“Ala e ang swerte mo sa asawa mo, Briar!” bulalas ni Aling Dolores na tinawanan ng mga nakarinig.
“Kasalanan ho talaga nung alimango!” depensa ko pa kahit nilinaw ko na ang nakita nila kanina. Ikinain ko na lang ang init ng buong mukha ko.
Natawa si Aling Dolores na may kasama pang pagpalakpak ng isa, benta pa rin sa kanya ang nakakahiyang kwento ko. “Ang ibig kong sabihin, maswerte ka kay Pete dahil nakipagsiksikan at nakipag-agawan siya sa palengke kanina, maiuwi lang ang alimangong ‘yan!”
Nasamid ako sa nalaman. Saktong bumalik sa tabi ko si Peter dala ang isang basong tubig. Uminom agad ako habang nakatitig sa lutong alimango sa ibabaw ng lamesa. Dapat yata hindi namin ito niluto. Bigla akong na-guilty ngayong kakainin namin ito.
Mabuti at mukhang hindi naman galit si Peter kahit napahiya ko siya sa mismong birthday niya. Kanina pa nga niya ako inaasikaso – kulang na lang ultimo pagsubo gawin niya para sa ‘kin.
Sa labas na naman kami nanananghali kasama ang ibang taga isla. Dahil ayaw ni Peter ng party para sa birthday niya, nagdesisyon silang gumawa kahit maliit na salu-salo. Ikinabit nila sa may puno ang dalang tarpaulin na may birthday greeting, nag set up ng mga lamesa at upuan sa harap ng kubo, at nagdala ng ulam ang bawat pamilya.
“Sana ay hindi kami nakakaabala sa inyong mag-asawa. Pasensya na at ito ang nakagawian naming gawin sa tuwing kaarawan ni Pete,” sabi pa ni Aling Dolores.
“Ay hindi ho. Mabuti nga at nandito kayo para sa asawa ko,” sabi ko na totoo sa nararamdaman ko. Nakakatuwa dahil kahit kung tutuusin ay mag-isa lang si Peter sa islang ito, naging pamilya na niya lahat ng mga nakatira rito. Ngayon ay mas naunawaan ko na kung bakit mas gusto niyang manatili rito imbes na lumuwas ng Maynila.
Mataman akong nakikinig sa mga kwento ni Aling Dolores habang kumakain nang senyasan niya ‘ko. Ngumuso siya sa direksyon ni Peter. Hindi ko pa ito nakuha noong una hanggang sa lagyan na ni Peter ng crab meat ang ibabaw ng kanin ko. Hindi ko napansing pinaghihimay na pala niya ‘ko.
“Ay ako na–”
“Mag concentrate ka lang sa pagkain.”
“E pano ka?”
“I’ll concentrate on you.”
Napanguso ako sa huli niyang sinabi dahil ang cheesy. Talagang nakuha pa niyang bumanat pagkatapos niyang mahubuan in public. Nagkatinginan tuloy kami ni Aling Dolores na para bang mas kilig na kilig para sa amin kaya nangiti rin ako.
Sa bandang likuran niya, natanaw ko ang lamesa nina Lorenz, Reese, at… Lorraine na matalim ang tingin sa direksyon ko. “Grabe ang init. Para tayong nasa impyerno,” pagpapapansin niya. Mukhang kanina pa niya kami pinagmamasdan kaya ganito na lang ang inis niya.
“Kuha lang ako ng buko pandan,” sabi ni Aling Dolores bago tumayo. Agad namang sumunod ang asawa niya kaya kaming dalawa na lang ni Peter ang naiwan sa lamesa. Natahimik na rin kami sa wakas dahil kanina ay panay ang lapit at bati sa kanya ng lahat. Parang naging artista siya sa islang ito.
Dahil mainit, pinalis ko papalikod ang buhok ko. Nanlalagkit na ako sa pawis kaya pinaypay ko rin ang mga kamay para sa kakaunting hangin.
Tumayo naman si Peter kaya naisip kong kukuha rin siya ng buko pandan. Pagbalik ko ng tingin sa plato ko, nangiti ako nang makitang puno na ito ng crab meat. Hindi naman ako mahilig sa seafood, pero tanda kong kapag may crab o shrimp sa pagkain noon, ako ang tagabalat at hindi nakakakain. Masarap din pala sa pakiramdam mapagsilbihan nang ganito.
Tahimik akong kumakain nang bigla akong nakaramdam ng malamig na hangin sa direksyon ko. Akala ko ay umihip lang ng natural ang hangin nang paglingon ko, nalaglag ang panga ko pagkakita ng electric fan! Nakatayo si Peter sa tabi nito at seryosong itinapat sa direksyon ko ang ulo!
“Iba pala talaga magmahal ang isang Peter,” komento ni Lorenz sabay slow clap. Tumayo pa siya at nag-bow, animo pabirong sinasamba ang kaibigan. Tuloy ay nagtawanan ang lahat.
Pagbalik ni Peter sa tabi ko ay nagsimula na rin siyang kumain. Nagkamay siya tulad ng iba. Hindi ko naman napigilan ang pagkausap sa kanya. “Bakit ang sweet mo yata ngayon?” pabiro kong tanong. Kalahati pa lang ng araw ay napansin ko na ito.
Siya na ang namalengke, siya pa ang nagluto. Hindi rin siya nagalit sa pagkakamali ko. Tapos ngayon, todo asikaso siya na para bang wala na ‘kong mga kamay at paa. Ewan ko ba, siguro hindi lang ako sanay maalagaan ng ganito. Madalas kasi noon, ako ang nag-aalaga sa mga taong nakapaligid sa ‘kin. I was so busy trying to make everyone else happy, I never stopped to think about what made me happy.
“Gusto kong bumawi,” seryosong sagot ni Peter na ‘di ko inasahan. Tumingin pa siya sa ‘kin nang diretso na nagpahinto ng paghinga ko. “Marami akong naging pagkakamali sa ‘yo simula pa lang noong unang araw mo sa isla. Kaya sana hayaan mo akong bumawi at tratuhin ka ng tama ngayon,” may pagsusumamo niyang saad.
Napatingin ako sa itaas dahil sa mabilis na pamumuo ng luha sa mga mata ko. Ayaw kong maiyak lalo na’t may mga taong nakapaligid sa ‘min. Masaya lang talaga akong marinig ang mga ganitong bagay galing kay Peter.
Imbes na sagutin siya ay ngumanga ako sa harapan niya. Tinaas ko ang kilay ko para ituro ang pagkain niya. Gusto niyang bumawi kaya baka gusto niyang subuan na rin ako.
Nanlalambing lang naman ako pero walang pagdadalawang isip niyang dinakot ang kanin at ulam sa plato niya. At gamit ang kamay, akmang susubuan na niya ako. Kahit nahihiya sa mga tao sa paligid, nag-effort siya kaya isinubo ko ito.
Mas nasarapan naman ako noong galing sa kamay ni Peter ang pagkain. Kaya ‘di na ako nahiya noong sinunod-sunod niya ang pagsubo sa ‘kin. Nakikisabay na rin siya ng pagkain kaya naging iisa lang tuloy ang utensils namin. Nakalimutan ko na ngang may mga tao pa pala sa paligid. Paano’y binuhos ko na ang lahat ng atensyon ko kay Peter.
***
Sa kalagitnaan ng salu-salo, pagbalik nina Aling Dolores sa lamesa, ako naman ang nagpaalam na gagamit ng banyo. Hindi ito totoo dahil pagbalik sa loob ng kubo, dumiretso ako sa kwarto at hinanap ang pinaiwan ko kay Aling Dolores noong nagsabi siyang kukuha lang ng dessert. Sinilip ko ang laman ng paper bag at natuwa nang makakita ng mga birthday decorations. Nagpatulong ako sa kanya pagdating dito dahil last minute na. Buti at nag-iipon siya ng mga birthday decorations galing pa sa birthday ng ibang mga taga isla. Kung hindi’y sasadyain pa ito sa kabilang isla.
Nilipat ko sa secured na lugar ‘yong paper bag bago iwan. Pabalik na sana ako sa salu-salo nang saktong pumasok si Lorraine sa kubo. “Pahugas lang,” paalam niya kahit binuksan na niya ang gripo.
“Sige lang, feel at home,” medyo sarkastiko kong balik dahil sa huli niyang punta rito noong may sakit si Peter na ‘di ko ikinatuwa.
“Alam mo bang nagkasakit si Peter noong umalis ka?” habol niya na nagpahinto sa ‘kin. Walang ibang tao sa kubo bukod sa ‘ming dalawa kaya matapang.
Humarap muna ako bago sumagot, “Talaga? E napagaling mo ba?” may talim kong tanong sabay halukipkip at taas ng kilay.
Nanlilisik ang mga mata ni Lorraine nang lingunin ako. “So kailan mo ulit balak iwan si Peter?” tanong pa niya. Kung hindi ba naman makapal ang mukha.
“Bakit? Para mapasukan mo?” pambabara ko pa kaya halos sumabog siya. “Don’t worry, ia-update kita. Pero sa ngayon kasi, malabo na ‘yon mangyari. Pagdilat pa lang… mula umaga, hapon, hanggang gabi – bawat oras at bawat segundo, sisiguraduhin kong magkasama kami ng asawa ‘ko. Mahirap na, may mga alimango kasi dyan na basta-basta na lang naninipit,” nagparinig pa ‘ko para naman maalala niya ang kanyang limitasyon bilang kaibigan.
Gigil na gigil tuloy si Lorraine nang banggain ako palabas ng kubo. Mukhang wala na siyang masabi at ayaw din ng gulo sa mga oras na ito. Tama lang na umalis na siya dahil pagtingin ko sa oras, napagtanto kong kukulangin na pala ako sa oras kung hindi pa sisimulan ang plano ko para sa birthday ni Peter!
***
May dalawang regalo ako para kay Peter, ang isa paparating pa lang, habang ang isa ay available na. Kailangan lang ng powers ko para maiayos ang ikalawa.
Grabe ang hingal ko nang huminto sa paglalakad. Nagawa kong makabalik sa parte ng bundok kung saan ako dinala ni Peter noon para mag camping. Pero bitin naman. At dahil sa pagsundo ni Elle ay hindi nagtapos ng maganda ang experience namin pareho.
Hindi naman ako nahirapan sa pagkakataong ito kahit mag-isa. May guide din kasing pwedeng sundan. Bukod pa rito, nakatulong din na maganda ang panahon kaya hindi madulas at maputik ang daan.
Dahil mag-isa lang, hindi na ‘ko nagmabagal sa pag set up ng tent. Oo’t dinala ko ang buong bag na bitbit ni Peter noon para rito.
Nang matapos mananghalian, habang abala si Peter sa paghatid sa mga bisita, sinamantala ko ito para makatakas. Nag-iwan lang ako ng small note sa bedside table katulad noong umaga. Kaya kabado ako ngayon dahil baka nakabalik na ng kubo si Peter. Baka kapusin ako ng oras kung paakyat na rin siya ng bundok.
Nakahinga lang ako nang maluwag pagkatapos kong mag-ayos ng surprise. Proud kong kinuhanan ng litrato ang ginawa ko para may mabalikan ako. Ngayong may cellphone na ako, pupunuin ko talaga ito ng mga alaala namin ni Peter.
Naupo ako sa loob ng nakabukas na tent habang naghihintay sa pagdating ni Peter. Tahimik kong pinagmasdan ang papalubog na araw. Nakaramdam ako ng excitement dahil ang pangalawang regalo ko kay Peter ay pagkakataong makita nang payapa ang bagay na nagpapasaya sa kanya mula sa paborito niyang lugar.
Kalmado lang naman ako noong una hanggang sa dumilim na. Nagsimula akong mag-alala. Sabi ni Peter ay babalik din siya agad sa kubo paghatid sa mga taga isla. Kaya dapat kanina pa niya nakita ang note ko–
Napatakip ako ng bibig. Paano kung hindi nakita ni Peter ang note ko at inakala niyang umalis na ‘ko nang tuluyan sa Cole’s Cove?!