3. CHILD ⚠️

1113 Words
Pagkatapos kong mag-almusal, lumabas ako ng bahay para diligan ang mga halaman at bulaklak na nakatayo sa aming bakuran. Mula sa aking kinatatayuan, tanaw ko ang mga batang masayang naglalaro sa labas. Sila ay masayang naghahabulan. Gumagaan ang aking pakiramdam sa oras na may nakikita akong mga masasayang bata. Sa mga edad nila, tanging paglalaro at pagsasaya lang muna ang dapat nilang pagtuunan ng pansin. May kalayaan silang gawin ang ninanais nilang gawin, 'yon ang kanilang papel. Ibang iba sa aking kinagisnan. Nakakainggit... Noong bata pa lang ako, ang tanging nasa isip ko noon ay sumunod sa aking mga magulang. Huwag magsalita kapag hindi nila ako binigyan ng permisong magsalita. Katulad din kung nais namin makipaglaro sa ibang mga bata. Kailangan na ang lahat ng mga gagawin namin ay may pahintulot nila. Kumabaga, dapat maging isang mabuti at masunurin kaming mga bata. Ang tanging papel ko noon ay maging isang perpektong puppet na sunod-sunuran sa lahat ng kanilang kagustuhan, wala kaming kalayaan upang gawin ang ninanais namin. Nakakasakal na... Kinakailangan kong sundin ang lahat na iyon dahil may kapalit na malaking kaparusahan ang maghihintay sa akin sa oras na hindi ako sumunod sa kanila. Kahit kakarampot na kamalian man ang aking nagawa, hindi pa rin ito pinalagpas. Gusto nila na maging perpekto kami lalo na kapag kami ay nakaharap sa maraming tao. Kailangan ko rin itago ang tunay kong nararamdaman sa mga taong aming nakahalubilo. Takot na baka hindi nila ako pakinggan sa oras na nilabas ko ang kinikimkim kong damdamin tulad na lang ng pagbabalewala nila mama at papa sa akin. Hindi ako makahinga... Sabi sa akin noon ni mama, ayaw na ayaw ng mga matatanda ang mga batang maiingay. Huwag daw ako magsalita o magreklamo sa oras na kami ay nasaktan. Sabi naman ni papa, ayaw na ayaw ng mga matatanda ang mga batang hindi sumusunod sa kanila. Kailangan gawin ko ang lahat ng pinag-uutos nila kahit labag ito sa kalooban ko. Gusto kong huminga. Gusto kong sumigaw. Gustong gusto kong ilabas ang lahat na ito at isigaw sa kanila na "Tama na!" ngunit kapag ako'y nagreklamo, isang malakas na palo o latigo ang matatanggap ko mula sa kanila. Nang lumaon, nasanay na rin akong itago ang tunay kong damdamin. "Huwag kang magsasalita na ikasisira ng ating pamilya kung hindi, malilintikan ka talaga sa akin," babala sa akin ni mama. "Ngumiti ka lang palagi." Tanda ko pa ang sinabi niya sa akin no'ng tinatakpan niya ng make-up ang mga pasa sa aking mukha. Diniinan pa n'ya ang pag-pressed sa mga pasa ko habang pinagbabantaan niya ako upang ako ay matakot. Nang mga oras na iyon, inaayusan kami para lumabas ng bahay. Kami ay a-attend sa isang birthday party sa isang magandang restaurant. Sa katunayan niyan, ang mga araw na kami ay lumalabas sa kulungang bahay na iyon, ang mga pinakamasayang araw ko—ng batang ako. Tinurin kong panandaliang pahinga ang mga araw na iyon mula sa araw-araw na pakikipagtaguan sa mga matatanda. Sa araw-araw na pagpapahirap nila sa amin. Sa kasalukuyan, habang dinidiligan ko ang isang paso, may nakita ako isang maliit na pesteng sumisira sa mga magagandang bulaklak na aking inaalagaan. Kinuha ko ito at saka ko ring pinisa. Sa oras na ito tinanong ko ang aking sarili, "Ano kaya ang mangyayari 'pag maagang natanggal ang pesteng unti-unting sumisira sa batang ako? Katulad din ba ako ng mga bulaklak na ito at ang mga batang nasa labas na masayang nakikipaglaro?" Napakasayang isipin ang mga posibilidad na iyon, ngunit huli na upang mangarap pa. Hindi siguro ako, kami ni ate, magiging gan'to kung may tumulong man lamang sa amin noon. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil kung una pa lang, ang mga magulang na namin ang may problema. Wala rin kaming ibang malapitan noon at mapagsabihan sa aming kalagayan nang dahil na rin sa takot na aming naramdaman. Tunay ngang napakas'werte ng mga batang nasa labas. Malaya nilang naipapahayag ang kanilang damdamin, hindi pinepeke ang mga ngiti sa kanilang mukha. Napakasuwerte nila at may maituturing silang tahanan na kasama ang kanilang mga pamilya na tunay na nagmamahal at nag-aalaga sa kanila. Naramdaman nila kung ano talaga ang tunay na pagmamahal at pag-aaruga. Meron naman akong maituturing na tahanan simula nang aksidente, pero huli na para sa dalawang bata na hindi nakaranas ng kasiyahang katulad sa ibang mga bata. Siguro nga na tama si ate: huli na upang kami ay magbago. Gustuhin ko man ay wala akong lakas upang baguhin ang sarili. Paano nga ba? Hindi ko namalayan na napuno na ng tubig ang isang paso, kanina ko pa pala ito dinidiligan. Nawala sa aking isipan habang ako ay nagmumuni-muni. Napansin ko lang ito nang may tumulong tubig sa aking paa. Agad ko ibinaba ang hawak kong pandilig at binawasan ito ng tubig upang hindi ito malunod. Pagkatapos ay inayos ko na rin ito. "Huwag ka sana malunod. Huwag mo ako gayahin. Nalunod sa takot mula sa nakaraan," bulong ko sa magandang bulaklak. Pagkatapos kong magdilig at maglinis sa labas, nagdesisyon akong pumasok na sa loob. Umakyat sa sariling silid at binuksan ang aking laptop. Pagkabukas, may natanggap akong email na matagal ko na hinihintay simula na ako ay nag-enroll. Nabasa ko na nakapasa ako sa Golden Sien Academy bilang fourth year high school student. Wala akong naramdamang emosyon sa mga oras na ito. Hindi ko nga alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon. Nagbigay naman ako ng text message kay ate sa natanggap kong balita at saka ko rin isinara ang laptop. Sumunod ako humiga sa malambot na kama at sinuntok ang aking dibdib. Bigla ko naalala kung ano ang mga ginawa ko noon. Kung paano ko pinugutan ang lalaking nambastos sa akin at nasunog ang buo nitong bahay. Gano'n din sa mga aso, kung paano ko sila pinaslang. At sa iba ko pang ginawa bago kami lumipat ng tahanan. Para bang kanilang ginugulo ang aking isipan, ayaw nila ako patahimikin. Alam ko naman sa aking sarili kung gaano kasama ang lahat na ito. Ilang beses ko rin sinubukang 'wag gawin ang mali; ngunit kahit anong pagpipigil ko, may humihila sa akin upang gawin ito. Baka tama nga si ate, hindi na ito mawawala sa amin, ang pagiging masama. Nasa dugo na namin ang ganito. Bigla ako natawa at napatingin sa aking kaliwa. "Mabait naman akong anak, hindi ba, Ma, Pa?" bulong ko habang nakangiti. Mula sa aking kinapu-pwesto ay tanaw ko sila mama at papa na nakatayo sa gilid, suot ang puti nilang damit. Napakaputi na ng kanilang balat at tuyong tuyo na rin ang kanila mga labi. Itim na lang ang nakikita ko sa mga mata nila at ito ay nakatingin sa akin. Tahimik nila ako pinagmamasdan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD