“RYAN, nandito ka nga.” Lumingon si Ryan nang marinig ang boses ni Jay at maramdaman ang pagtapik nito sa likod niya. Hindi niya namalayang nasa likuran na pala niya ang kaibigan kasama ang kanyang pinsan na si Draco. Nasa counter siya ng club kung saan ilang taon ang nakararaan ay muli silang nagkita ni Jay matapos ang matagal-tagal na kawalan nila ng koneksiyon. Sa totoo lang ay matagal na siyang hindi napapadpad doon. Pero mula nang aksidente silang magkita ni Jesilyn sa restaurant ay bigla siyang nagkaroon ng udyok na magpunta roon at magpakalunod sa ingay at uminom. Hindi na kasi siya puwedeng magbabad sa kanyang opisina mula nang araw na iyon na nagkita sila ni Jesilyn dahil isang linggo nang sinisiguro ni Maxene na nakalabas na siya ng kompanya bago umuwi ang babae. “Hey,” bati n

