1
“TSK! TSK!” napapalatak na wika ni Eve nang lapitan siya nito.
Napangiti na agad si Nicole. Sa bukas pa lang ng mukha ng kaibigan niya at business associate, alam na niya ang ibig sabihin nito.
“Don’t state the obvious,” nakatirik ang mga matang sabi niya. “Hindi mo na kailangan pang magsalita.”
“Aba! Sayang naman ang mga adjectives na nabuo sa isip ko kung hindi ko sasabihin,” nanunudyo namang tugon ni Eve. “Ang ganda-ganda mo ngayon, Nicole. Kapag naman hindi ka pa nakabingwit ng mapapangasawa sa itsura mo na iyan, ewan ko na lang.”
“Excuse me. Just to be clear, narito ako for business purposes. I’m not looking for husband number two.”
“Pero kung makakakita ka dito ng potential husband material, why not? Nicole, ilang beses na bang napatunayan ng mga wedding girls na sa mga kasalan nila nakikilala ang kanilang mga napapangasawa? Fifty-fifty sa statistics. Twelve tayo sa team. Anim na kaming lumagay sa tahimik, I mean sa mas challenging na stage ng buhay.”
“I’ve been there kaya huwag mo na akong isali. Wala na akong balak na mag-asawa uli. Masaya na ako sa pagpapatakbo ng negosyo ko. Balak ko nga na i-expand ang Honeymoon Travel. At iyon din ang purpose ko ngayon kaya ako naririto sa kasalang ito ngayon.”
Tinitigan siya ni Eve. “Look at me, Nicky,” she said fondly. “Hindi pa ba convincing na ako mismo ang living example that love is lovelier the second time around? I was widowed like you. Noong dumating si Ryan sa buhay ko, hindi ko rin inisip na puwede pa akong sumaya uli. I was in for a revenge not for love. Pero iba pala kapag totoong pag-ibig ang kakatok sa iyo. Wala kang magagawa para labanan iyon.”
Tumawa siya nang mapakla. “Nagiging makata ka, Eve. I’m happy for you. Pero magkaiba naman tayo. May mga babaeng kagaya mo. Na puwedeng pagsabayin ang pagpapamilya at negosyo. Pero mayroon ding mga babae na kagaya ko. Career woman. Dito na umiikot ang buhay ko kahit noong buhay pa ang asawa ko. At nang mawala siya, dito lang din umikot ang buhay ko. Kuntento na ako sa ganito.”
“Hindi mo ba iniisip na bata ka pa? Ayaw mo bang mag-asawa para magkaanak man lang?”
Pinigil niyang mapabuntong-hininga. “As I have said, kuntento na ako sa buhay ko. Hindi rin siguro ako bagay na maging isang ina. I’m very good at business. Sa ibang bagay, hindi. Kaya dito na lang ako sa kung saan ako magaling.”
“Iba ang satisfaction na may paglalaanan ka ng mga pagsisikap mo. Iba iyong pakiramdam na kapag umuuwi ka ng bahay at pagod ka, may asawang maglalambing sa iyo. At siyempre, iba rin ang pakiramdam na may mga tsikiting na maglalambitin sa iyo.”
Nginitian niya si Eve. “Obviously, masayang-masaya ka sa buhay mo, Eve. And I’m happy for you. Ako din naman, masaya sa buhay ko. Wala na akong hihilingin pa. Don’t worry about me, friend. I’m okay. This is the life that I want.”
Minsan pa ay tinitigan siya ni Eve, nasa mga mata ang pag-aarok sa mga salitang binitiwan niya. At pagkuwa ay isang mabilis na paghinga ang pinakawalan nito. “O, paano? Back to work muna tayo pareho. Big-time ang client natin ngayon. Nabanggit na sa akin ng bride na dalawa pa sa barkada niya ang may balak magpakasal within this year. At dahil impressed sila sa trabaho ng Romantic Events, malamang na sa atin uli mapunta ang kontrata. At siyempre, sa iyo uli ang honeymoon plans niyon. Alam mo naman ako, as much as maiko-close ko lahat sa package ginagawa ko para everybody happy.”
“Honeymoon travel plans kung saan ako expert,” aniya sa mas magaang tinig.
“I have to check things. Maiwan na muna kita dito.”
“Sure. Marami din naman akong kakilala sa mga bisita. I will circulate.”
“At siyempre, personal ka ring imbitado ng groom.”
“Yeah, right,” simpleng sabi niya.
Sabay na silang kumilos ni Eve. Ang pinakamalaking function room ng Pacific Plaza Hotel ang okupado ng kasalang ginaganap. Sa garden ang ceremony na malapit lang din sa function room. Malapit nang matapos ang sermon ng nagkakasal kaya kailangan na uling maging alerto ni Eve sa pagsu-supervise sa staff nito.
Siya naman kung tutuusin ay hindi na dapat na naroroon. Bagaman kasali siya bilang wedding girls ng Romantic Events, hindi niya kailangang daluhan ang bawat kasalang nakontrata nila.
Honeymoon trips ang specialty niya. Siya ang nag-aayos ng mga honeymoon packages na nais ng mga bagong kasal. At karaniwan, bago pa man ang mismong kasal ay areglado na iyon.
Pero sa pagkakataong iyon ay naroroon si Nicole para pagbigyan ang imbitasyon ng groom. Kapatid iyon ng dating kasosyo sa negosyo ng nasira niyang asawa at naging kaibigan na rin niya.
But deep inside her, mayroon pa siyang isang agenda. Palibhasa ay kilala sa larangan ng negosyo ang parehong pamilya ng ikakasal, pawang mga VIP din sa negosyo ang imbitado roon. Kasali na ang mismong may-ari ng hotel na tumayong isa sa mga principal sponsors.
Nagtungo siya sa powder room. Tiniyak na hindi lang maayos ang kanyang anyo kung hindi talagang magandang-maganda. Sa karanasan niya sa negosyo, hindi sapat ang talino. Kailangan ay mayroon ding karisma—at kaunting landi.
She reapplied her lipstick. More than her eyes, mas ginagamit niyang asset ang mga labi kaya iyon ang naka-highlight sa makeup niya. Inamoy din niya ang kanyang sarili. Tiniyak na ang kanyang amoy ay yaong nakakahalina sa halip na magbabahing ang kaharap niya kapag nakipag-usap siya.
Hinagod niya ang mid-calf silk dress. She was showing a titillating view of her cleavage na nagbibigay ng sexiness sa diretsong tabas ng kanyang damit. And she knew she was perfectly dressed, patunay na ang paghangang nabasa niya sa mga mata ni Eve kanina.
Nginitian niya ang sariling repleksyon sa salamin. Alam niya, ang ganoon niyang ngiti ang madalas na magdala ng panalo sa kanya sa mga business transaction niya. Taglay ang tiwala sa sarili na lumabas siya ng powder room.
Pagkatapos niyang bumati sa mga bagong kasal, alam na niya ang susunod niyang gagawin. Ang makuha ang pansin ng may-ari ng hotel. Si Artemis Monterubio.