"Esperanza! Ineng, si Aling Esther 'to!"
Naalimpungutan si Esperanza sa sigaw ng matandang babae. Pagdilat niya, maliwanag na ang buong paligid. Lumingon siya sa higaan ni Lucas, wala na ito roon. Hindi na siya nagtaka dahil mataas na ang sikat ng araw.
"Tao po! Esperanza!" Kumatok ito sa pinto.
"Nand'yan na!" sagot niya.
Nag-alinlangan siyang buksan ang pinto. Paano ba naman, ang gulo-gulo pa sa loob ng bahay. Nakalatag sa sahig iyong banig at hindi pa natutupi iyong kumot na ginamit niya. Ganoon din sa higaan ni Lucas, hindi pa rin naayos iyon. Nagkibit na lamang siya ng balikat at pinagbuksan niya ng pinto ito.
"Aru! Pasensiya na, nabulahaw ko pa yata ang tulog mo. Akala ko, gising ka na. Mayaman ka nga pala kaya sanay kang bumangon nang tanghali," bungad ni Aling Esther.
"Napasarap ang tulog ko. Napagod kasi ako kahapon."
Namumula pa ang mga mata niya. Halatang bagong gising. Pati nga ang buhok niya, hindi niya na nakuha pang suklayin.
Pumasok si Aling Esther sa loob ng bahay kahit hindi niya pa ito pinapatuloy. Inilapag nito sa lamesa ang bitbit. "Heto, dinalhan ko kayo ng tira sa handaan. Maaga kasi kayong umuwi kagabi. Hindi n'yo na naabutan 'yong paghahati-hati namin ng mga tirang pagkain."
"Salamat ho," bantulot na sagot niya.
Mahirap bigkasin para sa kaniya ang salitang iyon. Sanay kasi siya na pinagsisilbihan at hinahainan ng pagkain. Hindi niya kailangang magpasalamat at magbigay galang dahil binabayaran nila ang kanilang mga kasambahay para gampanan ang trabahong iyon. Pero iba ito, kusang loob na hinatiran siya ng pagkain at parang may nagtutulak sa kaniya na magpasalamat siya.
"Walang ano man," sagot nito, may kasamang ngiti sa labi.
"Iwan ko muna kayo sandali, magbabanyo lang ako."
"Sige lang, 'di naman ako nagmamadali."
Paglabas niya ng banyo, naipusod niya na ang kaniyang buhok. Dumiretso siya sa kusina. Dinampi niya ang palad sa kalderong may kape. Nasa ibabaw iyon ng lutuang yari sa luwad. Mainit pa iyon pero hindi na nakapapaso.
"Gusto n'yo ng kape?" sigaw niya.
"Kung hindi abala sa 'yo, Ineng, kunan mo na rin ako."
Kumuha siya ng dalawang tasa at sinalinan iyon ng kape. May timpla na ng asukal iyon pero walang gatas. Mukhang kalabisan dito ang uminom ng kapeng may gatas. Hawak ang dalawang tasa ng kape, bumalik siya sa silid. Nagulat pa siya dahil maayos na iyon. Nailigpit na ang pinagtulugan nila. Ang mga natuping kumot ay nakapatong sa ibabaw ng unan na nasa ulunan ng papag.
"Hinayaan n'yo na sanang ako ang magligpit n'yan. Nakakahiya naman sa inyo," sabi ni Esperanza. Umupo siya sa lamesa.
"Hay, naku, wala 'yon. Madali lang sa 'kin 'to. Sanay ako." Tinabihan siya nito sa lamesa. "Mabuti naman at hiwalay muna kayo ng higaan ni Lucas. Sa totoo lang, 'di ako sang-ayon na magsama kayo sa iisang bubong dahil sa nakaraan n'yo. Pero sa narinig kong nangyari kahapon, mas mabuti nga sigurong dito ka nakatira. Mas ligtas ka."
"Masagwa pa ring tingnan. Babae ako. Lalaki siya. Pwedeng isipin ng iba na may namagitan na sa amin. Eh, hindi naman kami kasal."
Matamang tinitigan ni Aling Esther si Esperanza. "Malamang karamihan sa amin, 'yon ang akala. Na may nangyari na sa inyo. Pero kung masagwa ba sa kanila 'yon, palagay ko hindi."
"Hindi maituturing na kasalanan sa inyo na magtalik ang hindi pa kasal!"
"Ineng, sa tingin mo ba, ang batas na sinusunod sa kabihasnan ay siya ring umiiral dito?" Kumumpas ang kamay nito. "Tumingin ka sa paligid mo, nasa kabundukan ka. Ang mga tao rito, nag-aasawa nang walang basbas ng simbahan. Wala ring lisensya ang kasal nila. Pero iginagalang namin ang pagsasama nila. Sa mata namin, mag-asawa sila. Kung ang tanong, ito ba'y katanggap-tanggap sa mata ng Diyos?" Tumaas ang balikat nito. "S'ya lang siguro ang pwedeng humusga."
"Ang ibig n'yong sabihin, 'pag nagsiping ang babae't lalaki, kinikilala n'yong mag-asawa na sila?"
Tumawa si Aling Esther. "Hindi. S'yempre, may seremonya din kami. Saka, kailangang may pahintulot ng pinuno namin."
"Kay Ka Elmo?"
"Pwede ring si Lucas. S'ya naman talaga ang namamahala sa lugar na 'to. Pero bilang paggalang kay Ka Elmo, na dating pinuno namin, s'ya ang nagbibigay ng basbas sa mga taong gustong mag-isang dibdib."
Naguguluhan pa rin ang dalaga. Kulang ang mga paliwanag nito para maintindihan niya kung bakit hindi malaswang magsama sila ni Lucas sa iisang bubong.
"Wala ako sa lugar para pintasan ang pamamalakad n'yo. Pero hindi ko pa rin makuha kung ano'ng koneksyon n'yon sa amin ni Lucas. Bakit sa tingin n'yo, walang mali na magsama kami sa isang bahay?" Kinuha niya iyong kapeng iniinom at idinikit iyon sa kaniyang bibig.
"Wala, dahil para sa 'min—"
Nilagok ni Esperanza iyong kape. Maligamgam na lang ang init niyon. Humigop uli siya.
"—mag-asawa kayo."
Nasamid ang dalaga. Umakyat din sa ilong niya ang kapeng lulunukin niya sana. Pinunasan niya ang ilong at bibig gamit ang laylayan ng blusa niya.
Napatayo naman si Aling Esther. Hinagod nito ang likod ni Esther. "Ay, sus! May nasabi ba akong mali?"
Tumayo na rin si Esperanza at lumayo sa kausap. Pinaypayan ng kaniyang dalawang kamay ang mukha niya. Parang naubusan siya ng hangin. Naglakad siya nang pabalik-balik para pakalmahin ang sarili.
Muli niyang hinarap ito. "Bakit n'yo nasabing mag-asawa kami? Hindi naman kami dumaan sa seremonya ninyo?"
Inilahad ng matanda ang mga palad. "Kakaiba kasi ang sitwasyon n'yo. Pero hiningi ni Lucas ang kamay mo kay Ka Elmo. At hindi lang si Ka Elmo ang pumayag, pati ang karamihan sa 'min."
"Mawalang galang na," sarkastikong sabi niya. "Hindi n'ya hiningi ang kamay ko. Ibalato ang eksaktong sinabi n'ya."
"Sus! Pareho na rin 'yon. Saka, may patakaran dito na 'di pwedeng magsama ang hindi mag-asawa. Alangan namang si Lucas pa mismo ang babali sa patakaran na 'yon."
"Ikaw na rin ang nagsabing iba ang sitwasyon namin. Nagsasama kami hindi bilang mag-asawa."
"Ano kayo?"
"Bihag n'ya ako. S'ya naman, gusto n'ya akong gantihan sa ginawa ko sa kaniya noon."
"Bihag?" Tumaas ang dalawang kilay ni Aling Esther. "Malaya kang pumunta kahit saan. Paano ka naging bihag?"
"Pero hindi ako makaalis dito."
"Kami rin, hindi rin makaalis dito." Pinagkrus nito ang braso. "Eh, si Lucas, paano ka niya ginagantihan?"
"Pinaglilinis ako ng bahay, pinagluluto, pinaglalaba niya ako ng damit n'ya, at"—itinaas niya ang dalawang kamay, iritado ang kilos niya—"kung ano-ano pang maisipan niyang iutos sa 'kin!"
"Huling pagkakaalam ko, mga gawaing bahay 'yan para asikasuhin ng babae ang asawa niya."
Natahimik saglit si Esperanza. Ano pa bang argumento ang magpapabago sa paniniwala nito?
"Kawawa naman pala ang mga babae rito," sabi ni Esperanza.
"Walang umaapi sa 'min. Pa'no kaming naging kawawa?"
"Wala kayong boses. Hindi hinihingi 'yong panig n'yo. Pati sa pag-aasawa, hindi inaalam kung payag ba kayo."
"Aba, sinong nagsabi sa 'yo n'yan?"
"May nagtanong ba sa 'kin kung gusto ko si Lucas?"
"Sumunod ka kay Lucas, 'di ba? Sumama ka nang kusa. Ibig sabihin, hindi ka tumututol."
"Dahil wala akong pagpipilian!" Tumaas nang bahagya ang boses niya.
"Mayro'n. Kung nagpaiwan ka, baka do'n ka pinatuloy ni Ka Elmo sa kubo ng mga dalagang walang pamilya."
"Sa bibig n'yo na rin nanggaling na mas ligtas ako rito, at gano'n din ang akala ko noon." Hinilot niya ang kaniyang noo sa pagitan ng kilay. Nakayuko ang kaniyang ulo. "Ba't ba nakikipagtalo pa ako sa inyo, mukhang buo na paniniwala n'yo?"
"Ano bang ayaw mo kay Lucas? Guwapo naman 'yong batang 'yon. Bagay kayo."
Tinalikuran niya ito. "Magpapahangin muna ako sa labas."
Pumunta siya sa likod ng bahay. May malaking puno roon at sa lilim nito ay may pahabang upuan na puwede sa dalawa o tatlong tao. Doon siya umupo. Baka makatulong ang preskong hangin para bumaba ang presyon ng kaniyang dugo.
Ilang minuto ang nilagi niya roon. Hindi siya mapakali kaya nagpasya siyang pumasok uli sa bahay. Nakita niyang nagwawalis si Aling Esther.
"Nandito pa rin kayo?" diretsong tanong niya.
Lumiwanag ang mukha ng matandang babae. "Aba'y hinihintay kita. Naiwan ko 'yong kurtinang pinatahi sa 'kin ni Lucas. Ayaw ko nang bumalik uli rito. Mahirap maglakad. Isasama sana kita pag-uwi ko. Tamang-tama, marami akong bakya roon na pwede mong pagpilian."
Nalukot ang ilong ni Esperanza. Pihadong mapipilitan siyang sumama rito. Kukulitin lang siya nito kapag tumanggi siya.
Nalaman niyang nakapisan si Aling Esther sa bahay ng anak nitong may asawa na. Ang mga paninda nito, sariling gawa o inaangkat. Ayon dito, binibili nila sa bayan ang mga pagkain at iba pang produktong wala sa kanila. Hindi nito ipinaliwanag kung paano, kailan at ilang beses ba sila bumababa ng bundok. Mukhang hindi pa buo ang tiwala nito sa dalaga.
Dalawang pantalon at ilang pirasong kamiseta ang kinuha niya. Mga panlalaki iyon pero inayos na lang ni Aling Esther. Iyong pantalong de-garter, ginawa nitong hapit ang tabas. Ganoon din sa kamiseta, naging pambabae iyon nang binawasan nito ang laylayan at binago ang tabas sa kuwelyo at manggas. Ayaw niya kasi ng mga blusang may mga disenyo ng bulaklak o may iba't ibang kulay. Naaalibadbaran din siya kapag litaw ang balikat niya o 'di kaya'y mababa ang kuwelyo.
Malaki ang paa niya. Walang nagkasyang bakya kaya kinuha na lang ang sukat niyon. Marunong gumawa ng bakya iyong asawa ng anak nito. Buti na lang may tsinelas na kumasya sa kaniya. May maisusuot na siya sa bahay.
Mag-isa siyang umuwi. Habang daan, natanaw niya si Isko pero umiwas ito.
Nasa hagdan pa lang, alam niya nang nasa loob ng bahay si Lucas. Mukhang may kinukumpuni dahil narinig niyang nagpupukpok ito. Napansin niya agad ang papag, may poste na ito sa mga kanto. Dati nama'y wala.
"Nand'yan ka na pala," sabi ni Lucas. Iniligpit nito ang martilyo at iba pang gamit bago ito naglakad palapit sa kaniya. "Nilagyan ko ng pinto 'yong banyo. Ginawan ko rin 'yon ng sarahan sa loob."
"Mabuti naman," tipid na sagot niya. Naging eratiko ang t***k ng kaniyang puso. Bumalik kasi sa isip niya ang usapan nila ni Aling Esther kanina. Nagkaroon tuloy ng ibang kahulugan ang mga titig ni Lucas. Asawa kaya ang tingin nito sa kaniya?
Bumaba ang tingin nito sa hawak niya. "Ano 'yang dala mo?"
"Kurtinang pinatahi mo kay Aling Esther. Saka..."
"Saka?" Tumitig ito nang diretso sa mata niya.
"Uhm..." Nahihiyang nagbaba siya ng tingin. Inipit nito sa likod ng tainga ang ilang hibla ng kaniyang buhok. "Si Aling Esther kasi, pinilit akong kumuha ng ilang damit ko. Sabi niya, ikaw na raw ang bahalang magbayad."
Sumilip siya kaya nakita niyang tumango ito.
Ganoon lang iyon? Bakit siya bibilhan nito, 'di naman sila magkaano-ano? Maliban na lang kung asawa rin ang turing nito sa kaniya.
"Ayos lang sa 'yo?" tanong niya.
"May narinig ka bang reklamo ko?" Kinuha nito ang kurtina mula sa mga dala-dala niya. Iniladlad nito iyon. "Mabuti pa, tulungan mo akong ikabit ito."
"Sa'n mo ba balak ilagay 'yan?" Luminga siya. Mahaba at malapad iyong kurtina. Pangit tingnan kung sa bintana iyon ilalagay.
"Sa papag," pabalang na sagot nito.
May kaartehang itinatago rin pala itong si Lucas. Lalaking-lalaki kung umasta pero gusto nitong kurtinahan ang higaan nito.
Parang prinsesa lang? O, baka naman inihahanda nito iyon para sa kanilang dalawa? Sulsol ng isip niya.
"Ibuka mo't akong magpapasok." Iniabot nito ang kurtina sa kaniya. Sa kabilang kamay, hawak nito ang isang mahabang kawayan.
Awtomatikong tinanggap niya iyon. "Ano'ng gagawin ko?"
"Sabi ko, ibuka mong mabuti at ako nang bahalang magpasok."
Lumiit ang nalilitong mga mata niya.
Numipis naman ang mga labi ni Lucas. Nag-iba rin ang kulay ng mukha nito. Namula. Parang may pumasok sa isipan nito at noon lang nito napagtanto iyon.
"Iyong butas sa dulo ng kurtina, ibuka mong mabuti para madali kong ipasok 'tong kawayan," nagtitimping paliwanag ng binata. "Sa tanang buhay mo, 'di mo ba nasubukang maglagay ng kurtina?"
"Hindi. Nakalimutan mo na bang may mga katulong kami?"
"Ano'ng alam mo sa buhay? Sa'n ka magaling?"
"Magaling akong"—nag-isip si Esperanza, sineryoso niya ang mapang-insultong tanong ng binata—"mangabayo."
Tumaas ang mata ni Lucas.
Wala nang kibuan pagkatapos niyon. Naikabit na nila iyong kurtina. Hinawi ni Lucas iyon papunta sa ulunan ng higaan. Isang gilid lang ang nilagyan nila. Nakadikit kasi sa dingding iyong papag.
Balisa si Esperanza. Gumugulo sa kaniya ang usapan nila ni Aling Esther kanina. Napuna ni Lucas iyon.
"May problema ka ba?" tanong ng binata.
"Ba't mo naitanong?"
"Para kasing may nabago sa kilos mo. Hindi ka naman dating ganiyan – pino kumilos. Parang... parang nagkaroon ka ng hiya." Nakakunot ang noo nito.
Sumimangot siya. "May nakaabot sa 'king balita."
"Malamang tsismis 'yon at paniguradong galing kay Aling Esther 'yon."
"Oo, at ang sabi n'ya, ang tingin sa 'tin ng mga tao, mag-asawa tayo."
Bumunghalit ng tawa si Lucas. "Kalokohan. Hindi mo dapat pinapatulan ang mga ganiyang bagay." Tumalikod ito at balak nitong umalis ng bahay.
"May patakaran kayo na bawal magsama ang hindi mag-asawa, 'di ba?" Nilakasan niya ang kaniyang boses. "Malaki siguro ang paggalang ng tao sa 'yo kaya pinagtatakpan nila ang mali mo. Imbes na hamunin ka, pinaniwala nila ang sarili nilang mag-asawa tayo!"
Pumihit uli paharap sa kaniya si Lucas. Seryoso na ito. Ngayon lang ba nito naisip ang maaaring bunga ng naging pasya nito?
Sinamantala niya ang pagkakatao habang nasa kaniya pa ang atensiyon nito. Binilisan niyang magsalita.
"Sabi ni Aling Esther, pagdating sa kasal, iba raw ang batas na umiiral dito. Walang kasal sa simbahan. Basbas n'yo lang ni Ka Elmo, pwede na. No'ng hiningi mo 'yong permiso ni Ka Elmo, para sa kanila, hiningi mo na rin ang kamay ko. Tingin nila, pumayag din ako dahil sinundan kita. Wala silang narinig na tinanggihan kita."
Umasim ang mukha ng binata. "Baluktot ang paniniwala nila. Iisa-isahin ko sa 'yo kung bakit. Una, hindi tayo nagsasama. Pinatira lang kita rito. Magkaiba 'yon. Pangalawa, 'yang basbas na binibigay namin, seremonya lang 'yan para ipaalam sa lahat ang relasyon ng dalawang tao. Na mag-asawa sila. Na dapat kilalanin at igalang 'yon ng mga tao sa paligid nila. Na bawal sirain ng sino man ang samahang 'yon." Humakbang palapit sa kaniya ang binata. "Pero may mas mahalagang bagay kaysa sa seremonya. Alam mo ba kung ano 'yon?"
"H-hindi," sabi niya, mahina iyon halos bulong na nga.
Ginagap ni Lucas ang kamay ni Esperanza at inilagay iyon sa dibdib nito. "Ito 'yon. Iyong nararamdaman mo rito." Kinabog nito ang dibdib, hawak pa rin ang kamay ng dalaga. "Iyong unang kita mo pa lang sa kaniya, alam mo na s'ya 'yong taong inilaan ng tadhana para sa 'yo. S'ya 'yong makakasama mo habambuhay. S'ya 'yong kahati mo sa lahat ng bagay. Kasalo sa hirap, sa saya, sa lahat ng pagsubok. Sabay ninyong bubuuin 'yong mga pangarap n'yo at hindi ka bibitiwan kahit matupad man 'yon o hindi."
Naging bato na yata ang mga paa ni Esperanza. Hindi niya ito maikilos. Hindi niya kayang umatras at bawiin ang kamay niya. Wala siyang lakas kaya hinayaan niyang nakadantay ang palad sa dibdib ni Lucas. Naramdaman niya hindi lang ang init ng katawan nito kundi pati t***k ng puso.
"Para mapagbuklod kayo, kailangang tugunan n'ya ang damdamin mo," patuloy ni Lucas. Bumaba ang tono ng boses nito, humahaplos iyon, dumadagdag sa intensidad ng sinasabi nito. "Kailangang pareho ang isinisigaw ng puso n'yo. Ang pag-iisang laman n'yo ay patunay lang ng pagmamahalan n'yo, ng magandang hangarin n'yo sa isa't isa. Para sa akin, 'yon ang pag-iisang dibdib."
Hindi niya alam kung anong mahika mayroon ang binata. Nasa ilalim siya ng kapangyarihan nito. Kahit kumurap ay hindi niya magawa. Tutok na tutok ang paningin niya sa mukha nito kaya't nakita niya ang emosyon nito habang mainit na pinanapahayag ang saloobin nito. Nasaksihan niya ang tuwa sa mukha nito nang makilala ang babaeng iniibig. Ang babaeng nagpasigla at nagbigay ng pag-asa sa buhay nito. At sa babae ring ito, naranasan ni Lucas ang sakit ng mabigo. Hindi man diretsong sabihin, alam niyang ito'y nakaraan ng binata.
Nagkaroon ng ilang saglit na patlang sa pagitan nila. Tanging buga at paglanghap ng hangin ang maririnig.
"Lucas—"
Binitiwan ni Lucas ang kamay ng dalaga. Para itong natauhan. "Hindi tayo mag-asawa, dahil kahit isa do'n, wala tayo."
Nang matiyak niyang nakalabas na ng bahay si Lucas, isinubsob ni Esperanza ang kaniyang mukha sa dalawang palad . Dapat makahinga na siya nang maluwag dahil nagkaroon ng kasagutan ang bumabagabag sa kalooban niya. Mali ang paniniwala ng mga tao. Pero bakit parang may kumurot sa puso niya? Nasaktan siya at nanibugho sa babaeng minahal ni Lucas.
Sana, nanahimik na lang siya. Sana, hindi niya nalaman ang nakaraan nito. Dahil doon, nagkakaroon na ng pitak si Lucas sa puso niya.