Gaya nga ng pagkakaalam niya, hindi na nga siya nahatid-sundo ni Adrian. Nag-OJT na ito sa kanilang kompanya. Hindi na rin siya nagambala ni Allen dahil maging ito ay nag-OJT na sa sariling kompanya ng mga magulang nito. Ewan niya kung OJT pa ngang masasabi iyon dahil sariling negosyo ang pinuntahan ng iba.
Ibahin nga lamang kay Adrian dahil panay ang ginagawang panenermon ng ama dito sa tuwing darating ang mga ito galing trabaho.
Gaya na lamang ngayon, nakatitig siya sa nakasarang pinto ng office area ng kanyang ama para sana ayain na ang mga ito na maghapunan nang mahimigan niya ang malakas na boses ng ama at tila galit na galit.
"Maliit lang na bagay hindi mo pa magawa!" sigaw ng kanyang ama at himig dismayado.
Nakaramdam si Lalaine ng pangangatal ng katawan. Halis hindi siya nakakilos at tila inaatake siya ng bagay na pikit niyang iwinawaglit sa kanyang sistema. Naroon lamang siya at nakatitig sa pinto nang may kung anong kalabog siyang narinig mula sa loob kasabay ng malakas rin ngunit mahinahon pa ring salita ni Adrian.
"Hindi po kasi puwede ang gusto..."
"Businessman ka, profit ang unahin mo at hindi ang mga tauhan na walang ginawa kundi mag-demand ng kung ano-ano," Muling sigaw ng kanyang ama para pitulin ang anuman pang sasabihin ni Adrian. Mas mababanaagan na ng galit ngayon ang boses nito.
Napakagat labi siya habang nakaamba ang mga kamay para sa pagkatok. Nang mapapitlag siya dahil may kumalabog sa pinto at nabasag. Wala nang sabi-sabi niyang pinihit pabukas ang pinto at pumasok doon.
"Dad!" tawag niya sa ama. Naituon niya ang mga mata sa sahig at sa nagkalat na basag na vase.
Gulat na gulat naman ang kanyang ama sa kanyang presensiya.
"Hija..."
Lumunok siya nang balingan niyang muli ng tingin ang ama. Nakatalikod naman sa kanya si Adrian na madilim ang aura.
Dahan-dahang naglakad si Lalaine papalapit pa sa kinaroroonan ng mga lalaking mahalaga sa kanya. Tumapat siya sa gilid ng mesa. Mesang naging pagitan ng dalawang lalaki.
Nahigit niya ang hininga nang mapagmasdang mabuti ang mukha ni Adrian. May dugo ito sa gilid ng labi na tila ba may sumuntok. Lalong nanginig ang kumuyom niyang kamao.
Tila lalong nadagdagan ang vigat na dinadala niya sa sarili habang madilim ang matigas na aura ng mukha nito. Kitang kita pa niya ang paggalaw ng panga nito na tila nagpipigil sumabog.
Bumaling siya sa kanyang ama na agad namang lumapit sa kanya at hinawakan siya sa balikat. "Hija, go out. May pinag-uusapan kami," malumanay na utos ng kanyang ama at pinagtutulakan siya paalis, ngunit hindi siya nagpatinag rito. Kung aalis siya malamang hindi lamang suntok ang magagawa nito kay Adrian. Gaya ng mga nakaraan...
"Dad, please stop this," pakiusap niya sa ama.
Bagay na ikinatiim bagang ni Adrian. Unang-una, ayaw na ayaw niyang ipinagtatanggol siya ni Lalaine. Lalo lamang siyang nanliliit sa sarili. Lalo lamang nitong sinasabing isa lamang siyang sunud-sunuran sa lahat ng kagustuhan ng mga ito. Lalo lamang pinapamukha ni Lalaine na para bang, wala siyang kuwentang tao.
Marahas na bumuga ng hangin ang matandang Dy. Pinaglipat- lipat ang mga mata sa kanilang dalawa ni Adrian.
"Paano ko maipagkakatiwala ang negosyo at ikaw na anak ko kung iresponsable naman ang lalaking pinili ko! Ginagawa ko ito para na rin sa inyong dalawa. Sooner ay magiging isa tayong buong pamilya..."
Biglang napatawa si Adrian. Tawang nakakaloko. Paulit-ulit na bukambibig iyon ng matandang Dy. Naririndi na siya sa mga iyon.
"So, ginagawa mo akong gaya mo!" Hindi na nakapagtimpi si Adrian na sagutin ang taong sinasabing tumulong sa kanya para umangat kung nasaan siya ngayon.
Naningkit ang mga mata ng matandang Dy. Tuloy napalapit si Lalaine sa kanya at hinawakan siya sa braso para pigilan ngunit malakas niyang iwinaksi iyon. Binalingan niya ng matalim na titig saka ngumisi. "Gusto mo akong itali sa palda ng anak mo! Para ano? Para ako ang maghirap at siya? Magpapakasasa sa pinaghirapan ko!" wika niyang titig na titig sa mga mata ni Lalaine.
"Bullshit!" sigaw ng matandang Dy at ibinato kay Adrian ang kumpol na papel sa mesa nito.
Napasigaw si Lalaine sa ginawa ng ama ngunit hindi man lang natinag si Adrian. Naroon pa rin ang ngisi nito sa labi. Puno ng sarkasmo ang ngising iyon.
"Hindi kita kinuha, pinakain at pinaaral para magsalita ka ng hindi naaayon sa mga kagustuhan ko! Walanghiya ka!"
Nakuyumos ni Lalaine ang palda at paulit-ulit niyang kinalmot ang mga hita habang napapaatras palayo sa galit na Adrian. Bigla siyang natakot sa nakikitang galit nito. Hinahabol niya ang hininga habang patuloy ang pagwawala ng ama. Hindi na siya natatakot sa kanyang ama. Mas nanginginig siya dahil kay Adrian.
"Hindi lang ahas ang inalagaan mo Mr. Dy. Nagpatira ka sa bahay mo ng buwaya. Buwayang lalamon sa iyo ng buo. Sa inyong mag-ama!" sigaw ni Adrian. Ayaw na niyang magpaka-impokrito para tanggapin na lang ang pagmamaniobra sa buhay niya.
"Anong sabi mo?"
Napatutop sa bibig si Lalaine nang sugurin ng kanyang ama si Adrian at kuwelyuhan. Maliit ang kanyang ama, kayang-kayang patumbahin ni Adrian kapag ginusto nito.
Natatakot si Lalaine. Natatakot siyang mawala ni isa man sa dalawang lalaki sa buhay niya. Mga lalaking magka-iba man pero pantay niyang minamahal. Pantay niyang gustong protektahan. Gustong panatilihin.
Nanginig ang kanyang katawan. Gusto niyang umiyak ngunit walang luha ang gustong kumawala, gusto niyang sumigaw ngunit walang boses ang lumabas. Tanging panginginig ng katawan at paninikip ng dibdib ang nararamdaman niya. Nahihirapan siyang makahinga kasabay ng tila biglang panlalabo ng kanyang paningin.
Sinapo niya ang dibdib, sinubukan niyang kunin ang atensiyon ng dalawang lalaking patuloy na nagpapatigasan sa isa't isa.
"Ahh..." Iyon lang ang tanging lumabas sa kanyang bibig. Pabagsak na siya ng mahanap ng mga mata niya ang mga mata ni Adrian na napabaling ng tingin sa kanya.
Bago pa man siya panawan ng ulirat, nakita pa niya ang panlalaki ng mga mata nito at ang mabilis na pagdalo sa kinalalagyan niya.
Nasapo ni Adrian si Lalaine bago ito tuluyang bumagsak sa sahig.
"Hija!" Gulantang na napatayo mula sa pagkakasalampak sa sahig ang matandang Dy. Naitulak siya ni Adrian nang daluhan nito si Lalaine.
Parang papel na binuhat ni Adrian si Lalaine. Hindi niya pinansin ang matandang Dy.
"Take her to her room. I will call her doctor immediately," utos ni Mr. Dy na agad niyang sinunod.
Maingat niyang dinala ang tila papel sa gaan na dalaga. Maingat niya ring ipinahiga si Lalaine sa kama nito at kinumutan. Kinuyom niya ang kamao habang titig na titig siya sa namumutlang mukha ng dalaga.
Napahilot siya sa sentido nang iiwas ang tingin mula sa mukha nito. Alam niyang sa lahat ng tao, si Lalaine ang labis na naaapektuhan. Labis na nasasaktan.
Pero bakit kahit alam niya iyon ay patuloy niya pa rin itong ginagawa? Patuloy niya pa rin itong sinasaktan? Na parang bang kapag nasaktan niya ang dalaga ay nakaganti na siya sa pagmamalupit ng ama nito sa kanya.
Tinawanan niya ang sarili dahil naalala niya na kapag nasaktan naman niya ang dalaga ay katakot-takot naman ang sumbat ng kanyang kunsensiya.
Nanatili siya sa loob ng silid habang hinihintay ang doctor na tumitingin dito. Hindi nila dinadala si Lalaine sa hospital dahil sa labis na takot nito sa lugar na iyon. Ang alam niya, dahil iyon sa trauma na natamo sa pagkamatay ng kanyang ina.
Napabaling si Adrian nang pumasok na roon ang ama ng dalaga kasunod ang doctor. Nagsalubong ang tingin nila ng matandang Dy na labis ang makikitang pag-aalala sa anak.
Nagtagis bagang siya, alam niyang dahil sa mukhang iyon ngayon ng matanda kaya niya lantarang sinasaktan ang damdamin ni Lalaine. Dahil sa pamamagitan ng dalaga, nagiging maamomg tupa ang tigre. Si Lalaine ang kahinaan ng matanda.
Gusto niyang manatili sa kuwarto para alamin ang kalagayan ng dalaga ngunit pinigilan niya ang sarili at lumabas na lamang. Nagtuloy-tuloy siya sa kanyang silid kahit pa nga tinatawag siya ni Nanay Erna. Marahas niyang ibinagsak ang sarili sa kanyang kama. Pumikit habang ang isang kamay ay nasa noo.
Pilit iwinawaksi sa isipan ang kaawa-awang itsura ni Lalaine.
"Argh!" Sigaw niya at isinubsob ang ulo sa unan. Nalilito siya at hindi makapag-isip ng maayos. Gusto na niyang umalis sa pamamahay na iyon pero tila ba pinipigilan naman siya ng mga matang malungkot ni Lalaine. Napipigilan siya kahit hindi ito magsalita.
"Gather yourself, Adrian. Go on with your plan. Planong matagal mo ng pinaghahandaan!"