Raindrops in Summer
MAALIWALAS ang panahon nang dumating kami sa bahay ni Lola Remi. Bitbit ang sketchpad at lapis nilibot ko ang maganda, presko at madamong kapaligiran. Hindi ko pinalampas ang pagkakataong ito na iguhit ang munting lawa na napapaligiran ng mga puno’t halaman. Tanaw na tanaw ang kabundukan dito sa kinauupuan ko, ang sikat ng araw na tumatama sa tubig na siyang nagpapakinang dito.
Inumpisahan ko itong iguhit sinunod ko naman ang berdeng kapaligiran saka ang maninipis na ulap sa kalangitan. Mainit ang hanging dumadampi sa aking balat, nararamdaman ko ring pinagpapawisan ang ibang parte ng katawan ko dahil sa init. Tumayo ako mula sa pagkakaupo saka isinara ang sketchpad, bukas ko na lang itutuloy itong dino-drawing ko kailangan ko nang umuwi baka hinahanap na ako sa bahay.
Bago tuluyang umalis lumapit ako sa lawa’t tinanaw ang sarili kong repleksyon sa tubig. Mahaba’t itim ang buhok ko, payat ang pangangatawan, hapon ang papa ko’t pinay naman si mama. Labing anim na taong gulang at kasalukuyan kong nilalasap ang summer vacation.
Handa na akong lisanin ang lugar na ito nang biglang lumakas ang pag-ihip ng hangin, natuon ang tingin ko sa kabilang dereksyon kung saan may maiksing tulay na yari sa kahoy. Tila nagbago ang paligid nang masilayan ko ang isang dalagang nakatayo roon. Nahulog ang mga dahon mula sa mga sanga ng puno sa wari ko’y umuulan ng mga talulot ng rosas sa paligid.
Kusang kumilos ang mga paa ko’t dahan-dahang nilapitan ang magandang binibining nakabighani sa aking paningin. May mahaba’t kulay brown siyang buhok na umaalon sa pag-ihip ng hangin, suot niya’y bestidang kulay dilaw, maputla ang kutis niya’t wala siyang suot sa paa?
“Excuse me, miss?” mahina kong sabi sa kanya’t marahan niya akong nilingon. Nangungusap ang mga mata niya’t nakaramdam ako bigla ng lungkot sa kaibuturan ng aking puso.
Bigla siyang kumilos at tumakbo sa gilid ko, agad ko naman siyang pinigilan. “Sandali!” Nahinto siya’t muli niya akong nilingon.
“Umalis ka na, aabutan ka pa ng ulan!” sambit niya.
“Ulan? Teka, tag-init ngayon hindi tag-ulan,” pilosopo kong sagot.
Ilang sandali pa nang makaramdam ako na may basang tubig na pumapatak sa katawan ko. Natingala ako sa langit saka ko napansin na totoo ngang umuulan?
“Similong ka muna!” tawag ng babae na nakasilong sa maliit at lumang kubo ‘di kalayuan.
Agad akong tumakbo sa kinaroroonan niya’t nakisilong din sa kubo. Lumakas pa lalo ang ulan, amoy na amoy ang singaw ng lupa, damo at mga bulaklak sa paligid.
“Ang sabi nila, kapag umuulan daw kahit maaraw may ikinakasal na tikbalang o lamang-lupa.”
Bahagya akong natawa sa sinabi ng magandang dalaga. “Naniniwala ka sa mga ganyang kasabihan?” Pagkatingin ko sa mukha niya’y bigla akong natahimik.
Nanatili kaming tahimik, ang tanging maririnig lamang ay ang malakas na ulan. Mayamaya’y tumila rin ito’t nag-iwan ng basang bakas sa lupa. Lumabas siya ng kubo’t sumunod din ako mula sa likod naamoy ko ang napakabangong halimuyak.
Hindi ko napigilan ang sarili kong magtanong. “Miss, a-anong pangalan mo?” mabilis kong tanong. Hindi siya sumagot, nayuko lang siya’t biglang tumakbo. Sa pagkakataong ito hindi ko na siya hinabol pa. Isang misteryosang babae ang bumihag sa puso ko, may kakaibang kaba akong naramdaman, tila ang puso ko’y ayaw paawat sa pag-iingay.
MAKALIPAS ang isang araw natapos kong iguhit sa sketchpad ko ang magandang dalaga sa Lake Danao, isang sikat na lawa rito sa Leyte. Idinagdag ko sa iginuguhit kong kalikasan ang dalaga kung saan siya nakatayo no’ng una ko siyang makita.
Bumalik ako sa lawa’t umaasa na sana makita ko siya ulit. Naupo ako sa damuhan saka binuklat ang dala kong sketchpad. Itinapat ko ang ginuhit kong larawan ng babae sa mismong lugar kung saan ko siya nakita. Hay! Ang ganda talaga niya.
Ilang sandali pa’y bigla akong dinalaw ng antok, naitakip ko ang bukas na sketch pad sa mukha ko’t ipinikit ang mga mata hanggang sa tuluyan akong nakatulog.
“Ang ganda ng langit, payapa’t maaliwalas.”
Bigla akong nagising nang marinig ko ang pamilyar na tinig sa tabi ko. No’ng una’y hindi ako makapagsalita sa sobrang gulat. Ninamnam ko ang bawat sigundong nakatingin siya sa mga mata ko’t katabi ko siya sa damuhan.
“A-ano’ng ginagawa mo rito? M-mag-isa ka lang ba?” nauutal kong tanong.
Sa unang pagkakataon nakita ko ang matamis niyang ngiti na lalong nagpakabog sa aking dibdib. Pero, nakapagtataka’t wala pa rin siyang suot na tsenelas sa kanyang mga paa.
“Madalas akong magpunta rito,” sagot niya habang nakatitig sa langit at masayang kinikilos ang mga paa.
“Siya nga pala ako si Light, maaari ko na bang malaman ang pangalan mo?” pakilala ko.
Nagbakasakali akong ibibigay na niya ang pangalan niya tutal nagpakilala na ako sa kanya. Tumingin muna siya sa akin bago sumagot nang nakangiti.
“Rain, ako si Rain,” mahina niyang sagot.
Hindi ko sinayang ang buong araw para makilala pa si Rain, ipinakita ko rin sa kanya ang ginuhit kong larawan masaya ako’t nagustuhan niya. Ang dami kong naikuwento mula sa bansang Japan kung saan ako nakatira hanggang sa pagbabakasyon namin dito sa Pilipinas.
Tumayo si Rain mula sa pagkakaupo, huminga nang malalim saka iniabot ang kamay niya sa harap ko. Aabutin ko sana ito nang bigla siyang tumakbo’t niyaya niya akong makipaghabulan sa kanya. Tinanggal ko ang suot kong sapatos at inilapag ang sketchpad sa damuhan. Parang isang panaginip na kami’y naghahabulan sa ilalim ng sikat ng araw.
Nang mapagod kami’y dumeretso kami sa loob ng lumang kubo at doon nagpalipas nang ilang sandali. Habang nagpapahinga kami tinanong ko siya ng mga ilang bagay tungkol sa sarili at buhay niya.
“Nasaan ang mga magulang mo?” Nasandal ako sa dingding na yari sa kawayan habang si Rain ay nakadungaw naman sa bintana.
“Magulang? Wala na akong mga magulang…” Sandali siyang natahimik saka tumingin nang tuwid sa mga mata ko. “May ilang taon na akong pabalik-balik sa lugar na ‘to, hindi ako mapapanatag hangga’t hindi niya natatanggap sa puso niya ang nakaraan,”
“Nakaraan?”
Hindi pa man ako tapos sa mga katanungan ko nang bigla siyang lumabas saka tumingala sa langit. Sinundan ko siya sa labas saka tinawag para muling pumasok sa loob ng kubo, isang ngiti lamang ang isinukli niya sa akin bago siya nagsalita.
“Uulan na ngayon!” sambit niya sabay ikot na parang sumasayaw at ang hanging dumaraan ang kanyang musikang sinasabayan.
May naramdman akong pumatak sa braso ko, ulan? Nang matingala ako sa langit ay siya namang bumuhos ang malakas na ulan sa tag-araw. Malalaki ang patak nito na siyang bumabasa sa lupa’t mga halaman sa paligid. Amoy na amoy na naman ang singaw ng lupa, naaamoy ko na naman ang damo’t humahalimuyak ang mga bulaklak. Bigla akong natulala sa lawa na pinapaulanan ng langit.
Naroon si Rain, nakatayo sa gilid ng lawa tinatanaw ang kumikinang na tubig kahit umuulan mataas pa rin ang sikat ng araw. Mainit at maalinsangan ang ganitong pakiramdam. Dahan-dahan akong lumapit habang nakatitig lang sa tubig nang makarating ako sa tabi ni Rain, nanlaki ang mga mata ko sa gulat.
“R-Rain?” gulat kong sigaw sa pangalan niya na sinuklian niyang muli nang isang matamis na ngiti.
Nang malingat ako’t mapatingin muli sa tubig bigla siyang naglaho sa paningin ko? Mabilis ang naging reaksyon ko’t lumingon-lingon ako sa paligid. Nagbago ang pakiramdam ko’t nabalutan ang buong pagkatao ko ng takot. Nagtaasan ang balahibo ko sa katawan habang basang-basa ako sa patuloy na pag-ulan. Napaatras ako nang hakbang palayo sa lawa pilit kong kinakalma ang sarili ko subalit, hindi mapalagay ang utak ko sa maraming katanungan.
Natapos ang pagbuhos ng ulan mabilis akong tumakbo palayo sa lugar na punong-puno ng misteryo. Palingon-lingon ako sa aking likuran, pakiramdam ko’y may mga matang nakasunod sa aking pagtakbo. Hanggang sa makababa ako’t makarating sa kalsada’t patuloy akong tumakbo patungo sa bayan.
NAIWAN ko sa Lake Danao ang sketchpad ko, kaya bumalik ako roon at hinanap ito kaagad. Mabuti na lang at nasa loob ito ng kubo kung hindi nabasa na ito ng ulan. Hindi ako roon nagtagal kaagad din akong umuwi nang bahay dahil sa misteryosong pangyayaring naranasan ko.
Habang nasa labas ng bahay at nakaupo sa mahabang upuan na yari sa kawayan tiningnan ko isa-isa ang mga iginuhit kong larawan. Mayamaya’y dumating si Lola Remilita, sinamahan niya ako sa aking pagmumunimuni sa ilalim ng puno ng mangga.
“Ang ganda naman niyan Light,” nakangiting wika ni lola. Sa aking paglipat sa kabilang pahina nagulat ako sa naging reaksyon ni lola.
“Teka, ang babaeng ‘yan!” Ibinigay ko sa kanya ang sketchpad ko. “Lola, kilala n’yo po si Rain?” usisa ko.
“Oo apo!” Sabay tingala ni lola sa langit. “Si Rain, ang matalik kong kaibigang si Rain…”
Pinasunod ako ni lola sa loob ng bahay at sa loob ng kuwarto niya inilabas ni lola ang lumang photo album. Dito ko nakilala nang husto kung sino si Rain.
“Remi, pakiusap ikaw lang ang tanging maaasahan namin ni France,” kinakabahang litanya ni Rain. Kausap niya si Lola Remi, siya na lamang ang tanging kakampi ni Rain at France noon.
“Rain, pangako dadalhin ko si France sa tagpuan niyong dalawa, isasama ko siya sa tanghali pagkatapos nilang mangabayo ng papa niya,” sagot ni lola.
Buo na ang pasya ng magkasintahang Rain at France na talikuran ang kanilang pamilya dahil hindi ito boto sa pagmamahalan nilang dalawa. Tutol ang mayamang pamilya ni France dahil hamak na anak ng magsasaka lamang si Rain. Pero, hindi ito naging hadlang sa nararamdaman nila para sa isa’t isa. At ginawa nga ni lola ang ipinangako niya sa matalik na kaibigan. Ngunit, isang trahedya ang naganap bago pa man tuluyang makarating sina lola at France sa pinangakong lugar. Huli na nang dumating sila, isang malamig na bangkay na lamang si Rain sa tabi ng lawa.
May tama ng bala sa puso’t walang tsenelas sa paa nang matagpuan nila si Rain. Binaril siya ng isa sa mga tauhan ng ama ni France, dahil dito tuluyan na niyang tinalikuran ang ama. Tag-araw noon at mainit ang tanghaling tapat nang bumuhos ang malakas na ulan. Madalas sabihin ni lola noon kay Rain, kapag ganitong umuulan may ikinakasal na tikbalang o lamang-lupa. Ngayon ang pagkamatay ni Rain ang kanila nang naaalala.
KASAMA ko si Lola Remilita sa lawa, bumalik sa gunita ni lola ang lahat noong kapanahunan nila. Lumapit si lola sa tabi ng lawa saka pinagmasdan ang sariling repleksyon sa tubig.
“Wala akong nagawa…” natigil si lola nang mapatakip sa humihikbing bibig. “Patawad Rain, nahuli kami ni France.” Napaluhod si lola sa damuhan habang umiiyak nang husto.
Biglang umihip ang mainit na hangin, ramdam ko ito sa aking balat. Sa ‘di maipaliwanag na pangyayari lumitaw si Rain sa likod ni lola. Tumingin siya sa akin saka sumenyas na huwag akong maingay. Niyakap ni Rain si lola mula sa likuran, kitang-kita ko ang masayang ngiti sa mga labi ni Rain.
Hindi alam ni lola na tinabihan na siya ng matalik niyang kaibigan. Batid kong hindi matahimik ang kaluluwa ni Rain dahil nagu-guilty si lola. Kahit matagal nang nangyari iyon nakatanim pa rin sa puso ni lola ang bawat pangyayari na hindi niya magawang kalimutan hanggang ngayon.
Lumapit sa akin si Rain, may ibinulong siya’t naramdaman kong bumilis bigla ang t***k ng puso ko, nangiti lang siya’t bahagyang natawa.
“Paki sabi na lang kay Remi,” aniya. Tinapik niya ang balikat ko saka napatingala sa langit. “Masaya ako’t nakilala ko ang apo ng matalik kong kaibigan at ng minamahal kong si France, Light!”
Dahan-dahang umangat ang kaluluwa ni Rain sa langit, unti-unti siyang naglaho at naging butil ng liwanag na kumalat paakyat sa kalawakan. Mayamaya pa’y biglang umulan nang malakas, mabuti na lang at may nakahanda akong payong. Pinayungan ko si lola saka niyaya na siyang umuwi.
Habang naglalakad kami ni lola ibinulong ko sa kanya ang sinabi ni Rain. “Mahal na mahal ka raw niya, Lola Remi. Hangad niya ang kaligayahan ninyong dalawa ni Lolo France, masaya siya at nagkatuluyan kayong dalawa. Kahit kailan hindi niya kayo sinisi at matatahimik na ang kaluluwa niya ngayon.” Napayakap sa akin nang mahigpit si Lola Remi.
Sa tuwing sasapit ang summer at biglang uulan, maaalala ko ang matamis na ngiti ni Rain.