Kabanata 14

2068 Words
Gustong panginigan ng katawan ni Esperanza. Kanina pa kaya si Lucas doon? Hanggang saan ang narinig nito? Pigil ang kaniyang hininga. Kinakabahan kasi siya. Baka ipahiya siya ni Lucas at ibuking sa harap ng maraming tao na kathang isip niya lang ang lahat ng lumabas sa kaniyang bibig. Pagtatawanan siya. Higit sa lahat, lalaitin siya lalong-lalo na ni Anita. Tutuyain siyang sinungaling at ilusyonada. Nangangawit na ang leeg ni Esperanza sa katitingala kay Lucas, pero hindi niya magawang ibaling sa iba ang paningin. May umuusbong na damdamin sa dibdib niya. Ito 'yong makamundong pang-akit ng lalaki sa babae na kapag pinagdikit mo ang katawan, siguradong magliliyab. Ginugupo niyon ang kaba, ang takot na pahiyain siya ni Lucas. Buong sabik na tinitigan niya ang binata. Ang lakas talaga ng panghatak nito sa kaniya. Sino bang babae ang hindi maghuhumaling kay Lucas? Kahit na magulo ang ayos ng buhok at kahit na marungis ang suot nito, nakadagdagan pa nga iyon sa karisma nito. Perpekto kasi ang pagkakahulma ng katawan ni Lucas. Malapad na balikat, matigas na dibdib, impis na tiyan. Parang binaligtad na hugis tatsulok. Solido rin ang mga bisig at binti nito. At, ang mukha! Kikiligin ang sino mang babaeng makakita rito. Lalo na kung ang mata nito'y nakatutok sa iyo. Tulad na lang ngayon. Nanghina ang mga tuhod ng dalaga. Nakalulusaw naman kasi iyong paraan ng pagtitig ni Lucas. Parang ngayon lang ito nakakita ng babae sa buong buhay nito. Pinagsawa ni Lucas ang mga mata nito sa mukha ng dalaga. Kung alam lang sana ni Esperanza ang tumatakbo sa isip nito, baka tuluyan na nga siyang malusaw. Mahina, pigil at tila naipit na boses ang umagaw sa atensiyon ng binata. Parang kinikiliting 'di maintindihan iyon. Galing iyon sa gawing likuran ni Esperanza. Numipis ang labi ng binata kasabay ng pagtiim ng bagang nito.  Nilibot nito ang paningin sa lahat ng naroon bago muling bumalik iyon sa mukha ng dalaga. Seryoso pa rin ang ekspresiyon nito. Kung 'di lang nakatingin si Esperanza dito, hindi niya mapupuna ang mahinang pagtango nito. May ibig bang sabihin iyon? Simpleng paraan ba nito iyon para batiin ang dalaga? O, gusto nitong ipahiwatig na hindi nito minasama ang narinig? Noon lang napagtanto ni Esperanza, bakit ba mas nauna pa iyong takot niyang ipahiya siya nito kaysa mahiya siya rito dahil sa paghahabi niya ng kuwentong walang katotohanan? Pakiramdam ni Esperanza, talagang matutunaw siya. Sinapian din siya ng hiya sa wakas. Marahang hinila ni Lucas iyong renda. Umusad iyong kabayo, parang nanunudyo ito sa pagsayaw-sayaw ng buntot sa bawat hakbang nito. Tawa pa rin nang tawa si Goyo. Kahit malayo na, humarap uli ito sa kanila. Itinaas nito ang kanang kamay, nakakuyom ang lahat ng daliri maliban sa nakataas na hinlalaki. Nang makalayo sina Lucas, dahan-dahang pumihit si Esperanza paharap kay Anita at sa mga kasamahan nito. Nakiramdam siya. Unang kumilos iyong matandang babae, may tungkod ito at iika-ikang humakbang papunta kay Aling Esther. "Dito ako sa likod ni Esther," sabi nito. May impit na tawang lumabas sa bibig nito. "Ako rin, kay Aling Esther ako!" sagot naman ng matabang babae. Isa-isang naglapitan ang mga babae kay Aling Esther. Karamihan sa mga ito, may mga edad at mukhang may asawa na. Kumikislap ang mga mata nila na para bang may nalalaman silang sikreto pero hindi iyon sakop ng kaalaman ni Esperanza. O, mas tamang sabihing, hindi sakop ng karanasan ng dalaga. Dahil maraming nagpupuntahan kay Aling Esther, sumunod na rin ang iba. Pati nga si Helen, gusto ring luminya sa likod ni Aling Esther. Nanaig lang ang pagiging kaibigan nito kay Anita. Nanggagalaiti sa galit si Anita. "Mas kumakampi pa kayo sa babaeng 'yan?" Tinuro nito si Esperanza. "Nakalimutan n'yo na bang ginawa ng pamilya n'ya at ng mga kauri n'yan sa atin? Mga wala pala kayong paninindigan!" "Aba, Ineng, hinay-hinay sa pananalita! Kung malapit ka lang sa 'kin, hahambalusin kita nitong tungkod ko!" Itinaas ng matandang babae ang tungkod nito. "Hindi ba ang tanong mo, kanino kami maniniwala? Sa 'yo o kay Aling Esther?" Pinandilatan ng matabang babae si Anita. Itinuro nito ang kinatatayuan, sa likuran ni Aling Esther. "Aba'y dito kami!" "Saka, hindi mo ba napansin, Anita, 'yong titigan nitong dalawa kanina?" sabat ng isa. "Gano'n ang titigan ng mag-asawang matagal hindi nagkita!" Tumaas ang dalawang kamay ni Anita sa inis. Pinagdyak nito ang paa sa lupa bago tumalikod at umalis doon. "O, s'ya! S'ya! Tapos na ang palabas. Balik na kayo sa gawain n'yo. Mamaya n'yan, wala tayong makain," taboy ni Aling Esther. Ipinagpatuloy nila ang naabalang gawain.   Wala na iyong tensiyon na namamayani kanina lang. Nagbibiruan na iyong iba. Lumingon si Esperanza kay Gilda. "Wala kang pinili kanina. Kanino ka ba naniniwala, kay Aling Esther o kay Anita?" Ngumiti si Gilda. "Hindi ko kailangang pumili, Ate, dahil nasa likod mo ako." Lumiwanag ang mukha ni Esperanza. KATATAPOS NIYA LANG maligo nang dumating si Aling Esther. Nagtalo sila. Pinipilit kasi nito na isuot niya ang bestidang galing dito.  Naalala niya noong isukat niya ang pinatahing damit ng mama niya at nakita niya ang sariling repleksiyon sa salamin. Hindi niya talaga bagay magbestida. Mas lumitaw kasi ang katabaan niya. Isinumpa niya sa sariling iyon ang una't huling magsusuot siya ng bestida. Mapilit si Aling Esther. Pinagbigyan niya na rin ito. Naisip niya, may malaking balabal naman siya. Babalutin niya ang buong katawan kahit mainit pa ang panahon. Dumating si Gilda. Halatang pinaghandaan nito ang araw na iyon. Nakagayak pamiyesta ito. "Ang ganda natin, ah," bati ni Esperanza. "Nakakainggit ka naman." Napansin niya ang magandang hubog  nito sa suot nitong puting blusa at paldang kulay rosas. Talo pa siya ni Gilda. Sa edad nitong kinse anyos, nagsisimula nang magkahubog ang katawan nito. "Sus, si Ate, mas maganda ka kaysa sa 'kin. Ako nga ang dapat mainggit sa 'yo!" "Sa'n ka naiingit, sa mga bilbil ko? Kaya nga ayaw kong magsuot nang ganito. Para akong kalabasa. Kita lahat ng taba ko." Naalibadbaran siya sa bestidang suot niya. Mapusyaw na kahel ang kulay niyon. Diretso ang tabas na binagayan ng manipis na sinturong yari sa parehong tela ng damit at ibinuhol iyon sa bandang baywang.  Ang haba nito'y hanggang tuhod. Hugis kuwadrado naman ang kuwelyo at wala itong manggas. "Sinong nagsabing mataba ka at bibirahin ko!" sabi ni Aling Esther. "Malaman ka lang, Ate, pero hindi ka mataba" segunda ni Gilda. "Mas gusto ko nga 'yong ganiyan." "Tumpak! Ewan ko ba kung ba't 'tong mga dalaga natin ngayon, nagsisipayatan. Mas payat, mas gusto nila. Hay, naku! Mas maganda mataba, mas maraming makakapitan ang lalaki!" Nagkatinginan sina Esperanza at Gilda. "Ate, ako na ang mag-aayos ng buhok mo. May dala akong panali at pang-ipit," presinta ni Gilda. Iniba nito ang usapan. Tinirintas nito ang kaniyang buhok sa paligid ng ulo. Ang ilang hibla ng buhok ay sinadyang iwan. Kinulot iyon para sumabay sa korte ng kanyang mukha. Silang tatlo ang magkakasamang pumunta sa handaan. Nagkakasayahan na nga ang lahat nang dumating sila. Hinanap kaagad ni Esperanza si Lucas at nakita niya ito sa umpukan nina Goyo. Hindi pa sila nagkakausap ng binata mula kanina. Gusto niya na ngang magtampo, pero naisip niya, wala naman siyang karapatan. Sa palagay pa nga niya, iniiwasan siya nito. Ni hindi nga siya nito nililingon. Ang pangit niya siguro. Iyon ang tumatakbo sa isip niya. Mabuti pa si Anita, binati ni Lucas. Nakipagngitian pa ito sa malditang iyon! "Ate, sayaw tayo," yaya ni Gilda. "Ikaw na lang," matabang na sagot niya. "Aba'y ba't 'di ka sumali? H'wag mong sabihing 'di ka marunong sumayaw?" sabat ni Aling Esther. "Teka't tatawagin ko si Lucas para turuan ka. Magaling sumayaw 'yon!" "Marunong ako!" Nabubugnot siya. "Naiilang lang ako sa suot kong bakya. 'Di ako sanay. Parang madadapa ako." Sa totoo lang, hindi siya marunong sumayaw. Isa sana iyon sa ituturo ni Conchita kung 'di siya dinukot. Niyakap niya ang sarili. Pakiramdam niya, wala siyang suot na damit. Malaya kasing dumadaan ang hangin sa binti at hita niya. Nakalabas din ang braso niya. Hindi pumayag si Aling Esther na gamitin niya iyong balabal. Kung ba't kasi nakinig siya rito. Akala niya, papansinin siya ni Lucas. Nakalitaw ang braso't binti niya at iyon ang panlaban niya. Maganda iyon! "Sigurado ka, Ate, ayos lang sa 'yong iwan kita rito?" tanong ni Gilda. "Oo naman," sagot niya. Pinilit niyang ngumiti. Sinulyapan niya uli si Lucas. Nakaharap ito kay Anita na panay ang ngiti at papungay ng mata. Narinig ni Esperanza ang hagikgik ni Anita. Mapangharot ang tawa niyon. "Haruu, 'tong si Anita, parang hindi dalaga kung tumawa," sabi ni Aling Esther. "Ito namang si Lucas, ano't 'di ka n'ya nilalapitan?" "Ba't naman n'ya ako lalapitan?" "Aba'y s'yempre, asa—" Itinaas ni Esperanza ang kamay. "Ayaw ko na hong marinig 'yan." Natapos sa pagtugtog ng gitara si Goyo. Huminto rin sa pagpalo ng tambol ang kasama nito. Ang mga nagsasayawan ay bumalik sa mga kaumpukan nila. "Ikaw naman Lucas ang kumanta," yaya ni Goyo. Umiling si Lucas. Tinungga nito ang hawak na lambanog. "Panay ka tanggi. Dati nama'y hindi. Kailangan pa bang daanin sa botohan 'to?" Hinarap ni Goyo ang mga tao. "Sinong may gustong kumanta si Lucas?" Tumaas ang kamay ng iba. Iyong iba'y pumalakpak sabay sigaw ng: "Lucas! Lucas!" Napilitang tanggapin ni Lucas iyong gitarang iniabot ni Goyo. Isinabit nito iyon sa balikat. Unang kalabit pa lang ni Lucas sa kuwerdas niyon, humaplos  kaagad ang musika niyon sa puso ni Esperanza. Unang buka ng bibig nito, naramdaman agad ng dalaga ang epekto ng liriko ng kanta sa dibdib niya. Dinala siya niyon sa ibang mundo. Sa mundong silang dalawa lang. Nakapalibot sa katawan niya ang mga braso nito habang ibinubulong sa kaniya ang bawat kataga ng kanta. Kinagat niya ang labi. Malayo kasi iyon sa katotohanan. Ni