KABANATA 1: SELENDRINO BENEDICTIO

1992 Words
" Benedictio Impakto! Benedictio mukhang kwago!" Walang reaksiyon sa mukha ng isang batang lalaki na nasa sampung taon ang edad. Patuloy lang siya sa pag-iigib ng tubig sa ilog para madala sa bahay nila. Sanay na sanay na siya sa kung ano-anong pangalan na ikinakabit sa totoo niyang pangalan. Mas kilala siya sa pangalang Selendrino pero tinatawag siya sa ikalawang pangalan niyang Benedictio kapag sinusundan iyon ng salitang impakto o demonyo. Matagal na niyang alam na ang pangit niyang mukha ang nagiging dahilan ng bansag na iyon sa kanya. " Hoy Benedictio! Saan ba galing iyang pagmumukhang iyan? Hindi ka ba natatakot sa sarili mong repleksiyon?"  Si Damion ang laging nangunguna sa panunukso sa kanya. Hindi niya alam kung bakit galit na galit ito sa kanya pero ni minsan ay hindi niya ito pinatulan. Mas minabuti niyang magbingi-bingihan kesa masangkot sa gulo. " Tumigil nga kayo! Akala ninyo ang gagwapo ninyo!" Napapangiting napatingin siya sa kababata niyang si Aniyah. Ito lagi ang tagapagtanggol niya sa mga nanlalait sa kanya. " Dumating na ang katipan ng pangit. Ay! Hindi pala lalaki ang gusto ni Aniyah. Babae pala!" Tumawa pa nang malakas si Damion habang nang-aalaska. Mukha kasing lalaki kumilos at manamit ang kaibigan niyang si Aniyah kaya't hindi rin ito nakakaligtas sa mga pang-aalaska ng grupo ni Damion. Dalawang taon lang ang tanda ni Damion sa kanila ni Aniyah at sa bayan ito nakatira na lagi lang gumagawi sa kanila para sirain ang araw nilang magkaibigan. Tumigil siya sa ginagawa at hinarap ang mga ito. Okay lang kasi sa kanya na siya ang gagawing katatawanan ng mga ito pero kapag nasasali si Aniyah ay umiinit agad ang ulo niya. " Hindi ba talaga kayo titigil?" Sigaw pa niya na mas kay Damion nakatuon ang mga mata. " Oh, ano namang gagawin mo? Matangkad ka lang pero ang lampa ng katawan mo!" Ikinuyom niya ang dalawang palad para pakalmahin ang sarili. " Halika na nga, Drino. Mga walang kwenta naman ang mga iyan," sabi pa ni Aniyah na kinuha na ang isang baldeng puno ng tubig.  Agad na pinigilan niya ito nang bitbitin na nito ang isang balde.  " Ako na! Kaya kong bitbitin itong dalawa." " Hoy, Drino, huwag kang magkakamaling magpakitang gilas sa kanila dahil alam nating pareho na lampa ka talaga. Pinasunod na ako dito ng nanay mo dahil baka himatayin ka naman daw sa daan," bulong pa ni Aniyah sa kanya. Nauna na nga itong naglakad bitbit ang balde. Walang nagawa kundi sumunod na rin siya sa kaibigan pagkatapos bitbitin ang naiwan pang balde ng tubig. Malayo-layo nang konti ang lalakarin nila para marating ang bahay nila. Magkatabi lang ang bahay nilang dalawa ni Aniyah kaya't simula't-simula pa lang ay sila nang dalawa ang magkasangga. " Naku! Tingnan ninyo ang lampang pangit at kailangan pa talagang tulungan ng isang babae!" Hindi na lang nila pinansin ang grupo ni Damion at nagpatuloy na lang sa paglakad.  Nakita nila agad ang nag-aalalang mukha ng nanay niya na naghihintay sa labas ng bahay. " Tsk! Hindi ba sinabi ko sa'yo na ang tatay mo na lang ang mag-iigib ng tubig?"  " Nay, matanda na si tatay. Kaya ko naman itong gawain na ito. Pinasunod ninyo pa talaga si Aniyah sa akin." " Oh, sige na. Papayag lang akong mag-iigib ka kung kasama mo lagi si Aniyah." " Opo naman. Ako ang magiging kawal ng anak ninyo po," nakangising sabi ni Aniyah na tumayo pa nang matuwid sa harap ng nanay niya. Nangingiting napailing-iling na lang siya at ginulo ang buhok ng kaibigan. Pumasok na silang tatlo sa loob at nadatnan niya ang tatay niyang naglalagay na ng pagkain sa mesa. Nauna pang umupo sa si Aniyah sa kanila. " Baka gusto mong dalhin na lang ang mga gamit mo rito at dito ka na tumira, Aniyah?" Pabirong sabi niya. " Hmm, sige," parang walang anumang sagot nito na nakatuon sa ulam nila ang mga mata. Tumawa lang ang mga magulang niya nang umupo na rin sila. Agad na nilagyan ni Aniyah ng pagkain ang plato niya. " Oh iyan, kamahalan, kumain ka na." " Hindi pa ako nakakakita ng isang pangit na prinsipe," biglang sabi niya na nagsimula na ring kumain. Natigil sa pagsubo ang mga magulang niya dahil sa narinig. Hindi niya gusto kapag tinitingnan siya ng mga ito na parang naaawa sa kanya. " Ikaw ang magiging kauna-unahan kung saka-sakali," pasimpleng sagot ni Aniyah na abala pa rin sa pagkain. " Aniyah!" Biglang saway ng nanay niya. Natigil lang din sa pagkain ang kaibigan saka nagkatinginan sila. Sabay pa silang nagtawanan sa reaksiyon ng nanay niya. Sanay na sanay na siya sa ugali ng kaibigan. Hindi siya nito kailanman sinasabihang gwapo para lang gumaan ang pakiramdam niya. Mas gusto niya iyon imbes na kaawaan. Tahimik na nilang ipinagpatuloy ang pagkain nang kausapin ng ama niya ang ina sa mahinang boses. " Bumalik uli ang kawal ni Haring Gazin kahapon para maningil pero wala akong maibigay kasi matumal ang bilihin." Nagtitinda kasi ng mga pananim at mga hinabing tela ang mga magulang sa bayan. Araw-araw ay pumupunta ang mga kawal ng hari para maningil sa lahat ng mga nagtitinda roon.  " Hindi ka ba sinaktan uli dahil hindi ka nakapagbigay?" nag-aalalang tanong ng ina niya. Umiwas ng tingin ang ama niya. " Pupunta ako kina Godo bukas para kunin iyong mga ipapatinda niya sa akin. Nangako ako sa mga kawal na magbabayad tayo sa susunod na araw sa dobleng halaga." Nagkatinginan silang pareho ni Aniyah. Alam nila na kapag hindi nakakapagbigay ang mga nagtitinda ay tiyak na bugbog ang aabutin. Minsan nang umuwing may mga pasa sa katawan ang tatay niya at ayaw niyang maulit iyon. Sa tingin niya ay kailangan na niyang tumulong sa mga ito kaya't napagdesisyunan niyang pagkakain ay pumunta ng bayan para makapaghanap ng pwede niyang pagkakakitaan. Pwede niyang puntahan ang mga tindahan para aluking siya ang magtatapon ng mga basura sa konting halaga lang na kapalit. Pinagtulungan nilang ligpitin ni Aniyah ang pinagkainan. Si Aniyah ang nagboluntaryong maghugas ng mga pinggan. Pabulong pa silang nag-uusap habang tinitingnan ng ina niya ang katawan ng ama para siguraduhing hindi nga ito nabugbog ng mga kawal. " Pupunta ako sa bayan ngayon." " Ano namang gagawin mo roon?" Takang-tanong ni Aniyah. " Maghahanap ng mapagkakakitaan." " Ano? Hahanapin ka ni Maestro. Ako na naman ang mapipingot sa tenga nu'n." Kada hapon kasi ay pinapapunta sila sa bahay ng isang matandang guro para turuan nang kung ano-ano. Kung siya lang ang masusunod ay hindi na siya pupunta roon dahil hindi naman mababago ng mga bagong kaalaman ang estado ng kanilang pamumuhay. Sa batang edad niya ay alam na niya ang mga responsibilidad niya sa mga magulang at handang-handan na siyang gampanan iyon sa ngayon. " Sabihin mo na lang na hindi mo alam kung nasaan ako." " Bahala ka diyan, Selendrino. Magsisinungaling pa ako para sa'yo. Sasama na lang ako sa bayan." Makailang beses siyang tumanggi pero sa huli ay ang kagustuhan pa rin ng kaibigan ang nasunod. Nagpaalam na sila sa mga magulang niya na pupunta sa bahay ni Maestro pero ang totoo ay sa bayan ang tungo nila. Si Aniyah ay nakatira sa kapatid na babae ng ina na pumanaw na. Matagal na ring patay ang ama ng kaibigan at nag-iisang anak lang ito. Sa umaga ay nasa palasyo si Aling Reta, ang tinutuluyan ni Aniyah. Isa itong katiwala sa palasyo at gabi na ito umuuwi kaya't lagi ay sa kanila tumatambay si Aniyah dahil ibinilin ito sa mga magulang niya. Malayo rin ang lalakarin papuntang bayan kaya't naghihintay sila sa tabing kalsada ng dadaan na kalesa at saka sila sasampa sa likod. Swerte nila kung hindi sila mapansin ng kutsero. Sakto namang may dumaan nga na isang kalesa agad-agad. Hinayaan muna nila itong dumaan sa harapan nila at saka hinabol iyon para makasampa. Nauna siyang nakasampa sa likod at agad na inabot niya ang kamay para mahila si Aniyah. Tumatawa pa sila nang pareho nang makasampa. Hindi sila halos gumagalaw dahil manipis na bakal lang ang napagpapatungan nila ng mga paa. Isang maling kilos lang at gugulong sila tiyak sa lupa. Nagulat pa sila nang biglang tumigil ang kalesa kahit malayo pa sila sa bayan. Sabay pa nilang sinilip ang kutsero nang bumaba ito at binuksan ang pinto ng kalesa. Maya-maya ay may bumabang napakagandang batang babae na kasing-edad lang din yata nila. " Ano po ang gagawin ninyo rito Prinsesa Iza?" Prinsesa? Diyata't napakaswerte nila nang araw na iyon at nasisilayan nila ang magandang prinsesa. " Bumalik ka na muna sa palasyo at iwan mo ako rito. Balikan mo ako pagkatapos ng tatlong oras dito sa lugar na ito." Dahan-dahang bumaba na rin sila ni Aniyah at parehong nakatulala sa kagandahang taglay ng batang iyon. " Pagagalitan ako ng reyna at hari, Prinsesa." Ngumiti ang babae saka tinitigan ang kutsero. " Umuwi ka at bumalik pagkatapos ng tatlong oras." Walang salitang sumakay nga uli sa likod ng kabayo ang kutsero at umalis. Mabuti na lang at nakababa na rin sila. Nang mawala na ang kalesa ay saka lang sila napansin ng batang prinsesa. " Sino kayo?" umatras pa ito konti palayo sa kanila. " Ako si Aniyah at siya si Selendrino. Prinsesa ka bang talaga?"  Lalapit pa sana si Aniyah para suriin ang suot na damit ng babae nang balaan sila nito. " Huwag ninyo akong sasaktan kundi malalagot kayo sa amang hari." Siya naman ay nanatiling nakatitig lang sa magandang mukha ng prinsesa. Parang may kakaibang nararamdaman ang musmos na puso niya pagkakita rito. Kumunot ang noo ng prinsesa nang mapatingin sa kanya. Nakita pa niya na parang nandidiri ito. " Bakit mo naman tinitingnan nang ganyan ang kaibigan ko, Prinsesa Ita? Ika? Ira? Ano nga ba iyong pangalan mo?" Nang-iinis na tanong ni Aniyah. Napansin din yata ng kababata ang nakakainsultong tingin ng prinsesa sa kanya. Bago pa ito nakasagot ay sabay pa silang napalingon sa paparating na kalesa. Masyadong mabilis ang takbo nu'n na para bang... lumilipad? Ipinikit at idinilat niya ang mga mata para maniguro at sa pagdilat niya ay nasa harapan na nila ang nakahintong kalesa. Biglang may bumabang babae at mabilis na lumapit sa prinsesa. " Prinsesa Iza? Ano'ng nakain mo at nagpaiwan ka rito? Hindi ka man lang nagpaalam. Hindi mo ba alam na ikakapahamak mo iyan?" " Ano ba'ng pakialam mo? Isang hamak na tagasunod ka lang naman sa palasyo," umikot pa ang mga matang sagot ng prinsesa. " Ayusin mo ang pananalita mo!" " At ano? Baka ikaw pa ang papalayasin ko sa palasyo," malditang sagot ng batang prinsesa na nagpatiuna nang naglakad papunta sa kalesa. Tahimik na nakamasid lang sila ni Aniyah. " Perfer et proles tua." Kahit mahina iyon ay narinig niya ang sinasabi ng babae na parang nagtitimpi lang. Hindi niya alam kung namamalik-mata uli siya pero parang nagliliyab ang apoy sa mga mata nito. Ano'ng lengwahe ba ang sinambit nito? " Nimwe! Gusto mo bang maglakad pauwi?" Sigaw ng batang prinsesang nakasakay na sa kalesa. Mabilis na lumapit na rin ang babaeng tinatawag nitong Nimwe nang biglang pinatakbo na ng kutsero ang kalesa. Sumilip pa ang batang babae na nakatingin sa babaeng naiwan. " Bilang parusa ay maglalakad ka pauwi." Iyon lang at iniwan na nga nito nang tuluyan ang babae. " Arrrrhhhhh!"  Nagulat pa silang pareho ni Aniyah sa sigaw na iyon ng babae na tumingala pa sa langit. Nakakapangilabot ang sigaw na iyon at bigla ay kumidlat at kumulog. Bigla niyang hinawakan ang kamay ng kaibigan at patakbong umalis na sila roon.  Pareho pa silang hinihingal ng kaibigan nang makabalik sa bahay nila. " Oh? Hindi pa ba kayo umalis? Huwag na lang muna kayong pumunta kay Maestro dahil baka uulan. Ang lakas ng kidlat at kulog pero mukhang hindi naman uulan," napapatingala pa ang nanay niya dahil sunod-sunod ang pagkidlat sa kalangitan. Nagkatinginan uli sila ni Aniyah na parehong namumutla. Nimwe.  Hindi niya makakalimutan ang pangalan ng nakakatakot na babaeng iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD