"Perfect family." Ito ang madalas ko na naririnig sa aming pamilya mula sa mga taong nakakakita at nakakakilala sa amin. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako kung paano nila kami pinupuri.
Sang-ayon naman ako sa kanila tungkol sa pagiging successful ng aming pamilya. May maganda at malaki kaming bahay, parehong may trabaho sila mama at papa na kaya nila ibigay ang mga pangangailangan at kagustuhan naming magkapatid. Sa hindi naman sa pagmamayabang, sang-ayon din ako sa mga puri nila sa amin—nila ate—na matatalino, magagaling, at nangunguna kami sa klase.
Sa oras na naririnig nila mama at papa ito mula sa iba, kita ko sa kanilang mga mukha kung gaano kalaki ang mga ngiting kanilang nagagawa. Bakas sa kanilang mga mukha kung gaano sila kasaya at ka-proud sa amin. At dahil do'n, ginagawa ko ang lahat upang ang ngiting iyon ay manatili sa kanilang mukha.
Hindi ko rin naman maitatanggi ang lahat na ito sa amin maliban nga lang sa pagiging 'perfect family' namin.
Kasalukuyan akong nakatayo sa aming sala at pinagmamasdan ang nag-iisa naming family picture, nakasabit ito sa malinis at puti naming dingding. Inaalala ko ang mga panahong nasa bahay pa kami ni ate ng aming mga magulang habang tinitingnan ang nag-iisa naming family frame.
Tanda ko rin ang mga bonding na ginagawa ng, sabihin na lang natin, isang 'perfect family'. Sigawan doon, sigawan diyan; murahan doon, murahan diyan; magsisisihan sa mga masasamang nangyari sa isa't isa... May pagkakataon nga na hinahanap pa nila ang kanilang mga anak para mailabas lang nila ang kinikimkim nilang galit sa mga batang walang kalaban laban, sa mga inosenteng bata.
Naalala ko pa nga ang laro na palagi naming nilalaro, ang tagu-taguan. Simpleng laro, ngunit malaki ang epekto nito sa amin. Ito ang laro na hindi mo nanaising laruin.
Madali lang naman ito, magtago ka kahit saan at ang taya naman ang hahanap sa iyo. Kailangan mong galingan ang pagtago upang hindi ka mahuli. Kung hindi ka magaling at agad ka nila nahanap, hindi ka na makatatakas pa mula sa kanilang mga kamay. Kailangan mo pang tiisin ang hirap at parusang ibibigay nila sa iyo hanggang sa makuntento ang mga taya.
Tanda ko pa noon kung saan ako nagtago. Kapag narinig ko ang tunog ng sasakyan at kalabog ng pinto, hudyat na iyon na simula na ang laro.
Nasa sala ako noon at nagdo-drawing sa aking sketchbook no'ng marinig ang sasakyan ni mama. Huminto ako sa ginagawa ko at pinakiramdaman siya. Lumapit ako nang dahan-dahan, kasabay niyon ay may kalabog akong narinig mula sa pinto. Patakbo akong nagtungo sa basement upang doon magtago, sa pinakasulok-sulukan ng lugar na iyon. Kahit natatakot mula sa taya at sa kadiliman, nagawa ko pa ring pigilan na lumikha ng kahit na anong ingay.
Sa mga panahong 'yon ang tanging hinihiling ko lamang ay huwag sana ako mahuli ng taya.
Dinig ko mula sa aking kinalalagyan ang tunog ng mga yapak ng mga paang dahan-dahang lumalapit sa akin. Dinig ko rin ang mabilis na kabog ng aking dibdib. Tinakpan ko ang bibig at pilit na pinipigilan ang pag-iyak at takot na aking nararamdaman sa mga panahong iyon.
Habang siya ay palapit, ako ay nagdarasal nang paulit-ulit; subalit walang nakarinig sa nag-iisang dasal ko, sa dasal ng isang munting bata.
Agad ako nahuli.
"Mama! Huwag po!" sigaw ko habang ako'y umiiyak.
Hinatak ang mahaba kong buhok na sabay kinaladkad paalis sa madilim, ngunit ligtas na lugar. Umiyak at nagmakaawa sa taya na huwag n'ya ako parusahan; pero kahit anong gawin ko, hindi pa rin niya pinakinggan ang hinagpis ng munting bata.
Pinasok ako sa isang k'wartong pinakaaayawan ko sapagkat sa loob na iyon, doon ako ginagawan nang masama. Doon ko napagtanto na walang sino man ang kayang tumulong sa akin… sa amin.
Noong panahon ng tagu-taguan, minsan naisip ko rin kung ipinanganak ba nila ako mula sa pagmamahalan ng aming mga magulang o 'di kaya, pinanganak lang nila ako mula sa kanilang kamalian. Pinanganak lang ba nila kami bilang isang punching bag?
Tanda ko pa ang sinabi ng aking guro noong grade 1 pa ako: ang mga bata ay biyaya ng diyos sa mga magulang at dahil doon, labis-labis ang kanilang pagmamahal at pag-aaruga nila sa kanila.
Hindi ko alam na iniba na pala nila mama at papa ang kahulugan ng pagmamahal at pag-aaruga. Damang dama ko sa buo kong katawan ang pagmamahal na natanggap ko mula sa kanila. Mga pasa at latay na kahit gumaling na, hindi pa rin maghihilom ang sakit na naranasan ng munting batang ako.
Bumalik ang lahat na iyon nang tinitingnan ko ang aming family picture. Hindi ko naman maalis sa aking isipan dahil iyon na lamang ang mga naiwan nilang alaala sa amin.
Sa katunayan niyan ay nagpapasalamat din ako sa kanila. Nang dahil sa kanila, hindi na ako katulad ng iba na madaling tapak-tapakan ng kung sino man. Kaya ko na ipaglaban ang sarili ko mula sa iba. Kahit papaano ay may nagawa rin ang kanilang pagdidisiplina(?) sa akin, lalo na kay ate.
"Jana, are you ready?" tanong ni ate sa akin habang inaayos ang suot niya na hikaw.
Tumango ako sa kaniya bilang pagsang-ayon at umalis kasama n'ya.
Kami ay nagtungo sa isang luntian na lupain na may bitbit na isang basket ng mga bulaklak. Pinuntahan namin kung saan nakahimlay ang mga magulang namin.
Sunod naman nilapag ni Ate Keslie ang dala niyang mga bulaklak sa lapida nila mama at papa. Tahimik naming pinagmamasdan silang dalawa.
Wala akong masabi sa kanila, wala rin akong nadama kahit na ano sa mga oras na ito. Ang tanging gusto ko lang sa araw na ito ay ang ganda ng ulap na aking natatanaw, para bang nakangiti ang araw sa akin. Ako'y tumingala at pinagmasdan ang kalangitan. Pinikit ko ang aking mga mata at nilasap ang malamig na simoy ng hangin.
Mga ilang minuto lang kami nagtagal ay umalis na rin kami. Sumakay kami sa itim na kotse ni ate at tinanong niya ako kung saan kami p'wedeng kumain.
"Kahit saan, basta may fries."
Binigyan naman ako ng isang malaking ngiti ni Ate Keslie bilang pagtugon sa aking sagot.
Ang dahilan kung bakit kami naroroon ay sa kadahilanan ang araw na ito ay araw ng kanilang kamatayan. Tatlong taon na rin ang lumipas no'ng maaksidente sila.
Car accident ang dahilan ng kanilang kamatayan. Ang sagot ng mga pulis sa amin ay wala raw silang nakikitang sanhi ng aksidente kung hindi ay human error. Ngunit kung ako ang tatanungin, dapat tinanong nila ang aking ate. Mas marami kasing alam si Ate Keslie tungkol sa ganitong aksidente, lalo na sa kotse. Siguradong sasang-ayon sila mama at papa sa aking sinambit sapagkat naranasan na nila iyon mula sa kamay ng kanilang panganay na anak.
Tumingin ako kay ate at tinanong siya, "Bakit?"
Nananatili lang siyang nakatingin sa daan at siya ay ngumiti.
Sa tingin ko ay alam na niya kung ano ang tinutukoy ko dahil gano'n na lang ang naging reaksiyon niya.
"Hindi pa ba halata? Nagustuhan mo rin naman, 'di ba?" tugon ni ate.
Hindi ko magawang sumagot sa kaniya dahil totoo naman ang kaniyang sinabi.
"Mukhang," pahabol niya at saka n'ya hinawakan ang pulang labi gawa ng lipstick, "nasa dugo na natin ang pagiging gan'to na kahit kailan hindi na ito maaalis sa atin," nakangising pagpapatuloy niya.