Chapter 4 - The Transferee

2107 Words
THIRTEEN years ago “Mommy, maganda na po ako. Tama na po iyan,” saway ni Hershelle kay Isabel na kung ano-anong kolerete ang inilalagay sa mukha niya. “Sus! Inaayusan lang kita para hindi ka magmukhang bangkay sa itsura mo. Sa sobrang puti mo, puwede ka nang ipasok sa kabaong. Kaya kailangan nating lagyan ng kaunting make up iyang mukha mo para naman magkakakulay at hindi ka pagkamalang bampira,” walang kangiti-ngiting wika ng kanyang ina. “Mommy naman, eh. Niloloko mo na naman ako. Kanina lang sabi mo mukha akong bangkay. Ngayon sasabihin mong bampira naman ako. Hindi po ako bangkay o bampira, tao ako, buhay at humihinga,” naiinis na katuwiran ni Hershelle. “Hay, naku! Kailangan mong maging maganda. Papasok ka sa eskuwelahan ng mga mayayaman, kailangan mong mag-ayos para hindi nila mahalatang wala ka naman palang pera.” Napasimangot si Hershelle. “Mommy, totoo namang mahirap tayo. Kung hindi ko lang naipasa iyong qualifying exam para sa scholarship, baka hindi ako makakapag-enroll sa Saint Andrew.” Iniligpit ng Mommy niya ang make-up kit. “Alam ko naman iyon, anak. Kaya ginagawan ko ng paraan upang hindi ka mapahiya sa eskuwelahang iyon. Ang mga maperang tao mahilig mam-bully sa mga kapawa nila. Mahirap na baka mapag-trip-an ka lalo na at transferee ka lang sa eskuwelahan. Kailangan mong mag-blend sa karamihan ng mga estudyante. Dapat hindi nila mapansin na naiiba ka o may espesyal sa iyo. Kung hindi’y tutuksuhin ka. Ang malala niyan ay mapapaaway ka dahil lang sa pagdedepensa mo sa iyong sarili. Huwag sanang mangyari iyon habang nasa Saint Andrew ka. Baka ma-expel ka, malaking problema iyon kapag nagkataon,” paliwanag nito. Nagbuga ng hangin si Hershelle. Naiintindihan niya kung ano ang kinakatukan ng kanyang ina. Kaya ipinangako niya sa kanyang sarili na mag-aaral siyang mabuti para hindi mawala ang scholarship niya. Ito na lang ang pag-asa niya para makapag-aral siya sa magandang eskuwelahan. Pagdating niya sa kolehiyo ay hindi na siya gaanong mahihirapan dahil maganda ang background niya sa high school. “Hayaan ninyo, Mommy, gagalingan ko sa school para magkaroon ako ng award sa klase. Kapag maganda ang grades ko, magiging scholar ulit ako sa college.” Kailangan niyang manatiling scholar hanggang makatapos ng kolehiyo dahil walang pera ang Mommy niya para mapag-aral siya. Hindi sapat ang kinikita nito bilang hair and make-up stylist sa isang salon upang matustusan ang lahat ng pangangailangan nilang mag-ina. Kaya kinakailangang tulungan niya ito, ngunit ayaw naman ng Mommy niya. Katwiran nito’y mag-aral na lang daw siya dahil mas malaki ang maitutulong niya sa parteng iyon. Hayaan na lang daw niya ang ina na magtrabaho para sa kanilang dalawa dahil obligsayon naman nito ang bagay na iyon. “Mabuti naman kung gano’n. Hala, sige! Pumasok ka na bago ka pa ma-late. First day pa man din ng klase ninyo ngayon.” Dinampot ni Hershelle ang backpack niya saka isinukbit ito sa kanyang balikat. Hinila naman siya ng kanyang ina at sabay silang lumabas ng kuwarto. Inihatid siya nito hanggang sa labas ng bahay nila. Habang nag-aabang ng masasakyan ay napatingin si Hershelle sa suot niyang relo. Alas-siyete na ng umaga. Hindi naman malayo ang Saint Andrew sa bahay nila. Kung tutuusin ay puwede niya itong lakarin pero ayaw ng Mommy niya. Mapapagod lang daw siya at pagpapawisan. Kaya mas mabuting sumakay na lang siya sa traysikel dahil mura lang naman ang pamasahe. Ilang sandali pa ay may humintong traysikel sa harapan nila. Agad siyang pinasakay ni Isabel. Inabot na rin nito sa driver ang bente pesos na pamasahe niya. Hindi naman nagtagal ay nakarating na siya sa eskuwelahan. Pagbaba niya ng traysikel ay hindi agad pumasok sa loob si Hershelle. Tinitigan muna niya ang arko sa taas ng gate. Nakasulat roon ang pangalan ng eskuwelahan. Animo’y panaginip lang ang lahat sa kanya. Hindi niya inaasahang makakarating siya sa eskuwelahang ito na tanging mayayaman lang ang nakakapasok. Mula kinder hanggang first year high school ay nag-aral siya sa pampublikong eskuwelahan. Kaya sanay siya sa siksikan at mainit na kuwarto. Noong isang taon pa sana siya dapat pumasok sa Saint Andrew pero nahuli siya sa enrollment kaya hindi siya tumuloy. Mabuti na lang at maaga niyang nalaman ang tungkol sa qualifying exam para sa scholarship. Nakapag-apply siya nang maaga at naipasa naman niya kaya heto siya ngayon. Isang malalim na buntunghininga ang pinakawalan niya bago siya sumabay sa mga estudyanteng papasok sa loob. Nang makarating siya sa loob ng eskuwelahan ay dire-diretso siya sa main building. Sinisilip niya ang bawat kuwartong madaanan. Nang makita niya ang kuwarto nila ay sumilip muna siya. May mga estudyante na sa loob. Akmang papasok na siya nang maramdaman niyang  may bumunggo sa kanya. Agad siyang napalingon. Nakita niya ang isang babae na matalim ang titig sa kanya. “Hey! Get out of my way!” galit nitong sabi. Akmang itutulak siya nito ngunit umatras si Hershelle. Inirapan siya nito saka pumasok sa loob ng kuwarto kasunod ang dalawa pa nitong kasama. Napakurap siya habang pinagmamasdan ang likod ng babaeng bumangga sa kanya. First day pa lang ng klase ay may na-encounter na siyang bully. Tama nga yata ang Mommy niya na maraming bully sa eskuwelahang ito. Kailangan niyang mag-ingat. Pumasok na siya sa loob at naghanap ng mauupuan. Okupado na ang harapan maging ang bandang gitna. Sa bandang likod na lang ang bakante. Uupo na sana siya sa pinakadulo nang mapansin niyang may kumaway sa kanya. “Hi! Dito ka na umupo sa tabi ko,” nakangiting wika ng babae. Tumayo pa ito at hinila ang kamay niya. Kaya napilitan siyang sumunod. “I’m Rosaline.” Inabot nito ang kamay sa kanya. “Ikaw, anong name mo? Bago ka lang dito, ano?” Tinanggap ni Hershelle ang kamay ni Rosaline. “I’m Hershelle. Transferee ako dito.” “Kaya pala hindi familiar ang face mo. Napagtrip-an ka tuloy ni Lyla,” napapailing na sabi ni Rosaline. Napakunot ang noo ni Hershelle. “Lyla ba ang pangalan nang bumangga sa akin?” Tumango si Rosaline. “Ingat ka sa kanya. Mahilig mam-bully iyon palibhasa anak ng may-ari ng eskuwelahan. Kawawa ang mga babaeng pinagti-trip-an niya. Kaya huwag kang lalapit-lapit o haharang-harang sa daanan niya para walang gulo.” “Salamat sa advice. Tatandaan ko iyang sinabi mo.” “You’re welcome.”   Napangiti si Hershelle habang pinagmamasdan si Rosaline na busy sa cellphone nito. Mabuti na lang at may kaibigan na siya. Ngayon ay hindi na siya nag-iisa. Ilang minuto pa ang lumipas ay tumunog ang alarm. Tiningnan ni Hershelle ang suot na relo. Seven-thirty na pala. Ilang sandali pa ay may pumasok na teacher sa loob ng klase nila. Sampung minuto lang na nag-discuss ang guro nila sa English pagkatapos ay pinagsulat na sila ng essay tungkol sa kanilang expectation sa subject nila. Habang mabilis na gumagalaw ang mga kamay ni Hershelle ay patingin-tingin siya sa kanyang katabi. Halos hindi makabuo ng composition si Rosaline. Mukhang may problema ito sa subject nila. “Mabuti ka pa mukhang maraming naisulat sa English. Ako isang paragraph lang ang nabuo ko. Hindi ko pa sure kung maayos ang pagkakasulat ko,” malungkot na sabi ni Rosaline nang matapos ang subject nila. “Okay lang iyon at least nag-effort ka,” pampalubag-loob niya rito. Nagkibit-balikat lang si Rosaline. Ang sumunod nilang subject ay Math. Pagkatapos nito ay Science. Ngunit nang dumating ang last period nila ay in-announce na suspended na ang klase dahil may emergency meeting ang mga guro. “Uuwi ka pa ba para mag-lunch?” usisa ni Hershelle kay Rosaline nang lumabas sila sa kuwarto. “Hindi dito na ako nagla-lunch. Malayo kasi ang bahay namin. Aabutan lang ako ng traffic kapag uuwi pa ako. Ikaw ba, uuwi pa sa inyo?” Umiling si Hershelle. “Hindi na. Nagbaon ako,” sagot niya. “Pero maaga pa para kumain kaya punta muna tayo ng library para magawa na natin iyong assignment sa Math,” suhestiyon niya. “Sige, sige…” masayang tugon ni Rosaline. Nang makarating sila sa library ay pumuwesto sila sa bandang dulo at katabi ng mga bookshelf. Inilabas nila ang kanilang mga gamit at nagsimulang sumagot. Habang nagso-solve si Hershelle ay pinanonood lang siya ni Rosaline. “Explain mo nga ulit sa akin iyan. Hindi ko gaanong naintindihan ang explanation ni Sir kanina,” pakiusap ni Rosaline. Matiyaga naman itong ipinaliwanag ni Hershelle. Pagkatapos ay sabay na silang nagsasagot. After ten minutes ay napakamot ng kanyang ulo si Hershelle. Ibinaba niya ang hawak na ballpen at tumayo siya. “Dito ka lang muna, ha? Maghahanap lang ako ng iba pang reference para mas madali nating masagot ang iba pang tanong.” Hindi na niya hinintay na umimik si Rosaline, tinalikuran na niya ito agad. Nang makakuha si Hershelle ng libro ay bumalik na siya sa upuan. Habang naglalakad ay binubuklat niya ito kaya hindi niya napansin ang nasa harapan niya. Nagulat na lang siya nang biglang may bumangga sa kanya. Nabitiwan niya tuloy ang hawak niyang libro. Akmang pupulutin niya ito ngunit naunahan siya ng lalaking bumangga sa kanya. “Sorry, Miss,” wika nito nang iabot ang libro sa kanya. Nang kukunin na ito ni Hershelle ay biglang inilayo ito ng lalaki. Kunot noong tiningnan niya ang kaharap. Napaawang ang bibig niya nang matitigang mabuti ang lalaki. Matangkad ito at napakaguwapo. Hindi niya mapigilang pasadahan ito ng tingin. Bilugan ang mga mata nito, napakatangos ng ilong, at namumula ang labi. Ang kinis din ng mukha nito, wala ni isang pimple na tumutubo. Bagay nitong maging basketball player dahil sa height nito. O kaya ay maging artista o modelo dahil napakaguwapo talaga nito. Tumikhim ang lalaki. Napangiwi naman siya. Huling-huli siya nitong nakatitig dito. “Akin na iyang libro ko!” Sinadya niyang magtaas ng boses upang pagtakpan ang sarili sa pagkakapahiya. “I’m not giving this to you unless you tell me your name,” nakangising wika ng lalaki. Tinaasan ito ng kilay ni Hershelle. “Ikaw na nga itong bumunggo sa akin tapos may kundisyon ka pa bago mo ibigay sa akin iyang libro,” mataray niyang sabi. “I’m just asking for your name. Is that too hard for you?” Tiningnan ng lalaki ang hawak nitong libro. “These Math problems are harder to solve than my question,” anito nang tumingin sa kanya. Pinaikot ni Hershelle ang kanyang mga mata. Guwapo nga ito ngunit mukhang gago naman. “Ayaw mong ibalik sa akin ang libro?” Hindi umimik ang lalaki. Ngumiti lang ito sa kanya. Lalo tuloy itong gumuwapo sa paningin niya. Pero hindi siya madadaan ninyo sa pagpapa-cute. “Puwes, kung ayaw mong ibigay sa akin, sa iyo na lang iyan. Kung gusto mo, isaksak mo pa sa baga mo.” Inirapan niya ito saka mabilis na tinalikuran. Bumalik siya kung saan niya kinuha ang libro. Mabilis siyang humugot ng isang kopya. “Hey! Here’s your book.” Hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya ang lalaki at inaabot nito sa kanya ang hawak na libro. Hindi ito pinansin ni Hershelle. Sa halip ay ipinukpok niya ang hawak na libro sa dibdib ng lalaki.  “Gago!” galit niyang sambit sabay talikod. “Miss Masungit, my name is Edrian Mark De Castro II and I’m in fourth year. I hope to see you again.” Narinig niyang wika nito sa likuran niya. Napapikit na lang si Hershelle. Gustong-gusto niyang lingunin ito pero pinigilan lang niya ang sarili. Naglakad na lang siya pabalik sa upuan nila ni Rosaline.   “Bakit ang tagal mo?” usisa ni Rosaline nang bumalik si Hershelle sa upuan niya. Napaismid siya. “May buwisit kasing lalaki na bumunggo sa akin at kinuha pa ang libro ko,” naiinis niyang sagot. “Huh? Gano’n? Kilala mo ba? Anong itsura niya?” “Ang sabi niya ay siya raw si Edrian Mark De Castro II at fourth year na siya.” Pinandilatan siya ni Rosaline. “OMG! Si Edmark iyon! Naku! Lagot ka nito kay Lyla. Patay na patay siya kay Edmark.” Nagsalubong ang kilay ni Hershelle. “So? Ano naman ngayon kung crush niya iyon? Paki ko naman.” Nilinga ni Rosaline ang paligid bago siya nito binalingan. “Hoy! FYI, sikat na basketball player ng Saint Andrew si Edmark. Maraming nagka-crush sa kanya. Lahat sila ay inaaway ni Lyla. Kaya kung nakipagkilala sa iyo si Edmark, humanda ka na rin sa galit ni Lyla. Feeling niya siya lang dapat ang magkagusto kay Edmark. Ang taas ng tingin niya sa kanyang sarili.” Napakamot ng kanyang ulo si Hershelle. Ano ba namang klaseng estudyante ang nandito sa Saint Andrew? May feeling maganda, feeling guwapo, at super presko! Haisst…  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD