Tinampal ni Lucas ang sariling braso. Mas nanaisin niya pang papakin siya ng lamok kaysa pumasok sa loob ng bahay. Oo nga't madilim na ang paligid pero maaga pa para matulog. Ano'ng gagawin niya roon? Ayaw niyang kausap si Esperanza. Mas lalo namang ayaw niyang makita ito.
Iyong suot na pantalon ng dalaga, pambukid lang sana iyon, maluwag para madaling yumuko at bitin para madaling lumusong sa putikan. Pati nga iyong kamiseta, ordinaryo lang. Pero bakit hindi hitsura ng magsasaka ang naglalaro sa kaniyang imahinasyon nang makita niya ito kanina?
Peste! Kasalanan ni Aling Esther. Dapat hindi na binago nito iyong tahi ng damit!
Inihilamos ni Lucas ang kamay sa kaniyang mukha. Pawisan siya. Nakadagdag sa inis niya ang maalinsangang panahon.
Kumuha siya ng bato at inihagis iyon sa maliit na siga. Lumipad ang baga sa pinagbagsakan niyon.
Dati, hindi siya nababagot kapag sumasapit ang gabi. Inaabala niya ang sarili sa pagguhit ng iba't ibang disenyo ng gusali. Saglit na natatakasan niya ang katotohanan at bumabalik sa diwa niya iyong panahong nag-aaral pa siya.
Isa lang ang pinagsisisihan niya sa naging desisyon niyang talikuran ang pagiging inhinyero. Iyon ay noong binigo niya ang mga magulang na tapusin ang kaniyang pag-aaral.
Nakarinig siya ng mahihinang yabag. Si Esperanza. Bakit ba ayaw siyang lubayan nito? Umiiwas na nga siya, lagi pa itong nakasunod.
"Mas masarap ang hangin dito sa labas. Dito muna ako, pwede?"
Umupo ito sa tabi niya.
Paano pa siya tatanggi? Inunahan na siya nito bago pa man siya makasagot.
"Makikita mo lang talaga ang kahalagaan ng isang bagay kapag wala na 'to sa 'yo," mahinang sabi ni Esperanza, parang nababahala itong gambalain ang katahimikan ng paligid. "Tulad na lang nitong kuryente. Ano pang pwede mong gawin 'pag madilim na't wala ka nang makita?"
Gumawa ng bata. Iyon agad ang pumasok sa isipan ni Lucas. Kaya siguro itong mga kasamahan niya, parang baitang ng hagdan ang laki ng mga bata dahil taon-taon ay nanganganak.
"Kapag hindi mo nakasanayan ang isang bagay, hindi mo 'yon hahanapin," sa halip na sagot niya.
"Sabagay." Kinamot nito ang paa.
Sumunod ang paningin niya sa kamay ng dalaga. Pihadong kinagat ng lamok ang paa nito. Lumilis pataas ang pantalon nito kaya hindi lang sakong, pati binti nito ay nakita niya. Palibhasa'y mayaman kaya makinis at walang peklat ang balat nito. Siguro, napakasarap haplusin niyon.
Tumayo siya at dinagdagan ng kahoy iyong siga. Mas lumawak ang pagitan nila ng dalaga nang umupo siyang muli.
"Sino si Miranda?"
Napapitlag si Lucas. Hindi niya iyon inaasahan."Wala ka na ro'n kung sino s'ya!"
"Binanggit mo s'ya kahapon. Napagkamalan mong ako s'ya. Magkahawig ba kami?" Pagpupumilit nito. Hindi ito nagpasindak sa kaniya.
Bahaw ang tawa niya. "Ang layo n'yo. Maliit lang 'yon at maamo ang mukha."
"Kabaligtaran ko pala," mapait na ngumiti ito sa kaniya.
Tumitig siya sa dalaga. Nakalugay na ang mahaba nitong buhok. Gusto niyang kontrahin ang sinabi nito. Hindi nga maamong tingnan ang mukha nito, iyong tipong mala-anghel ang ganda, pero may sariling panghatak ang ganda nito na masarap titigan habang tumatagal.
Nasaan na iyong imahe nitong masungit na siyang nakapagkit sa alaala niya?
"Magkaibang-magkaiba kayo." Sumang-ayon pa rin siya.
Iniwas nito ang mata at itinutok iyon sa siga. "Ano'ng nangyari sa inyo? Ba't 'di kayo nagkatuluyan?"
"May iba s'yang mahal."
"Niloko ka n'ya?"
"Niloko ko ang sarili ko!" Mahirap tanggapin pero iyon ang totoo. "May gusto ka ba sa 'kin? Ba't masyado kang interisado sa buhay ko? Uunahan na kita, wala kang aasahan sa akin!"
Napalingon si Esperanza sa kaniya. Masungit na uli ang mukha nito.
"Hindi nakapagtatakang ayaw sa 'yo ni Miranda. Guwapo ka lang, pero magaspang ugali mo." Padarag na tumayo ito. Umalon nang bahagya ang dibdib nito. "Saksakan ka pa ng yabang!"
Hindi niya mapigilan ang pag-angat ng labi niya habang pinagmamasdan ang papalayong likod ng dalaga.
Guwapo pala ang tingin nito sa kaniya.
Aandap-andap na liwanag ang sumalubong sa kaniya sa loob ng bahay. Naiidlip na si Esperanza. Bahagyang nakaawang ang mga labi nito. Nang-aakit na halikan niya. Nilalandi rin siya ng malalantik na pilik-mata nito.
Labanan kaya siya nito kung sakaling tabihan niya ito? Mahusay siyang magpaligaya ng babae, kayang-kaya niyang mapapayag si Esperanza.
At saka, ano pa ba ang pumipigil sa kaniya? Mag-asawa na rin naman ang tingin sa kanila ng ibang tao.
Pinatay niya ang gasera. Sumampa siya sa higaan, sa papag niya, at isinara ang kurtina. Hindi kaya ng konsensiya niya. May pagkakasala siya sa batas pero hindi pa ganoon kahalang ang kaluluwa niya.
Nabubuwisit na humiga siya. Walang silbi ang pinto ng banyo. Nakadikit na kasi sa isip niya ang hubog ng katawan ni Esperanza. Wala ring saysay ang kurtina sa papag niya. Malakas ang hatak ng presensiya ni Esperanza. Hindi nito kayang kontrahin ang init na kumakalat sa katawan niya.
Kailangang pagbigyan niya ang sarili bago siya sumabog.
BINABAGTAS NI ESPERANZA ang daan papunta sa ilog. Halos mag-iisang linggo na mula nang huli silang magkita ni Lucas. Bumaba raw ito ng bayan ayon kay Aling Esther.
Palagi siyang may kasama. Kung hindi si Ka Elmo, si Aling Esther ang katabi niya. Natutulog rin ang matandang babae sa kubo ni Lucas habang wala ito. Minsan naman, natatanaw niya sa paligid si Buboy o si Isko. Walang pagkakataon na makalapit uli sa kaniya ang grupo ni Anita.
Naging kampante ang loob niya. Nakalimutan niya tuloy magpaalam kay Aling Esther na maglalaba siya. Paano kung nasa ilog sina Anita? O, 'di kaya'y tambangan siya sa daan?
Bumagal ang lakad niya. Pinatalas niya ang pandinig. Guni-guni niya lang ba o talagang may narinig siya na nabaling tuyong sanga ng kahoy sa gawing likuran niya. Parang may sumusunod sa kaniya!
Lumihis siya ng daan at pigil-hiningang nagtago sa likod ng puno. Maya-maya lang, nakita niya ang likod ng isang lalaki. Luminga-linga ito na para bang may hinahanap.
Lumabas siya sa kaniyang pinagtataguan.
"Isko!" sigaw niya. Kumakabog pa rin nang malakas ang kaniyang dibdib. "Ba't mo ko sinusundan?"
Lumundag nang bahagya ito. Halatang nagulat. Mabilis itong pumihit paharap sa kaniya. "Hindi, ah. Hindi kita sinusundan. Pupunta rin ako sa ilog."
"Nagsisinungaling ka pa, eh kitang-kitang hinahanap mo ako."
"Do'n talaga ang punta ko. Natiyempuhan lang na nakasunod ako sa 'yo. Hinahanap kita kasi alam kong nasa unahan kita. Nagtaka lang ako kung ba't bigla kang nawala."
"Alam mo, matutuwa pa sana ako kung umamin kang sinusundan mo ako. Ibig kasing sabihin n'yon, nag-aalala ka dahil magkaibigan tayo," may himig hinanakit na sabi niya. "Lumaki akong hindi malapit sa tao. Wala akong naging kaibigan. Kayo nga lang ni Buboy ang itinuring kong gano'n. Kayo 'yong nagturo sa 'kin na mabuti ang tumulong sa kapwa. Na wala kang dapat ikabahala 'pag kasama mo mga kaibigan mo. Na maaasahan ko kayo. Iyon pala, hindi!"
Yumuko si Isko. "Kaibigan ko si Buboy at mas nauna s'ya kaysa sa 'yo."
"Kaya pinabayaan n'yo akong mag-isang harapin ang mga galit na kasamahan n'yo. Gano'n ba? Wala bang halaga sa 'yo 'yong ilang araw na pinagsamahan natin? Ano kung mayaman kami, hindi naman ako ang pumatay sa nanay ni Buboy!"
"Matagal nang panahong may kinikimkim kaming galit sa mga katulad n'yo. 'Yong iba rito, biktima ng pamilya mo." Tumigas ang ekspresyon ng mukha nito. "Sa tingin mo, gano'n lang kadaling tanggapin 'yon, dahil lang nakasama ka namin ng ilang araw?"
Naiintidihan niya kung saan nanggagaling ang galit nito. Pero hindi pa rin maialis na magdadam siya. Sumikip ang dibdib niya.
"Bumalik ka na ro'n." Itinaas niya ang kamay at itinuro ang daliri sa direksiyon ng pinanggalingan nila. "H'wag mo na akong sundan. Kaya ko ang sarili ko."
Umiling si Isko. "Hindi pwede. Magagalit si Kuya Lucas."
Lumabas din ang totoo. Binabantayan siya sa utos ni Lucas.
Yumuko si Esperanza at binuhat ang batyang puno ng maruming damit. "Babalik ka ro'n? O, ihahagis ko sa 'yo 'tong batya?" Pagbabanta niya. Matigas hindi lang ang boses, pati mukha niya.
Napaatras si Isko. Nagdalawang-isip. Pero mas nanaig ang takot nito sa dalaga. Ang bangis kasi ng hitsura ni Esperanza. Parang hayop na handang sumagpang.
Lalo pang pinatapang ni Esperanza ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Nararamdaman niya kasi ang pamumuo ng luha sa likod ng kaniyang mga mata at iyon ang paraan niya upang pigilin ang paglandas ng luha sa kaniyang mga pisngi.
Humigpit ang kapit niya sa batya. Bahagyang nanginig ang nanlalamig niyang mga kamay. Handa niyang ihagis iyon huwag lang makita ni Isko ang sakit na dulot nito sa damdamin niya.
Umatras pa nang ilang hakbang si Isko bago ito tuluyang tumalikod sa kaniya.
Pumihit si Esperanza. Naglakad siya papunta sa ilog. Mabigat pa rin ang dibdib niya kaya hinayaan niyang tumulo ang kaniyang luha. Wala naman nang makakakita sa kaniya.
Iyon ang akala niya.
Nakatayo sa unahan si Gilda. Huli na para itago ang patak ng luha sa kaniyang pisngi. Taas ang noo niyang dinaanan ito. Nang makalagpas, saka niya lang pinunasan ang mukha.
Nakarating siya sa ilog. May ilang naglalaba sa di-kalayuan. Mabuti na lang, wala roon si Anita. Ibinaba niya ang batya sa batuhan, sa parteng mababaw at mahina ang agos ng tubig.
Inumpisahan niyang maglaba. Maingat siya sa pagkusot. Hindi pa humihilom ang lahat ng sugat sa daliri niya.
"Masusugat ka talaga 'pag ganiyan ka maglaba." Si Gilda. Sinundan nito si Esperanza.
"Hindi ako humihingi ng payo."
"Dapat ang pagkusot, damit sa damit. Hindi daliri mo ang nilalabhan mo."
"Ikaw na ang magaling!" Nadagdagan ang inis niya rito.
Umupo ito sa tapat niya. Kumuha ito ng damit na nasa batya at nagsimulang maglaba. Mabilis ang kilos nito. Halatang sanay ito sa ganoong klaseng gawain. Maririnig pa ang tunog ng nagkikiskisang bagay.
"Ba't ba tinutulungan mo ako?" Padarag na hinila niya ang nilalabhan nito. "Naaawa ka? O, gusto mo lang ipamukhang wala akong alam?"
"Tinutulungan kita kasi alam ko nararamdaman mo. Naiintindihan ko kalagayan mo kasi minsan naging katulad mo rin ako." Binawi nito ang damit na kinuha niya. "Tutol ang mga magulang ni Tatay kay Nanay. Lahat kasi ng anak at manugang ni Lola, nakapagtapos ng pag-aaral. Si Nanay lang ang hindi. Katulong lang siya. Tuwing may salo-salo kina Lola, walang pumapansin sa 'min. Kung mayroon man, 'yon ay para utusan kami."
Nawala ang inis ni Esperanza sa dalagita. Napalitan iyon ng kuryosidad. Naantig siya sa lungkot na maririnig sa boses at makikita sa mga mata ng kausap.
"Pa'no ka napadpad dito?"
"May lumapit kay Nanay at hinikayat s'yang sumama rito. Naaksidente kasi si Tatay at kinuha na s'ya sa taas. Gusto akong kupkupin ni Lola, pero hindi kasama si Nanay. Ginigipit nila si Nanay at pinapalabas na masamang ina."
"Hindi n'yo ba pinagsisisihang pumunta rito?"
"Mas panatag ang loob namin dito."
"Panatag pero hindi masaya."
"Gano'n naman talaga ang buhay, 'di ba Ate?" Saglit na natahimik ito. "Hindi lahat ng gusto natin, natutupad."
"Ano bang pangarap mo?"
"Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral para hindi kami ikahiya ng pamilya ni Tatay, at gusto kong matupad 'yon nang walang tulong galing sa kanila." Umupo siya sa batuhan. "Tingin mo, Ate, naging mayabang kami dahil tinanggihan namin 'yong tulong nina Lola."
"Hindi ka mayabang. Mas matimbang lang ang nanay mo kaysa sa pangarap mo. Saka, alam ko ang mayabang. Malayo pa lang, naaamoy ko na!"
Humagikgik si Gilda. "Parang kilala ko 'yan, ah."
"Mismo!" sang-ayon niya.
Sabay silang tumawa. Ipinagpatuloy nila ang paglalaba. Hinayaan na rin ni Esperanza si Gilda na tulungan siya hanggang sa matapos iyon.
Magkasama silang pabalik sa bahay. Malapit na sila roon nang humarang sa kanilang daanan si Anita. Ang kamay nito'y nakahalukipkip sa dibdib. Nasa tabi niya si Helen, ang dakilang kaibigan nito.
"Nand'yan ka lang pala. Kanina pa kami naghihintay sa 'yo," sabi ni Anita.
"Ate Anita, pwede ba, h'wag mo nang guluhin si Ate Esperanza. Mamaya, makarating na naman kay Kuya Lucas 'to," pakiusap ni Gilda.
"Ba't ba nakikialam ka? Hindi ikaw ang kausap ko!" singhal nito.
"Pabida 'yang si Gilda. Mahilig manghimasok," sulsol ni Helen.
"Ba't mo ako hinahanap?" tanong niya kay Anita.
"Naghahanda na po kami para mamayang gabi. Baka naman gusto mong tumulong? Tutal, kasama ka rin namang kakain."
"Sige, susunod ako. Isasampay ko lang 'tong mga nilabhan ko."
"Ibigay mo na lang kay Gilda 'yan. S'ya na ang bahala r'yan."
"Tama," segunda ni Helen. "Mamaya, magtago ka pa."
"Sabay na kaming pupunta ni Ate ro'n," sabat ni Gilda.
Hinawakan ni Esperanza ang braso ni Gilda. Abot lang sa pandinig nito nang sinabi niyang: "Sasama na ako sa kanila kung payag kang ikaw na ang magsampay nito. H'wag kang mag-alala, maraming tao sa paligid. Hindi 'yan gagawa ng gulo."
Iniabot niya ang hawak kay Gilda. Ngingisi-ngisi naman sina Anita. Natuwa ang mga ito sa pagsunod niya rito.
Pinilit niyang huwag ipahalata na kinakabahan siya. Lalong kumabog ang dibdib niya nang makarating sila sa lugar na pinagdalhan sa kaniya. Lumingon ang mga babaeng naroon, nagpalitan sila nang makahulugang sulyap. Ang mga labi nila'y puro nakangisi.
Mukhang may plano na namang naisipang gawin si Anita sa kaniya.