Kabanata 13

2008 Words
Bumagal ang lakad ni Esperanza. Nagtalo ang isip niya. Dapat nga yata'y hindi siya sumama sa dalawang babae. Babalik na sana siya sa bahay nang maramdaman niya ang pagdapo ng palad ni Anita sa kaniyang likod. Itinulak siya nito. "Bilisan mo!" sigaw nito. Sumulak ang dugo sa ulo niya. Sumusobra na ang babaeng ito! Nagtimpi siya noon dahil alam niyang talo siya. Marami sila at nag-iisa lang siya. Pero ano'ng napala niya? Wala! Binugbog pa rin siya, kaya't mas mabuti pang lumaban na rin siya. Hinarap niya si Anita. Itinaas niya ang kamay at dinuro ito. "Isang beses mo pa akong hawakan, makikita mong hinahanap mo. Baka pati sarili mo 'di mo makilala 'pag humarap ka sa salamin!" "Hinahamon mo ba ako?" Pinanlakihan siya nito ng mata. "Sa tingin mo, kaya mo na kami?" "Matapang ka lang kasi napapaligiran ka ng kasama mo. Kung gusto mo, tayong dalawa lang. Mano-mano tayo!" Inililis niya pataas ang manggas ng kamiseta niya. Sumugod si Anita pero pinigilan ito ni Helen. Hinawakan ito sa braso. "Anita, baka mapasubo tayo 'pag pinatulan mo 'yan. Maraming makakarinig sa inyo. Saka, nasa tabi-tabi lang si Ka Elmo," babala ni Helen. Marahas na binawi ni Anita ang braso. "Malakas ang loob manghamon ng babaeng 'yan kasi alam n'yang may tutulong sa kaniya." "Tingnan nga natin kung hanggang saan ang tapang n'yan," sabat ng isa sa grupo. Ngumisi ito, may kakaibang kislap sa mata nito. "Maraming paraan kung paano balatan ang pusa kaya marami ring paraan kung paano pahirapan 'yan." Ngumuso ito sa direksiyon ng damuhan. "Oo, subukan natin kung talagang matapang 'yan!" sabat ni Helen. Mukhang nakuha nito ang ibig ipahiwatig ng babae. Dahan-dahang umangat ang gilid ng labi ni Anita. Ngumisi rin ito.  Ibinaling nito ang paningin kay Esperanza. "Matapang ka naman, 'di ba?" May halong pang-iinsulto sa boses nito. Itinuro nito ang mga manok na nasa damuhan. "Katayin mo 'yan. Lahat. Ikaw na rin ang magtanggal ng balahibo. Gusto ko, nalinis nang mabuti 'pag binigay mo sa akin. Hindi naman siguro mahirap gawin 'yon, 'di ba?" Lumingon si Esperanza sa kinaroroonan ng mga manok. Gustong bumaligtad ng sikmura niya. Maaatim niya bang patayin iyon? Nagtawanan ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Napansin siguro nila ang pamumutla ng dalaga. "Ano? 'Di mo kayang gawin?" kantiyaw ni Helen. "Alam lang n'yan kumain. 'Di n'ya ba alam na 'yong manok na kinakain n'ya, may buhay rin. Kailangan n'yang patayin para magkalaman ang sikmura n'ya," sabi ng isa pang babae.  Tama naman ito kung tutuusin. Pero bakit malaki ang pagkakaiba kapag luto nang inihain sa kaniya ang pagkain kumpara sa buhay pa ito at kailangan niya munang katayin? "Duwag!" humahalakhak na sabi ni Anita. Dumilim ang paningin niya. Ayaw niyang tinatawag siyang duwag! Humakbang siya papunta sa manok. Dinakma niya iyong unang naraanan niya. Pumutak nang malakas ito. Nagwala. Pero hindi nito maikampay ang mga pakpak dahil sa higpit ng pagkakahawak niya. Gumalaw ang mga paa nito, aktong tumatakbo kahit nasa ere na ang mga paa. Luminga sa kaliwa't kanan ang ulo nito habang patuloy sa pagputak. Natahimik ang mga nangangantiyaw sa kaniya. Nagulat. Hindi inaasahan ang ginawa niya. Galit pa rin siya. Ipapamukha niya sa lahat na hindi siya duwag. Na lalaban siya kapag kinanti pa siya ng kahit sino sa kanila. Luminga siya. Nakita niya ang gulok sa ibabaw ng mesa. Nasa tabi niyon ang tadtarang gawa sa kahoy. Determinado ang mga hakbang niya. Pinahiga niya sa ibabaw ng tadtaran ang manok na hawak niya. Nagpumiglas iyon, pero lalo niyang hinigpitan ang kapit dito. Hinablot niya iyong gulok at buong lakas na tinaga iyon. Putol ang ulo ng manok. "Susmarya!" sigaw ng matabang babae. "Ay, naku po!" "Ay-yay-yay!" Nagtakip naman ng bibig ang iba. Mayroon pa ngang nag-antanda. Akala ni Esperanza, ganoon lang iyon. Tahimik na tatanggapin ng manok ang sinapit nito at walang reklamong hihimlay sa ibabaw ng tadtaran. Hindi pala. Naghuramentado ito. Dahil sa hindi iyon inaasahan ni Esperanza, nabitiwan niya ito. Tumakbo iyong manok. Mabilis ang mga naghahabulang mga paa nito. Tumalsik sa iba't ibang direksiyon ang dugo nitong sumasagitsit sa putol nitong leeg hanggang bumagsak ito sa lupa. Umikot ang laman ng sikmura ni Esperanza. Gustong umakyat niyon sa lalamunan niya. Nasusuka siya! Itiniim niya ang bagang. Lumunok din siya. Kahit ano'ng mangyari, hindi siya magpapakita ng kahinaan sa harap ng mga taong kumukutya sa kaniya. Nabulabog ang iba pang manok na naroon. Umingay ang paligid. Ilang sandali pa ang lumipas bago tumahimik at bumalik uli ang mga iyon sa pagtuka ng pagkain. Napako naman ang mata ng lahat kay Esperanza. Hinihintay ang susunod niyang gagawin. Huminga si Esperanza nang malalim. Pumunta siya sa wala nang buhay na manok. Dinampot niya iyon. Mainit pa ang katawan nito pero hindi na lumalaban. Dinala niya ito sa lamesa at ipinatong doon. Paano niya huhugutin ang mga balahibo nito? Wala siyang ideya. Nanginginig ang kamay niya. Hindi niya alam kung dahil iyon sa galit, takot o pangingilabot.  Basta ang alam niya lang, hindi siya aatras. Dumaklot siya ng ilang balahibo ng manok. Hinila niya iyon. Maririnig ang tunog ng paghiwalay ng balahibo sa balat nito. Nakangingilo. Humablot uli siya ng balahibo, saka hinila. Lumalakas ang buga ng hininga niya. Namuo ang pawis sa noo at itaas ng nguso niya. Pati nga sa gilid ng mata niya ay may luhang nagsisimula nang mamuo. "Ano bang nangyayari dito?" tanong ng bagong dating. Pag-angat ng mukha niya, nasa harapan niya si Aling Esther. Medyo malayo pa ito mula sa kinatatayuan niya. Lumapit ito sa kaniya, makikita ang pag-aalala sa mukha nito. Gumawi ang mata nito sa hawak niya bago uli tumingin sa kaniya. "Hindi ganiyan ang maglinis ng manok," mahinahong sabi nito. Tinangka nitong kunin ang manok. Hindi niya iyon binitiwan. "Esperanza, ako na," may diing sabi nito. Lumuwag ang kapit niya sa manok. Kinuha ni Aling Esther iyon. "Kailangan mong ilublob ito sa kumukulong tubig para madali mong mahugot 'yong balahibo. Pero basain mo muna ang buong katawan nito para mas madaling tumalabab 'yong mainit na tubig." Tumango siya. "Umuwi ka muna," utos nito. "Magpalit ka ng damit." Umiling siya. "Esperanza, h'wag matigas ang ulo. Tingnan mo sarili mo, puno ka ng dugo." Sinulyapan niya ang sarili. May tilamsik nga ng dugo ang kaniyang suot. Sumunod na rin siya sa utos ng matanda. Umiwas ang mga taong nakaharang sa daraanan niya. Iba na ngayon ang makikita sa mga mata nila. Nawala iyong yabang na para bang kayang-kaya siya ng mga ito. "Sino ba ang pasimuno ng gulong ito?" tanong ni Aling Esther. "Wala namang gulo, ah," naiinis na sagot ni Anita. "Sinabi ko lang katayin n'ya 'yong manok, gulo na 'yon?" "Hindi na ako magtatakang ikaw ang nagsimula ng gulo, Anita. Ba't kasi hindi mo pa isuko 'yong kagustuhan mong mapunta sa 'yo si Lucas?" sita ni Aling Esther. "Hindi na s'ya p'wede. May asawa na s'ya, at si Esperanza 'yon!" Natigilan si Esperanza. Hindi pa siya gaanong nakalalayo kaya narinig pa niya iyon. Si Aling Esther talaga, pinagpipilitan pa rin niya ang paniniwalang iyon. At, balak niya pa yatang kumbinsihin ang iba! Pinagpatuloy niya ang paglalakad. "Hindi sila mag-asawa!" mariing tutol ni Anita. "Galit nga si Lucas sa babaeng 'yan." "Aber, pa'nong 'di sila mag-asawa? 'Di ba may patakaran tayo... isang bahay..." Pahina nang pahina ang boses ng nag-uusap. Wala na rin namang interes pakinggan ni Esperanza iyon. Luma na iyon. Narinig niya nang lahat. NAKAPAGPALIT NA SIYA ng damit. Bumalik siya sa lugar kung saan inihahanda ang mga lulutuin. Kasama niya na rin si Gilda. Abala ang lahat. Mukhang payapa silang nagtatrabaho sa unang tingin. Pero may tensiyong naghahari sa paligid. Nararamdaman.  Naaamoy sa hangin. Alam ng lahat na sasabog iyon ano mang oras. Naghihintay lang kung sino ang unang sisiklab. Si Anita ang hindi nakatiis. "Asawa? Sus! Sinong maniniwala ro'n!" "Anita, tumahimik ka na," sita ni Aling Esther. "Magkasama sila sa isang bahay pero hindi sila nagtatabi. Sabi ni Isko, magkahiwalay sila ng higaan. Ito pa nga ang nagdala ng banig!" "Hindi mahalaga 'yon. Tigilan mo na kasi 'yang kahibangan mo. Mas mauuna pang makarating ako sa buwan kaysa mapunta sa 'yo si Lucas." "Ba't ba mas kinakampihan mo 'yan?" Binalibag ni Anita ang hawak na sandok. "Para magkaalaman na tayo, 'yong naniniwala kay Aling Esther, pumunta sa likod n'ya. 'Yong hindi, tumayo rito sa likuran ko!" Nagpanting ang tainga ni Esperanza. Nakukunsumi na siya. Kung mag-usap sila parang wala siya sa harapan nila. Binalibag niya rin ang hawak na kutsilyo.  Napahinto naman sa paglalakad iyong iba. Talagang sineryoso ng mga ito ang sinabi ni Anita. Balak nilang gumawa ng dalawang grupo. "Ano bang problema mo?" asik ni Esperanza. "Iyong hiwalay na higaan namin?" Namaywang siya. "Bakit nakasisiguro ka ba na por que hiwalay higaan namin, wala nang namagitan sa 'min?" Namilog ang mga mata ng lahat. Nadoble ang interes sa mga mata nila. Kung tutuusin, mas pabor nga kay Esperanza na maniwala silang hindi pa siya inaangkin ni Lucas. Buo pa iyong dignidad niya bilang dalaga. Pero bilang babae, nakaiinsulto iyon. Para bang kulang siya sa alindog! "Sinasabi mo bang ginalaw ka na ni Lucas?" diretsong tanong ni Anita. Humalukipkip siya at ikinibit ang isang balikat. Umarko rin ang isang kilay niya, sabay sa pagliit ng kabilang mata. Hinawakan ni Helen ang bisig ni Anita. Napansin nito ang pagkilos ng mga kamay ng huli, para bang gusto nitong manabunot. "Sige nga. Kung talagang totoo sinasabi mo, ikuwento mo kung anong nangyari sa inyo!" "B-ba't ko naman—" "Ayaw mo o dahil wala kang lang alam! Eh, 'di lumabas din ang totoo. Gawa-gawa mo lang ang lahat."  Gumuhit pababa ang labi ni Anita, nang-iinis. "Walang duda!" sulsol ni Helen. Humagikgik ang karamihan. Sinulyapan niya si Aling Esther. Nakalahad pataas ang dalawang palad nito. Ginagatungan siya para magpatuloy. Ano bang sasabihin niya? Wala pa naman talaga siyang karanasan! Biglang pumasok sa isip niya iyong nangyari noong isang gabi. Pinaliyad ni Esperanza ang dibdib. "Hinawakan n'ya ako rito." Sinapo niya ang isang s**o niya saka pinisil. "Gustong-gusto n'ya raw 'to kasi sabi niya, malaman." Tumingin siya sa dibdib ni Anita. Patag iyon, parang dinaanan ng pison. Wala siyang ideya kung ano ang gusto ng isang lalaki sa isang babae. Iyon lang ang naisip niyang sabihin kasi iyon ang mayroon siya na wala si Anita. Napatayo nang tuwid si Anita. Sumimangot. "No'ng unang hinimas n'ya 'to"—lumamlam ang mga mata niya—"parang... parang may kumiliti sa loob ko. Tapos... may mabilis tumawid pababa sa katawan ko. Ramdam ko nga 'yon hanggang dulo ng daliri sa paa ko." Pinaypayan niya ang sarili. "Biglang uminit buong katawan ko!" "Iyon lang?" sabi ni Anita. "Oo nga, 'yon lang!" segunda ni Helen. Nagsalubong ang kilay niya. Mayroon pa bang dapat kasunod? Naisip niya noong pinapalahian iyong isa sa kabayo nila. Narinig niya ang usapan ng lolo niya at isa sa mga tauhan nila. Sabi nito, handa na raw tumanggap ng lalaki iyong babaeng kabayo nila. Nagtaka siya kung ano'ng ibig sabihin niyon. Dala ng pagkamausisa niya, nagpunta siya at nagtago malapit sa kural ng kabayo. Nauna pa nga siyang dumating doon kaysa sa lolo niya. Laking gulat niya nang makita niya kung paano magtalik ang kabayo. Hinding-hindi niya makakalimutan iyon. Lalo na iyong hitsura ng lalaking kabayo! Siguro naman magkatulad lang ang ginagawa ng hayop at tao kapag nagtatalik, 'di ba?  Tumikhim siya. Pinikit niya sandali ang mga mata. Inisip niya na si Lucas iyong kabayo. "Inamoy n'ya ako sa leeg... sa likod... sa..." Babanggitin niya bang inamoy rin sa puwet? Ang sagwa! "Bumalik 'yong mukha n'ya sa leeg ko. Tapos sumuyod 'yong ilong n'ya sa balikat ko. Kinagat n'ya pa nga ako nang kaunti ro'n, eh. Tapos, huminto s'ya. Pinagmasdan n'ya akong mabuti." Sumulyap siya sa kaniyang harapan. Lahat sila nakikinig sa kaniya. Mukhang paniwalang-paniwala sila! "Pinaikutan n'ya ako." Nagmuwestra si Esperanza ng paikot gamit ang kamay. "Pagbalik ni Lucas sa likuran ko, sumampa s'ya sa likod ko. Kumapit sa likod ko 'yong kamay n'ya. Tapos..." Nalukot ang mukha ni Esperanza. "Tapos 'yon... humalinghing s'ya nang malakas. Dumaing din ako. Kasi malaki 'yong..." Natigilan siya. Bumilog hindi lang ang mata pati na rin bibig ng mga tao sa harapan niya. Ang nakapagtataka, hindi na sa kaniya nakatutok ang pansin ng mga ito. Si Aling Esther naman, panay ang senyas sa kaniya. Nanigas siya sa kinatatayuan. Parang may bumuga ng hangin sa leeg niya. Napalingon siya. Dahil sa gulat, lumundag  siya paatras. "Ay, kabayo!" sigaw niya. Sumingasing iyong kabayo. Nagulat din ito sa biglang kilos niya. May tumawa naman nang malakas. Iyong sakay ng kabilang kabayo, si Goyo. Umakyat ang paningin ni Esperanza sa sakay ng kabayong nasa kaniyang harapan. Matikas ang tindig ng kabayo pero walang tatalo sa tikas ng lalaking sakay niyon—si Lucas!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD