16

1088 Words
“THIS IS a success!” tuwang-tuwa na wika ni Tricia. “Alam mo ba, Nicole, wala talagang kaalam-alam si Kuya sa plano naming ito. Si Manang Lita, iyong katiwala niya ang nagsabi sa amin na uuwi daw si Kuya ngayong birthday niya. Kaya iyon! Nag-akyatan dito ang lahat. Ako lang kasi ang naka-base dito. Silang lahat, puro sa Manila nakatira.” “Nabanggit nga ni Art,” sagot niya.  “Bagay kayo,” sabi naman sa kanya ni Cita. “I assume, you know kung gaano karami ang babae niyang si Art. They are all beautiful and sophisticated pero wala akong nakitang babaeng mas bagay sa kanya kaysa sa iyo. You look good together.” “Yeah, right. Lalong-lalo na kaninang…” “Tricia!” saway ni Beattie na nakisali sa grupo nila. “Hay, naku, Nicole! Pagpasensyahan mo na iyang si Tricia. Parang bata pa rin iyan, eh. Walang preno ang dila. Napaka-tactless” “O-okay lang,” tugon naman niya. “Medyo awkward lang kanina.” “Kalimutan na natin iyon. Ganoon talaga pag surprise. Yung nagsu-surprise, nasu-surprise din.” “Mabuti nga at naisip nating mag-asalto kay kuya. Ang cute kaya na surprise iyon. Anong malay natin baka kung na-inform natin beforehand si Kuya, itago niya sa atin si Nicole. De, hindi pa natin siya nakilala ngayon.” “We are really glad to meet you, Nicole,” sabi ni Cita. “At hindi naman siguro masyadong adelantada but I would like to welcome you in our family,” sincere na sabi ni Beattie. Napaawang ang labi niya. She was really touched lalo at nasulyapan din niya ang dalawang babae na nakangiti ng pag-sang-ayon sa sinabi nito. “Oh, thank you,” nasabi na lang niya maya-maya. “Mommy, umiiyak si Britney!” takbo ni Chin-chin kay Cita. “Excuse me,” ani Cita at mabilis na tinungo ang kuwarto. Mayamaya lang ay bumalik na rin ito, karga ang bata na wala pa yatang tatlong buwan. May nakasubo nang formula sa bibig kaya hindi na rin umiiyak. “Tumigil ka nang mag-breastfeed?” tanong dito ni Tricia. “Gustuhin ko man, wala nang lumalabas na gatas, eh,” tila may panghihinayang na sabi ni Cita. “Parang ako!” ani Beattie. “Pagdating kay Harry, sandali lang ako nagkagatas, tapos huminto na. Dusa pa nga kamo dahil noong una, ayaw ni Harry sa bote. Dinadaya ko pa nga, kunwari, dede ko pa rin ang isinusubo ko sa kanya kaso alam din pala iyon ng bata. Ikaw, Tricia? May gatas ka pa? Six months na si Apple, di ba?” “May bukal pa ako ng gatas,” nagmamalaking sagot ni Tricia. “Kung gusto mo, Cita, iwe-wet nurse ko iyang baby mo.” At tumayo na ito. “Oo nga, akina iyang baby. Tutal, tumatapon lang itong gatas. Si Apple naman, kadedede lang nu’n.” Palibhasa’y puro naman sila babae doon, nang makuha ni Tricia ang pamangkin ay doon na rin nito inilabas ang dibdib at inilapit sa bibig ng bata. Tahimik lang si Nicole at nagmamasid. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Bagaman hindi talagang anak ni Tricia ang sanggol na pinapadede nito ay nakikita naman niya sa mukha ng babae ang kasiyahan. It was still a picture of a mother and baby. Isang pangkaraniwan nang larawan pero hinding-hindi makikita sa kanya. At masaklap mang tanggapin, hinding-hindi rin niya mararanasan iyon. Pinigil niyang mapabuntong-hininga. Sinikap niyang manatiling kaswal ang ekspresyon. Alam niya, magtataka ang lahat kung bigla na lang ay makakapira-piraso ang mukha niya sa senaryong iyon na kung tutuusin ay karaniwan na. “Ay! Umiiyak ang anak ko!” ani Tricia nang makarinig ng pag-iyak ng isa pang bata. Inilayo nito ang dibdib sa batang dumedede dito pero bumunghalit ng iyak ang sanggol ni Cita. “Ako na ang kukuha sa anak mo,” wika naman ni Beattie na tumayo na. Lalo nang tila nagkaroon ng bikig ang lalamunan ni Nicole. Hindi lang isa kundi dalawang sanggol na ngayon ang nasa harapan niya. At ang tatlong babae ay iba ang aliwalas ng mukha. Iba rin ang ningning ng mga mata. Yaong klase ng ningning na kailanman ay hindi niya tataglayin sapagkat alam niyang ang pagiging ganap na ina ang nagdudulot ng ningning na iyon. “Apple, baby,” buong lambing na tawag ni Tricia sa anak na umiiyak din. Sa kilos nito ay nais nitong kalungin ang sariling anak pero hindi rin naman bumibitaw dito ng pagdede ang pamangkin nito. “Naku! Paano ba iyan?” nakatawa pero tila may kasama ring hiya na sabi ni Cita. “Iyong anak ko, ayaw na ring bumitiw sa iyo.” “Okay lang. Beattie, akina dito si Apple, tingnan ko kung kaya kong sabay iyang dalawa.” “Baka sipain ni Apple si Britney. Alam mo naman, kahit ang mga bata, marunong ding magselos,” ani Cita. “Try natin,” excited namang wika ni Tricia at inihantad na ang isa pang dibdib. There was an awkward movement pero naiayos din ni Beattie ang paglilipat kay Tricia ng mismong anak nito. “Aba! Bagay pala sa iyo ang may anak na kambal!” tuwang sabi pa nito ay tinitigan ang tatlo. “Oo nga. Kunwari, maliit lang iyong isa,” segunda naman ni Cita. “O, Nicole, what can you say?” baling sa kanya ni Beattie. “May lahi ba kayong kambal? Kami kasi, mayroon kaso lang wala namang nagkaanak sa amin ng kambal. Ewan ko lang si Kuya.” “Sana, kambal ang maging anak ninyo. Cute siguro!” ani Tricia. “B-baka mahirap mag-alaga lalo na kung dala-dalawa pa,” asiwang sagot niya. “Sus, problema ba iyon? Kumuha ng yaya. Kahit apat na yaya kayang-kaya ninyong bumayad,” tila excited na ring wika ni Cita. “At kaming tatlo, ninang kami dapat!” “May nagpiprisinta nang ninang dito?” sabad ng lalaking nakihalo sa kanila. Si Greg. At nagulat ito nang makita ang asawa. “Dalawa pala ang baby natin?” “Sayang naman ang gatas ko. Hindi naman kayang ubusin ni Apple,” ani Tricia. “Nagkakatuwaan kami dito, eh. Sabi namin kay Nicole, pag nanganak siya, lalo at kambal, ninang kaming tatlo.” “Aba, eh, ninong na din ako,” ngisi ni Greg at tumingin sa kanya. Hindi naman siya makasagot. Dahil hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang isagot doon samantalang alam naman niyang imposibleng mangyari iyon. Maging ang facial expression nga niya, hindi niya maintindihan kung ano na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD