Tanging pahinga at pagkain ng tama ang sinabi ng doctor para tuluyang lumakas si Lalaine. Kaya kahit ayaw man niyang um-absent ay minabuti niyang sundin ang kagustuhan ng ama at ng doctor.
Sa paglagi niya sa bahay ay halata niya ang pag-iwas sa kanya ni Adrian. Isang bagay na hindi na bago sa kanya dahil lagi namang ginagawa iyon ng binata sa kanya. Lalo na kapag ipinagtatangol niya ito sa kanyang ama.
Masisisi ba siya nito kung gawin niya iyon? All her life ay pampered siya sa pagmamahal ng ama. Lahat ng kagustuhan niya ay naibibigay nito. Lahat ng hilingin niya ay tinutupad nito, kahit sabihin pang minsan ay imposible. Gaya na lamang ni Adrian. Ang lalaking pinangarap niya mula noong bata siya.
Hindi lingid sa kanyang ama ang nararamdaman niya sa binata. Kaya naman gumagawa ito ng paraan para mahawakan sa leeg si Adrian. Lahat ng iyon ay para sa kapakanan niya. Sa una ay pilit niyang iniintindi ang ama. Kalaunan ay hindi na niya maatim ang ginagawa nito. Ngunit kahit anong pakiusap niya, anong sasabihin niya, hindi siya magawang pagbigyan. Ang isang bagay na hindi kayang tuparin ng kanyang ama. Kung anong dahilan? Hindi niya alam. Tila malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang ama.
Doon siya labis na nasasaktan. Doon siya natutong saktan ang sarili. Isang taong nagtatago sa isang ngiti kahit nasasaktan na. Mahal niya ang ama, kahit alam niyang mali na ito ay hindi pa rin niya kayang iwanan. Nanatili na lamang siyang bulag sa lahat. Ang tanging nagagawa niya ay saktan rin ang sarili ng lihim. Ang kunsensiya niya na pilit kumakain sa katinuan niya minsan kaya nasasaktan niya ang sarili. Konsensiyang hindi niya tuluyang mapatigil ang ama sa ginagawang pagmamalupit at pag-control kay Adrian. Dahil kung ginawa niya iyon ay mawawala na rin si Adrian sa kanya.
Nakabaluktot siya sa kanyang kama at palihim na namang umiiyak. Bagay na ginagawa niya sa tuwing mag-isa lamang siya. Sa tuwing iniisip niya kung ano nga ba talaga ang gusto niya sa sarili. Dahil ngayon, ang tanging alam niya ay si Adrian lang ang tanging pangarap niya. Alam niyang sobrang makasarili ng pangarap na iyon.
"Laine, may bisita ka, anak," tawag ni Nanay Erna habang kumakatok sa labas ng pinto. Napabalikwas siya at agad na nagpahid ng luha bago pa man siya mahuli nitong umiiyak. Nagkunwari siyang kagigising lamang at pupungas-pungas na binalingan ito mula sa pinto pagkabukas.
"May bisita ka, anak. Anika daw," muli nitong saad. Namilog ang kanyang mga mata at agad na napatayo. Napatakbo siya banyo para ayusin ang sarili. May muta pa siya sa kaliwang mata at magulo ang mahabang buhok.
Natatawang nabungaran niya si Nanay Erna pagbalik sa kanyang silid. Nandoon pa rin ito at hinihintay siya. Napanguso siya rito nang hindi nito maitago ang nakakalokong ngiti.
"Puntahan mo na. Dinala ko siya sa garden area. Lumabas ka naman para maarawan ka," suhestiyon nito at ipinagtulakan siya. Masaya ang matanda dahil nagkakaroon na ng kaibigan ang kanyang alaga.
Tumigil si Lalaine at muling humarap kay Nanay Erna na ngayon ay maluha-luha na.
"Ayos lang ba ang itsura ko, Nay?" tanong ni Lalaine dito. Nakasuot siya ng sobrang laking t-shirt at naka-jogging pants ng maluwang din. Unang beses na may dumalaw sa kanya kaya nahihiya siyang humarap dito.
Lumapit sa kanya si Nanay Erna at hinaplos ang kanyang pisngi. "Maganda ka, Laine. Ikaw ang pinakamagandang dalaga sa buong mundo. Hindi ang itsura ang batayan kundi ang napakaganda mong puso," maluha-luhang pahayag ng matanda sa kanya. "Huwag kang mag-alala, mukhang mabait ang kaibigan mong iyon," wika pa nito kalaunan na dahilan upang mangiti siya at mawala ang kaba. Napayakap tuloy siya nang mahigpit sa matanda.
Huminga siya ng malalim bago tumungo sa kinaroroonan ni Anika. Nakatalikod ito at nakatanaw sa mga namumulaklak na halaman sa paligid. Pinaglalaruan ng hangin ang kanyang buhok habang papalapit sa kaibigan.
Napatda siya nang biglang bumaling ito sa gawi niya. Napakagat labi siya nang malawak ang ngiti nito sa kanya at kumaway. Napaangat ito sa kinauupuan at excited na lumapit at niyakap siya.
"Na-miss kita loka ka! Bigla kang nawala, wala tuloy akong friend at mag-isa lang sa buong linggo," reklamo nito na nakapagpangiti sa kanya. Punong-puno ang kanyang puso ng kasiyahan dulot nilg presensiya ni Anika.
Pagjatapos nang mahigpit na yakap ay bumitiw ito at ineksamina siya.
"Okay ka na ba? Wala ng sakit?"
Umiling si Lalaine habang niyayaya na niyang umupo muli si Anika. "Wala naman akong sakit."
Napasimangot ang kaibigan sa kanya. "Hindi iyan ang sinabi ni Adrian sa akin sa text. He told me that you are sick and need a week to recover."
Napalunok siya at napaiwas ng tingin kay Anika. Hindi niya napagtuunan ng pansin ang sinabi nito dahil mas tumatak sa isip niya na magkatext na ang dalawa ngayon.
Pinagsalikop niya ang kanyang mga kamay para pigilan ang sariling kalmutin ang hita.
"Nga pala." May iniangat si Anika na fruit basket. Naroon ay lansones, rambutan at iba't iba pang prutas. "May nagpapabigay," malawak ang ngisi nitong saad. Kumunot ang noo ni Lalaone at nagtatanong ang kanyang mga mata dito. "You know the guy na tinakbuhan mo?"
Mabagal siyang napatango. Sigurado siyang si Allen iyon. Muli siyang ngumiti ngunit hindi man lamang nakaabot iyon sa kanyang mga mata.
"I think he likes you. Laging nakaabang kapag uwian eh. Like everyday! He asked me kung okay ka ba? Kaya eto, sinabi kong dadalawin kita. Kita mo naman, express delivery agad ang fruits..."
Napatigil si Lalaine at marahas na umiling. Inisip niya na imposibleng magustuhan siya ni Allen.
"Malay ko nga roon, bakit hindi si Adrian ang tanungin niya, magkaibigan naman sila. Kaya alam kong gus--"
"Mabait lang siya sa akin," agad niyang putol sa sinasabi ng kaibigan at napatingin sa baba. Ang mga paa niyang nakatsinelas lamang ay naglaro sa damo. Alam niyang nag-aalala lang sa kanya si Allen kaya ganoon siya tratuhin. Kinakaawaan lamang siya nito.
"Come on, hindi mo ba napapansin?" Nakataas ang kilay na saad ni Anika.
Umiling siya habang hindi pa rin makatingin dito.
Pagkatapos ay tumahimik ito at nag-isip ng malalim. Halos magsalubong pa ang mga kilay ni Anika sa pag-iisip habang nakatingin sa kanya. Nang bigla itong tumayo hinawakan siya para hilain patayo.
"Tara, may pupuntahan tayo!" Hinawakan siya sa palapulsuan at hinila pa lalo.
"Teka, saan?"
Tumigil ito pagkatapos ay ngumisi nang harapin siya.
"Narinig kong may party sa bahay ni Jeanne. Lahat imbitado, maging lower years. Lets go!" ika nitong nagtaas baba ang kilay habang malawak na nakangiti. "Pero puwede naman tayong party crasher!" dagdag nitong natatawa.
Napasimangot si Lalaine at umiling. Nagmatigas nang muli siyang hilain ni Anika. Umiling at ayaw talagang patinag. Alam niya kasing pagkakatuwaan lamang na naman siya roon. At alam niyang hindi gugustuhin ni Adrian na makita siya roon.
Napabuga naman ng hangin si Anika nang muli siya nitong harapin.
"Oh, kailangan mo pa bang magpaalam? Naroon naman si Adrian so hindi na siguro kailangan..."
"Hmmmm." Napatigil si Anika sa pagsasalita nang may tumikhim mula sa kanyang likod. Napalunok naman si Lalaine nang matanto kung sino iyon.
"Dad," tawag niya rito at hinila si Anika sa kanyang gilid. Humarap nan si Anika sa bagong dating na matanda.
Lumapit sa kanila ang kanyang ama at seryosong pinasadahan ng tingin si Anika. Hindi naman nagpatinag si Anika at nakangiting hinarap ang matandang Dy.
"Hi, Sir. I'm Anika Suarez. Friend po ako ng anak ninyo," pagpapakilala nito at inilahad ang kamay sa kanyang ama.
Napalunok ng laway si Lalaine sa paraan ng pagtitig ng kanyang ama sa nakalahad na kamay ng kaibigan. Matipid niyang nginitian ito nang balingan siya ng tingin. Ngumiti rin ito kalaunan.
"May maganda pa lang kaibigan itong anak ko," palatak ng kanyang ama at ngumiti sabay abot sa kamay ni Anika.
Natawa naman si Anika at nahihiyang inayos ang buhok sa gilid ng teynga.
"Are you going somewhere?" Muli silang natahimik sa tanong ng kanyang ama. Nagkatinginan muna sila ni Anika bago ito sumagot.
"Isasama ko po sana ang inyong anak. Party po ng kaibigan namin," sabi nito na may halong kasinungalingan. Kailan pa nila naging kaibigan si Jeanne? Siguro noon. Pero alam ni Lalaine sa sarili na hindi na kaibigan ang turing sa kanya ng babae.
Muli siyang binalingan ng kanyang ama. Hindi man magsalita ay alam niyang may pagtatanong sa isip nito. Mas nilawakan niya ang ngiti sa labi para ipaalam dito na okay lang at gusto niyang sumama. Gusto niya rin naman makalabas. Sasabihin na lang niya mamaya kay Anika na sa ibang lugar na lang sila pupunta.
"Okay." Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya nito sa balikat. "Enjoy, darling."
Humalik siya sa pisngi ng ama pagkatapos siyang payagan. Pagkatapos ay nagtawanan silang naghilaan ni Anika sa kanyang kuwarto.
Prenteng naupo ito sa kanyang kama habang naghahanap siya ng idadamit sa kanyang walk-in closet.
"Jeans would be great to wear," sigaw nito na nakapagpanguso sa kanya. Hindi siya mahilig magpantalon. Pakiramdam niya kasi ay nasasakal ang mga hita niya kapag nagsuot siya noon. "Hindi ka pa tapos?" Sumungaw ang ulo nito mula sa pinto. Nakatayo lamang siya at nakatitig sa mga damit na naroon.
Lumapit si Anika at kunot-noong hinawi ang mga damit na naroon. Napayuko si Lalaine nang isa-isa nitong sinuri ang mga iyon. Karamihan ay mahabang palda at long sleeves. Lalo siyang nanliit nang bumuga ito ng hangin. Naramdaman niya ang pag-alis nito sa harapan niya. Bagsak ang balikat niya at namumuo na ang luha sa kanyang mga mata dahil sa kahihiyan.
"Lets go to my apartment. Doon ka na magbihis," biglang wika nito sa kanya at hinawakan siya sa kamay. Bigla ang ningning sa mga mata nito.