ‘yon?
Nag-type ako.
Louise: “Lagi mo akong pinapasaya. Salamat.”
Hindi pa lumilipas ang isang minuto, nag-reply na siya.
Olivia: “Same. Hindi ko na din ma-imagine araw ko na hindi ka kasama.”
Napangiti ako nang sobra. Hinawakan ko ang dibdib ko kasi parang iba ‘yung t***k. Sobrang bilis. Sobrang saya.
At sa isip-isip ko… baka nga hindi lang ito simpleng friendship.
Baka… baka may mas malalim pa.