SIMULA
“Nabanggit mo na ba na birhen ka pa?" seryosong tanong ni Aling Suzeth sa anak na si Chasa. Nakataas ang kilay nito na tila ba nahulaan na nitong hindi magugustuhan ang isasagot ng anak.
Biglaan ang tanong na iyon ng ina para kay Chasa. Parang rumaragasang sasakyan na biglaang nawalan ng preno at bigla’ng sumulpot sa maling lane ng kalsada. Very out of the topic.
Sa gulat ni Chasa'y dumulas ang maliit na palanggana mula sa pagkakapatong niyon sa mahahaba at mapuputi niyang hita. Nakataob iyong sinalo ng kanilang mabuhanging sahig na yari sa pinagtagpi-tagping tabla. Nanlalaki ang mga matang napaahon siya biglaan ng tayo at kunot-noong hinarap ang ina.
"Inay naman kasi!" naeskandalong angil niya sa inang saglit na huminto sa pagkukusot ng mga damit nila. Tuluyan na siya nitong hinarap. Sa labas talaga ito naglalaba sapagkat masikip sa loob ng kanilang banyo.
Walang kangiti-ngiti itong umiling sa kaniya. "Aba’y katangahan 'yan, Chasa! Napakasimpleng gawain. Mabuti na lamang talaga at maganda ka, anak." Nahimigan niya ang pagkadismaya sa boses nito habang umiiling pa rin.
Napahinto siya mula sa pagdampot ng mga malunggay pabalik sa palangganang lalagyan dahil sa ipinahayag nito. Hindi niya maiwasang makaramdam ng pagsagid ng munting kirot sa kaniyang dibdib dahil doon. Parang may kung anong katotohanan na sumampal sa matambok at mapupula niyang mga pisngi na hindi niya nagawang ilagan.
Noon niya pa naman alam na sa kanilang limang magkakapatid, sa kaniya lamang walang bilib ang kaniyang ina. Matigas ang kaniyang paniniwala na iyon din ang rason kung bakit second-year high school pa lamang siya noon nang pahintuin na siya nito sa pag-aaral. Hanggang ngayon ay lihim niya pa rin na sinisisi ang kaniyang sarili kung bakit hindi man lang siya nangalahati sa katalinuhan ng kaniyang Ate Joana. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit para sa nakakatandang kapatid sapagkat ginagawa lahat ng ina para mairaos ang pag-aaral nito ngayon.
Padabog niyang ibinagsak sa kaniyang tabi ang hawak na palanggana. Nagrerebelde ang kaniyang isipan sapagkat labis siyang tutol sa ipinahayag ng ina.
"Matanong ko nga lamang Inay kung bakit mo naitatanong iyan?" hindi niya naitago ang himig na hinanakit sa kaniyang boses. Bakit minsan pakiramdam niya'y tila ba ibinubugaw na siya nito sa kaniyang nobyo.
Huminto ito mula sa paglalaba at hinarap siya. "Natural!" mariin na sagot nito sa malakas na boses.
"Bakit ko po sasabihin kay Russu kung hindi naman niya naitatanong?" giit niya rito sa mariing boses. "Ano 'yon, share ko lang? Ngayon ko lang po nalaman na natural lang pala 'yon." Hindi niya napigilang maghimig sarkastiko sa ina. Nakakunot ang kaniyang noo at alam niyang hindi na maipinta ang namumula niyang mukha ngayon sa labis na pagkaasar na nararamdaman para sa ina.
Biglang lumambot ang ekspresyon ng kaniyang ina at mabilis itong nakalakad palapit sa kaniya. Yumuko at inabot ang palanggana mula sa kaniyang tabi saka nag-umpisang damputin ang mga nagkalat na dahon ng malunggay sa sahig.
"Malapit na ang board exam ng Ate Joan mo, Chasa," kagat-labing sambit nito kahit hindi sa kaniya nakatingin. "Wala tayong gano’n kalaking halaga kaya naman baka puwedeng pakiusapan mo si Russu para naman matuldukan na rin ang pangarap ng Ate mo." Sinundan nito iyon ng isang malalim na buntong-hininga.
Literal na nalaglag ang panga niya dahil sa narinig. Bigla'y kung anu-anong mga negatibong bagay ang tumatakbo sa loob ng kaniyang isipan. Ano ba talaga ang gusto ng kaniyang ina na gawin niya? Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman. Sobra-sobra pa sa panlulumo ang biglang kumain sa kabuuan niyang sistema sa mga oras na ito.
Walang imik na tumayo siya at mabibigat ang yabag na naglakad papasok sa loob ng kanilang tahanan na yari lamang sa pawid at kawayan. Ayaw niya nang saktan pa ang sarili sa mga bagay na alam niyang hindi niya na mababago pa. Sa huli’y ipipilit at ipipilit lamang ng ina ang gusto nito.
Pumasok siya sa loob ng kaniyang kuwarto. Katamtaman ang lawak niyon, maayos at maaliwalas din tingnan. Sa kuwartong iyon ay walang puwedeng gumambala sa pananahimik at pagkukulong niya. Siya lamang sa kanilang magkakapatid ang may sariling kuwarto. Ni ang Ate Joana niya ay nakikitabi lamang sa tatlo nilang mga kapatid sa kanilang lumang katre. Kagustuhan mismo iyon ng kaniyang ina. At hindi man nito sabihin, alam niya ang inaasahan nitong mangyari.
Ini-lock niya ang pinto, saka siya gumapang sa ibabaw ng malambot niyang kama at inabot ang teddy bear na mas malaki pa kaysa sa kaniya. Pinagmasdan niya ang loob kaniyang kuwarto. Punong-puno iyon ng mga bagay na galing sa kaniyang boyfriend na si Russu. Galing din sa nobyo ang pera na pinambili ng gamit upang magawa ang kuwarto.
Sa madaling salita, suportado siya ng kaniyang ina sa pakikipagrelasyon niya kay Russu. Magli-limang taon na sila nito at sa loob ng napakahabang taon na iyon ay madami na itong nagawa para sa kaniya. Mahal niya si Russu. Totoong nagmamahalan silang dalawa nito. Hindi dahil sa kung anong kaya nitong ibigay nito sa kaniya gaya ng iniisip ng iba kundi dahil iniibig niya ito. Hindi sila tatagal ng limang taon kung wala silang tiwala at pagmamahal para sa isat-isa.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at pinigilan ang sarili na mag-isip ng kung anu-ano. Itutulog na lamang niya ang kaniyang sama ng loob at paniguradong mawawala rin iyon pagkagising niya.
Saktong hapunan na nang magising siya. Nagising siya na tumutunog at kumukulo ang kaniyang tiyan. Gutom na lumabas siya mula sa kaniyang kuwarto at blangko ang ekspresyon na dumiretso siya sa kusina. Maliit lamang ang kanilang tahanan kaya naman kahit anong kagustuhan niyang iwasan ang ina ay wala siyang magagawa.
Nanliliit ang kaniyang mga mata pagkakita sa makapal na usok na nagmumula sa kanilang munting kalan. Mukhang tapos na magluto ng kanin at ulam ang kaniyang ina sapagkat nagsasalang na ito ngayon ng mainit na tubig sa medyo nangingitim na namang takuri nila. Sumisinghot ang kaniyang ina sapagkat mausok talaga ang pagsasalang sa kahoy.
Ang kusina nila at sala ay iisa lamang sapagkat mahirap lamang ang kanilang pamilya ngunit hindi iyon kailanman naging problema. Meron silang lutuan na de-gasul ngunit minsan lamang na mga buwan sa isang taon niya natandaang ginagamit nila iyon.
Ginagamit lamang nila iyon kapag maulan at paubos na ang kanilang mga naimpok na kahoy. Madalas, kapag may bisita rin sila. Nakakahiya naman kasi na baka pati ang mga kulangot ng mga ito sa ilong ay mangitim.
Hindi nakaligtas sa paningin niya ang masamang titig na iniukol sa kaniya ng Ate Joana niya. "Cinderella is already awake," sarkastikong sambit nito habang nakatingin sa kaniya. Nakangiti ngunit matalim ang titig ng mga mata nito sa kaniya.
Inirapan niya lamang ito at hindi na pinag-ukulan pa ng pansin. Unang-una sa lahat, ayaw niya ng away. Alam niyang magmumukha lamang siyang bobo kapag in-english na siya nito. Ayaw niya na rin naman na humaba pa ang usapan at mauwi sa argumento ang lahat.
Tahimik na kumuha siya ng plato, kutsara at tinidor.
"Bakit hindi niyo pa tinawag ang mga kapatid niyo para kumain na rin?" tanong ng kaniyang ina na alam niyang para sa kaniya kahit walang partikyular na pangalan itong pinapatumbukan.