Kanina pa hindi mapakali si Rick. Nariyang uupo siya at sisilip sa bintana pero tanging dilim lang ang sumasalubong sa kaniya. Sampung minuto na lang kasi at mag-aalas dose na. Pero wala pa siyang balita kung nakain ba ni Sam iyon o hindi. Mababaliw na ata siya sa kaiisip. Dahil sa katarantahan nawala sa isip niya na tawagan na lang kaya niya ang dalaga. Agad niyang hinagilap ang cellphone, subalit nakailang akyat-panaog na siya ay hindi niya pa rin iyon makita. Pati sa loob ng kotse ay wala rin. Halos lahat na ng sulok ng kabahayan ay hinanap niya. Muli siyang napasulyap sa orasan na nakasabit sa dingding. Eksaktong alas-dose na! Saglit siyang tumigil at pinakiramdam ang sarili o ang paligid. Para siyang tangang nakatayo lang doon at hindi naman alam kung ano ba ang hinihintay. Lumi