hindi nga makuhang humarap sa kaniya ni Lucas. Gilid lang ng mukha nito ang nakikita niya. Namimilipit naman si Anita. Kinikilig. Mas nakaharap kasi si Lucas rito. Ilang babae na ba ang hinarana ni Lucas? Kasama ba roon si Miranda? Si Anita? Nainggit siya. Kasi siya, hindi nakaranas haranahin ng lalaki kahit minsan. Wala nga kahit isang nanligaw sa kaniya. Sumikip ang dibdib niya. Ba't kailangang panoorin niya ito? Sinasaktan niya lang ang sarili. Nagseselos siya kahit hindi dapat. Balak niya na sanang umalis, pero pumihit si Lucas at dahan-dahan itong humarap sa kaniya. Patuloy pa rin ito sa pagkanta at pagkalabit sa gitara. Umangat ang mukha nito. Hinihipan ng hangin ang buhok nito. Diretsong tumama ang paningin nito sa kaniya. Ikaw ang sinisigaw ng puso Ikaw ang laging laman ng isip Napako si Esperanza sa kaniyang kinatatayuan. Naglaho ang lahat ng nasa paligid niya—ang mga tao, ang mga bagay, ang hangin, ang distansiya sa pagitan nila. Parang nagkalapit sila at nakatayo ang binata sa mismong harapan niya. Humahagod ang magandang boses ni Lucas sa bawat himaymay ng katawan ng dalaga. Kahit isang balahibo'y walang pinalampas. Siniko siya ni Aling Esther. Bumalik ang huwisyo ni Esperanza sa kasalukuyan. Lumingon siya rito. "Ano pa bang katibayan ang gusto mo? Hayan na o, nasa harapan mo na! Kung ayaw mong maniwalang asawa ka n'ya, eh 'di, aasawahin ka n'yan!" Ngumiti lang si Esperanza saka niya ibinaling uli ang paningin kay Lucas, pero sa iba na nakaharap ito. Dapat niya bang bigyan ng kahulugan ang sinabi ni Aling Esther? Nagkataon lang ba na nang humarap sa kaniya si Lucas, iyon ang liriko ng kanta? O, may ibig talaga itong ipahiwatig sa kaniya? Kung may gusto sa kaniya si Lucas, dapat kanina pa ito lumapit sa kaniya. Sa kaniya ito nakadikit. Pero hindi! Nandoon ito sa umpukan nina Goyo kasama si Anita! Natapos ang gabi nang hindi man lang siya kinausap ni Lucas. Maliban sa eksena kanina nang dumating ito, hindi na siya tinapunan nito ng tingin. Masama ang loob niyang umuwi ng bahay. Mabuti na lang, hindi siya pinabayaan ni Aling Esther. Hinatid pa siya nito sa bahay. Naghahanda si Esperanza sa kaniyang pagtulog. Inilatag niya ang banig sa sahig. Noong bumaba ng bundok si Lucas, sa papag siya pinatulog ni Aling Esther. Ginawan pa nga siya nito ng kutson. Ngayong nandito na si Lucas, balik banig uli siya. Hinubad niya ang kaniyang suot. Nagtalo isip niya kung dapat ba siyang magsuot ng pantalon, o iyong daster na lang ang gamitin niya. Mula kasi nang umalis si Lucas, iyon na ang nakagawian niyang isuot. Hinikayat kasi siya ni Aling Esther, mas presko raw kasi iyon. Saka, hindi na siya natatakot na gawan siya ng masama ni Lucas. Wala naman siyang taglay kahit kaunting pang-akit para dito. Hindi nga siya pinapansin, 'di ba? Nahirapan siyang kunin ang kaniyang tulog. Hinihintay niyang umuwi si Lucas. Pero malalim na ang gabi, wala pa rin kahit anino nito. Saan ba matutulog ang lalaking iyon? Ang mas tamang tanong, kanino ba ito magpapalipas ng gabi? Nakatulog siya na naghihimutok ang kalooban. Hindi niya na namalayan ang mga yabag ng paa sa hagdanan. Mabagal,mabigat at alanganin ang bagsak ng paa sa baitang ng hagdanan. Parang yabag iyon ng taong lasing na lasing!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD