Dahan-dahan akong nag-inat bago natigilan nang maalala kung nasaan ako. Bumalik na ‘ko sa kubo ni Peter – sa bahay namin. Hindi ko alam kung saang punto ng gabi ako nakatulog. Ang alam ko lang ay magkayakap kami.
Napadilat ako at dito maingat na ibinaba ang mga braso. Isinukbit ko sa tainga ang nagkalat na hibla ng buhok ko at siniguradong malinis ang mukha bago umikot paharap sa kabilang side ng kama.
“Good mor–” Paangat na ang magkabilang dulo ng labi ko nang makitang wala akong katabi. Automatiko akong napasibangot. Umasa kasi akong si Peter ang una kong makikita pag gising sa umaga. Lalo na’t ngayon ang unang araw ng pagbalik ko sa kubo niya. Bukod pa rito’y birthday niya.
Pero baka naman nasa labas lang siya? Nasa kusina o ‘di kaya banyo? Kinapitan ko ang maliit na pag-asa at nagmamadaling bumangon. Sinigurado ko munang maayos ang itsura ko sa harap ng salamin bago lumabas ng kwarto.
Maliit lang ang kubo kaya sa ilang segundong paglilibot ng mga mata sa paligid, napagtanto kong walang ibang tao bukod sa ‘kin. Bumagsak ang balikat ko; malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Ang sweet pa ni Peter kagabi tapos wala naman palang magbabago. Katulad ng dati ay naiwan na naman akong mag-isa.
Nakayuko tuloy akong bumalik sa kwarto kung saan nasanay na ‘kong magkulong noon. Babalik sana ako sa pagkakahiga nang mapansin ko ang isang papel sa ibabaw ng bedside table. Wala ito kagabi kaya na-curious ako kung ano ito.
Kinuha at binuklat ko ‘yong papel. Medyo kinabahan pa ‘ko kung anong laman nito nang makita ang pa-short message ni Peter.
Punta lang ako sa palengke. I’ll be back soon.
May pirma ni Peter ang dulo ng papel; marahil para ipakitang kanya talaga ito galing.
Pinagdikit ko ang labi ko habang nakatitig sa papel. Nagmistula itong back-to-back page sa ‘kin dahil ilang beses kong inulit ang pagbabasa. Ilang sandali pa’y hindi ko na napigilan ang pagngiti lalo nang kapain ang drawing niyang heart shape pagkatapos ng tuldok. I wonder how he managed to draw it so perfectly.
Siguro ayaw niyang magising akong lito at naghahanap sa kanya katulad ng madalas kong ikainis dati kaya nag-iwan siya ng sulat ngayon. Kahit maikli lang ito ay ramdam ko ang sinseridad niya.
Tuloy ay awtomatikong gumanda ang umaga ko. Naghilamos na ako – mas inayos ang sarili para naman kapag nakita ako ni Peter ay mas ma-fall pa siya sa ‘kin.
Imbes na bumalik sa kwarto, nagdesisyon akong maghintay sa sala para hindi antukin. Kailangan ko rin kasing makapag-isip ng perfect birthday gift. Kung ayaw ni Peter ng party, at kuntento naman na siya sa simpleng buhay sa isla, paano kaya namin gagawing espesyal ang pagse-celebrate ng kanyang birthday?
Ano kayang favorite hobby ni Peter? Everyone knows he’s a swimmer. He also knows how to surf. Pero hindi naman porke’t alam niyang gawin ang isang bagay, iyon na agad ang paborito niya.
Kailangan malaman ko kung ano ‘yung hindi alam ng iba tungkol kay Peter; ‘yung talagang nagpapasaya sa kanya. At sana kung ano man ito, kaya ng budget ko lalo na’t medyo alanganin na ang cash ko. Kung may pera man ako, lahat nasa online – na wala namang gamit sa islang ito.
Inuna ko muna ang pag-text kay Aling Dolores para makisuyo sa pagbili ng ilang bagay na pwede kong magamit sa birthday ni Peter. Pagkatapos ay bumuntong-hininga ako sabay sandal sa sofa na gawa sa kawayan. I swayed my legs playfully while still in deep thought. Ayon lang ay napasobra ng lakas ang pagbaba ko ng binti. Tumama ang sakong ko sa kung anong may katigasan. Tuloy ay napasilip ako rito, inangat ko ang telang nagsilbing mini curtain sa ilalim ng sofa. Akala ko noong una ay sa kawayan lang ako tumama nang makita kong may plastic storage box dito. Ngayon ko lang ito nakita sa kabila ng pagtira ko rito noon.
Dahil sa curiosity, pinaghirapan kong kunin ‘yong box. Binuhat ko ‘yong sofa gamit ang buong lakas ko sabay sipa sa box palabas sa ilalim nito. Sa pagod ay napaupo na lang ako sa sahig. Natawa na lang ako sa sarili dahil naiwan lang mag-isa ay kung ano-ano nang pinaggagawa ko.
Inilapit ko sa ‘kin ‘yong box at tsaka binuksan. Una kong nakita sa ibabaw ay tablet at pen at nang subukan kong buksan para malaman kung kanino ito ay lowbat naman.
Ang tanda ko’y inalis na ni Peter lahat ng mga gamit ni Elle, kaya hindi sa kaibigan ko ang box na ito.
Pag-alis ng tablet, sunod kong nakita ang isang plain black mug na ginawa ng lagayan ng mga susi. Hindi sila pare-pareho kaya ‘di ko alam kung para saan ba ang mga ito. Hindi naman desusi ang mga kubo rito kaya aanhin ito ni Peter?
Bukod sa mga charger, nakakita pa ako ng isang phone na mukhang bago pero hindi rin nabubuksan. At nang magkalkal pa ako, may compact camera na mukhang buo at maayos sana pero wala namang battery at memory card.
Malapit ko nang isiping bukod sa pagiging kidnapper ay snatcher din si Peter noon. Pero nailing lang ako at natawa sa sarili. I know him better now to think of him that way. Ang nakapagtataka lang talaga ay bakit itinago ni Peter ang mga gadget niyang ito imbes na gamitin?
Kung paano ko kinuha, ganuon ko ibinalik. Naging maingat ako sa pagbalik ng mga gamit ni Peter na inilabas ko. Mukha kasing secured na secured ang mga ito sa loob ng box. Huli ko na sanang ibabalik ‘yong tablet nang mapansin ko ‘yong nakaipit sa transparent back case nito.
It's a picture of the night sky with stars.
Sinubukan ko pa itong tingnan nang mabuti kaya inalis ko ‘yong back case ng tablet. Ayon lang ay nag laglagan mula rito ‘yong iba pang pictures na pare-pareho lang namang kuha ng langit at mga bituin. Hindi ko alam na mahilig si Peter sa mga stars– natigilan ako at nangiti. Nagkaroon ako ng magandang ideya dahil dito.
Bumalik ako sa wisyo nang makarinig ng paggalaw galing sa labas ng kubo. Dahil ayaw kong magmukhang pakialamera, mabilis kong inayos ang mga natitirang gamit at tsaka ibinalik sa ilalim ng sofa ang buong box.
At kahit pagod sa pagbuhat ay dumiretso na ako sa pagtayo at pagbukas ng pinto. Saktong nasa harapan ko na si Peter; hawak sa straw, inangat niya ang malaking alimango na buhay at gumagalaw pa. Hindi ko napigilan ang pagtawa nang makita ito. “Saan mo naman nakuha ‘yan?” tanong ko at lalo akong natawa dahil sa facial expression ni Peter. He looked so proud of himself. Para bang malaking achievement na naiuwi niya ito sa kubo. Nagmukha tuloy siyang batang umuwi galing school na excited ipakita ang tatak na star sa likod ng palad.
“Bagong hango sa palengke,” simpleng sagot niya. Pansin kong bitbit ng isang kamay niya ay malaking bayong na nakadungaw ang ilang gulay. Imbes na ako ang mamalengke, siya na naman ang gumawa nito para sa amin. Parang wala pa yata akong naitutulong sa gawaing bahay kahit noong nakidnap pa ‘ko. Patay ako nito kapag nasanay na bine-baby niya.
“Tulungan na kita,” sabi ko at bago pa man siya makatanggi ay inunahan ko na, “Gusto kong i-try hawakan ‘yung alimango.” Dinaan ko siya sa pag ngiti bago niya marahang pinahawak sa ‘kin ang dulo ng straw.
Nakaalalay naman si Peter. At wala sanang problema kung ‘di lang biglang napigtal ‘yong tali! Okay lang sana kung kakawala lang ‘yong alimango, pero sumabit pa talaga ang sipit nito sa harap ng shorts ni Peter!
Napasigaw kami pareho! Dala ng reflex ay agad akong napayuko; hinila ko pababa ‘yong alima– shorts! Shorts ni Peter ang nahila ko pababa kasabay ng alimango!
Nanigas tuloy ako sa pwesto ko habang halos lumuwa ang mga mata. Napilitan akong tumingin sa ibang direksyon dahil sa litaw na brief ni Peter sa harapan ko. Dito’y nakita ko sa sahig ‘yong alimango. Imbes na gumalaw ay parang na-shock din ito sa nangyari.
Dahan-dahan akong tumingala at hiyang-hiyang ngumisi kay Peter. “Sorry, Tart,” may lambing kong saad. Kabado ako dahil natulala siya at parang na-trauma sa nagawa ko. Buti at walang ibang tao sa parteng ito ng isla, sabi ko sa sarili.
Ngunit agad itong nagbago nang makarinig ako ng pagkalaglag ng gamit. Pagbaling ng tingin sa bandang likuran ni Peter, makikita ‘di kalayuan ang halos lahat ng mga taga isla. May hawak silang malaking tarpaulin na “HAPPY BIRTHDAY PETER” ang nakalagay. Sabay-sabay nila itong iniharang sa kanilang buong mukha, animo gustong magtago mula sa ‘min.
Binalik ko ang tingin sa harapan ko at mabilis na tumingala. Mga dalawang beses ko pa itong naulit bago nagmadali si Peter na itaas ang shorts niya!
I think it looked like we were doing something else from their view!