* * Erika's POV * *
Habang mag-isa akong nag-aalmusal, naramdaman ko ang pag-vibrate ng smartwatch na suot ko. Naka-connect ito sa secret phone na lagi kong itinatago. Agad kong tinapos ang pagkain at dali-daling umakyat sa kwarto para sagutin ang tawag. Ang cellphone na iyon ay laging nasa kwarto ko lang at bihira kong dalhin, maliban na lang kung kinakailangan. Minsan, iniiwan ko ito sa isang tagong lugar para walang makakita. Kahit hindi ko ito hawak, nagagamit ko naman ang relo para sagutin ang mga tawag. Hindi rin ito nawawalan ng koneksyon kahit malayo ako sa phone.
"Oh, Erika, nagmamadali ka yata? May problema ba?" tanong ni Ate Ella nang magkasalubong kami sa hagdan.
"Ah, wala, Ate. Magbibihis lang ako. Lalabas kasi kami ng kaibigan ko," mabilis kong sagot habang nag-iimbento ng dahilan.
Sa ngayon, nakikitira muna ako sa bahay ni Ate at ng asawa niyang si Kuya Gavin. Kakapanganak lang ni Ate sa kambal nilang sina Gavel at Elvin, kaya naisip kong samahan siya. Nagpasya rin akong huwag munang pumasok sa eskwela ngayong taon dahil may kailangan akong asikasuhin—isang lihim na walang nakakaalam sa pamilya ko. Ang alam lang nila, tuloy pa rin ako sa pag-aaral, kahit ang totoo ay hindi na.
Pero hindi ibig sabihin nito na pasaway akong anak o bata. Oo, bata. Bata pa kasi ako dahil 15 years old lang ako, pero naniniwala akong kaya ko rin gawin ang mga bagay na ginagawa ng mas nakatatanda sa akin.
"Gano'n ba? Saan ba ang lakad niyo? Gusto mo ipahatid ko na kayo kay Mang Raul?" alok ni Ate habang tinitingnan ako. Si Mang Raul ay ang driver nila.
"Ah, hindi na, Ate. Dadaanan naman ako dito ng kaibigan ko," sagot kong may ngiti para maiba ang usapan.
"Sige, basta mag-ingat ka, ha? Huwag ka rin magpapagabi," paalala niya.
"Oo, Ate. Huwag kang mag-alala," sagot ko habang sinusubukang magmukhang kampante. Papalayo na siya nang tawagin ko siya.
"Ate!" tawag ko kaya huminto siya at lumingon. Lumapit ako sa kanya.
"Bakit?" tanong niya.
"Yung kaibigan niyo pong si Jay, matagal niyo na po ba siyang kilala?" seryoso kong tanong.
"Matagal-tagal na rin. Bakit mo natanong? Crush mo?" biro niya habang tumatawa. Napangiti naman ako na parang kinikilig, kahit ang totoo ay hindi.
"Hoy, Erika! Anong ngiti 'yan? Binibiro lang kita! Umayos ka nga, bata ka pa! Hindi pa puwede sa'yo ang ganyan," paalala niya na may halong biro.
"Ate, crush lang naman," sagot ko, kahit gusto ko lang siyang pasalitain tungkol kay Jay.
"Siguraduhin mo lang na hanggang crush lang 'yan," sabi niya na may konting pagbabanta sa tono. "Pero bakit si Jay? Aba, halos kalahati ng edad mo ang agwat n'yo!" dagdag niya na halatang nagtataka.
"Eh, sa siya kasi yung crush ko, Ate. Isa pa, wala naman sa edad 'yan. Marami ngang nagkakatuluyan na hindi magkaedad. Sabi nga nila, 'age doesn't matter,'" paliwanag ko na parang kumbinsido. Alam kong maiintindihan ako ni Ate, lalo na't noon daw, nagka-crush siya sa bestfriend niyang si ate Nica noong 10 years old pa lang siya. Dati lang naman kasing tomboy itong ate ko. Mabuti na lang at dumating si Kuya Gavin na nagbago ng pananaw niya.
Mag-iisang taon pa lang kaming magkakilala ni Ate dahil sa pagkakaayos nila ni Papa. Iniwan kasi siya ni Papa noong bata pa siya dahil sinisisi siya sa pagkamatay ng mama niya. Pero sa kabila nito, hindi nagtanim ng galit si Ate kay Papa. Naiintindihan daw niya kung saan nanggagaling ang galit noon ni Papa. Kaya kahit magkapatid lang kami sa ama, malapit kami sa isa’t isa.
"Pero, Ate, paano mo nakilala si Jay?" tanong ko ulit para makakuha pa ng sagot.
"Pinakilala siya sa amin noon ni Sam. Pero tungkol sa buhay niya, wala kaming alam. Tahimik lang kasi siya at ayaw niyang magkwento. Ang sabi lang niya, magsasabi na lang daw siya sa barkada sa tamang panahon," kwento niya habang tumatango-tango ako.
"Sige, Ate. Salamat," sagot ko na may ngiti bago tuluyang umakyat sa hagdanan upang mag tungo sa aking kwarto.
Pagkapasok ko sa aking silid, agad kong isinara ang pintuan at ni-lock ito. Kinuha ko ang cellphone na nasa ilalim ng mattress ng kama ko at tinawagan ko ang numero na kanina ay tumatawag sa akin habang nag-aalmusal ako.
"Hello, Madam Tricia," wika ko nang sagutin ni Madam Tricia ang tawag ko.
"Kamusta, Erika?" tanong niya sa akin.
"Ayos lang po, Madam. Kayo po, kamusta? Kamusta po ang pagpapagaling niyo?" sagot ko sa kanya. Galing kasi siya sa coma at ilang taon din siyang walang malay dahil sa pagkakakoma niya.
"Ayos na ako, at baka anytime bumalik ako ng Pilipinas, dahil nandiyan na rin ang anak kong si Princess. Hindi ko siya pwedeng hayaan mag-isa diyan, lalo na at nabubulag na siya sa mga gustong ipagawa sa kanya ng papa niya, para lang sa pagmamahal na inaasam niya sa kanyang ama na hindi naman kayang ibigay sa kanya, kahit anong gawin niya at kahit anong sundin niya sa papa niya," litanya sa akin ni Madam Tricia.
"Sige po, Madam. Mag-sabi lang po kayo kung ano ang kailangan ninyo at aayusin po namin agad ni Bong," sagot ko naman sa kanya. Si Bong ang lagi kong kasama pag may gustong ipagawa si Madam, dahil kahit napatunayan ko na sa kanya na kaya ko naman kumilos mag-isa kahit may edad na ako, hindi pa rin niya ako pinapayagang mag-isa sa misyon ko sa paghahanap sa sinasabi niyang hidden mafia.
"Oo, Erika. Ipaalam ko kaagad sa iyo sa oras na handa na akong umuwi diyan," sagot niya.
"Sige po, Madam. Hihintayin po namin ang pagbabalik niyo dito. Lalo pa ngayon na may ideya na ako kung nasaan at sino ang hidden mafia na pinapahanap niyo sa amin ni Bong," nakangisi kong wika ng ipaalam ko ang magandang balita kay Madam.
"Good job, Erika. Basta sundan mo lang siya at bantayan, wag na wag kang magpapahalata. Pag nakita mong may kakaibang tao sa paligid niya na may koneksyon sa pagiging mafia niya, alam na ni Bong ang gagawin niyo," paalala sa akin ni Madam.
"Opo, Madam. Noted po. Kami na po ni Bong ang bahala," sagot ko kasabay ng pagbaba ko ng tawag.